Sukdulan hanggang langit ang galit ko sa mga oras na iyon. Kung hindi pa umalis sa harapan ko si Angelica ay baka sinabunutan ko na siya. Nagpipigil lang ako kanina dahil ayokong mag-iskandalo. Matalas pa naman ang mga mata at pandinig ng mga marites sa bayan namin. Baka ilang minuto pa lang ang nakakaraan ay nakakalat na sa buong bayan ang tsismis tungkol sa dad ko, sa pamilya namin.
Namalayan ko na lang ang aking sarili na nakaupo sa mahabang sopa sa opisina mismo ni Samuel. Nakamasid lang siya sa akin, hawak ang aking kanang palad. Ramdam ko na pinilisil-pisil niya iyon.
"What's wrong, honey? Kanina ka pa walang imik. You are making me worried."
Bumuhos ang luha sa mga mata ko. Hindi ko na kasi mapigilan ang aking sarili. Gusto ko ng karamay sa mga oras na iyon. Gusto ko na may mapagsabihan ako ng aking problema, pero hindi ko alam kung sino. Hindi naman ako puwedeng pumunta sa bangko kung saan nagtatrabaho si mommy. Hindi rin puwede si Samuel dahil baka may alam ito sa pagloloko ni dad. Parang sasabog na ang utak ko sa problema.
"My god! Lea honey, what's happening?" Niyakap na niya ako nang mahigpit. "Tell me." Hinaplos niya ang likod ko at aaminin ko na medyo kumalma ako sa ginawa niya.
"Samuel..." Ang sarap sa pakiramdam na mayakap niya.
"Hmmm...?"
"I...I was there..." Hindi ko masabi ang nangyari sa labas ng hardware na pag-aari ni daddy.
"Tumawag sa akin ang dad mo. He did invite me over dinner. Nag-message naman sa akin ang mommy mo. Ano ba talaga ang nangyayari? Alam na ba nila? Lea, ayoko ng ganitong pakiramdam. Para akong kriminal na nagtatago. What's with dinner? Bakit parehas nila akong inimbita?"
"Dad wants to talk to you about something." Medyo mabuti na ang pakiramdam ko.
"Something? Ano ba 'yon?" Kumalas na siya ng yakap. Kinuha niya ang sariling panyo na naroon sa bulsa niya saka pinunasan ang aking pisngi.
"I don't know. Wala siyang sinabi sa akin." Suminghot ako.
"Then why are you crying?" Hinaplos niya ang kabila kong braso.
"Promise me you'll just keep it between us, Samuel."
"Of course, honey. Your secret will be safe with me."
"Hindi mo sasabihin sa parents ko?"
Tumango siya. "Promise."
"Angelica ang pangalan niya."
"Angelica? Who is she, honey?"
"Dad's mistress." Bumalong na naman ang luha sa mga mata ko. Hindi ko na napigilan ang aking sarili, sinabi ko na ang lahat ng nagpag-usapan namin ng babaing iyon. "Napagkamalan niya akong kabit ni dad. B*wisit siya! Hindi niya napansin na magkamukha kami ng daddy ko."
"Honey, what are you planning to do?" Hinalikan niya ang sentido ko saka hinawakan ang aking palad.
"I won't tell mommy about it." Sumandal ako sa sopa at tumingin sa labas ng glass window ng kaniyang opisina. "Masasaktan si mommy at ayokong mag-away sila ni daddy. Pero ayoko rin naman konsintihin si daddy. Gusto kong ipaalam sa kaniya na alam ko ang panloloko niya kay mommy."
Humugot siya ng malalim na buntong-hininga. "Bakit ba kasi nagawa iyon ni Fernan kay Dina," tukoy niya sa mga magulang ko.
"Honestly I don't know. Mahal naman nila ang isa't isa. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang panloloko ni dad. All of a sudden ay madalang na siyang umuwi sa bahay hanggang sa doon na siya tumira sa maliit niyang opisina."
Tumunog ang cellphone niya na naroon sa ibabaw ng office desk niya. Kasabay niyon ay narinig namin ang mga katok sa nakasaradong pinto. Agad niyang nabitiwan ang palad ko, tumayo siya para sagutin ang tawag. Pumasok naman ang sekretarya niya dala ang dalawang baso ng juice.
"Hello," dinig kong wika ni Samuel sa cellphone. "Tamang-tama ang pagtawag mo, Dina. Narito si Lea sa office. Kararating lang niya."
Matapos magpasalamat sa sekretarya ay napatingin ako sa kaniya. Napangiti ako nang kindatan niya ako. Ang guwapo niya talaga. Hindi halata na may edad na siya. Palibhasa ay maalaga siya sa katawan.
"Please tell her, Samuel na umuwi diretso sa bahay at huwag ng pumunta pa kung saan-saan."
Napasimangot ako. Naka-loudspeaker kasi ang cellpone at iyon agad ang narinig ko kay mommy. Maaga pa naman at balak ko sana na pumunta sa mall dahil naroon na si Mila. Alas kuwatro pa naman ako magsisimula magluto ng hapunan.
"Nakasimangot ang anak mo." Tumawa si Samuel matapos ilapag sa ibabaw ng mesa ang cellphone. "Balak yata maglakwatsa, e, pinipigilan mo."
Tumawa na rin ang sekretarya niya. "Atty. Sam, bantay-sarado po ng mommy niya si Miss Lea."
"Only child, e. She's very protective with Lea."
"Of course, Samuel," sang-ayon ni mommy. "Anyway, dinner is exactly at seven o'clock. You'll be there, right?"
"Oh, wait, Dina! I'll check my schedule."
"What? Nagtatrabaho ka pa kahit sa gabi?"
"Well, kapag may mga kliyente na medyo tagilid ang kaso." Inayos niya ang necktie at muling tumingin sa akin saka ibinalik ang paningin sa sekretarya. "Paki-check kung may meeting ako this evening."
"Oh nothing, Atty. Sam," tugon ng sekretarya. "Pero dapat maaga kayo bukas dahil may appointment kayo bago ang hearing."
"Iyon naman pala, Samuel," muling wika ni mommy. "So it's a yes I suppose? You'll be joining us for tonight's dinner."
"Yup! May dapat ba akong dalhin, Dina?"
"Just bring with you your girlfriend." Dinig ko ang pagtawa ni mommy.
Tumawa na rin si Samuel. "Really?" Napatingin siya sa akin at muli na naman akong kinindatan. Maigi na lang at lumabas na ang sekretarya at sarado na ang pinto.
"Yup! Si Alice, right? I heard narito siya sa bansa."
"Have I told you before that Alice and I already broke up?"
"What? Oh my bad. I thought you guys were planning your wedding already."
"Things change, Dina." Bumuntong-hininga siya.
"But of course may kapalit na siya agad, right? Ikaw pa ba mawawalan ng babae." Tumawa na naman si mommy.
Nakitawa na rin si Samuel at hindi na sinagot pa ang tanong ni mommy. Napapailing na lang ako. Ganito pala sila kung mag-usap.
Matapos ang tawag ay umupo sa tabi ko si Samuel. Nakangiti pa rin siya. Hinawakan niya na naman ang palad ko. Parang gusto kong mainis. Hanggang hawak lang siya sa palad ko at yakap. Ni halikan ako sa labi ay hindi niya ginagawa.