Nilalagay ko na ang mga gamit na kakailanganin ko bukas para sa Art Camp namin. Maaga raw kasi aalis bukas kaya dapat ayusin ko lahat ng mga gamit ko para siguradong walang makakalimutan bukas.
Napatingin ako sa salamin at kitang-kita ko kung gaano kalaki ang ngiti ko. Grabe! Dalawang araw ko makakasama si Logan!
"Makakasama ko si Logan~
Makakasama ko si Logan~
Makakasama ko si Lo--"
"Ehem. Sino si Logan?" tanong ni Papa.
"Logan? Wala lang po yun, Pa,” nakangiti kong sabi sa kanya.
Tinignan niya lang ako at pagkatapos ay lumabas na siya sa kwarto ko. Ni-lock ko agad ang kwarto ko at tumalon-talon sa kama.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at malakas na tumili habang tumatalon sa kama. Excited na ako!
Napatigil lang ako sa pagtalon nang makarinig ng sunod-sunod na katok sa pinto.
"Beth, anong nangyari sayo? Bakit ka sumisigaw?" tanong ni mama mula sa labas ng kwarto.
"May ipis po kasi dito, Ma! Lumilipad na naman na parang butterfly,” pagsisinungaling ko.
"Ay. Akala ko pa naman kung ano na nangyari sayo. Matulog ka na dahil maaga ka pa bukas!" sigaw ulit ni mama.
"Sige po, Ma. Good night!"
8:00 AM
Kararating ko lang ngayon sa school at nakita ko na yung bus na sasakyan namin. May ibang estudyante din kaming kasama pero sa section namin ay kaming dalawa lang ni Logan ang ipinadala.
"Logan!" sigaw ko nang makita ko siya. Tumingin naman siya sa akin kaya kumaway ako.
Gusto ko sanang tumakbo kaso ang bigat ng mga dala ko. Nanlaki na lang ang mata ko nang lumapit si Logan at kinuha ang mga dala kong gamit.
Napapaypay ako sa sarili ko. Ang init-init ng pisngi ko. Grabe ‘to si Logan. Umagang-umaga nagpapakilig.
Sumunod na ako sa kaniya sa bus. Papasok na sana kami nang biglang may tumawag sa kaniya.
Agad na tumaas ang kilay ko nang makita si Krisha na papalapit sa amin.
"Logan, para sayo 'to. Gawa namin ni mommy,” aniya at inabot kay Logan ang isang box ng cookies.
"Thanks," sabi ni Logan habang nakangiti.
OMG! Did Logan just smile at her? Napaka-unfair naman no’n. Never akong nginitian ni Logan ng gano’n.
"Ingat kayo," sabi ni Krisha at tumingin din sa’kin.
Pagpasok namin sa bus ay tumabi agad ako kay Logan. Hindi ko naman masyadong kilala ‘yung iba kaya bakit ako tatabi sa kanila?
Kakausapin ko pa lang sana ‘tong katabi ko pero naglagay na agad siya ng earphones.
Okay! Sabi ko nga ayaw niya ng kausap.
Isang oras na kaming nasa biyahe hanggang sa naramdaman ko na lang yung ulo ni Logan sa balikat ko.
Ang bango naman ng buhok niya. Ano kayang gamit niyang shampoo?
Napangiti naman ako nang may sumagi sa isip ko na isang magandang idea. Kinuha ko ang cellphone ko at itinutok ang camera sa aming dalawa.
"Anong ginagawa mo?" Naibaba ko agad ang cellphone ko nang biglang mag salita si Logan.
"Ha? wala. Naghahanap lang ako ng signal,” palusot ko sa kaniya.
Lumayo siya sa akin ng konti at tumingin sa bintana.
Tinignan ko naman yung mga nakuha kong pictures.
Ang gwapo niya talaga. Ang tangos ng ilong. Kahit wala siyang nilalagay sa labi niya ang pula pa rin.
Isang oras pa ang lumipas at tumigil na rin sa wakas ang bus. Pinababa na rin kami.
Namangha ako sa itsura ng buong lugar. Sobrang lawak, mahangin din dahil sa mga punong nakapalibot. May ilang bahay kubo at sa kapag pinasok pa raw ‘tong buong camp site ay may mga kwarto kung saan kami matutulog mamaya.
"Wow! Logan, ang ganda dito 'no? Tignan mo, ang ganda ng view doon!" Lumingon ako sa likuran ko at nalaman kong wala naman pala akong kausap.
Agad akong tumakbo papunta kay Logan na kasama yung ibang estudyante.
"Logan, wait lang!" sigaw ko sa kanya pero hindi siya tumigil.
Mas binilisan ko ‘yung takbo ko hanggang sa maabutan ko siya.
Napahawak ako sa braso ni Logan dahil sa sobrang pagod.
"Wait lang, Logan. Hinihingal ako," sabi ko sa kaniya. Hindi naman mahaba ‘yung tinakbo ko pero nakakapagod pa rin.
Inabutan naman niya ako tubig. Nahihiya pa akong kunin ‘yon pero binuksan niya na ‘yung bote at mas inilapit sa mukha ko.
"Thank you." Tumango lang siya at nauna na ulit sa paglalakad.
Bago mag lunch ay ipinaliwanag muna sa amin ang mga gagawin namin dito. Pinakita din sa amin kung saan yung mga kwarto na tutulugan namin.
Sa isang kwarto ay may dalawa akong kasama na estudyante rin doon sa school namin. Katabi naman ng kwarto namin ay ‘yung kila Logan.
Nang makakuha ako ng pagkain ay hinanap ko agad si Logan at nakita ko siya na mag-isang kumakain.
"Logan, sabay na tayo kumain,” sabi ko sa kanya at naupo sa harapan niya.
Bigla naman siyang tumayo.
"Tapos na ako kumain." Tinignan ko naman ang plato niya at ubos na nga ang pagkain niya.
Tsk! Ang bilis naman niyang kumain.
Pagkatapos kumain ay pinatawag kaming lahat.
"Good afternoon, students,” bati sa amin no’ng isang teacher.
"Nakikita niyo naman kung gaano kaganda ang lugar na 'to diba? So may ipapagawa ako sa inyo. Pumili kayo ng bagay na makikita ninyo dito, pwede rin namang tao at kailangan ninyo i-paint 'yon. Bukas ng umaga ay ipapaliwanag ninyo kung bakit ayun ang napili ninyo. You can start now," sabi niya sa amin.
Maganda nga ang lugar na 'to. Halos lahat ata dito ay gusto kong i-paint kaso isa lang daw ang kailangan.
Tinignan ko naman si Logan na busy rin sa paghahanap ng kunong pwedeng ipinta.
Napatitig ako sa kaniya hanggang sa biglang may pumasok sa utak ko. Meron na akong ipipinta!
Tinignan kong mabuti si Logan at sinimulan ang pagpipinta.
Lumipas ang ilang oras at medyo nabubuo na rin ‘tong ipinipinta ko.
"Mukhang masaya ka talaga at gustong-gusto mo ang ipinipinta mo, Ms. Villanueva.” Narinig kong sabi no’ng isang teacher na kanina pa pala nasa likuran ko.
Hindi ko alam kung ano sasabihin ko kaya ngumiti nalang ako. Umalis na siya at tinignan ang mga gawa ng iba.
"Ako ba 'yan?"
"Ay kalabaw!" Muntik na akong mahulog sa inuupuan ko nang marinig kong nag salita si Logan.
"So, ang gwapong mukha na 'to ay mukhang kalabaw? Mukha ba akong kalabaw?” tanong niya habang nakakunot ang noo. Gosh! Ang lapit ng mukha niya sa’kin.
"Ah oo...aray!" Ouch! Ang sakit ng pwet ko. Bigla ba naman akong binitawan ni Logan kaya natuluyan ’yung pagbagsak ko sa lupa.
Dahan-dahan akong tumayo at pinagmasdan si Logan na naglalakad palayo.
"Logan! Ang ibig kong sabihin ay oo gwapo ka pero hindi ka mukhang kalabaw!" sigaw ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung narinig pa niya ako pero ang nakakahiya ay nakatingin ang lahat ng estudyante sa akin at ‘yung iba ay natatawa pa.
Napasimangot na lang ako at bumalik sa upuan ko. Tsk! Nakakahiya!
---