"Villain"

1479 Words
ANG HALIMAW NA ITO AY HINDI NIYA MASISIKMURA. Kung hahayaan man siyang mabuhay na si Lionzo ang makakasama, mas gugustuhin niyang mamatay na lamang. BANG! Nahigit niya ang hininga nang umalingawngaw ang malakas na putok ng baril sa loob ng kwarto. Bumulagta ang babaeng nakahubad. Panibago na namang biktima. Pangatlo na iyon, pangatlong beses na rin na pumabor sa kaniya ang kapalaran. Pero sa kabila ng tatlong beses na pagkakaligtas niya mula sa kamatayan, hindi man lang siya nakaramdam ng maginhawang paghinga. Ang bigat... Mabigat sa dibdib isipin na siya ang dahilan ng pagkamatay ng ibang babae. Para iyong sumpa sa kaniya. Gaya ng dati, lumabas si Lion sa kwarto at iniwan ang nakahandusay na babaeng pinatay. Sumunod namang pumasok ang dalawang tauhan at pinagtulungang alisin ang katawan ng babae. Pagkatapos ay pumalit ang dalawang tagasilbi, sina Drew at ang bagong tagasilbi na pumalit kay Ethan. Sumunod si Mang Pablo at pinagtutulungang linisin ng mga ito ang dugo na bakas ng karahasan ni Lionzo. "Hanggang kailan ito?" bigla ay tanong niya sa matandang katiwala. Natigilan ito. Mayamaya'y mahina nitong inutusan ang dalawang naglilinis na umalis na. Bitbit ang mga gamit panglinis ay sabay na lumabas ng kwarto ang dalawang lalaki. Naiwan naman si Mang Pablo. "Kung dahil sa akin kaya niya ito ginagawa, bakit hindi na lang niya ako patayin ngayon? Bakit niya pa ako pinapahirapan kung doon lang din naman ang ako hahantong?" "Ma'am Belleza, kung gusto ka niyang patayin, dapat noon pa. Pero dahil umabot ka ng dalawang linggo sa kabila ng pagiging walang silbi mo sa kaniya, ibig sabihin..." Hinintay niyang dugtungan nito ang sinabi ngunit bumuntong-hininga lang si Pablo. "Matulog ka na." "Ilang gabi na ho akong hindi nakakatulog nang maayos dahil sa pinaggagawa niya. Binibigyan niya ako ng mga bangungot." "Magpasalamat ka na lang dahil buhay ka." Mahigpit siyang napakuyom. "Ikinulong ninyo ako, inilayo sa Tatang ko! Paano ko iyon ipagpapasalamat?" Hindi na kumibo ang matanda. Lumakad na ito patungo sa pinto ng silid. "Kung sakali bang mawala ako, titigil na rin siya sa pagdala ng babae rito para lang patayin?" Napahinto ito pero hindi lumingon sa kaniya. "Mang Pablo, kung wala siyang balak na palayain ako, patayin niyo na lang ho ako. Dahil kung hindi..." Lumunok pa muna siya bago nagpatuloy. "Ako mismo ang tatapos sa buhay ko." Mabibigat ang mga hakbang na bumalik si Mang Pablo at lumapit sa kaniya. "Belleza," seryosong sambit nito at muling bumuntong-hininga. "Huwag mong gawin iyan kung ayaw mong marami pang buhay ang mapapahamak. Ikaw lang ang babaeng nagtagal dito ng ganito. Ikaw lang ang pag-asa ko." Napatayo siya mula sa kama at hinarap ang matanda. "Pag-asa? Mang Pablo, wala nang pag-asa ang alaga ninyo. Wala siyang sakit, walang trauma, sadyang wala lang talaga siyang awa! Walang konsensya! Bakit... bakit may mga taong katulad niya? Bakit ho siya gano'n? Hindi ba siya pinalaki ng mga magulang niya sa pagmamahal? Hindi ba siya naturuan ng kung ano ang tama at mali? Wala bang... nagmamahal sa kaniya kaya siya nagkakaganoon? Ano'ng klaseng tao siya? Tao ba talaga siya? Bakit ang sama-sama niya?!" "Every villain has a backstory. Wala kang alam, Belleza kaya manahimik ka na lang. May pag-asa ka pang mabuhay nang matagal, kaya huwag mong sayangin iyon," dismayado nitong sabi at akmang iiwan na siya "Lahat naman tayo may sariling kwento," nagtatagis ang bagang na sagot niya. Napahinto ito. "May sariling dahilan kung bakit dumating sa puntong nakagagawa tayo ng mali, pero ano ba ang karapatan niyang kitilin ang buhay na hindi naman siya ang lumikha?" "Paano kung pinatay sa mismong harapan mo ang buong pamilya mo na walang kalaban-laban? Ano ang mararamdaman mo, Belleza?" Hindi siya nakasagot. Hindi niya alam... Paano nga kung sa kaniya nangyari? "K-kahit na!" mayamaya'y sabi niya. "Sapat ba na dahilan iyon para patayin niya pati mga inosente? Siguro kung masamang tao 'yon maiintindihan ko pa pero--" "Nilusob sila sa mansion sa mismong kaarawan niya. Ang simple at masayang hapunan ay naging madugong pangyayari. Pinatay lahat ng tauhan nila, walang itinira. Ang ama niya ay namatay sa pagpoprotekta sa kanila, ang kapatid niyang babae ay ginahasa at pinatay sa mismong harapan niya..." Narinig niya na kay Ethan ang tungkol doon pero hindi niya akalaing magiging ganito kabigat na marinig mula sa matandang ito ang lahat ng totoong nangyari sa pamilya ni Lionzo. Iba ang dating no'n sa kaniya, mas may emosyon at ramdam niya pati ang galit na dala-dala ng puso ni Lion. Iyon ba ang dahilan kung bakit ito nagkakaganoon? Ang bangungot ba ng nakaraan ang bumuhay ng pagiging halimaw ni Lion? Pero hindi niya pa rin maintindihan. Bakit kailangang gawin ni Lionzo ang lahat ng kahayupang iyon? "Ang kaniyang ina ay namatay sa sarili niyang mga kamay, Belleza..." "A-anong ibig mong sabihin na namatay ang kaniyang ina sa sarili niyang mga kamay?" Hindi sumagot si Mang Pablo sa tanong niya. Lalo lang siyang nalito. "Kulang ang paghihiganti para makalimutan ni Lionzo ang sakit na idinulot ng pangyayaring iyon. Hindi sapat... Kahit mapatay pa niya ang taong dahilan ng pagkawala ng lahat sa kaniya ay hindi pa rin maalis sa alaala niya ang bangungot na gabi-gabing dumudurog sa pagkatao niya." Malalim na bumuntong-hininga si Mang Pablo. Tumagos sa pader ang paningin nito habang nagpatuloy sa pagsasalita na para bang doon nito binabasa lahat ng sinasabi. "Dahil sa nangyari, pakiramdam niya ay wala siyang karapatang mamuhay nang payapa, pakiramdam niya ay wala siyang karapatang magmahal at mahalin, walang karapatang maging masaya..." Madilim ang mukha nito nang tingnan siya. "Siya ang pumatay sa mommy niya." Umawang ang bibig ni Belleza sa gulat. "A-ano pong..." "Pinatay niya ang kaniyang pinakamamahal na ina para lang maligtas ang kaniyang nakababatang kapatid. Ayaw niyang gawin pero kailangan. Kailangan niyang mamili sa pagitan ng kaniyang ina at ng nakababata niyang kapatid. Wala siyang magawa, Belleza. Desi otso pa lang siya no'n, bata pa, pero durog na. Hindi niya alam ang gagawin. Pakiramdam niya no'n, nakasalalay sa kaniya ang parehong buhay at kamatayan ng dalawa. He's torn between choosing his mother and sister, kung sino sa mga ito ang pipiliin niyang mabuhay, at kung sino ang kikitilan niya ng buhay." "B-bakit niya... iyon ginawa?" "Sinunod lang niya ang pakiusap ng kaniyang ina na protektahan ang kaniyang kapatid, kapalit ng buhay nito. Kapag hindi siya mamimili, pareho silang papatayin ng kalaban nila sa mafia. Kaya pinatay niya ang Mommy niya. Pero pagkatapos no'n, ginahasa rin at pinatay si Lucy. Ang kapatid niyang pinoprotektahan niya... ang kapatid niyang binuwisan ng buhay ng kanilang ina ay binaboy lang din at pinatay sa mismong harapan niya. Now tell me, Belleza... May mas sasakit pa ba sa pangyayaring iyon? Kung ikaw ang nasa sitwasyon niya, hindi ka ba mababaliw? Hindi ka ba maghihiganti? Hindi ka ba magagalit sa buong mundo?" Unti-unting bumagsak ang paningin niya sa sahig at wala sa sariling naluha. Pakiramdam niya kasi, siya iyong nasa sitwasyon ni Lionzo. Habang iniisip ang nangyari sa pamilya nito, at habang dinadama ang sakit na dala-dala nito sa mahabang panahon. Hindi man niya naranasan pero hindi niya maintindihan ang sarili... bakit parang puso niya ang nawawasak sa mga oras na iyon? "Alam mo bang gusto na lang din niyang mamatay kaysa mabuhay na dala ang masakit na alaalang iyon?" pagpatuloy ng matanda na ngayon ay naluluha na rin. "Ilang beses siyang nagtangkang kitilin ang sarili niyang buhay pero lagi siyang napipigilan ni Rozz. Kung hindi dahil kay Rozz na laging nandiyan para palakasin siya ay baka matagal na siyang wala sa mundo. Napakabuti niyang bata. Ako na halos ang nag-alaga at nagpalaki sa kaniya mula noon. Mabait si Lion, Belleza. Sayang. Sinayang lang ng mga taong halang ang kaluluwa ang kinabukasan ni Lion. Ang dating anghel ay ginawa nilang demonyo." Pasimple nitong pinahid ang namamasang mata. Matindi ang emosyon nito sa kadahilanang parang pamilya na rin nito si Lionzo. "Wala nang saysay sa kaniya ang buhay, Belleza. Para sa kaniya, laruan na lang ang lahat ng tao. Magkamali ka isang beses at hindi siya mangingiming tapusin ka. Sa tagal niyang ganoon, halos nasanay na kami. Hindi na bago sa amin na makita siyang nababahiran ng dugo ng iba ang sariling mga kamay. Kaya hindi ko talaga lubos maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay buhay ka pa. Ano'ng meron sa iyo, Belleza? Bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin niya tinapos?" Nag-angat siya ng tingin sa malalamlam nitong mga mata na namumula na sa luha. "A-ano ho?" "Kaligayahan niya ang pumaslang ng babaeng kahawig ng anak ng kaaway niya. Wala pang nakapagsabi sa iyo Belleza. Pero kahawig mo ang anak ng kalaban na pinaslang niya, mahigit dalawang taon na ang nakararaan. Dapat, dalawang araw pa lang, nakabaon ka na sa lupa, pero bakit... Bakit hanggang ngayon ay buhay ka pa? Bakit hindi ka niya kayang patayin, Belleza? Ano ang meron sa iyo? Anong meron sa iyo na wala sa ibang babaeng inubos na ngayon sa lupa?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD