BRIELLA'S POV
Alas kwatro pa lamang ng umaga ay gising na ako. Katulad ng sinabi ni Sir Nyx kagabi ay dapat may almusal na siya ng alas sais. Balak ko kasing ipagluto siya ng pagkain, nagbabaka sakali na sa pamamagitan no'n ay makuha ko ang loob niya.
"O Hija, ang aga mo. Hindi ba't ikaw ang bagong kasambahay?" bungad sa akin ng isang kasambahay na naghahanda na ng almusal para sa pamilya Mallari.
"Opo, ako po si Ella," pagpapakilala ko naman.
Ngumiti naman siya sa akin. Medyo may katandaan na siya at base sa suot niyang uniform ay alam kong siya ang tagaluto sa mansion.
"Ako si Linda. Hindi ka ba makatulog? Alas singko kasi kalimitan nagsisimulang magtrabaho ang mga kasambahay dito. Ako lang ang maaga dahil kailangang may almusal na bago magising ang mag-asawang Mallari," sabi pa niya sa akin.
Alanganin naman akong ngumiti. "Ako po kasi ang personal maid ni Sir Nyx. Sabi niya po sa akin kagabi ay dapat may almusal na siya ng alas sais. Balak ko po sanang magluto ng almusal niya."
Ayokong basta na lamang mangialam sa kusina dahil alam kong balwarte iyon ni Aling Linda. Kaya sinabi ko na sa kaniya ang totoong pakay ko na gusto kong magluto upang bigyan niya ako ng pahintulot na gawin iyon.
"Hija, unang una, huwag sir ang itawag mo sa kaniya, dapat ay Senyorito Nyx lalo na kapag kaharap mo ang buong pamilya. Pangalawa, hindi nag-aalmusal ang senyorito," seryosong sabi sa akin ni Aling Linda.
Kumunot naman ang noo ko. "Pero kabilin-bilinan niya po kasi," mahinang usal ko.
"Naku, lahat naman ng ina-assign sa kaniyang personal maid ay ganiyan ang ginagawa niya. Araw araw niyang pinapagising ng napakaaga pero hindi naman kakainin ang pagkain. Kaya nga walang tumagal na yaya 'yang si Senyorito."
Marahan akong napatango. Bahagya rin akong nakaramdam ng kaba dahil mukhang mahihirapan talaga akong paibigin ang lalaking iyon, lalo na at hindi pa maganda ang naging pagkikita namin kagabi. At ngayon nga ay balak niya akong pahirapan para ako na siguro mismo ang mag-resign sa kanila. Ngunit hindi ko naman hawak ang desisyon na iyon dahil kay Ma'am Callie pa rin ako nagtatrabaho. Kailangan kong magawa ang ipinag-uutos niya sa akin upang tuluyan na akong makabayad sa mga Salvador.
"Pero kailangan ko pa rin pong sundin ang utos niya, hindi ba?" tanong ko pa kay Aling Linda.
"Oo. Hala, maupo ka na lang diyan at magluluto na ako para maihatid mo na kay Senyorito."
Lumapit ako kay Aling Linda at malawak na ngumiti sa kaniya. "Ahm, pwede po bang ako ang magluto ng almusal ng Senyorito?" nahihiyang tanong ko pa.
Tumigil sa kaniyang ginagawa si Aling Linda at tiningnan ako na waring sinusuri kung seryoso ba ako sa sinabi ko. Bumuntong hininga pa siya ay bahagyang umiling.
"Hindi kita pipigilan sa gusto mo dahil hindi ko naman pag-aari itong kusina. Pero, Hija, ako na ang nagsasabi sa 'yo na mahihirapan ka sa amo natin."
"Salamat po, Aling Linda," nakangiting sambit ko.
"O siya, magsimula ka na rin."
Nagtungo ako sa may refrigerator upang tingnan ang mga pagkain doon. Tiningnan ko rin ang niluluto ni Aling Linda at mukhang heavy breakfast ito. Ang totoo kasi ay wala pa akong ideya kung anong lulutuin pero nang makita ko ang natirang kanin kagabi ay napangiti ako.
"Ah, Aling Linda, gagamitin niyo pa po ba ito?" tanong ko sa kaniya habang itinuturo ang tirang kanin.
"Hindi na. Ayaw na ayaw ng mga amo natin ng tirang pagkain."
"Sige po, akin na lang po ito."
Hindi na nagsalita pa si Aling Linda ngunit hindi nakatakas sa paningin ko ang pag-iling niya. Hindi ko na lang iyon pinansin. Mabilis akong naghiwa ng maraming bawang. Sinimulan ko nang isangag ang kanin na sinamahan ko pa ng itlog at hotdog. Bukod doon ay nagluto rin ako ng tocino at sunny side-up na itlog. Pagkatapos ay inilagay ko na ito sa plato. Nagpakulo na rin ako ng tubig at nagtimpla ng black coffee. Napangiti na lamang ako habang nakatingin sa tray na dadalhin ko sa kwarto ni Senyorito Nyx.
Mabuti na lamang at saktong alas sais ay natapos na ako. Hindi pa ako kumakain dahil naging abala ako sa pagluluto. Mamaya na lamang siguro ako kakain kapag nakaalis na ang mga amo namin.
"Akyat na po ako, Aling Linda. Salamat po," paalam ko kay Aling Linda.
"Good luck, Hija."
Napahinga ako ng malalim nang makita ko ang hagdan paakyat sa second floor ng mansion. Dahan dahan akong umakyat upang hindi matapon ang kape at nang makarating ako sa may harap ng kwarto ng amo ko ay nakakaramdam na ako ng pangangalay. Mabuti na lamang na nadaanan ako ni Ate Jenny kaya siya na ang kumatok at nagbukas ng pinto para sa akin.
Dahan dahan akong pumasok sa kwarto at agad na inilapag ang tray na hawak ko sa bedside table. Nang lumingon ako sa kama ay wala na doon si Senyorito Nyx. Gulo gulo pa ang higaan niya at may ilang damit din ang nagkalat sa sahig. Nang makarinig ako ng click ng doorknob ay lumingon ako doon. At halos manigas ako ng makitang lumabas ng banyo si Senyorito. Wala itong suot na t-shirt at tanging towel lang ang nakatapis sa bandang ibaba niya. Basang basa ang buhok niya, indikasyon na katatapos niya lang maligo.
"Enjoying the view?" nakangising tanong niya sa akin.
Mabilis akong tumalikod sa kaniya. "Ano po, ah, handa na po ang almusal niyo," nauutal kong sambit sa kaniya.
"Hmm. Ang bilis namang magbago ng mood mo. Parang kagabi lang ay halos saksakin mo na ako," narinig ko pang sabi niya.
Napakagat ako sa labi ko. Hindi pa man ako nagsisimulang magpapansin sa kaniya ay ligwak na agad ako. Sinisisi ko na tuloy ang sarili ko para isiping isa siyang magnanakaw kagabi.
Naglakad pa siya papunta sa harapan ko kaya muli akong tumalikod sa kaniya.
"Bababa na po ako, Senyorito. Tawagan niyo na lang po ako kapag may kailangan pa po kayo," ang tanging nasabi ko na lamang.
"Inuutusan mo ba ako?" hindi makapaniwalang tanong pa niya.
"Hindi po. Sinasabi ko lang po," mabilis kong sagot.
Lalakad na sana ako papunta sa may pinto ng kwarto ngunit naunahan niya ako. Isinara niya ang pinto at agad na ini-lock iyon. Halos pagpawisan ako ng malamig dahil hindi ko inaasahan iyon. Sa itsura niya ngayon ay gusto ko na lang lumabas ng kwarto niya ngunit nakaharang siya doon at ini-lock pa nga ang pinto.
"Hindi pa kita pinapaalis, Ella," malamig na sabi pa niya.
Mahigpit akong napahawak sa laylayan ng apron ko. Paiba-iba talaga siya ng mood kaya ang hirap niyang basahin. Kanina lamang ay inaasar pa niya ako at nakangisi pa. Ngayon naman ay bigla siyang sumeryoso na parang may mali akong nagawa.
Lumapit siya sa bedside table at tiningnan ang pagkain na niluto ko. Kumunot ang noo niya at muling tumingin sa akin.
"Hindi nagluluto ng ganito si Manang Linda," saad niya.
"A-ako po ang nagluto niyan," mahinang sabi ko.
Hindi inalis ni Senyorito ang tingin niya sa akin na tila sinusuri akong maigi. Isang nakakabinging katahimikan ang nanaig sa pagitan namin dahil wala rin akong lakas ng loob na magsalita pa. At ang malakas na tunog ng kumakalam kong sikmura ang nagbasag ng katahimikan. Agad akong napahawak sa tiyan ko at pakiramdam ko ay namumula na ang buong mukha ko dahil sa sobrang kahihiyan.
"Pinagtangkaan mo ang buhay ko kagabi kaya paano ako makakasiguro na safe ang pagkaing niluto mo?" walang emosyong sabi niya.
"Po?"
"Baka mamaya ay nilagyan mo ng lason ang pagkain na 'yan," sabi pa niya.
Hindi ko napigilan ang sarili kong mapairap. "Kung balak ko po talagang manakit, itinuloy ko na sana ang pagsaksak sa 'yo kagabi."
"Na hindi natuloy dahil dumating si Dad, remember?"
Napabuntong hininga ako. Akala ko ay magiging effective ang effort na ginawa ko ngayong umaga ngunit mukhang wala namang pag-asa.
"Ikukuha ko na lang po kayo ng pagkaing NILUTO ni Aling Linda," walang emosyong sabi ko rin.
Kukuhanin ko na sana ang tray ng pagkain ngunit humarang siya sa akin kaya bahagya akong napaatras. Masyado kasi siyang malapit sa akin.
"Eat it in front of me," malamig na sabi niya.
"Po?" hindi makapaniwalang sabi ko.
"Gusto kong makasiguro na walang lason 'yan. So, kainin mo ang pagkaing niluto mo."
Hindi na ako nakipagtalo pa. Lumapit ako sa bedside table at sinimulang kainin ang almusal na dapat ay para sa kaniya. Wala na akong pakialam kung nakatingin man siya habang kumakain ako. Nang makalahati ko iyon ay saka ako tumingin sa kaniya.
"Sana naman po ay napatunayan kong malinis ang konsensya ko," sabi ko pa.
"Finish it. Then you can leave," walang emosyong sabi niya bago siya muling pumasok sa banyo bitbit ang damit niya.
Napailing na lang ako. Mabuti na lang pala na hindi ako nag-almusal kanina dahil ipapakain lang pala niya sa akin ang pagkain niya. Totoo nga talaga ang sinabi ni Aling Linda na hindi kumakain ng almusal si Senyorito Nyx. Totoo rin na pinapahirapan niya ang bawat katulong na ma-assign sa kaniya.
Makalipas ang ilang minuto ay lumabas na siya at bihis na rin siya. Sakto namang tapos na rin ako kaya mabilis akong tumayo.
"Pwede na po ba akong lumabas?" tanong ko pa sa kaniya.
Tiningnan niya ang plato at saka muling inilipat ang tingin sa akin. "That will be your first task every morning. What's your number?" tanong pa niya habang nagkakalikot sa cellphone niya.
"Number ko?" hindi ko napigilang itanong.
"Yes, so I can call you whenever I need you," deretsong sagot niya.
Kinuha ko ang de-keypad na phone ko at saka ipinakita sa kaniya ang number ko. Hindi ko kasi iyon saulo dahil bibihira naman akong mag-load.
"Uso pa pala ang ganyang cellphone," nakangising sabi niya nang makuha niya ang number ko.
"Sa mga mahihirap na katulad ko, opo," sagot ko naman.
"I will go now. Make sure to clean my room. And don't put your phone in silent. I will call you later."