CHAPTER 10

1518 Words
BRIELLA'S POV "Mag-iingat ka doon, anak," paiyak na sabi sa akin ni Nanay habang tinutulungan niya akong mag-ayos ng gamit ko. Tipid naman akong napangiti. Simula kasi nang sabihin ko kay Nanay ang paglipat ko ng trabaho ay kinukumbinsi niya akong huwag nang gawin iyon. Mas panatag daw kasi siya kung sa mga Salvador pa rin ako magtatrabaho dahil araw-araw akong makakauwi ng bahay. Ipinaliwanag ko naman sa kaniya na kailangan kong tanggapin ang trabaho upang mas mabilis na makapagbayad ako at makaipon. "Huwag po kayong mag-alala, Nanay. Napakabilis lang po ng anim na araw. Lagi naman po akong uuwi dito kapag day-off ko," sabi ko pa sa kaniya. "Pasensya ka na, anak, kung ikaw ang sumakop ng lahat ng gastusin ko sa ospital. Walang wala rin kasi ang mga ate mo," malungkot niyang sabi sa akin. "Ayos lang po iyon, 'Nay. Ang mahalaga ay magaling ka na. Kaya mas doble pag-iingat ka po ha. Alagaan niyong mabuti ang kalusugan niyo at huwag na kayong magbabalak na magtinda pa. Ako na po ang bahala sa panggastos niyo dito sa bahay." Malaki ang pasweldo sa akin ni Ma'am Callie at kayang kaya na nitong suportahan ang mga pangangailangan namin kaya hindi ko na pababalikin si Nanay sa pagtitinda ng sampaguita. Ngunit gayunpaman ay hindi ko sinabi kina Ate ang tungkol sa sahod ko dahil paniguradong pati sila ay titigil na sa mga trabaho nila. Panandalian lamang ang magiging trabaho ko kay Ma'am Callie kaya balak kong mag-ipon upang makapagpatayo ng maliit na negosyo. Iyon ang balak ko sa oras na matapos ko ang kontrata namin. Wala na akong balak pang bumalik sa mga Salvador dahil alam kong magiging kumplikado na iyon kapag nangyari pa. "Sige na po, 'Nay. Kailangan ko na pong umalis dahil baka ma-late ako," paalam ko sa kaniya nang matapos kaming mag-ayos ng gamit ko. Alas singko pa lang ng umaga ngunit kailangan ko nang umalis. Ihahatid pa kasi ako ni Ma'am Callie sa mansion ng ex niya at kailangan ay nandoon na kami bago mag-alas sais ng umaga. Niyakap ako ng mahigpit ni Nanay bago kami lumabas ng kwarto. Gising na rin sina Ate na kasalukuyang mga nag-aalmusal na dahil maaga rin sila sa mga trabaho nila. "Sasabay na kami sa 'yo," sabi sa akin ni Ate Mina. Wala na akong nagawa kundi ang hintayin sila. Sabay sabay kaming lumabas ng bahay at tinahak ang daan palabas ng lugar namin upang magtungo sa sakayan. Nakahanap din kasi ng ibang trabaho si Ate Mina sa palengke kaya hindi na siya naglalabada ngayon. "Iba ka rin talaga, ano? Naghanap ka talaga ng trabaho na hindi uwian para takasan ang mga gawaing bahay," dismayadong sabi ni Ate Angel. "Hindi naman po sa ganoon, Ate Angel. Nagkataon lang kasi na mas malaki ng kaunti ang sahod ko sa nilipatan ko," pagsisinungaling ko. "So, sino ngayon ang maglalaba ng mga damit namin? Nakakapagod ang magtinda sa palengke kaya hindi na namin magagawa iyon ni Angel. Hindi naman pwedeng si Nanay ang gumawa noon dahil bawal siyang mapagod," sabi naman sa akin ni Ate Mina. "Lingguhan naman po ang uwi ko. Ako na lang ang maglalaba kapag day-off ko," ang tanging nasabi ko na lamang. Panigurado naman kasing ipagpipilitan nila ang gusto nila na ako pa rin ang gumawa sa bahay. Sanay na ako doon kaya hindi na ako nagrereklamo. Ayoko na rin kasing makipagdiskusyunan pa sa kanila. "Aba maige naman. Para may pahinga naman kami ni Ate Mina," sabat naman ni Ate Angel. Sumakay na kami ng tricycle papunta sa bayan. Ako na rin ang nagbayad ng pamasahe naming tatlo dahil wala raw dalang barya sina Ate. Sa may terminal ako nagderetso habang sina Ate ay magkasamang pumasok sa mismong loob ng palengke. Ilang saglit pa ay may humintong kotse sa harap ko at alam kong si Ma'am Callie na ito. Mabilis akong sumakay ng kotse dahil ayaw na ayaw niyang pinaghihintay siya. "Everything is set. Sasalubungin ka ni Issa sa harap ng gate ng mansion. Ngayon ka na magsisimulang magtrabaho doon at ang ibang detalye ay si Issa na ang magsasabi sa 'yo," walang emosyong sabi niya. "Okay po." Wala na akong ibang masabi kundi 'yon lamang. Itinuon ko na lamang ang atensyon ko sa labas ng sasakyan habang tinatahak namin ang daan papunta sa mansion ng ex ni Ma'am Callie. Sa oras na makapasok ako doon ay wala na talagang atrasan ito. Hindi ko rin maiwasan na isipin si Gael. Simula kasi nang iwan ko siya kahapon ay hindi pa niya ako kino-contact. Knowing him, tatawagan niya ako agad upang makausap muli. Ngunit nasaktan ko yata siya ng sobra kahapon kaya nagawa niya akong tiisin hanggang ngayon. Medyo pabor naman sa akin iyon dahil mas mabuti na rin na hindi na muna kami mag-usap. Mas mabilis niya akong makakalimutan kung puputulin ko muna pansamantala ang communication namin. Tila wala namang alam sina Jayden at Freya sa nangyari dahil tahimik din sila. Marahil ay mas pinili na rin ni Gael na huwag magkwento sa dalawa tungkol sa nangyari kahapon. "We're here," pagbasag ni Ma'am Callie sa katahimikan. Nasa harap kami ng isang malaking itim na gate. Mas mataas ito kumpara sa gate nina Ma'am Callie. At ang subdivision ding ito ay mas eksklusibo at mas prestihiyoso. Sa tingin ko ay mas mayaman ang ex ng amo ko. "You have my number so call me when you need it. Pero mas magandang kay Issa ka muna sumangguni dahil mas marami siyang oras sa 'yo. Sige na, pumasok ka na." Tumango na lamang ako at hindi na nagsalita pa. Pagkababa ko ng sasakyan ay mabilis na pinatakbo ni Ma'am Callie ang kotse niya palayo. Humarap naman ako sa malaking gate habang mahigpit na hawak ang strap ng bag ko. "Wala na talagang atrasan ito, Briella. Kaya mo 'to!" pagpapalakas ko sa loob ko. "Ikaw na ba si Ella? Pumasok ka na, bilis!" sabi sa akin ng isang babaeng lumabas sa gate. Bata pa siya na marahil ay nasa trenta anyos na. Sa palagay ko ay ito na si Issa. "Kayo po ba si Jenny?" tanong ko nang makapasok kami ng gate. "Oo, ako nga. Ate Jenny na lang ang itawag mo sa akin dahil halata namang mas matanda ako sa 'yo," sagot naman niya. Naglalakad na kami palapit sa mansion. Medyo malayo kasi ang gate sa pinakabahay. Napakalawak ng garden nila na may water fountain pa sa gitna. May mga ilang kasambahay na rin ang nagkalat at ginagawa ang mga trabaho nila. "Maagang umalis ang mga amo natin kaya bukas na kita ipapakilala sa kanila. Ihahatid na lang muna kita sa magiging kwarto mo," sabi pa ni Ate Issa. "Nandyan po ba ang ex ni Ma'am Callie?" mahinang tanong ko naman sa kaniya. "Maaga rin siyang umalis. At ia-assign kita sa kaniya dahil iyon ang bilin sa akin. Magiging personal maid ka niya pero syempre, kailangan mo pa ring tumulong sa amin sa mga gawaing bahay. Ang priority mo lang lagi ay ang mga utos ni Sir Nyx. Ito ang kwarto natin. Dito ka sa taas at ako naman dito sa baba." Malaki ang maid's quarter na may apat na double deck. Ang sa amin ni Ate Jenny ay ang malapit sa pinto. At katulad ng sinabi niya ay sa taas ako. "Sinabi sa akin ni Ma'am Callie ang kailangan mong gawin. Hindi ko lang alam kung mapapagtagumpayan mo iyon dahil ako na ang nagsasabi sa 'yo, mahirap makasundo si Sir Nyx. Diskarte mo na lang talaga kung paano ka niya mapapansin." "Iyon nga rin po ang sabi ko kay Ma'am Callie. Sinabi ko na sa kaniya na imposibleng mahulog ang loob sa akin ng ex niya dahil sa antas pa lang ng buhay, malayong malayo na kami. Hindi ko maintindihan kung bakit ako ang napili niya sa plano niyang paghihiganti kay Sir Nyx," sabi ko naman. "O siya siya, mag-ayos ka na. Nandyan na ang uniform mo. Magpalit ka na at magpunta ka sa kwarto ni Sir Nyx. Linisin mo ang kwarto niya para pag-uwi niya ay maayos ang lahat. Magtanong ka na lang sa akin mamaya kung saan ang kwarto niya. Maiwan muna kita." Lumabas ng maid's quarter si Ate Jenny kaya inayos ko na ang mga gamit ko. Kinuha ko na rin ang uniform ko at saka mabilis na nagpalit. Mabuti na lamang na may sariling CR ang kwarto namin kaya doon na ako nagbihis. Napakalaki ng mansion na ito kaya inihatid na lamang ako ni Ate Issa sa may pinto ng kwarto ni Sir Nyx. Hindi naman ito naka-lock kaya mabilis akong nakapasok. Kumunot ang noo ko nang makita ang kabuuan ng kwarto. Malaki at malawak ito ngunit kakaunti naman ang gamit. Tanging kama, mga cabinet at isang bedside table lamang ang makikita rito. Hindi rin ganoon kalinis pero hindi rin naman ganoon karumi ang kwarto niya. Wala rin akong makitang picture niya na naka-display kaya wala pa rin akong ideya kung anong itsura niya. Napailing na lang ako. Sinimulan ko na lamang ang paglilinis ng kwarto niya at mamaya ko na iisipin kung saan ba ako magsisimula sa pagpapansin sa kaniya. Bahala na mamaya pagkauwi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD