CHAPTER 6

1327 Words
BRIELLA'S POV Mabilis na lumipas ang mga araw. Linggo ngayon at ito ang araw na pupunta kami kina Freya dahil birthday niya. May kaunti raw siyang handa at kami lang ang bisita niya. Maayos na si Nanay at unti-unti nang bumabalik ang lakas niya. Ngunit pinagbawalan ko siyang bumalik sa pagtitinda dahil baka mabinat pa siya. Wala akong pasok ngayon sa mansion ng mga Salvador kaya makakapunta ako ngayon kina Freya. Halos ilang linggo ko na rin kasi silang hindi nakikita dahil pare-pareho kaming busy sa mga kani-kaniya naming buhay. Maliban na lang kay Gael na halos araw araw kong nakikita sa mansion nila. "Aba, may lakad ka yata ngayon," puna sa akin ni Ate Mina nang makita niya akong nag-aayos sa harap ng salamin na nakasabit sa may salas namin. "Linggo ngayon a. Dapat nandito ka lang sa bahay," sabi naman ni Ate Angel na kakapasok lang sa bahay. Bihis na bihis siya at kakauwi lang. Marahil ay nakipagkita siya kanina sa boyfriend niya. "E bakit ikaw, Ate Angel? Saan ka galing?" hindi ko napigilang itanong. "At anong karapatan mong tanungin ako ng ganiyan? Ate Mina, sinasagot na ako ng Ella na 'yan o," pagsusumbong pa ni Ate Angel kay Ate Mina. "Hindi ka aalis ng bahay. Bastos kang bata ka," mataray na sabi naman ni Ate Mina. Lihim akong napabuntong hininga. Pinayagan na ako ni Nanay na umalis ngayon kaya hindi ko susundin sina Ate. Palagi namang ganito ang nangyayari kaya sanay na ako. "Nahugasan ko na ang mga plato, nakapaglinis na ako ng bahay at nakapaglaba na rin. Nakapagluto na rin ako ng hapunan niyo mamaya at nakahanda na ang mga gamot na kailangang inumin ni Nanay mamaya," mahabang litanya ko habang paunti unting naglalakad palabas ng bahay. "Ano ngayon? Hindi ka pa rin aalis," sabi nqman ni Ate Angel. Malawak ko silang nginitian dahil nasa may pinto na ako ng bahay. Nakasakbit na rin kasi ang bag ko kaya pwedeng pwede na akong umalis. "Babay mga ate ko!" Pagkasabi ko no'n ay tumakbo na ako palabas ng bahay. Narinig ko pa ang mga sigaw nila ngunit hindi ko na sila pinansin pa. Nagmadali na lamang ako sa pagtakbo upang hindi nila ako maabutan kung sakali mang habulin pa nila ako. Pagkarating ko sa may labasan ay hapong hapo ako kaya tumigil ako pansamantala. Nagkataon naman na nakatambay pala doon si Rico. "Tinakasan mo na naman ang mga kapatid mo, ano," pabiro niyang sabi sa akin. Hindi kasi lingid sa kaalaman ni Rico ang mga ginagawa sa akin nina Ate. Siya kasi madalas ang nakakakita kapag inaaway ako ng mga kapatid ko. "May bago pa ba doon?" pabiro ko namang sagot sa kaniya. Napatawa naman sa akin si Rico. "Edi hindi ka na naman makakauwi niyan mamayang gabi." Sa tuwing tinatakasan ko kasi sina Ate, pinagsasarahan nila ako ng pintuan at hindi hinahayaang makapasok ng bahay kapag umuuwi ako. Isang beses na nangyari iyon ay nakita ako ni Rico. Kaya ang ginawa niya ay sinamahan niya akong magpaumaga sa 7 11 na malapit lang sa lugar namin. "Edi bukas na ako ng umaga uuwi," sabi ko naman. Simula kasi noon ay sinasadya ko nang umuwi ng kinaumagahan. Nagpapaalam na lang ako kay Nanay na makikitulog ako kina Freya. Hindi naman ako pinagbabawalan ni Nanay kaya ayos lang. Katulad ngayon, ang paalam ko ay doon ako tutulog kina Freya. "Saan ka magpapalipas ng gabi nyan?" may halong pag-aalalang tanong ni Rico. "Pwede ka namang makitulog sa amin. Doon ka sa tabi ng ate ko matutulog," pagpiprisinta pa niya. Marahan naman akong umiling. "Hindi na, Rico. Huwag mo akong alalahanin dahil may matutulugan ako. Sige na, mauna na ako. Bye!" Hindi kasi lingid sa kaalaman ko na may gusto sa akin si Rico. Hindi man niya tahasang sabihin sa akin ngunit lagi naman iyong pinaparinig sa akin ng mga tropa niya. Ngunit tanging pagkakaibigan lamang ang kaya kong ibigay sa kaniya dahil wala pa naman sa isip ko ang mga ganoong bagay. Masyado akong focus sa buhay ko na gusto kong umangat. At hindi ko rin kasi nakikita ang sarili kong mamahalin ko rin si Rico. Kaya hanggang maaari ay umiiwas ako sa kaniya upang hindi siya umasa. Mabilis akong nakasakay ng jeep. Malapit lang naman ang bahay nina Freya sa bahay namin. Isang sakay lang iyon kaya wala pang bente minutos ay nasa harap na ako ng bahay nila. Naririnig ko na ang tawanan nina Freya at Jayden. Mukhang kami nga lang tatlo ang bisita niya. May pagka-introvert din kasi itong si Freya. "Happy birthday, Freya!" sigaw ko sa may gate nila upang makuha ko ang atensyon ng dalawa. "Bruha ka!" sigaw din ni Freya at patakbong lumapit sa akin para yakapin ako. "Na-miss kita!" "Na-miss din kita. Heto nga pala. Pagpasensyahan mo na 'yan ha," sabi ko naman habang iniaabot sa kaniya ang munting regalo na dala ko. "Naku, nag-abala ka pa. Pero thank you ha," tuwang tuwa na sabi naman niya sa akin. Sumalubong din sa akin si Jayden at niyakap din ako. "Bakla ka! Kumusta ka na?" maarteng tanong pa niya sa akin. Napatawa naman ako. "Okay lang ako. Kayo, kumusta?" "Mamaya na 'yan. Kumain ka na muna. Teka, nasaan na ba si Gael?" sabi naman ni Freya habang hinihila ako papasok sa bahay nila. Nakakaluwag luwag din sa buhay sina Freya. Katamtaman ang bahay nila na purong bato, at may malawak silang garden sa harap. Nag-iisa siyang anak kaya lumaking introvert at kaming tatlo lang ang kaibigan niya. Hindi ko lang alam kung nagkaroon ba siya ng kaibigan sa school niya ngayon. "Parang hindi ka naman nasanay kay Papa Gael. Lagi namang late 'yon," sabi naman ni Jayden. Kung sa estado ng pamumuhay ay halos pantay lang sina Freya at Jayden. May isang kapatid si Jayden na mas matanda sa kaniya. Hindi pa lantad sa mga magulang niya ang kasarian niya kaya sa mga ganitong pagkakataon lamang niya nailalabas ang totoong siya. "Pero sinabi naman niya sa akin na pupunta siya," sabi ko naman. "Kumusta na pala si Tita?" pag-iiba ng usapan ni Freya. "Okay naman na siya. Basta tuloy tuloy lang ang gamot niya ay mas mabilis siyang makaka-recover," nakangiting sagot ko naman. "Mabuti naman kung ganoon. E ang mga ate mo, wala pa rin bang silbi?" tanong naman ni Jayden. Tinampal naman ni Freya si Jayden sa braso nito. "Ang bibig mo!" saway pa nito. "O bakit? Totoo naman a," depensa naman ni Jayden. Napatawa na lamang ako sa kanila. High school pa lamang kasi kami ay nakikita na nila kung paano ako tratuhin ng mga kapatid ko. Kaya nga malaki ang galit ni Jayden sa kanila dahil doon lalo na nang malaman nila na hindi tumutulong sa mga gastusin sa bahay sina Ate. "Mabuti nga at nandyan si Gael para tulungan 'tong friendship nating ito. Kung hindi, ewan ko na lang kung saan pulutin itong si Ella," dugtong na sabi pa ni Jayden. Totoo iyon. Sa halos lahat ng sigalot ko sa buhay, si Gael ang laging tumutulong sa akin. Siya ang nagbigay ng trabaho sa akin at siya rin ang tumulong sa akin upang mabayaran ang bill ni Nanay sa ospital. Though, may ambag din doon si Ma'am Callie na hindi ko alam kung nasa isip pa rin niya ang trabahong inaalok sa akin. "E ano na nga bang estado niyo ni Gael?" seryosong tanong pa ni Freya sa akin. "Estado? Kaibigan natin siya, hindi ba?" alanganing sambit ko naman. "Hay naku, Ella. Iyan ka na naman sa kainosentahan mo. Imposible namang hindi mo pa nahahalata ang totoong nararamdaman sa 'yo ni Gael? Oo, kaibigan natin siya, pero kitang kita naman kung paano ka niya tratuhin, ano," litanya naman ni Jayden. "Huwag niyo ngang bigyang malisya 'yon. Mabuting kaibigan si Gael. At 'yon lang 'yon," sabi ko naman. Ayokong bigyan ng malisya ang pakikitungo sa akin ni Gael. Maganda ang pagkakaibigan namin at ayokong masira iyon balang-araw. Magkakaibigan kaming apat at isa iyon sa pinahahalagan ko ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD