CHAPTER 7

1412 Words
BRIELLA'S POV Alas nwebe na ng gabi ngunit hindi pa dumarating si Gael. Kanina pa siya tinatawagan ni Freya ngunit hindi naman daw ito sumasagot. May tama na rin ang dalawa dahil kanina pa sila nagsimulang uminom. Ako naman ay pakonti-konti lang ang tagay dahil ayoko nang malasing. Noong unang beses kasi akong malasing ay akala ko'y mamamatay na ako kaya hindi na ako umulit pa. Nagiging mas makulit na ang mga kaibigan ko dahil nga sa tama ng alak. Halos ako na lang din ang pinapakanta nila sa videoke na bahagyang ikinatuwa ko naman. Nakakatakas kasi ako sa tagay kapag ako na ang kumakanta. "Hoy, darating pa ba si Gael? Aba, uuwi pa ako," sabi ni Jayden na nagtitingin ng kanta sa songbook. Kami lang ang bisita ni Freya ngunit sinigurado niya na makakaarkila siya ng videoke. Isa rin kasi ito sa bonding naming magkakaibigan. "Bakla ka. Dito ka na rin matulog," sabi naman ni Freya. "Hindi pwede. Hahanapin ako sa amin. At baka kung ano pang isipin ng magulang ko kapag dito ako natulog sa inyo," sagot naman ni Jayden. "Ayaw mo no'n? Baka ipakasal na talaga nila ako sa 'yo," pang-aasar naman ni Freya. Napangiti naman ako. Dahil kasi sa closeness ng dalawa, akala ng mga magulang ni Jayden na may something sa kanila. Wala pa kasi talaga kaide-ideya ang mga magulang niya tungkol sa pagkatao niya. Kaya minsan ay sinasakyan na lamang niya ang mga pang-aasar ng mga ito tungkol kay Freya. "Hindi ka ba nandidiri sa mga sinasabi mo? Ipapaalala ko lang sa 'yo, hindi tayo talo," maarteng sabi ni Jayden. "Alam mo, pasalamat ka talaga, wala ang mga magulang ko dito dahil kung hindi, kanina ka pa napauwi," sagot naman ni Freya. Isa ito sa dahilan kung bakit pinilit kong makapunta sa birthday ni Freya at mas pinili ko ring dito na magpalipas ng gabi. Halos wala kasi siyang kasama sa bahay. Ang nanay niya ay isang OFW habang ang tatay naman niya ay isang family driver na lingguhan kung umuwi. Kaya solo namin ang bahay nila ngayon. "Nalalasing na ako. Uuwi na nga ako," pag-iiba ng usapan ni Jayden. "Teka, hindi mo ba hihintayin si Gael? Baka on the way na 'yon," sabi ko naman. "Aasa ka pa ba doon? Anong oras na o? Hindi na 'yon pupunta," sabi naman ni Freya na ipinakita pa sa akin ang screen ng cellphone niya na may nakasulat kung anong oras na. "Mga bakla, uuwi na talaga ako. Nahihilo na aketch," sabi ni Jayden na tumayo na at isinukbit sa balikat ang dalang bag. "O sige na. Mag-iingat ka pauwi ha. I-message mo agad kami pagkarating mo ng bahay," bilin naman ni Freya. "Of course. Bye girls!" Bumeso pa sa amin si Jayden bago siya tuluyang umalis. May masasakyan pa naman siya pauwi sa kanila at katulad ko ay isang sakay lang din siya. Nang mawala sa paningin namin si Jayden ay humarap sa akin si Freya. "Ella, tara na sa kwarto. Nahihilo na rin ako," nakangusong sabi niya sa akin. Napatawa naman ako. "Sige na. Mauna ka na. Susunod ako sa 'yo," sabi ko pa. "Kilala kita, Ella. Magliligpit ka pa ng kalat. Naku ha, hindi ka katulong dito kaya tara na." Kilala na talaga ako ni Freya. Dahil mag-isa lang naman siya dito sa bahay ay komportable na rin akong magkikilos dito. At kada may okasyon nga ay katu-katulong niya ako sa pag-aayos at paglilinis. Kahit anong pigil niya sa akin ay wala naman siyang magawa. "Sige na, Freya. Matulog ka na doon sa kwarto mo." "Hmp. Bahala ka nga d'yan." Pumasok na sa loob ng bahay si Freya at hindi na ako nilingon pa. Napailing na lamang ako. Pinatay ko na ang videoke kaya naman nabalot ng katahimikan ang buong lugar. Hindi ko pa nauubos ang beer na binuksan ko kanina kaya bumalik ako sa pagkakaupo upang ubusin muna iyon. Habang nagmumuni-muni ay napatingin ako sa kalangitan. Napakaraming star ngayon at bilog na bilog pa ang buwan kaya napangiti ako. Wala talagang kasing ganda ang buwan sa gabing tahimik. Malamig din ang simoy ng hangin kaya kahit papaano ay nare-relax ang utak ko. Naputol lamang ang pagmumuni muni ko nang mag-ring ang cellphone ko. Nang tingnan ko kung sinong tumatawag ay hindi na ako nagdalawang isip na sagutin iyon. "Gael." "May aabutan pa ba ako?" alanganing tanong niya sa akin. Napahinga naman ako ng malalim. "Nakauwi na si Jayden, si Freya naman ay nasa kwarto na niya dahil may tama na ng alak," seryosong sagot ko. "E ikaw?" tanong pa niya. "Hmm. Abot ka pa naman sa linisin dito," pabirong sabi ko. "Actually, nandito ako sa labas ng gate." Mabilis akong pumunta sa gate para buksan iyon. Nandoon nga si Gael at nang makita niya ako ay bahagya siyang napangiti. "Kailangan ko na bang gumawa ng explanation letter kay Freya?" tanong pa niya sa akin. "Depende 'yan sa mood niya paggising niya bukas," sagot ko naman. Napakamot sa kaniyang ulo si Gael na bahagya kong ikinangiti. "Ang dami kasing nangyari kaya ngayon lang ako nakarating." "Pumasok ka muna. May beer pa dito. Pwede nating pag-usapan 'yan," sabi ko naman. "Teka, ikaw na ba ang may-ari ng bahay nina Freya ngayon?" nang-aasar na sabi pa niya. Tumaas naman ang kanang kilay ko. "Papasok ka ba o isasara ko na 'to?" mataray ko pang sambit. "Heto na nga. Papasok na." Mabilis na pumasok si Gael at naupo sa pwesto ni Jayden kanina. Inabutan ko naman siya ng beer na agad naman niyang tinanggap. "Teka, kumain ka na ba? May pagkain pa kaming natira," sabi ko pa. "I'm good, Ella. Thanks anyway," seryosong sabi naman niya. "Ano bang nangyari? Kanina ka pa namin hinihintay e." Huminga ng malalim si Gael at uminom muna siya ng beer bago magsalita. "Nagkaroon lang ng kaunting problema kay Callie. Bigla kasi siyang nawala sa resthouse kaya hinanap ko pa siya kanina." Napalunok ako nang marinig ko ang pangalan ng kapatid niya. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako pinapatulog ng trabahong inaalok ni Ma'am Callie sa akin. "Kumusta na ba siya?" ang tanging naitanong ko na lamang. "Well, sabi niya, ayos naman na raw siya. Pero hindi ko maiwasan ang mag-alala. Mahal na mahal niya si Nyx kaya imposibleng hindi na siya apektado. G*gong Nyx kasi 'yon e." Mas lalong nanuyo ang lalamunan ko nang marinig ko ang pangalang Nyx. Pakiramdam ko kasi ay isang malaking delubyo ang dadating sa akin sa oras na maka-engkwentro ko ang lalaking iyon. At hinihiling ko na huwag sanang dumating ang oras na iyon. "Pasensya ka na kung ikaw pa ang nasabihan ko nito. Kung tutuusin ay dapat birthday ni Freya ang sine-celebrate natin," dugtong na sabi pa ni Gael. "Tapos naman na ang celebration. Pero syempre, kailangan mong bumawi sa kaibigan natin. Hindi tayo nakumpleto sa birthday niya," ang nasabi ko na lamang. "Of course, babawi talaga ako. Salamat, Ella. Mabuti na lamang na nandito ka ngayon," nakangiting sabi niya sa akin. Napaiwas naman ako ng tingin. "Nandito lang talaga ako dahil dito ako matutulog," pabirong sabi ko na lamang upang gumaan kahit papaano ang paligid. "Sige na, Ella. Ayaw ko nang abalahin ka pa. Uuwi na ako dahil nandoon na sa bahay si Callie. I still need to check on her." "Nakauwi na si Ma'am Callie?" hindi makapaniwalang tanong ko. Napatawa naman si Gael sa reaksyon ko. "Oo. Isinama ko na siya dahil baka kung anong gawin niya lang sa rest house. Ang epic masyado ng reaksyon mo," sabi pa niya. Marahan akong umiling. "Sige na. Umuwi ka na. Hindi ko nga pala bahay ito kaya hindi dapat ako nagpapapasok ng kung sino sino," pagtataboy ko sa kaniya. "Kaibigan din ako ng may-ari ng bahay," sabi naman niya. "Kaso tulog na ang may-ari ng bahay. Kaya uwi na. Tsupi!" pabirong sabi ko pa. Natigilan ako nang bigla akong yakapin ni Gael. Hindi agad ako nakakilos dahil sa labis na pagkabigla. "Thank you, Ella." "Wala naman akong ginawa," alanganing sabi ko pa. "Alam mo bang gusto ko nang sugudin si Nyx, pero mas pinili kong dito pumunta. And it made me calm right now. You help me clear my mind." "Hindi ko maintindihan." Bumitaw sa akin si Gael at bahagya niyang ginulo ang buhok ko. Pinisil pa niya ang magkabilang pisngi ko kaya malakas kong tinapik ang kamay niya. "Hindi ako bata, Gael," sabi ko pa. "I know. Sige na. Magpahinga ka na rin. Aalis na ako. Good night, Ella." "Mag-iingat ka. Good night."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD