Chapter 5

1760 Words
Chapter 5 Nahigit ni Sayah ang kanyang hininga ng makita niya sa butas ang bampira. Nakataban na ito sa pinto ng kabinet at handa nang buksan iyon. H-Huwag... iligtas niyo po ako, iligtas niyo po ako. Naipikit niya ang kanyang mga mata at hinintay ang susunod na mangyayari. “Umalis na tayo,” Naidilat ni Sayah ang kanyang mga mata nang makarinig muli ng boses ng isang lalake. “May parating na vampire hunter sa lugar na ito at natunugan ang panlulusob na ginawa natin. Marami nang mga tao sa ibaba ang nakaalam kaya’t pinapuntahan na ang lugar na ito,” Iyon ang narinig ni Sayah sa lalake, mukhang katulad ng bampira sa kanyang harap ay bampira din ang lalake. “Tch- Sigurado akong may isa pang natitira na tao sa bahay na ito, hindi mo ba nararamdaman, Loris?” tanong ng bampira na kumitil sa kanyang pamilya. Hinintay ni Sayah na magsalita ang bampirang nagngangalang Loris. Hawak niya pa rin ang kwintas sa kanyang leeg at halos pigilan niya ang paghinga upang hindi makagawa ng ingay. Kahit ang pag-iisip ay ayaw niyang gawin dahil baka naririnig din ng mga ito iyon. “Tao? Wala na akong nararamdaman na tao sa buong bahay pati na sa labas, baka nagkakamali ka lang?” sagot ng bampirang nagngangalang Loris. Nang makitang binitawan ng bampirang may tattoo na bungo ang pinto ay nakahinga si Sayah ng maluwag. Narinig niya ang yabag ng dalawang bampira na nilisan ang silid ng kanyang mga magulang. Sa takot na baka bumalik ang mga ito ay nanatili si Sayah sa loob ng kabinet habang nakatingin sa duguan niyang mga magulang. Nasa sahig ang mga ito at mapuputla na ang kulay. Karumal-dumal ang sinapit ng kanyang pamilya sa kamay ng bampirang iyon. Wala itong awa na pinaslang at inubos ang dugo ng kanyang pamilya. Pati na ang dalawang kapatid niyang maliit ay hindi nakaligtas sa masamang nilalang na iyon. Hindi ako makapaniwala na nabubuhay ang ganoong nilalang sa mundong ito. Kailan pa? Kailan pa sila narito? Kung sana ay natunugan ko ito ng maaga ay inaya ko ang itay na manirahan sa bayan. Ngunit kahit na manirahan sila sa bayan ay tiyak na mahirap pa sa daga ang magiging kalgayan nila. Oo nga at sa itaas sila ng bundok nakatira. Iyon ay dahil sa kahirapan na kanilang mararanasan sa bayan. Sa bayan ay halos lahat kailangan mong bayaran. Ang tubig ay hindi libre, hindi katulad nang tubig na nakukuha nila sa bukal. Malinis at walang bayad. Hindi rin sila madalas kumain ng karne ng baboy at manok, iyon ay sa kadahilanang sobrang mahal ng mga iyon sa bayan. Halos pantatlong araw nilang pagkain ang isang buong manok. Bigas pa lamang ay hindi na biro ang presyo. Paano na ako ngayon? Napatingala si Sayah, ipinikit niya ang mga mata at umusal ng panalangin para sa pinaslang na pamilya. Naalala niya ang manok na uwi para sa kanyang mga kapatid. Halos liparin niya ang daan patungo sa bahay nila upang makauwi kaagad at maipatikim dito ang ulam nila. Sa hindi inaasahang tagpo ay isang bampira ang tatapos sa ligayang ninais niya. Kayo na po ang bahala sa akin,’ nay, ‘tay, Aki at Ani. Gabayan ho ninyo ako at bigyan ng lakas upang makayanan ko ang pagsubok na ito. Ang kulay itim na itim na mga mata ni Sayah ay umiilaw sa dilim, ang kanyang mga mata ay nanlilisik habang inaalala ang nangyaring pamamaslang sa kanyang pamilya. Ang sigaw ng kanyang mga kapatid at ang harap-harapang pagpatay ng bampira sa kanyang mga magulang. Naalala niya ang mga pangako sa kanya ng maliliit na kapatid, nais ng mga itong makapagtapos ng pag-aaral upang maturuan siya sa pagbibilang nang hindi na siya niloloko ng mga tao na bumibili sa kanya ng mga basahan. Ang ngiti at tawa ng mga ito ang nagbibigay sa kanya ng pag-asa upang magpatuloy. Nakagat ni Sayah ang pang-ibabang labi at tahimik na umiyak. Pinunasan niya ang luha sa magkabilang pisngi at tinignan ang kwintas na isinuot sa kanya ng kanyang ina. Hindi po masasayang ang sakripisyo niyo para mailigtas ako, ‘nay. Mabubuhay po ako, pipilitin ko para sa inyo. Magiging mahirap ang mga susunod na araw para sa kanya ngunit sisiguraduhin niya na hindi siya magpapagapi sa problema. Hindi lumabas si Sayah ng kabinet dahil sa takot na baka bumalik ang mga bampira. Natatakot siyang baka mamaya ay bigla na lamang lumiyaw muli ang mga ito. Nang magtagal ay hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Yabag ng isang tao ang nakapagpagising sa kanya at muli niyang natutop ang bibig nang makarinig ng mga papalapit na yabag. B-Bumalik sila? Ang mga yabag mas lumapit at nang huminto ito ay dahan-dahan na sinilip ni Sayah ang butas sa pinto ng kabinet. Nakita niya ang isang lalake na matangkad . Umupo ito at tinignan ang bangkay ng kanyang mga magulang. Nang umikot ang paningin ay hindi napigilan ni Sayah na mapasiksik dahil ang mga mata ng lalake ay tumigil sa harap ng kabinet. Iligtas niyo po ako, parang-awa niyo na... Huwag niyo pong hayaan na mapaslang ako ng mga halimaw na ito. Ang mga mata ng lalakeng bagong dating ay natuon sa kabinet at mula sa maliit na butas ay nakikita ito ni Sayah. Naglakad ang lalake sa harap ng kabinet, tinignan nito ang kabuuan. May hinugot ito sa gilid at nang makita niya iyon ay nagulat siya. Iyon ay kwintas na parang bawang. Iyon ba ang dahilan kaya’t hindi siya maamoy ng bampira kanina? Nang may hinugot pa itong muli at nakita niya pa ang kulumpon ng bawang na taban nito. “Nahuli ako ng dating,” Narinig niyang wika ng lalake. Akala ni Sayah ay aalis na ang lalake ngunit inayos nito ang bangkay ng kanyang mga magulang. Nilinisan nito ang lugar. Hindi pa rin siya umaalis sa loob ng kabinet sa takot na baka isa ito sa kasamahan ng mga bampira. Nang umalis sa loob ng silid ang lalake ay nakahinga siya ng maluwag. Akala niya ay aalis na ito ngunit nakarinig ulit si Sayah ng yabag at nang silipin niya sa maliit na butas ang lalake ay nakita niyang hawak nito sa magkabilang kamay ang kanyang mga kapatid. Parehas na itong walang buhay. “A-!” Natutop ni Sayah ang kanyang bibig ng maibulalas iyon, tatawagin niya sana ang pangalan ng kapatid na si Ani at Aki ngunit kaagad niyang napigilan ang sarili. Ang pagbaba ng lalake sa bangkay ng dalawa niyang kapatid ay nahinto at napatingin itong muli sa direksyon niya sa loob ng kabinet. Nang maibaba nito ang dalawang bata ay nag sign of the cross ang lalake at pagkatapos ay tinakluban ng kumot mula sa kama ang bangkay ng kanyang pamilya. N-Nag sign of the cross ito, ibig sabihin ay hindi ito bampira. Kung ganoon? Naalala ni Sayah ang sinabi kanina ng isang bampira. “May parating na vampire hunter sa lugar na ito at natunugan ang panlulusob na ginawa natin. Marami nang mga tao sa ibaba ang nakaalam kaya’t pinapuntahan na ang lugar na ito,” Kung ganoon ay isang vampire hunter ang lalakeng ito! Napagawi ang tingin ni Sayah sa baril na nasa baywang ng lalake. Sa kabila rin ay may baril ito na kakaiba ang hugis. Kulay pula ang isang baril nito at ang isa naman ay itim na itim. “Kung napaaga ako ay hindi niyo sasapitin ang ganito,” Narinig niyang wika ng lalake. Ang mga luha sa mga mata ni Sayah ay hindi tumitigil sa pagtulo. Hindi niya alam kung paano na siya mabubuhay ngayon at kung saan siya titira. Nakita niya kanina ang harapan ng bahay nila at mukhang nasira na iyon ng tuluyan dahil sa dalawang bampira na dumating. Nang maalala niya ang hiyaw ng mga kapatid at ang pagmamakaawa ng kanyang mga magulang ay nakagat niya ang ibabang labi. Hindi niya mapigilan ang sarili nang makaramdam nang sobrang galit. Kailangan niyang maging malakas, Kailangan niyang maging matatag sa mga susunod na araw. Ipaghihiganti niya ang kanyang pamilya sa mga bampira. Hahanapin niya ang bampirang may tattoo na bungo sa leeg at pagbabayarin niya ito. Pahihirapan niya ito hanggang sa ito na ang magmakaawa na paslangin niya. Nang marinig ni Sayah ang yabag ng lalake ay napatingin muli siya sa maliit na butas. Ngunit ang pagtingin niya ay nauwi sa pagkabuwal sa loob ng kabinet dahil sa gulat. Nasa harap na muli ng kabinet ang lalake! Hawak na nito ang baril na itim at nakatutok iyon sa kinalalagyan niya. Ang isang kamay nito ay nakataban na sa pinto ng kabinet. H-Hindi... Nang hitakin nito ang pinto ng kabinet ay malakas iyon na bumukas. “Isang bata?” Tanong ng lalake habang nakatingin sa kanya. Kaagad na bumaba si Sayah sa kabinet at lumuhod sa harap ng lalake. “H-Huwag niyo po akong papatayin, m-maawa na po kayo!” sabi niya habang halos halikan na ang sahig ng silid. “Paanong nangyari na hindi ka nakita ng mga bampira, bata?” Nang marinig ni Sayah ang salitang bampira ay nakagat niyang muli ang pang-ibabang labi. Sa sobrang diin ay dumugo iyon at tumulo ang dugo mula sa kanyang baba. “Anong nangyari dito, bata?” Nang mag-angat si Sayah ng tingin ay direto siyang tumingin sa lalake habang nagtatagis ang kanyang bagang. Matinding galit ang kanyang nararamdaman. “Pinaslang... ang pamilya ko ng isang bampira. Walang awa nitong pinatay ang dalawa kong mga kapatid,” Kahit na patuloy sa pagtulo ang luha ni Sayah ay hindi niya iyon pinupunasan. Ang dalawa niyang kamay ay nakatukod sa sahig habang nakatingala sa lalake. “Ang aking mga magulang ay pinaslang sa aking harapan, dito mismo sa silid na ito habang nasa loob ako ng kabinet. Nakita ko kung paano sila pinatay ng bampirang may tattoo na bungo sa leeg.” “Ako ang nag-iisang natira,” Ang mga mata ni Sayah ay nag-aapoy at puno ng galit habang nakatingin ito sa lalake. “Ako lang, at ang pamilya ko ay pinaslang at inubos ang dugo bago umalis ang bampira na ‘yon.” “Kaya nakikiusap ako, huwag niyo po akong papatayin," “Huwag niyo po akong patayin,” sabi ni Sayah habang diretsong nakatingin sa lalake. “Hayaan niyo akong mabuhay, kailangan kong mabuhay.” Ang pamilyang minahal niya at inalagaan, isinakrispiyo niya ang pag-aaral para matulungan, hindi niya alam na sa ganito hahantong ang lahat ng paghihirap niya. “Papatayin ko silang lahat, uubusin ko ang mga bampira. Wala akong ititira kahit isa man sa kanila.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD