Chapter 6
“Papatayin ko silang lahat, uubusin ko ang mga bampira. Wala akong ititira kahit isa man sa kanila.”
Ramdam na ramdam ni Zico ang pagkamuhi sa boses ng maliit na batang babae sa kanyang harapan. Ang itim na mga mata nito ay nakikitaan niya ng determinasyon upang paslangin ang bampirang kumitil sa buhay ng pamilya nito.
The child’s lower lip is bleeding and she’s shaking not in fear but in range. Ang pagdurugo sa labi ng batang babae ay hindi nito alintana dahil sa nararamdamang galit.
“Anong oras nangyari ito?” tanong ni Zico sa bata.
Umiling ang batang babae at nakita niya kung paano kumuyom ang mga kamao nito. Sinilip nito ang pamilya nito na wala nang buhay sa kanyang likuran at umiling muli.
Tumingin ang batang babae sa oras sa loob ng silid kung nasaan sila at pagkatapos ay yumuko. Umupo ito buhat sa pagkakaluhod at pagkatapos ay pinagsalikop ang dalawang kamay.
“Limang o-oras ho, limang oras na ang nakakalipas. Hindi ako lumalabas sa loob ng kabinet dahil sa takot na bumalik ang mga halimaw na ‘yon.” Sabi ng batang babae.
Hindi sana iyon mangyayari kung wala siyang nakasalubong na mga bampira habang naglalakbay papunta sa 3rd district. Masyado na ring isolated ang lugar kung nasaan ang bahay ng mga ito at nahirapan siya upang matunton ang kinaroroonan ng mga bampira.
“Zico,”
Napatingin si Zico sa pinto at nakita niya ang kanyang anak na si Xen. Ang mga mata nitong walang emosyon ay napunta sa batang babae na nakaupo sa sahig.
“Kailangan nating ilibing ang iyong pamilya ngayong gabi, bata. Bukas ay lilibutin namin ang buong lugar ninyo upang masigurado na wala nang bampira ang nagpapagala-gala rito.” Sabi ni Zico.
Nakita niyang pinunasan ng batang babae ang pisngi nito at dahan-dahan na tumayo. Nang bigla itong mabuwal ay tutulungan na sana niya itong tumayo nang magsalita ito.
“Kaya ko na ho,”
Para sa edad ng batang babae, ang mawalan ng pamilya ay sobrang sakit. Kailangan nitong harapin ang realidad at maging matatag para sa sarili. Alam ni Zico ang pakiramdam na iyon dahil isa rin siyang ulila.
Nakikita niya sa mga mata ng batang babae ang sakit at pangungulila sa pamilya nito. Siguradong hindi biro ang sakit na pinagdaanan nito kanina habang naririnig kung paano pinapaslang ang pamilya.
Naranasan ko rin ito noon, pero kailangan mong maging matatag bata. Nakikita kong determinado kang maghiganti sa mga bampira.
Sabi ni Zico sa kanyang isipan habang nakatingin sa batang babae na nasa harap na ng pamilya nito.
“Magkikita rin po tayo, ‘nay at ‘tay...”
“Kayo din Aki at Ani, ipagpatuloy ninyo sa langit ang pag-aaral ha? Huwag kayong maging pasaway kay Jesus doon. Kasi kapag naging pasaway kayo ay baka ibalik kayo dito sa lupa,”
“Magiging ligaw na kaluluwa kayo niyan. Malalayo kayo kila nanay at tatay.”
Sabi nito habang isa-isang hinahawakan ang bangkay ng pamilya nito. Naramdaman ni Zico ang sakit sa bawat salita ng batang babae. Kaagad na pumasok sa kanyang ala-ala ang imahe ng ama at ina habang pinapaslang sa harapan niya ng mga bampira.
“Tumakbo ka na, Zico! Alis na!” sigaw ng kaniyang ina.
“’Nay hindi po, hindi ko kayo iiwan!” sabi ni Zico ngunit itinulak siya ng kanyang ina.
“Huwag mo na kaming alalahanin, Zico! Mabuhay ka at maging malakas! Tulungan mo ang lugar natin- ah!!” sigaw nito at nagtatakbo pabalik sa loob ng bahay ngunit napahinto rin nang may humarang dito na bampira.
Nakita ni Zico kung paano baliin ng bampira ang leeg ng kanyang ina. Ang sumunod na nangyari ay ikinahiyaw niya. Kinagat ng bampira sa leeg ang mahal niyang ina at nang wala na itong makuhang dugo ay basta itinapon na lang.
“Zico, alis na! Umalis ka na, anak!” umiiyak na boses ng kaniyang ama habang hawak ito ng dalawang bampira.
“Alis!!!”
“Alis na!!!”
Mabilis ang naging pagtakbo ni Zico, ang nasusunog na bahay nila ay unti-unting nagiging malayo na at ang hiyaw ng mga magulang ay hindi na naririnig pa.
“Isinusumpa ko, sa lahat ng Diyos. Papatayin ko ang mga bampira, lahat ng bampira!” sigaw niya habang lumuluha.
“Sino siya, Zico?” tanong ni Xen ang kanyang anak na lalake.
“Nadatnan ko lang ang batang iyan dito. Muhang siya ang natira sa kanilang pamilya.” Sagot niya sa anak.
Hindi siya nito madalas tawagin na Dad dahil sa kadahilanan na madalas silang magtalo. Maliit pa lang kasi si Xen ay ang goblin na alaga nila ang nagpalaki dito at hindi siya. Kinailangan niyang maglakbay upang iligtas ang mga village sa mga bampira at dahil doon ay hindi siya nakilala ni Xen.
Pitong taong gulang na ito nang bumalik siya sa Vantress.
Ang Vantress ay ang lugar ng mga vampire hunters. Dito namamalagi ang iba’t-ibang guild na may layuning pumatay ng mga masasamang bampira. Mga bampira na nananalakas sa mga kalapit bayan at mga kastilyo.
Alam ni Zico na hindi lahat ng bampira ay masama, minsan na siyang dumalo sa pagpupulong ng council. Ito ay binubuo ng iba’t-ibang nilalalang na naninirahan sa lost world.
Wizards, Vampires, Fairies, Vampire hunters, Tribes at iba pang mga may mataas na katungkulan sa Lost world. Ang tumatayo namang leader ng Vampire hunters na kabilang sa council ay ang kanyang uncle na si Kizo. Si Kizo ang kumuha sa kanya at nagalaga.
Ito rin ang tumulong sa kanya upang maging isang vampire hunter. Katakot-takot na pagsasanay ang pinagdaanan niya sa kamay ng kanyang tiyuhin. Akala niya noon ay bampira ang papaslang sa kanya, no’n pala ay mga kamay ng tiyuhin niya dahil sa hirap ng pagsasanay na ibinibigay nito araw-araw.
“Hindi siya naamoy ng mga bampira? Imposible. Saan mo siya natagpuan, Zico?” tanong ni Xen habang ang mga mata ay nasa batang babae pa rin.
Siya rin ay nagtataka kung bakit hindi ito naamoy ng mga bampira na lumusob sa bahay na ito. Tiyak na kahit walang dugo ang bata ay maaamoy ito ng bampira dahil sa talas ng pakiramdam ng mga ito.
“Diyan, sa loob ng kabinet. Kailan mo ba ako tatawaging Dad, huh Xen?” tanong niya habang iritadong tumingin sa anak.
Hindi naman siya sinagot ng anak at tiningnan lamang nito ang kabinet na itinuro niya. Lumapit ito sa kabinet at tiningnan ang loob no’n. Nang makita ang mga bawang na nasa sahig ay pinulot nito ‘yon.
“Nakita ko ‘yan sa palibot ng kabinet,” sagot niya sa anak.
“Ngunit sigurado akong hindi ‘yan ang nagligtas sa batang babae. Hindi takot ang mga bampira diyan. Masyado nang luma ang bawang pangontra sa kanila.” Sabi ni Zico at muling tumingin sa batang babae na nakapikit at sa tingin niya ay umuusal ng panalangin para sa pamilya.
“Alam ko, kung sinabi mong dito sa loob ng kabinet lang namalagi ang batang iyan at hindi naamoy ng mga bampira ay tiyak na may kakaiba sa kanya,” sabi ni Xen at pagkatapos ay tumingin sa kanya.
“Tingnan mo,” itinuro ni Xen ang sahig at nakita niya ang ilang patak ng mga dugo roon.
“Mukhang muntik na siyang matagpuan ngunit hindi lang natuloy. Ang mga patak ng dugo ay narito sa tapat ng kabinet, mukhang galing ang mga patak ng dugo na ito sa bampirang pumaslang sa kanyang pamilya.” Sabi ni Xen at ginamit ang daliri nito upang salatin ang dugo.
Pinagkiskis nito ang hintuturo at gitnang daliri sa hinlalaki nito at pagkatapos ay inilapit sa ilong ang kamay.
“Zico, may galos ang bampira nang pumunta rito sa bahay.” Sabi ng kanyang anak at bigla na lang nitong nilibot ang buong silid.
“Naaamoy ko ang pinaghalong dugo ng tao at ng bampira sa dugong nasa sahig, mukhang nasugatan ito ng isang tao bago makarating sa bahay na ito.”
Napabuntong hininga si Zico sa nakikita niya sa kanyang anak. Ganito na ito simula nang umuwi siya. Ang kwento ng kanyang tiyo na si Kizo ay madalas sumasama si Xen dito upang magtraining at mag-aral tungkol sa iba’t-ibang klase ng dugo ng mga nilalang sa lost world.
Hindi na siya nagtaka na sa murang edad ay marami na itong nalalaman tungkol sa mga bampira.
“Bata, tapos ka na ba?” biglang tanong ni Xen sa batang babae na nakatalikod sa kanila.
Nang humarap ang batang babae ay wala na ang inosenteng mukha na nakita niya dito kanina nang magmakaawa itong huwag niyang paslangin.
Ganitong-ganito ako noon, hindi ko pa rin nakakalimutan ang araw na pinaslang ang mga magulang ko ng mga bampira.
“Ano ang tawag sa inyo?” tanong ng batang babae.
Tumingin si Zico kay Xen at si Xen ay nakatingin lamang sa batang babae.
“Pumapatay kayo ng mga bampira hindi ba? Kung pumapatay kayo ay sasama ako sa inyo, isama ninyo ako.”
Napahalukipkip si Zico sa sinabi ng batang babae. Ang itim na itim na mga mata nito ay diretsong nakatingin sa kanya. Ang maliit at may kapayatan nitong katawan at nakatayo ngayon sa harap niya habang hindi nagpapasindak sa kanyang tingin.
“Alam mo ba ang sinasabi mo, bata?” tanong ni Xen dito.
Lumapit ang kanyang anak sa batang babae at pagkatapos ay itinuro nito ang ulo. Nagulat si Zico at napahilot sa kanyang sintido dahil sa ginawa ni Xen. Ito ang palagi niyang itinuturo sa kanyang anak, matuto itong gumalang ng mga babae.
“Hindi ka maaaring sumama sa amin, hindi kami nagsasama ng mga mahihinang nilalang.”
Pumagitna si Zico nang makita niyang sasagot ang batang babae. Tumingin siya sa orasan na nakasabit sa gilid ng silid at nang makitang mag-aalas dose na ay lumapit siya sa pamilya ng batang babae.
“Kailangan nang mailibing ang iyon pamilya bago pa sumapit ang alas tres ng umaga. Kailangan naming umikot-ikot sa bayan para masiguradong walang bakas ng mga bampira.” Sabi ni Zico at una nitong binuhat ang katawan ng ama ng bata.
Dahil sa may kalakihan na din ang kanyang anak na si Xen ay ito na ang nagbuhat sa dalawang bata at dinala sa ibaba ng bundok kung saan nila ililibing ang mga ito.
Nang maibaba na ang mga bangkay ay nagsimula namang maghukay si Zico at si Xen habang ang batang babae ay nakamasid lang sa mga ito. Ang mga mata itim na mata nito ay nakatingin lamang sa kanila habang naghuhukay.
“Bakit hindi ka tumulong? Pamilya mo ito?” tanong ni Xen sa batang babae.
“Xen,” suway naman ni Zico sa anak.
Madalas ay hindi talaga marunong makiramdam ng sitwasyon ang anak niya kaya’t palagi itong napapagalitan ng kanyang tiyo Kizo.
Nang tumayo mula sa pagkakaupo ang batang babae ay tumulong ito sa paghuhukay. Ginamit nito ang nakuhang matulis na kahoy sa gilid at nagsimula nang maghukay.
Alam ni Zico kung gaano kahirap para sa bata ang ginagawa nito ngayon, ngunit kailangan nitong tiisin.
Sa murang edad ay naranasan nitong maghukay ng libingan ng pamilya nito. Hindi lang dalawa sa pamilya nito ang pinaslang. Kung hindi apat. Lahat sa pamilya nito ay kinuha ang buhay ng mga bampira.
Nang makatapos silang maghukay ay nagawi ang tingin ni Ziko sa batang babae.
“Bata-
Nakatulala ito habang nakatingin sa maliwanag na buwan Natigilan siya nang makita ang mga mata ng bata babae. Ang itim na mga mata nito ay tinatamaan ng liwanag na nanggagaling sa buwan at kitang-kita niya ang pagkamuhi roon.
Parang itim na apoy ang nakikita niya sa mata nito.
“Kailangan nating bilisan, Zico.” Sabi ni Xen at dahan-dahan na inilagay ang katawan ng batang lalake sa isa sa mga libingan.
Napabuntong hininga si Zico sa itinawag sa kanya ng anak. Kahit ata mamamatay na lang siya ay hindi pa niya ito maririnig na tawaging siyang, Dad.
Nang mailagay nila sa lahat ng hukay ang katawan ng pamilya ng batang babae ay tinabunan nila iyon isa-isa. Nang matapos ay naglagay sila ng mga bato sa palibot at nagtulos ng kahoy sa bawat puntod.
Ipinikit muli ni Zico ang mga mata at pinagdikit ang mga palad. Umusal siya muli ng panalangin sa mga nasawing bangkay.
Nang imulat niya ang mga mata ay nakita niya ang batang babae na muling nakatulala sa malayo.
“Iwan na natin iyan, Zico. Magiging sagabal ang batang ‘yan sa misyon.” Sabi ni Xen sa kanya.
Nang maalala ang misyon at si Xen ay napaharap siya sa anak. Nanlilisik ang mga mata na tumingin siya rito ngunit nanatili pa rin ang mga walang emosyong mga mata nito na nakatingin sa kanya.
Kahit ata ano ang kanyang gawin ay hindi na magbabago ang mga mata nito!