Chapter 05: Palugit

1750 Words
Chapter 05 THIRD–PERSON POV AGAD na napayuko si Enna nang maramdaman niya ang titig ng matanda. Hindi puwede. Kahit isang segundo lang ng pagkabigla, baka may mapansin sa mukha niya. Halos isang taon din siyang nagtrabaho noon sa mansiyon ng mga Hayes, sa probinsiya ng kanyang Papa. Malabong makilala siya nito ngayon. Iba na ang Enna na ’yon. At saka… sadako nga siya noon, ’di ba? Iyon ang palagi niyang naririnig kay Uno—scary, ugly, fatty monster. Tawa pa ito nang tawa sa tuwing uutosan siya, parang biro lang ang lahat. Hindi siya nasasaktan noon. Dahil may lihim sa pagkataong iyon, kaya tinanggap niya ang bawat lait, bawat tawag ni Uno sa kanya. Mabilis siyang humakbang palayo. Ramdam niya ang pagsunod ng mga mata ng matanda sa likod niya, mabigat, mapanuri. Hindi na siya lumingon. Halos patakbo na siyang dumiretso sa elevator, hininga’y pigil, dibdib ay kumakabog. Sa likod niya, sumenyas ang matanda sa isang bodyguard. Tahimik na utos, sundan mo. Pagkatapos, pumasok ito sa opisina ng apo niyang si Uno. Sa loob, nagkunwari si Uno. Nakatuon ang mata sa mga papeles, seryoso ang mukha, parang abalang-abala. Alam na niya ang sadya ng lolo niya. Alam na niya ang linya. Mag-aasawa ka o wala kang mamanahin. Paulit-ulit. Araw-araw. Para bang sirang plaka. Sa isip ni Uno, parang baliw na ang matanda sa kakahanap ng mapapangasawa niya. Audition dito, interview doon, parang ang kasal ay kaning isusubo lang. Kapag napaso, iluluwa. Hell no. Allergic siya sa salitang kasal. Para sa kanya, disaster waiting to happen iyon. Masaya siya sa pagiging single. Or maybe… iyon ang sinasabi niya sa kanyang sarili. May isang gabi, limang taon na ang nakalipas, na ayaw pa ring mabura sa alaala niya. Isang gabi lang, pero malinaw pa rin ang pakiramdam. The softness of her skin, the warmth that felt unreal, the way the world seemed to narrow to just that moment. Hindi niya maalala ang mukha. Naka–half mask lang ang natatandaan niya. At ang black rose na iniwan nito sa kanya. Hanggang ngayon, pinapahanap niya ang babaeng ’yon. Hanggang ngayon, wala pa ring sagot. Bumukas ang pinto. Nagtagpo ang kilay ng matanda. “Huwag mo akong lokohin,” bungad nito, may bigat ang bawat salita. “Sa tingin-tingin mo sa papeles? Umabot na naman sa akin ang balita, nasa club ka kagabi. Ano ba talaga ang balak mong gawin sa buhay mong bata ka? Mamulot ng pokpok?” Napatuwid si Uno. Binitawan niya ang papel. “Lo—” “Kapag napuno ako sa’yo, bata ka,” putol ng matanda, kumalabog ang tungkod sa sahig, “ipapa-asawa talaga kita sa pamangkin ni Magda.” Nanlaki ang mga mata ni Uno. Takot at pandidiri ang sabay na dumaan sa mukha niya. “No way. That—” napahinto siya, napalunok, “that scary, ugly, fatty monster?” Lumapit ang lolo niya at walang babala, pinalo siya ng tungkod. “Pintasero!” sigaw nito. “Malay mo gumanda na ang batang si Rosa!” “Lo!” salag ni Uno, umatras habang pilit iniiwasan ang sunod-sunod na palo. “Ang gwapo ko, hinahabol ng chicks, tapos iyon pa talaga ang naisip mo?” Isa pang hampas. Isa pang sigaw. Sa opisina, nagbanggaan ang henerasyon, ang matigas na paniniwala ng matanda at ang pag-iwas ni Uno sa isang kapalarang ayaw niyang harapin. Ito ang ayaw ni Uno kapag kausap ang lolo niya. Hindi puwedeng walang pisikalan. Totoong nananakit. Kahit may edad na, matapang pa rin ang kamay. Sabi nga nila, kahit ang tatay niyang si Knoxx napipingot pa rin noon, at hanggang ngayon, takot din sa mommy Bella niya. Sa labas, sa may elevator, huminga nang malalim si Enna. Hindi niya alam na ang pangalang binanggit sa loob, Rosa, ay matagal na niyang iniwan. At hindi rin niya alam kung gaano na siya kalapit sa lalaking minsan nang tumawag sa kanya ng halimaw. Pagbukas ng elevator, agad na sumakay si Enna. Tahimik, pero alerto ang bawat ugat ng katawan niya. Ilang segundo pa lang ang lumilipas nang may pumasok na isang lalaki kasunod niya. Hindi niya ito nilingon. Hindi rin siya nagpahalata. Pero sa loob-loob niya, naka-ready na ang reflexes. One wrong move, malamig niyang naisip, bali ang buto mo. Tahimik ang pababa. Ang tunog lang ng elevator at ang mabigat na presensiya ng lalaking nasa likod niya. Ramdam niya ang tingin nito, pero hindi siya nagpakita ng kahit anong kaba. Nang bumukas ang elevator sa ground floor, siya ang unang lumabas, mabilis pero hindi nagmamadali. Hinayaan niyang sumunod ang lalaki hanggang sa main exit. Paglabas na paglabas, agad siyang pumara ng taxi. Walang lingon-lingon, sumakay siya at isinara ang pinto. Saka lang siya huminga nang malalim. “Kuya, sa bakery muna,” sabi niya sa driver. “’Yong may choco moist.” Naalala niya ang ngiti ni Dray tuwing may dalang chocolate cake. Doon lang bahagyang lumambot ang mga balikat niya. Para sa’yo ito, bulong niya sa isip, kahit magulo ang mundo. SA opisina. Hindi pa rin tumitigil ang matanda. “Te digo, Uno,” mariing sabi nito, kumakabog ang tungkod sa sahig. “Hanggang kailan ka ganyan? Ayaw mong mag-asawa, ayaw mong tumino. ¿Qué clase de hombre eres?” Napabuntong-hininga si Uno, pinipigilan ang sarili. “Lo, busy ako—” “Busy?” singhal ng matanda. “Busy sa club? Busy sa babae?” Bigla itong napatigil, napakunot-noo. “Sino ’yong babaeng lumabas kanina?” Tumaas ang kilay ni Uno. “Ha? Anong babae?” “’Yong nakita kong lumabas kanina,” giit ng lolo. “Parang nakita ko na somewhere else.” Nag-isip si Uno, sandali lang, tapos biglang nagsalita, halos pasaway ang tono. “Baka babae mo ’yon, Lo.” Isang palo agad ng tungkod. “¡Carajo!” sigaw ng matanda. “Sagutin mo ang tanong ko! Girlfriend mo?” Bago pa makapagsalita si Uno, sumingit si Romy, very confident, very wrong timing. “Oo,” sabi nito, tango-tango pa. “Isa sa chicks ni bossing. Nag-away sila kasi nakikipaghiwalay si bossing—” Hindi pa natatapos ang sentence. Isa na namang palo ang bumagsak kay Uno. “¡Siempre!” galit na galit ang matanda. “You always make women cry! Irresponsable! Wala kang ginawa kundi manakit ng babae. ¡Vergüenza!” Napapikit si Uno, panga’y mariing nagdikit. Dahan-dahan siyang lumingon kay Romy, matalim, at may babala ang tingin. Nanggigil ako, malinaw sa mga mata niya. “Dalhin mo ang babaeng ’yon sa mansiyon,” utos ng lolo, parang final verdict. “What?” sabay-sabay na nasabi ni Uno at Romy. Nasapo ni Uno ang noo niya. Patay. “Lo—” “¡Nada!” putol ng matanda. “Gusto ko siyang makilala.” Kumuyom ang kamao ni Uno. Itinaas niya ito nang bahagya kay Romy, sabay murmur, “Mamaya ka lang.” Sa isang iglap, mabilis na nagtago si Romy sa likod ng Don, parang batang nakabasag ng vase. “Don, protek—” “Enough,” malamig na sabi ng matanda. Tumingin ito kay Uno, may babala sa mata. “Huwag mo akong subukan, hijo.” Natahimik si Uno pilit na kinokontrol ang inis. Tumayo na ang lolo niya, kumatok ang tungkod sa sahig bilang hudyat na tapos na ang sermon. Awtomatikong lumapit si Romy para alalayan sana ito, pero bago pa man niya mahawakan ang braso ng matanda. “Hoy,” singhal nito. “Kaya kong tumayo mag-isa. Kalabaw lang ang tumatanda, hindi ako.” Napangiwi si Romy at nagkibit-balikat na lang. “Noted, Don,” bulong niya, umatras. Si Uno, bahagyang napasandal sa upuan. Finally. Makakaalis na rin ang lolo niya. Ibig sabihin, free na siya. Pwede na siyang dumiretso sa bar. Kanina pa tumatawag sina Amari, Brax, at River, nagyayaya ng inuman. Kailangan niya ’yon. Si Johan umuwi na sa probinsiya, ewan niya kung maayos na ang gulo nito sa asawa at anak. Ang kakambal niyang si Dos, napailing na lang siya—pari na. But then, may dumagundong na tinig. “Uno.” Napaangat agad ang tingin niya. Hindi pa pala tuluyang nakakalabas ang lolo niya. Huminto ito sa may pinto, dahan-dahang lumingon. Ang tono, kalmado. Too calm. “May isang linggo ka,” sabi ng matanda, diretso ang tingin. “Isang linggo para dalhin sa mansiyon ang babaeng lumabas kanina.” Napaubo si Uno. “H-huh?” “At pagkatapos,” dugtong ng lolo niya, parang nag-uutos lang ng ulam, “pakakasalan mo.” “WHAT?” sabay na nasabi ni Uno at Romy. “Lo—” pilit ni Uno, halos maputol ang hininga. “Hindi ko nga kilala ’yon. At saka—” “At saka ano?” taas-kilay ng matanda. “Mas mabuti na ’yon kaysa sa kung sinu-sinong babae. At least may napili na ako.” Nanlaki ang mata ni Uno. Hooker ’yon, sigaw ng isip niya. Pokpok ’yon. Ano na ngayon? Sasabihin ba niyang pakakasalan niya ang babaeng inayawan niya ilang oras lang ang nakalipas? Napatingin siya kay Romy. Si Romy? Biglang abala sa kisame. Whistling pa, kunwari walang kasalanan. Pahamak ka, mura ni Uno sa isip. Lumipas ang ilang segundo. Tahimik ang buong opisina. Ramdam ng lolo niya ang pag-aalangan niya. “Bueno,” malamig na sabi ng matanda. “Mukhang kailangan mo pang mag-isip.” Kinabahan si Uno. Sa takot na marinig ang kasunod, wala kang mamanahin, bigla siyang tumango. Isang beses lang, nilunok ang pride. “O… okay,” sabi niya, pilit ang boses. Sumilay ang ngiti sa labi ng lolo niya. “Muy bien. Akala ko pa naman matigas ang ulo mo.” Umalis ang matanda, this time tuluyan na itong lumabas. Nanatiling nakatayo si Uno, nakatulala. Ilang segundo lang, napaupo siya ulit at nasapo ang mukha. “Putang—” “Congrats, bossing,” sabing masigla ni Romy. “May bride ka na.” Dahan-dahang inangat ni Uno ang ulo niya. Ngiti niya? Hindi masaya. Kundi mapanganib . “Romy,” mababa niyang sabi, “hanapin mo ang babaeng iyon, kung hindi mo mahanap ang babaeng ’yon—” Lumunok si Romy. “Hehe? Paano kung hindi bossing?” “—ikaw ang ililibing ko. Pahamak ka.” Tumili si Romy at mabilis na umatras. “Boss, joke lang ’yon ha! Joke lang ’yon! Hahanapin ko na bossing.” Pero si Uno, nakatitig na sa malayo. Isang linggo. Isang babaeng ayaw na ayaw niyang balikan. At isang kasalang hindi niya kailanman pinangarap. Hell, bulong niya sa sarili, anong klaseng gulo na naman ito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD