⑅✷⑅XANDER⑅✷⑅
Nasa sariling pamamahay si Xander ng mga sandaling ito. Umuwi rin siya matapos lisanin ni Ella ang kaniyang rest house upang kunin ang gamit nito sa salon na pinagtatrabahuhan nito. Pinasamahan niya si Ella sa kaniyang tauhan upang hindi ito tumakas at mahirapan. Isa pa, hindi naman alam ni Ella kung saan ang bahay niya kaya't marapat lang na pasamahan niya upang iuwi agad ito sa pamamahay niya.
Maya-maya ay nakatanggap si Xander ng text message. Ipinapaalam sa kaniya na malapit na mga ito sa kaniyang bahay. Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang mga hinihintay lulan ng isang itim na van. Kaagad niyang sinalubong ang pagdating ng mga ito.
""Ano'ng plano, Ella? Hihintayin mo pa bang buhatin ka para bumaba r'yan?"" masungit niyang usal.
Ilang minuto na kasi ang lumipas ay hindi pa bumababa sa sasakyan si Ella. Tulala lang ito sa kinauupuan na para bang naglalakbay sa ibang planeta ang isip.
""Ella!!!!!"" May kalakasan niyang tono.
Tarantang tumayo si Ella. Takot na takot sa boses at tingin niya. Ganyan na ganyan ang gusto niya, ang matakot sa kaniya ito.
""Pasok,"" pormal niyang alok kay Ella. ""Sumunod ka sa'kin.""
Maayos na sumunod si Ella sa sinabi niya. Ramdam niyang ilang na ilang ito at tila nag-aalangan na tumapak sa loob pamamahay niya. Hanggang sa ayain niya ito paakyat ng hagdan.
Buong akala ni Xander ay nakasunod si Ella sa kaniya habang paakyat sila ng hagdan. Huli lamang niya napagtanto iyon. Nang lingunin niya ito ay ang layo ng agwat nila sa isa't isa. Hirap na hirap kasi sa paghakbang sa bawat baitang ng hagdan si Ella.
Napalunok na lamang si Xander. Habang pinagmamasadan niya si Ella ay bumalik sa gunita niya ang dahilan kung bakit pa ika-ika ito ngayon. Maging siya ay hindi makapaniwala na kahit hindi siya ang unang gumalaw sa pribadong parte ng katawan ni Ella ay mag-iiwan siya ng sugat doon.
""She deserved it!"" sigaw ng bahagi ng kaniyang utak. Bagay na nagpipigil sa kaniya na kaawaan ito at hindi tulungan ngayon.
""Bilisan mo! Ayaw ko nang kukupad-kupad sa pamamahay ko!"" mando niya.
Pikit-matang binilisan ni Ella ang hakbang hanggang sa wakas ay narating nila ang tapat ng isang saradong pinto.
Binuksan ni Xander ang pinto.
""This is your room,"" aniya nang makapasok sila.
Inikot naman ni Ella ang paningin sa kabuuan. Namangha yata sa laki ng magiging silid nito at sa ganda ng pagkakaayos.
Sa kabila ng lahat ay isang maayos na silid ang ibinigay ni Xander para kay Ella. May maayos na higaan at gamit upang maging komportable ito habang nakatira sa pamamahay niya. Galit man siya rito ngunit lumilitaw pa rin ang kaniyang pagiging makatao.
""Seryoso ka, sir? Ito talaga kwarto ko?"" tanong ni Ella sa kaniya.
""Kung ayaw mo rito, bakante ang kulungan ng aso sa likod ng bahay.""
Yumuko si Ella. ""Wala naman akong sinabi na ayaw ko, sir.""
""Ang arte!"" pabulong na nasabi niya at may kasama pang mura.
Naupo si Ella sa kama at dinama ang lambot niyon.
""Sino ang nagsabi sa'yo na umupo ka r'yan?""
Biglang tayo naman si Ella muli at humingi ng paumanhin.
""Follow me!"" Pagkasabi ay dire-diretsong lumabas si Xander sa silid na iyon.
Tuloy-tuloy ang lakad ni Xander at hindi man lang nag-aksayang lumingon upang tingnan kung nakasunod si Ella sa kaniya. Basta lang nito tinungo ang kinaroroonan ng elevator. Imbes na gumamit ng hagdan ay nag-elevator na lamang sila ni Ella papunta sa ikatlong palapag ng kaniyang bahay. Matiyaga niyang hinintay na ganap na makapasok ang dalaga bago pindutin ang button na magsasara ng pinto ng elevator.
Sa loob ng elevator ay tahimik lamang ang dalawa. Nang bumukas muli ang pinto niyon ay naunang lumabas si Xander. Hindi na rin hinintay ni Ella na magsalita si Xander dahil kusa na itong lumabas at sumunod sa supladong binata.
""This is the master's bedroom,"" aniya. ""Pinagbabawalan kong pumasok o pumunta ang sino man sa buong third floor ng bahay na 'to, specifically sa silid na 'to. Pero dahil may kasalanan ka sa akin at kailangan mong umakyat dito para bayaran 'yon.""
""H-Ho?"" nabubulol niyang reaksyon.
""Huwag kang bingi, Ella! Ayaw kong inuulit ang nasabi ko na.""
Tameme si Ella kahit hindi pa niya lubos na naiintindihan ang sinabi nito. Pinagpatuloy naman ni Xander ang mga dapat sabihin.
""Tuwing gabi, 'pag alam mong nandito ako sa bahay ay kailangan mong umakyat dito strictly eight (8) PM. Bawal kang humindi at bawal kang umakyat dito hangga't hindi alas otso ng gabi. Malinaw ba sa'yo?""
""Opo..."" puno ng galang na tugon ni Ella.
""Good! Bumalik ka na sa kwarto mo,"" utos ni Xander.
Nakaraan na ang ilang sandali ay nanatili si Ella sa kinatatayuan nito. Hindi umalis kahit sinabi na ni Xander na bumalik na ito sa silid nito sa ibaba.
""Kailangan ko pa bang bumili ng sandamakmak na cotton buds para marinig mo ang bawat sinasabi ko nang isang sabihan lang‽""
""Eh... ano kasi... h-hindi ko po kasi alam kung paano gumamit ng elevator para makababa, sir."" Hiyang-hiya si Ella.
""Then, use the stairs!""
Sinundan lamang ni Xander ng tingin si Ella habang papalabas ng kaniyang silid. Nang marinig niyang naisara na ni Ella ang pinto ay nahiga si Xander sa kaniyang kama. Nagpupuyos talaga siya sa galit sa tuwing naaalala niya ang mga ginawa ni Ella.
Saglit siyang natigilan at maya-maya naisipan niyang bumangon saka nagbihis. Pagkatapos ay kinuha niya ang susi ng kaniyang sasakyan dahil may naisipan siyang puntahan.
Paglabas ng silid ay naisipan na lang ni Xander na gumamit ng hagdan kaysa gumamit ng elevator. At laking gulat ng binata nang makita na nakaupo si Ella sa kalagitnaang baitang ng hagdan. Ilang minuto na ang nakalipas buhat nang makalabas si Ella sa kaniyang silid. Ang buong akala niya ay nasa kwarto na nagpapahinga ito subalit hindi pa pala ito nakakababa ng tuluyan.
""What the—""
Napailing na lamang si Xander. Ewan ba niya kung totoo na matinding sakit ang iniinda ni Ella dahil pwede ring nag-iinarte lang ito.
Akmang sisitahin ni Xander ang dalaga ngunit tumayo na ito at paika-ika muli nitong binaybay ang baitang ng hagdan. Hindi nakalingon sa kaniyang kinatatayuan si Ella kaya't hindi nito napansin na nakatingin siya rito. Hinayaan na lang niya ang dalaga ngunit sinundan niya ng tingin hanggang sa makarating ito sa kwartong binigay niya para rito.
Nang makapasok na si Ella ay itinuloy ni Xander ang pagbaba sa hagdan. Bibisita muna siya saglit sa bahay ng kaniyang mga magulang dahil sa nabalitaan niyang lumuwas sa Maynila ang kaniyang Ate Alexandra galing sa Rancho Villaruiz. Baka gabihin na siya sa kaniyang pag-uwi kaya't inihabilin niya si Ella kay Noelyn. Sa mga oras na ito ay pauwi pa lang si Noelyn galing sa outing kasama ang mga kaibigan nito.
Hindi na niya hinintay pang dumating si Noelyn dahil may duplicate key naman ito ng bahay. At saka kahit hindi pa naman nito na-meet si Ella ay kilala na niya ito sa pangalan dahil si Noelyn pa nga ang pinagawa niya ng kontratang pinapirmahan niya sa dalaga.
Hindi na rin nagpaalam si Xander kay Ella na umalis siya ng bahay dahil para sa kaniya ay hindi naman na kailangan. Saka baka nagpapahinga na ito kaya't ayaw na niyang abalahin pa.
⑅✿⑅ELLA⑅✿⑅
Titig na titig si Ella sa kisame habang nakatihaya na nakahiga sa malambot na kama. Unang araw niya sa pamamahay ni Xander at isang oras pa lang siya sa bahay na ito ngunit gusto na niyang lisanin. Kung dati ay pinapangarap niyang tumira sa mala-palasyong bahay, pero ngayon nagsisisi na siya.
""Pambira naman, oh! Palasyong bahay na may mabait na prinsipe ang hiniling ko pero ang tinupad ay palasyong may nakatira na demonyo."" Pagsasalita nang mag-isa ni Ella. ""Taray! Beauty and the beast? Oh my god! Ayoko na! Ayoko na rito!""
Sinuntok-suntok ni Ella ang unan. Gusto niyang sumigaw subalit takot din siya na marinig ni Xander.
""Lord, pahingi na lang ng lakas at mahabang pasensiya para matagalan ko ang lalaking 'yon. Baka kasi mapatay ko siya lalo na't kaming dalawa lang pala ang nakatira sa bahay na 'to—""
Nabitin ang pagsasalita ni Ella nang makarinig siya ng mga katok. Sigurado siyang nasa pinto ng silid niya ang kumakatok kaya't maliksi siyang bumangon sa kama. Mahirap na baka masigawan na naman siya ni Xander kapag matagal niya itong buksan. Inaasahan niyang si Xander ang kumakatok dahil ang alam niya ay silang dalawa lang naman ang tao sa bahay na ito.
""Hi!""
Nanlaki ang mga mata ni Ella nang sa kaniyang pagbukas ay isang babaeng maganda ang bumungad sa kaniya. Medyo natagalan siya bago makapagsalita habang nakatitig sa babaeng kaharap.
""H-Hello p-po..."" Tanging lumabas sa bibig niya.
""Ella, right?"" tanong nito.
""Opo, ako po si Ella.""
""I'm Noelyn, personal assistant ni Xander. Dito rin ako nakatira..."" pagpapakilala nito. ""Halika ka sa kusina, Ella. May dala akong pagkain, tara, kumain tayo.""
Mabilis na nakagaanan ng loob ni Ella si Noelyn. Mabait kasi ito na halata naman sa mukha at pananalita nito. Maayos ang pakikitungo ni Noelyn sa kaniya at talagang nagpakita ng interes na makilala siya.
Pinakitunguhan naman ni Ella ng maayos si Noelyn at nagkwento rin ng mga bagay-bagay tungkol sa pagkatao niya. Subalit may isang bagay na iningatan ni Ella na huwag banggitin sa bagong kakilala. Iyon ay ang tungkol sa anak niyang si Rafael. Natatakot siya lalo na't base sa pananalita ni Noelyn ay malapit ito kay Xander. Baka makarating pa kay Xander at malaman na may anak siya ay ito pa ang pagbayarin ng kaniyang kasalanan. Takot siyang madamay ang kaisa-isahang anak.
""Basta kapag may mga kailangan ka ay sabihin mo lang Xander o hindi kaya ay sa akin,"" ani pa ni Noelyn.
Tumango-tango na lamang si Ella. Mabuti na lang at hindi napansin ni Noelyn na may masakit sa kaniya. Kahit hirap na hirap siyang maglakad ay hindi siya nagpahalata. Mabuti na lang sa kusina lang siya inaya nito na ilang hakbang lang ang distansiya mula sa kaniyang silid. Kung may hagdan pang aakyatin baka gumapang siya sa sobrang sakit na iniinda.
""Ano pala ang pwedeng way para makontak kita? Do you have social media accounts? Connected ka na ba sa wifi rito?"" sunod-sunod na tanong sa kaniya.
""Call and text na lang. Wala na akong social media accounts, eh."" Binigay niya kaagad dito ang contact number.
Matapos maibigay ni Ella ang contact number kay Noelyn ay magkatulong na niligpit nilang dalawa ang pinagkainan. Pagkatapos niyon ay naghiwalay na sila at kaniya-kaniyang pasok na sa loob ng kanilang mga silid. Laking pasasalamat ni Ella na sa kabila ng masamang ugali ni Xander ay may kasama siyang mabait sa loob ng pamamahay nito.