⑅✿⑅ELLA⑅✿⑅
Ang lakas ng kabog ng dibdib ni Ella ngayon. Nasa tapat siya ng pinto ng isa pang silid sa rest house na iyon na siyang pinagdalhan sa kaniya. Batid niyang nasa loob si Xander at naghihintay sa pagpasok niya.
Lakas loob na lamang na kumatok si Ella at nang marinig ang boses ni Xander ay hindi siya nag-atubiling pihitin ang doorknob. Nang mabuksan niya ang pinto ay sumalubong sa kaniya ang mabango at lamig na hangin.
""Have a seat."" Tinuro ni Xander ang bakanteng upuan na malapit sa desk nito.
Himalang maayos si Xander ngayon makipag-usap sa kaniya. Sa isip niya ay baka nahimasmasan ang binata o baka naman ay malamig ang ulo dahil bagong paligo.
Nang magharap na silang dalawa ay hindi siya makatingin ng deretso rito. Iniiwasan niyang magtagpo ang kanilang mga mata dahil matalim ito kung tumingin.
Tumikhim muna siya bago magsalita.
""Sir, bibigyan niyo na ba ako ng trabaho?"" Nagpapakumbaba siya para mabigyan ng trabaho. Lunok-laway o lunok-hiya na siya rito.
Hindi alam ni Ella kung tama itong naging desisyon niyang humingi ng trabaho sa lalaking ito. Pero dahil ayaw naman siya nitong pakawalan kaya't mas maigi nang hingian ng pagkakitaan. Desperada na kasi si Ella dahil baka hindi na siya makabalik sa salon na pinagtatrabahuan. Hindi na rin niya alam kung paano ipapaliwanag ang ginawang ito ni Xander sa kaniya at mukhang wala nang balak na pakawalan siya.
Sa nangyari ay labis na nababahala si Ella na baka ngayong buwan ay wala siyang kikitain. Natatakot siyang mawalan ng pambili ng gatas para kay Rap-Rap. Hindi pa naman nagsusustento si Paul kaya't kargo niya lahat ang gastusin ng pangangailangan ng anak. Sabihin nang hindi na nagdede at gumagamit ng diaper ang anak ay magastos pa rin. Nabili pa rin naman siya ng gatas na iniinom ng anak tuwing umaga.
Hindi nagsalita si Xander. May nakita si Ella na kulay dilaw na folder na nasa desk. Itinulak ni Xander iyon ng kamay para mapalapit sa kaniya.
""Ano 'to, sir?""
""Tingnan mo,"" puno ng sungit na wika ni Xander.
Sinimulan ni Ella na buklatin ang nilalaman ng folder.
""When you're done, here's the pen."" Tinuro ni Xander ang ballpen. ""Sign it if you're interested.""
Habang binabasa ni Ella ang mga papel na nasa loob ng folder ay saglit niyang sinulyapan si Xander. Nakatutok na si Xander sa harap ng kulay itim nitong laptop. Naglalagatikan ang keyboard niyon senyales na may ginagawa ito roon.
Hindi maipagkakaila ni Ella na guwapo si Xander sa totoo lang. Hindi lang guwapo kundi napakabango pa. Sinong mag-aakala na may sa kung anong itim na nilalang ang nakakubli sa rito. Hindi niya malilimutan ang nangyari kanina dahil parang ibang tao ang nakaharap niya.
""Stop staring me, Miss Rafaela De Guzman!"" Sinita siya ni Xander at tinawag sa kaniyang buong pangalan.
""I'm sorry po,"" hingi niya ng paumanhin at binalik ang tingin sa hawak na folder.
Ang mga nilalaman ng folder ay ang kaniya na palang magiging kontrata. Binibigyan na siya ni Xander ng trabaho at ang pormal ng mga nakasaad doon.
Masusing binasa ni Ella ang mga nakasulat sa kontrata. Nang dumako siya sa kung magkano ang kaniyang magiging sahod ay talagang nanlaki ang kaniyang mga mata. Ang laki ng magiging sahod niya na halos triple ng buwanang kita niya sa salon.
""Sir, may itatanong sana ako...""
""Ask!"" ani Xander na hindi man lang nag-abalang magbaling ng tingin sa kaniya.
""Ang laki naman po ng magiging sahod ko. Katulong lang ba talaga ang trabaho ko?""
Doon pa lang siya tiningnan ni Xander at ngumisi ito.
""Mabuti naman at marunong kang magbasa."" Ang saad nitong nangungutya pa ang tono. ""Well, malaki talaga ako magpasahod sa mga taong naninilbihan sa akin.""
Napatango-tango si Ella. Naramdaman na niya ang kabaitan ng Xander na ito.
""Sir, kalahati na lang po ng nakalagay na amount dito ang tatanggapin ko. Alam ko pong malaki ang kasalanan ko sa iyo kaya baka sa ganitong paraan ay mabawasan man lang 'yon.""
Tinitigan siya ni Xander. Abot langit naman ang dasal ni Ella na sana ay walang ibig sabihin ang mga titig na iyon ng lalaki. Sana pumayag na lang ito at wala namang pinaplanong gawin sa kaniya.
""Sige, dahil binanggit mo rin naman iyon ay deretsahang usapan na tayo, Ella."" Panimula ni Xander at pinagsabihan siyang makinig. ""Maniningil ako sa ibang paraan, Ella.""
""P-Po?""
""You heard it!"" turan nito. ""Binibigyan kita ng trabaho pero hindi ibig sabihin na balewala na sa'kin ang ginawa mo. Sisingilin pa rin kita, Ella.""
Natameme si Ella sa narinig. Hindi umobra ang kaniyang dasal dahil may pinaplano pa rin itong Xander na ito sa kaniya.
""Sa anong paraan mo ako sisingilin, sir?"" deretsahang tanong niya rin dito.
""Depende sa kung ano ang maisip ko!"" madiin nitong sagot.
Nanumbalik ang kabog sa kaniyang dibdib nang marinig iyon. Depende raw sa maisipan nito? Paano na lang kung maisip nitong patayin siya?
Lumunok muna ng laway si Ella bago magtanong uli. May nais siyang linawin dito.
""Sir, pa'no kung hindi ko tanggapin ang trabaho na ito? Ipagpalagay nating nagbago ang isip ko—""
""Wala kang ibang choice kundi ang pirmahan 'yan, Ella. Ikaw ang nakiusap sa akin na bigyan ka ng trabaho at ginawa ko na. Nag-aksaya pa ako ng oras para magawan ka ng kontrata tapos aayaw-ayaw ka? Huwag mo akong gawing uto-uto, ha? Magiging kawawa ka!"" Nakakakilabot nitong salita.
Napayuko si Ella. Mistula siyang bata na pinapagalitan ng isang nakakatanda.
""Pasensiya na po,"" mahinang sambit niya at ipinagtuloy niya ang pagbabasa dahil baka mayroon siyang nakaligtaang basahin.
Makalipas ang ilang sandali ay inabot na ni Ella ng signing pen na nakalagay sa pen holder na nasa ibabaw ng desk ni Xander. Kinuha niya iyon at pinangpirmahan na ang dapat niyang pirmahan doon. Pagkatapos ay tiniklop niya ang folder at inalapag sa desk ni Xander.
""Ito na po, sir. Napirmahan ko na.""
Kinuha naman ni Xander iyon at tiningnan isa-isa.
""Pasasamahan kita sa mga tauhan ko bukas. Bumalik ka sa dating pinagtatrabahuan mo at magpaalam ka nang maayos. Asikasuhin mo na rin ang mga gamit mo at kung ano pang dapat mong ayusin,"" sabi nito.
""Okay, sir. Maraming salamat po ulit."" Kahit papaano ay nakangiti si Ella ng mga sandaling iyon.
""Ipapaalala ko lang sa'yo na huwag mong subukan na magsumbong o tumangkang tumakas bukas. Mahahanap pa rin kita kahit saang lupalop ka pa magtago."" Dagdag ni Xander.
""Hindi ko po gagawin 'yon, sir. Makakaasa kayo,"" aniya.
""Good! Nagkaintindihan tayo.""
Maya-maya ay nakita ni Ella na hinila ni Xander ang drawer ng desk nito. May kinuha ito roon at ang cellphone niya iyon.
""Phone mo..."" Iniaabot na ni Xander sa kaniya ang cellphone niya.
""Seryoso po? Binabalik mo na?"" Natutuwa na siya.
""Kukunin mo ba o hindi?"" Nagsisimula na namang magsuplado si Xander.
Maagap na lang na kinuha ni Ella ang cellphone dahil baka magbago pa ang isip nito.
""Salamat po at binalik mo ito sa akin."" Niyakap-yakap pa ni Ella ang cellphone niya.
""Lumabas ka na."" Tinaboy na siya ni Xander.
""Sir, thank you po ulit."" Pagkasabi ay paika-ika siyang humakbang patungo sa pinto.
""Rafaela!"" habol na tawag ni Xander.
Lumingon siya rito. ""S-Sir? Bakit po?""
""Wala! Nevermind."" Mukhang nakalimutan ni Xander ang sasabihin. ""Labas na.""
Tumuloy na paghakbang si Ella at nang makarating siya sa kwarto ay iyong cellphone niya agad ang kaniyang inatupag. Napag-alaman niyang nakakonekta sa wi-fi ang kaniyang cellphone kaya't wala siyang sinayang na oras. Binusisi niya agad ang kaniyang cellphone habang dalangin niyang sana ay hindi ini-upload ni Xander ang maselang video na kinunan nito kanina.
Pigil-hininga rin siya habang tinitingnan ang nilalaman ng cellphone niya. Matapos ang ilang sandaling paggalugad ay tumambad sa kaniya na deleted na ang page niya. Nanlumo siya sa natuklasan ngunit may bagay siyang ipinagpapasalamat. Walang video na ini-upload si Xander dahilan para kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag.
""Thank you, lord!"" pabulong niyang sambit.
Nang tiningnan ni Ella ang chat app sa kaniyang cellphone ay bumabaha iyon ng mensahe. Galing sa kaniyang amo o may-ari ng salon na pinagtatrabahuan niya at saka sa mga katrabaho niya. Nagtatanong ang mga ito kung saan siya at bakit hindi pa nakakabalik hanggang ngayon. Nag-alala yata ang mga ito.
Pinindot ni Ella ang voice message recorder ng app at nagsalita siya. Magpapadala siya ng voice message sa may-ari ng salon. Paraan na rin niya iyon para hindi siya mapagod sa pag-type.
""Madam, pasensiya na po at ngayon lang ako nakapag-reply sa mga chats ninyo. Hindi po natuloy ang pag-home-service ko dahil nagkaroon ako ng emergency. Pasensiya na po talaga.""
Iyon ang sinabi ni Ella sa kaniyang voice message. Hindi na rin niya nilinaw kung anong klaseng emergency iyon. Basta ang mahalaga ay may masabi siyang rason. Pinaalam na rin niyang hindi siya makakauwi ngayon para hindi na mag-alala ito at maging ang kaniyang mga katrabaho.
Nang ma-send iyon ay naghintay siya sa magiging sagot ng kaniyang madam. Nakikita na rin niya sa screen ng kaniyang cellphone na nagri-reply na ito sa kaniya. Medyo mahaba-haba yata ang tina-type nito kaya medyo matagal.
Kalaunan ay natanggap na rin niya ang reply ng kaniyang amo. At hindi nga siya nagkamali dahil masyadong mahaba ang ini-send nito sa kaniya. Gayunpaman ay binasa niya ang mga ini-reply nito.
""Ella, ikaw ang pinakamasipag at pinakamabait kong empleyado sa salon. Pero sa ginawa mo ngayon ay dismayado ako. Kung nagka-emergency ka, dapat kanina mo pa pinaalam sa akin para masabi ko rin sa nagpapa-home-service sa'yo na hindi ka matutuloy. Umasa iyong tao na darating ka, Ella, nakakahiya! Sa ginawa mo ay nawalan tayo ng isang bigtime na costumer!""
Nagulantang naman si Ella sa nabasa. Hindi na niya alam kung ano ang iri-reply sa amo maliban sa humingi ng paumahin dito.
""I'm sorry, Ella! Pinakaayaw ko sa lahat ay iyong iresponsableng empleyado. Naiintindihan ko na nagkaimerhensiya ka pero ang hindi ko maintindihan ay iyong minuto lang ang maigugol mo sa pa-text, chat o pagtawag sa akin para iapalam sa akin ang ganoong bagay subalit hindi mo pa nagawa. I'm sorry pero sisante ka na!""
Malugod naman na tinanggap ni Ella ang desisyon ng kaniyang amo. Balak naman talaga niyang magpaalam bukas na aalis na siya pero naunahan na siya nito. Mabuti na nga iyon atleast hindi na siya nahirapang gumawa ng resignation letter at hindi na siya nahirapang mag-imbento ng ipapaliwanag niya kung bakit siya aalis.
""Okay po, madam. Nirerespeto ko po ang desisyon ninyo. Kukunin ko na lang ang mga gamit ko bukas. Pasensiya na po talaga sa nangyari.""
""Okay, Ella. Walang problema. Puntahan mo na lang ako bukas para maibigay ko ang huling sahod mo.""
""Maraming salamat, madam!"" Huling mensahe niyang ipinadala at nag-reply naman ang kaniyang amo ng "like emoji".
Inilapag ni Ella ang cellphone sa kama. Simula ngayon ay wala na siyang trabaho sa salon. Sa biglaang pagkakataon ay binitawan niya ang pagiging manikurista na siyang ilang taon niyang naging trabaho. Trabahong pinagkakitaan niya para masuportahan ang pangangailangan ng kaniyang unico hijo.