18

1244 Words
“NASAKTAN ka, Prin,” ani Lyndon. Nginitian nang matamis ni Princess Grace ang asawa. Nag-uumapaw ang tuwa sa kanyang puso at hindi niya kayang pigilin ang sarili sa pagngiti. “Okay lang, Lyndon. `Sabi naman ng mga kaklase ko, masakit talaga kapag sa una.” Sumiksik siya sa hubad na katawan nito. Hindi niya inakalang ganoon kasarap ang pakiramdam na magkalapit sila nang ganoon. “Hindi ko alam kung saan ako dapat magpasalamat sa chance na ito,” nakangiti ring sabi nito. “Daig ko pa ang tumama sa Lotto!” “`Corny mo,” pabirong sabi niya. “Magpasalamat ka sa perming lotion.” “Perming lotion?” Ikinuwento ni Princess Grace ang dahilan ng pag-uwi niya nang mag-isa. Lalong napangiti si Lyndon. “Pinlano mo ba ito, Prin?” tanong nito mayamaya. “Hindi. Pero noong nandito na ako at nasa banyo ka, naisip kong ito na siguro ang chance natin. Masama ba itong ginawa natin?” “Para kina Mama at Papa, alam mong masama ito. Pinagbabawalan nila tayo sa ganito. But we are married. For almost four years now. Our honeymoon is long overdue.” Tumawa si Princess Grace nang matinis. “Naks, Lyndon! Napapa-Ingles ka pa ngayon,” kantiyaw niya. Tumawa rin ito. “I can’t explain the feeling, Prin. Napakasarap ng pakiramdam. Iyon bang kapag pinilit ipaliwanag ang nararamdaman mo, kung hindi mo i-Ingles-in ay magmumukha kang makata para mahanapan iyon ng tamang salita.” She rolled her eyes. “Para ka na ngang makata niyan, eh.” Tumawa ito nang mahina. “I have an idea. Tutal, kahit ano ang sabihin ko, Ingles man o Tagalog, may komento ka, ganito na lang ang gawin natin.” Iniyakap nito ang braso sa baywang niya at humagod ang kamay sa kanyang likod. Para siyang kinuryente na kiniliti. “Ano’ng gagawin natin?” puno ng pananabik na tanong niya. “Ulitin natin.” Namilog ang mga mata ni Princess Grace, pagkatapos ay ngumiti nang maluwang. “Sige!” Tumawa siya nang malakas. “Ang bilis naman yata ng sagot ko,” aniyang parang nahiya at itinuloy na lang ang pagtawa. “Kaya mo ba? Hindi ka kaya masaktan uli?” Nag-isip siya pero sandaling-sandali lang. “I think the worst part is over.” Kasabay ng pagyuko ni Princess Grace ay kinabig siya ng asawa sa batok. Sinimulan nila sa marubdob na halik ang pangalawang pagkakataon. MALAKAS na bumuntong-hininga si Princess Grace. “Perfect na sana,” naiiling na sabi niya habang nagbibihis. Mas mabilis ang kilos ni Lyndon. Nag-e-enjoy pa sana sila sa pribadong oras na iyon nang maisip nilang baka biglang umuwi ang mama niya. Naisip nilang kailangan pa ring umalis ni Lyndon para hindi magduda ang mama niya sa ginawa nila. Hindi dapat malaman ng mama niya na hindi pumasok si Lyndon sa trabaho at nagkaroon sila ng pagkakataong makapagsolo. Lumapit sa kanya si Lyndon. “This is perfect, Princess Grace. Huwag tayong manghinayang. Napakaespesyal ng araw na ito para sa atin.” Tumango siya. “Pero kailangan mong umalis.” “Sandali lang ako. Babalik ako rito pagkatapos ng ilang oras. Kunwari ay galing ako ng trabaho.” “Mami-miss kita.” Napangiti ito. “Ako man. Mas nagkaroon ako ng dahilan ngayon para ma-miss kita.” Princess Grace rolled her eyes. “Ang corny natin. Para bang hindi tayo nagkikita araw-araw.” “Ikaw `tong naunang nagsabi na mami-miss mo ako, eh. Gumanti lang ako.” Umirap siya. “Parang makokonsiyensiya ako sa ginawa natin, Lyndon. Pero mas gusto kong isiping hindi naman ito masama. Isa pa, kasal naman tayo.” “Huwag nating isiping masama ito. `Sabi mo nga, we’re married. Doon tayo mag-focus.” “Pero binabawalan nila tayo sa ganito.” “May dahilan sila. Prin, nakapaghintay tayo ng ilang taon. Kaunting panahon na lang at bibigyang-laya na nila tayo. Masaya ako na nagkaroon tayo ng chance ngayon. Ang saya-saya ko.” “Ako man, Lyndon. Ang saya-saya ko. Sana magkaroon uli tayo ng chance.” Nagkatitigan sila. At parehong napangiti. MAHIRAP kumilos na parang walang nangyari, lalo na at sobrang saya ni Princess Grace. Madampian lang ng hangin ang pisngi niya ay natatawa na siya sa labis na kaligayahan. Pero kailangan niyang pigilin ang sarili dahil magtataka ang mama niya. Wala itong alam na espesyal na bagay para maging labis ang katuwaan niya. At hindi rin niya puwedeng sabihin ang dahilan. Mas mahirap kapag naroroon din sa bahay si Lyndon. Magsalubong lang ang kanilang mga mata ay pareho na silang napapangiti. Hindi rin nila maiwasang maglambingan kahit na nga ba kasinsimple lang iyon ng paghawak nito sa kanyang kamay o balikat. “Ang bango,” minsan ay pabulong na sabi nito sa kanya, saka mabilis na humalik sa nakahantad niyang balikat. “Makita ka ni Mama,” nag-aalalang sabi niya pero hindi naman tuluyang umiwas. “Nasa labas siya, nagwawalis.” Humarap siya sa asawa at yumakap sa baywang nito. “I miss it, Lyndon,” pag-amin niya at isiniksik pa ang sarili rito. “Ako man. Pero mahirap na, Prin. Baka hindi na tayo makalusot sa susunod.” Napabuntong-hininga siya, pero hindi naman masama ang loob. “Oo nga, eh. Sana ay magkaroon uli tayo ng chance.” Ang sunod na pagkakataon ay nangyari nang sumunod na buwan. Mukhang ganap na ang tiwala sa kanila ng kanyang mama. Hindi na siya nito palaging isinasama kapag umaalis kahit alam nitong anumang oras ay darating si Lyndon. At iyon ang mga pagkakataong sinasamantala nila. Their lovemaking was hurried. Pero walang puwang sa mga puso nila na magreklamo pa. Masaya na silang kahit maikling sandali ay nagkakaroon sila ng pagkakataon na makapagsolo. “Graduation ko na two months from now,” sabi ni Princess Grace kay Lyndon habang nakayakap dito. Nasa sala sila at katatapos lang ng madaliang pagkakataon nila sa isa’t isa. Mabilis silang nagbihis para kahit biglang dumating ang mama niya ay sa sala sila nito maaabutan. “Ako, isang taon pa ang bubunuin ko,” sabi naman ni Lyndon. “Sana ay bigyan na tayo nina Mama ng kalayaan. Tutal naman magtatapos na ako. Saka ikaw, isang taon na lang. Maikli na lang iyon kompara sa nakalipas na apat na taon.” Napangiti ang asawa niya. “Nakapag-ipon na rin ako kahit paano mula doon sa mga part-time jobs ko. Kung papayagan nila tayo, may magiging panimula na rin tayo.” “Sa palagay ko, hindi naman tayo mahihirapan. Remember, consistent dean’s lister ako. Ngayon pa lang ay may mga job offers na sa akin. Hindi ako mababakante kung gugustuhin ko. At gusto ko naman talagang magtrabaho agad. Gusto ko, makatulong din ako sa pag-aaral mo.” “Hindi na kailangan, Prin. Masyado nang malaki ang naitulong sa akin ng parents mo. Iyon lang ay ang laki nang utang-na-loob ko sa kanila. Kung magkakatrabaho ka, hawakan mo ang pera mo para maranasan mo kung paano gastahin ang sarili mong pera.” “Kung masaya ako sa pagtulong sa iyo, bakit ka naman kokontra?” “Dapat ay ako ang gagawa niyan para sa iyo, Prin.” “Darating ka rin sa panahong iyon, Lyndon. Mauuna ako sa iyong magtapos kaya mauuna ako sa iyong kumita. Hayaan mo lang ako.” Tinitigan siya nito at unti-unting ngumiti. “Sige, ikaw na ang bahala. Baka sabihin mo, masyado pa akong pakipot.” Sumeryoso ito. “Pangako, Prin, magtatrabaho ako nang husto pagka-graduate ko. Ibibigay ko sa iyo ang magandang buhay.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD