19

1521 Words
“LYNDON Toledano!” Hindi kayang ipaliwanag ni Lyndon ang kaligayahang nararamdaman nang umakyat siya sa entablado. Sa wakas, graduate na rin siya. Wala man siyang natamong karangalan ay malaking bagay na sa kanya na mayroon na siyang diploma ngayon. Nang iabot iyon sa kanya ng dean at kinamayan siya nang mahigpit ay may namuong mga luha sa sulok ng kanyang mga mata. Lumunok siya. Ayaw niyang umiyak at kanina pa niya iyon pinipigilang mangyari. nang luminga siya sa kinauupuan ng mga guests ay nakita niya si Princess Grace, pumapalakpak at napakaluwang ng ngiti. Ganoon din ang mama nito. Sinulyapan din niya ang kanyang nanay. Tuluyang matitibag ang pagpipigil niyang umiyak kapag ipinako niya nang husto ang tingin dito. Kanina pa, habang nagmamartsa sila ay umiiyak na ito. Alam niya, labis na katuwaan iyon ng ina. Kahapon ay sinundo niya ito sa Sierra Carmela para makadalo sa espesyal na araw na iyon. At nang magkita uli ito at ang kanyang biyenan ay hindi matapus-tapos ang pasasalamat ng nanay niya dahil sa pagpapaaral niyon sa kanya. “Lalo mong mahalin si Princess Grace, Lyndon,” pangaral ng nanay niya sa kanya kagabi. “Utang mo kay Princess Grace at sa mga magulang niya kung ano ka ngayon. Kung hindi dahil sa kanila ay hindi ka makakatapos. Alam mo namang pangakong napako lang ang tulong sana sa iyo ng Tito Mario mo.” “Mahal na mahal ko po si Princess Grace. Kayong dalawa ang inspirasyon ko kaya lalo kong pinagbuti ang pag-aaral ko, `Nay. At ayoko ring mapahiya sa mga biyenan ko kaya talagang nagsikap ako.” Punung-puno ng tawanan ang paligid nang matapos ang graduation ceremony. Pero mayroon ding mga umiiyak, karamihan ay mga magulang. Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Ayaw niyang umiyak. Hindi siya iiyak. Hilam sa luha ang mga mata na sumalubong sa kanya ang ina. Niyakap siya nito nang mahigpit. “Lyndon, anak, ang saya-saya ko,” humihikbing sabi nito. “Lahat tayo ay masaya, `Nay,” sagot niyang pilit na ginawang kaswal ang boses. “Pero grabe naman po ang tears of joy ninyo. Baka bumaha na po rito.” Natawa ito kahit may luha pa rin sa mga mata. “Napakaloko mo, Lyndon,” nakangiting sabi ng kanyang biyenan. “Congratulations, hijo!” “Thank you po, `Ma. Thank you po sa inyo ni Papa, sa lahat-lahat.” Tumango lang ito. “Ay, ako naman ang babati,” nakangiting sabi ni Princess Grace. Nang umatras ng hakbang ang nanay niya ay ito naman ang yumakap sa kanya. Hinalikan din siya nito sa mga labi. “Congratulations, honey,” malambing na sabi nito. “I love you.” “Thank you and I love you, too.” Dinala sila ng kanyang biyenan sa isang restaurant para i-celebrate ang kanyang pag-graduate. “Nakatapos ka na sa pag-aaral, Lyndon,” anito pagkatapos nilang kumain. “At si Princess Grace naman ay regular na rin sa kanyang trabaho. Pagbibigyan ko na kayo ngayon sa matagal nang iniuungot sa akin nitong si Princess Grace. Ang bumukod kayo.” Nagkatinginan sila ni Princess Grace at pareho silang napangiti dahil sa tuwa. “Talaga po? Maraming salamat,” aniya. “Pagbibigyan ko na rin ang papa ninyo na sumunod ako sa kanya sa Dubai. Hindi ko lang naman siya mapagbigyan dahil nakasubaybay ako sa inyo. Kung gusto ninyong manatili sa apartment ay doon na muna kayo. Kung may balak kayong lumipat sa ibang lugar, nasa sa inyo na iyon. Bahala kayong magpasya. Basta pag-isipan lang ninyong mabuti ang magiging desisyon ninyo.” Binalingan nito ang kanyang ina. “Tama naman siguro ako, hindi ba, mare?” Tumango ang nanay niya. “Tiyak na dito rin sila sa Maynila magtatrabaho kaya dito lang sila dapat makapagpundar ng tirahan.” “Palagi po kayong welcome sa amin, `Nay,” sabi ni Princess Grace sa biyenan. “Salamat. Pero alam n’yo namang nakagamayan ko na ang buhay sa Sierra Carmela.” “`Nay, hindi naman masamang magbakasyon kayo paminsan-minsan,” sabi niya. “May siguradong trabaho na ako kahit kukuha pa lang ako ng board exam. Iyong kompanya na pinag-OJT-han ko, in-absorb ako. At kapag naipasa ko ang board exam, tataasan daw nila ang puwesto at suweldo ko. Hindi n’yo na kailangang magtinda pa sa palengke, `Nay. Ako na ang susuporta sa inyo mula ngayon.” Binalingan niya ang asawa. “Okay lang iyon, `di ba, Prin?” “Oo naman,” mabilis na sagot ng kanyang asawa. ILANG buwan pang namalagi sina Princess Grace at Lyndon sa apartment bago sila lumipat sa isang one-bedroom condominium unit sa San Juan. May-kamahalan ang monthly amortization niyon pero ideal ang lugar sa trabaho nilang mag-asawa. Hindi sila mahihirapang mag-commute mula roon. Ang unang dalawang taon ng buhay nila na kompleto ang kanilang kalayaan ay matamis pa sa honeymoon. Parang hindi matapos-tapos ang kasabikan nila sa isa’t isa. Walang lumilipas na gabi na hindi sila nagsisiping. Palaging naglalagablab ang init ng kasabikan nila sa isa’t isa. Hindi rin sila naiinip na hindi pa sila nagkakaanak. Pareho silang naniniwala na darating din ang oras para sa bagay na iyon. In the meantime, pupunan muna nila ang kasabikan sa isa’t isa. Ngayon din nila na-realize ang punto ng kanilang mga magulang noong mga panahong pinipigil at binabantayan sila ng mga ito. Sa paglipas pa ng mga taon ay parehong parang bumubulusok paitaas ang kanilang karera. Walang taon ang lumipas na hindi tumataas ang kanilang posisyon at suweldo sa mga kompanyang pinaglilingkuran nila. They were enjoying a comfortable life. Nabayaran na nila ang balanse ng unit at nakapagpundar pa sila ng maliit na bahay at lupa sa Laguna. Mayroon na rin silang kotse. Paminsan-minsan ay nagbabakasyon sa kanila ang nanay ni Lyndon. Iyon nga lang, madalas ay kailangan pa nila itong pilitin. Talaga kasing mas gusto nito sa probinsiya. At dahil alam ni Lyndon na iyon ang talagang makakasiya sa ina, ipinaayos na niya ang bahay nila roon. Nagpapadala rin siya ng pera dito buwan-buwan. Ang mga biyenan ni Lyndon ay kung saan-saang bahagi na ng mundo napapadpad. Kung saan mayroong project ang papa ni Princess Grace ay kasama nito ang asawa. Sa mga pagkakataong nasa Pilipinas naman ang mga biyenan, dumadalaw rin ang mga ito sa kanila, pero mas naglalagi sa bahay sa Sierra Carmela. Halos labindalawang taon na silang kasal ni Princess Grace kung ang bibilangin nila ay ang mismong petsa ng kanilang kasal. Pero palaging dalawang petsa ang kanilang ipinagdiriwang. Ang petsa ng mismong kasal nila at ang petsa kung kailan ganap silang naging malaya para mabuhay na wala nang limitasyon para sa kanila. Halos kompleto na ang kanilang buhay at wala na silang mahihiling pa. Maliban sa isa. Nananabik na rin si Lyndon na magkaroon ng anak. Pero marami ang nagsasabi sa kanila na hindi pa naman sila dapat mainip. Twenty-eight pa lang siya at twenty-seven naman si Princess Grace. Bata pa sila at napakahaba ng pagkakataon nila para bumuo ng anak. Pero may pagkakataong naghahangad din si Lyndon. Pareho silang nag-iisang anak ng asawa at matagal na rin silang magkasama. Kahit kailan ay hindi sila gumamit ng contraceptives, kaya bakit hindi yata sila makatiyempo? Minsan ay naiisip niyang baka may diperensiya siya. Si Princess Grace man ay nag-iisip din ng ganoon. At para sa katiwasayan ng kanilang isip ay pareho silang nagpatingin sa doktor. Ang sabi naman ng doktor ay wala raw silang problema, na makakatiyempo rin sila. Pero dalawang taon na ang nakakalipas mula nang kumonsulta sila sa doktor. Walang matandaan si Lyndon na pagkakataon na nagkaroon man lang ng senyales na buntis si Princess Grace. Naiinip na si Lyndon pero ayaw niyang ipahalata. Napapansin kasi niyang bugnutin na ang asawa nang mga nakalipas na araw. Marahil ay dahil sa pressure sa trabaho dahil manager na ito sa pinapasukan. Alam niya, ang mas mataas na posisyon ay nangangahulugan ng mas matinding pressure. Pinagmasdan niyang mabuti ang imbitasyon na natanggap para sa class reunion ng batch nila noong high school. Kauna-unahang class reunion nila iyon. At nang unang makita ni Lyndon ang imbitasyon, naisip agad niyang gusto niyang um-attend doon. Pero nabawasan ang excitement ni Lyndon nang makitang matabang ang pagtanggap ni Princess Grace sa imbitasyon. Hindi niya iyon inaasahan kahit pa alam niyang hindi ito mahilig sa mga ganoong party. Sa susunod na linggo na ang class reunion. Medyo na-delay lang ang pagdating sa kanila ng imbitasyon. Pinagmasdan niya uli ang class picture sa imbitasyon. Ang babata pa nilang lahat doon, mga immature pero punung-puno ng pangarap. Ilan kaya sa kanila ang nagtagumpay na makamit ang mga pangarap? At kung may nabigo, ano kaya ang istorya sa likod niyon? Napako ang tingin niya kina Amor at Joel. Hindi magkatabi ang mga ito sa class picture pero nakita niyang nakalingon si Joel kay Amor, nang-aasar ang hitsura. Huling-huli ng camera ang pagngisi ng lalaki. Napangiti siya. Sino ang mag-aakalang magiging mag-asawa ang dalawa? Pati sina Alejo at Ting? Pero iyon ang isinasaad sa imbitasyon. Sina Amor at Ting ang organizer ng reunion. Ibinaba niya ang imbitasyon. Mamayang gabi, pag-uwi ni Princess Grace ay kakausapin uli niya ito. Sayang ang pagkakataon kung palalampasin nila ang okasyong iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD