ABAM | CHAPTER 9:
AWTOMATIKONG iniwan si Sabina ni Egoy nang dumating si Arbor. Nilapitan sila ng huli habang tahimik silang nakaupo sa isa sa mga kahoy na upuan na nagsisilbi rin na disenyo sa resort na iyon.
"Anong problema mo, Arbor?" tanong niya kay Arbor. Inayos niya ang suot na malaking salamin sa mga mata.
"Ikaw. Kung ano-ano ang sinabi mo kay Manang Vida. Hayun, inatake ng high blood." Nakapamewang pa na sabi ng dati niyang boss.
"Hah! Sinabi ko lang sa kaniya ang totoo."
"Totoo? Na kabit kita? Alam mong ikaw lang ang nag-appoint sa sarili mo niyan and wait, 'yun ang salita na hindi ka dapat proud na ipagsabi, Sabina."
Umingos siya. Kasalukuyan siyang nakahiga pasandal sa beach chair kaya pasalamat talaga si Arbor at nakakatulong pa ang iniinom niyang buko juice upang kahit paano ay lumamig ang ulo niya. May kataasan kasi ang boses nitong ginagamit sa kaniya.
"Nagtanong siya, deh, sagutin," bagkus ay kaswal niyang sagot. Maarte niyang hinigop ang maarte rin na paper straw ng buko juice. "By the way, ayos 'tong mga kiosk dito ah, eco-friendly, instagrammable ang mga baso at straw, nice."
"Sabina, matanda na si Manang Vidal, hindi mo na sana siya pinatulan."
She rolled her eyes. "Kabit lang ang sinabi ko, saka na sana siya na-highblood kung magkasama tayo sa iisang kuwarto kung matulog. Hay, ang OA naman niya."
"Ikaw pa talaga ang galit? Ikaw 'tong mas nakakaunawa sana. Taboo ang salitang 'yon sa mga nakakatanda."
"Alam niya kasi 'yon! Gusto niya lang ma-confirm! Kasura! 'Apakasungit niya. Unang araw ko pa lang rito e," hindi papatalong turan niya. Ewan ba niya, bigla ay parang siya na ang naha-highblood.
"Bakit galit na galit ka? Sinasabihan lang naman kita. Sa susunod sana ay 'wag mo na 'yong gawin."
"Hindi ko maipapangako 'yan. Magalang ko naman siyang sinasagot at kinakausap."
Nagkamot ng sariling kilay si Arbor, parang kunsumido sa kaniya ang itsura. "Okay, umusog ka."
"Huh?"
"Umusog ka. Paupo ako."
"Ba—Bakit dito pa? Bakante naman ang isang upuan…"
Pero hindi nakinig si Arbor, naupo talaga sa bandang gawi ng binti niya.
"From now on, panindigan natin 'yang kabit issue mo."
"Hah! Talaga ba? Naku, katakot ha, baka ma-fall ka." Tatawa-tawang buska niya sa lalaki.
"That won't happen," mariin na sambit naman nito.
Mas napangiti na lang si Sabina. Maano bang makipaglaro rin siya kay Arbor habang nasa bakasyon silang dalawa? Sigurado naman siyang hindi na nito uulitin ang aksidenteng nangyari sa kanila sa Boracay. Sure rin siyang hindi makakarating sa asawa nito iyon—basta, feel niya lang.
Nang mag-decide siya't mag-demand na maging kabit ng dati niyang boss, charot lang iyon sa kaniya. Una, alam niyang hindi kasi ito papayag. Dati pa kasi ay parang hirap na hirap ang mga babae na masungkit ito upang matikman man lang. Aware naman siyang kahit married na ang dati niyang boss ay sangkaterba ang mga babaeng kusang inaalay ang mga sarili rito. Bukod kasi sa magandang lalaki na, marami pang pera si Arbor Villasanto, kaya aware rin siya sa kapasidad ng p*********i nito—safe siya rito.
Oo, ganoon siya kakampante sa lalaking ito. Sinasabi ng gut feel niya na okay lang siya rito.
"Sige na nga, maniniwala na 'ko, Sir Arb," pabiro niyang tugon. Pabiro rin na dinantay niya ang isa niyang binti sa kandungan nito. "Para mas maniwala ako, padantay."
NAPAIGTAD man si Arbor nang walang salitang dumantay sa kaniya ang babaeng sinisimulan na naman siyang kulitin ay hinayaan niya na lang ito. Siya naman ang naupo roon kaya magdusa siya. Iyon din nga yata ang nasa isip ni Sabina, so dapat lang na hindi niya ipakita rito na sobrang apektado siya.
Naisip niya rin naman na magandang way na rin ang pagsasama nila sa bakasyon upang dapat na rin niyang harapin ang trigger na dulot sa kaniya ni Sabina bago pa mapunta iyon sa kung saan.
"Pa'no mo nagawang i-record ang audio na iniingatan mo nang hindi ko man lang naisip na magagawa mo 'yun? I mean, ang natural ng histerikal mo, tapos pala ay arte mo lang 'yon?"
Sabina giggled. "Arte nga lang 'yon. Kasi kung tunay 'yon, Arbor Villasanto, wala ka na sanang umagang daratnan."
"Ano ang plano mo? Bakit kailangan mong gawin 'yon? Para sa'n? Let me understand you, Sab," sincere na tanong niya sa babaeng kaharap.
Masinsinan niyang kinakausap ito dahil kailangan na umakto sila sa kanilang edad. Hindi tama ang ganito. Para mangyari iyon ay dapat nilang simulan sa umpisa. Sa naging puno't-dulo.
"Invited ako sa kasal ni Baron. Gusto kong pumunta tayo nang magkasama para maipamukha ko sa kaniya na napalitan ko na din siya," walang gatol at walang emosyon na ani Sabina. Biglang nagbago ang timpla ng tono. Naglaho ang playfulness.
Si Arbor naman ay tumango-tango. "Kaya pala ang sabi mo ay two weeks kang sasama sa 'kin."
"'Yun ang petsa ng kasal niya sa first love niya."
"Sobrang mahal mo siguro siya para magkaganyan ka," kaswal na komento ni Arbor.
"Anong para magkaganyan? Nagsaya lang ako sa Boracay, aksidente ang lahat ng nangyari. Kahit iyakan ko pa 'yon kinabukasan na makita kong ikaw 'yun e wala rin namang magbabago."
Tinitigan niya ito. "Tingin mo, may mababago ba kung pagbibigyan mo ang ex mo sa kasal nila na dapat ay ikaw ang bride?" Nakita niya ang paggalawan ng mga panga ng babae.
"Pride ko lang ang nasasaktan niya, 'yun ang sigurado ko."
"Three years pa ang hinintay mo bago mo nahanap ang pride na mayroon ka pala?"
Naningkit ang mga mata ni Sabina sa kaniya. "Anong ibig mong sabihin?"
"Kumalap ako ng information tungkol sa inyo. I'm sorry, hindi kasi puwede ang ganito—" Natigilan na sa pagsasalita si Arbor nang maramdaman niya ang mga daliri sa paa ni Sabina—kinurot lang naman ang 'kaibigan' niyang nananahimik sa gitna ng kaniyang hita! "Sa—Sab—"
"Manahimik ka na. Sumosobra nang daldal mo."
"P—Paniguradong ikaw ang mananahimik mamaya kung hindi mo aalisin 'yan," banta niya naman sa babae. Kandautal siya't matao kasi.
Nasa kalagitnaan sila ng mataong lugar at katirikan ng araw tapos ay ganito ang ginagawa ni Sabina! Wala tuloy sa sarili niyang napasulyap siya sa puwesto kung saan alam niyang naroon si Jacob—buti na lamang ay busy ang huli sa pagkain ng kung ano-ano sa mga kiosk na naroon kundi ay siguradong pagtatawanan siya nito!
"Hihingi ako ng sorry kay Manang Vida mamaya, 'yun lang naman ang pinunta mo rito, hindi ba? Tumayo ka na. Hindi ko gustong pinag-uusapan ang pesteng kasal na 'yon. Nakakahiya."
"Nakakahiya kanino? Kung mas matimbang ang pagkapahiya kaysa sa pagmamahal, then you should move on, as fast as you could, Sabina."
"Tigilan mo 'ko sabi e! Mas ididiin ko pa 'yan," banta pa nito sa kaniya.
"Kailangan mong bilisan ang pag-usad, para masabi mo sa sarili mong ang lahat ng kabaliwan na ginagawa mong 'to ay hindi worth it na maramdaman para sa lalaking 'yon." Pagkasabi ni Arbor niyon ay balewalang tumayo na siya.
Medyo masakit ang ginawa ni Sabina dahil nagalit na ang dapat na magalit sa kaniya ngunit ayos lang. Sa hinaba ng journey niya bilang negosyante ay aral na niyang kontrolin ang kaniyang emosyon. Kasama na roon ang itago ang sakit at hapdi.
Kung sana lang ay ganoon din si Sabina.