"NAKITA ko ang lahat," bulong ni Jacob kay Arbor nang makaagapay ito sa paglalakad niya.
"Wala kang nakita, Jacob."
Tinawanan lang siya ng siraulong pinapasahod niya lang naman na tauhan. "Okay, bulag ako."
"Good. Anyway, she's in denial. Matindi ang naging impact ng panloloko ni Mckinley sa kaniya," seryosong ani Arbor.
Iyon ang assessment niya kay Sabina dahil hindi naman ganoon ang babae nang makilala niya bilang kaniyang secretary sa loob ng two weeks na araw-araw silang magkasama sa kaniyang opisina. Maloko, wild at walang dudang nagrerebelde sa mundo ang Sabina na kaharap niya ngayon.
"Ikaw ba naman 'tong pakakasalan na sana. May mga babaeng attached kasi sa idea ng kasal."
Bumuntonghininga siya. Totoo naman kasi ang sinabing iyon ni Jacob. "Now, she's totally not in her usual state. Nagrerebelde siya, ang sarili niya ang napagbubuntunan niya. Siguro ay iniisip niyang sobrang tanga niya dahil naniwala siya kay Mckinley."
"Possible," simpleng tugon ni Jacob.
Huminto siya sa paglalakad, nilinga niya ito. "Tutulungan ko siyang makabalik sa dati, Jacob."
Mulagat ang kaniyang kanang kamay. "Ha? Pa'no mo gagawin 'yan?"
"Hahayaan ko siyang maging kabit ko sa loob ng dalawang linggo."
"E, 'yun naman na ang alam dito—"
"More than that. Kailangan niya ng taong makakasama sa pag-usad at ako na 'yon. In two weeks, siya nang bahala kung itutuloy niya pa ba ang plano niyang dumalo sa kasal ni Mckinley o hindi na dahil nakausad na siya."
Nakakaloko siyang tinawanan ni Jacob. "Teka nga, gusto ko lang ipaalala sa 'yo na hindi lang siya ang problemado sa inyong dalawa para magsalita ka d'yan na akala mo yata ay si superman ka. Hindi ka tagapagligtas ng mga sawi, dude. 'Yang pagsama mo sa kaniya rito, katanggap-tanggap pa, hindi mo mahindian e, pero 'yang iniisip mo, trouble 'yan. Limot mo na ba kung ano ang nati-trigger sa 'yo ni Sabina? Mas lalong imposible naman na makalimutan mo kung sino ang makikita mo sa kasal ni Mckinley para payagan mo siya sa kalokohan niya kung sakali."
Natigilan si Arbor. Marahas siyang napalunok. "B—Bahala na. Nabanggit din naman noon ng duktor na ang mga unusual emotions ay nawawala rin sa pagtagal, kapag siguro gamay ko nang kasama si Sabina, mawawala rin 'yon. Basta wala nang mamagitan sa 'min, wala akong magiging problema."
"Tsk. Nang dahil lang 'to sa audio na 'yon! Anak ng pating! Hindi mo pa kasi ipatrabaho sa 'min 'yon."
"Hindi na lang 'to dahil do'n, Jacob. Let's say, gagawin ko 'to para matulungan naman siya, kahit paano ay pambawi sa aksidenteng nangyari sa 'ming dalawa sa Boracay."
Napaamang ang kaniyang kausap. Alam naman kasi nilang dalawa na kalokohan na ang sinasabi niya't hindi naman big deal sa kaniya ang pagkabirhen ng isang babae.
Ngunit nakapag-decide na siya.
Wala namang mawawala kung subukan niya…
***
"INAANTOK ka na tuloy. Sabi ko naman kasi sa 'yo, hindi mo kailangan na gawin 'to. May kasungitan lang talaga si Manang Vida pero napakabait niya."
Tipid na nginitian ni Sabina si Amor nang makalapit ito sa kaniya. "Ayos lang," simpleng sagot niya.
Maaga kasi siyang gumising para gumawa ng puto na may leche flan na pang-peace offering niya kay Manang Vida. Mabait naman sa kaniya si Amor. Iyon nga lang, halata niyang may gusto ito kay Arbor kaya medyo ilag sa kaniya at hindi matagalan na makatingin sa kaniya ng diretso. Si Amor ang babaeng nakatirintas nang una niyang dating sa resort—nakatirintas pa rin naman ang buhok nito hanggang ngayon. Mukha nga siyang babaeng nakatago sa liblib na probinsya kahit hindi naman liblib ang lugar na iyon.
Well, siya lang naman yata ang babaeng makapal ang mukha na pinagsabing kabit siya tapos ay ang lakas ng loob na pagmasdan ang mga nakakausap na alam niyang nakakakilala sa asawa ni Arbor. Kaniya-kaniyang kapal ng apog lang talaga.
"Mga alas siete ng umaga ang bangon ni Manang Vida. Puwede ka nang matulog ulit, ako na ang bahala sa mga ginawa mong puto at sulat na iiwan mo para sa kaniya," kiming sabi ni Amor.
Nginitian niya ito. "Sige, salamat, Amor. Hindi mo naman kailangan na iabot pa ang sulat, naka-attach naman 'to sa takip. Kapirasong note lang 'to." May ginawa siyang puto kay Manang Vida at mayroon din siyempre na para sa mga nais na matikman iyon. Kaya nga maaga pa sa dapat na oras siya gumising. Kaso ay inabot din naman siya ng mag-aalas sais nang makatapos.
"Sige na, ako nang bahala."
Nagpasalamat ulit siya rito. Nagpasya muna siyang magtimpla ng kape bago muling umakyat sa kaniyang kuwarto. "Amor, ikaw, gusto mo rin ba ng kape?"
"Ako, gusto ko."
Si Arbor ang nalingunan niya. Nang hanapin ng mga mata niya si Amor ay wala na ang babae roon.
"Hay, mukhang nahihiya si Amor sa crush niya."
Kumunot ang noo ni Arbor. "Crush?"
She bit her lower lip. "Crush kasi ni Amor ang kabit ko," biro niya sa lalaki.
Arbor just shrugged. "Simpleng paghanga lang siguro, bata pa kasi si Amor."
Tumawa si Sabina. "Plano ko nga siyang ireto kay Egoy. Pareho silang mga bata pa."
Sa tantya niya ay mas bata sina Egoy at Amor ng halos anim o pitong taon sa kanila.
Tumango si Arbor. "Si Egoy na may crush sa 'yo. Tama ka, bagay naman sila."
"Puwede, hindi ba? Push ko 'yan, isa sa mga araw na 'to."
"Do what makes you happy, Sab."
"Happy talaga ang pagrereto 'no!"
"And thank you for being nice, lahat sila halos dito ay kasundo mo na kaagad. Si Manang Vida na lang ang hindi."
Umingos siya. "Hindi ko kasi siya nilambing. Inasar ko kasi siya kaagad," aniya, nagsisisi naman din siya sa kaniyang ginawi. Noon naman ay hindi siya ganoong tao. Talaga nga yatang binago siya ng pesteng pag-ibig na hindi naman pala para sa kaniya.
"But at least, you're here, handa ka nang makipag-reconcile sa kaniya."
"Oo naman. Sana lang ay hindi na niya 'ko sungitan," sagot niya kay Arbor. Dinikit na niya sa box ng puto ang note niya para kay Manang Vida. "Hayan, done na…" Natigilan siya. Nang muli kasi siyang nag-angat ng mga mata kay Arbor ay sobrang lapit na nito sa kaniya. "Arbor…"
Bahagya nang nanlaki ang mga mata ni Sabina nang bigla siyang hawakan ni Arbor sa kaniyang pulso saka dumukwang ito na tila siya hahalikan sa pisngi!
"H—Hoy!" awat niya sa lalaki. Buong palad niya ang nakasalpak ngayon sa g'wapong mukha nito. "Bawal 'yan!"
Tatawa-tawang inalis ni Arbor ang kamay niya mula sa mukha nito. "Babatiin lang kita ng magandang umaga. Gano'n ang mga kabit, hindi ba? Nagbabatian sa umaga, tanghali at gabi, walang palya sa mga kiss and hug emojis. Magkasama naman tayong dalawa, saka na lang tayo gumamit ng mga emojis."
Ano raw?! "A—Anong pinagsasa—" Naudlot na ang sinasabi niya, nanigas na rin ang lahat-lahat kay Sabina nang mabilis at walang salitang dampian ng halik ni Arbor ang sulok ng kaniyang labi!
"Kung makikita mo lang sana ang sarili mo ngayon ay matatawa ka, Sab. A mistress' not supposed to be like that."
"A… e…" Pa-ABAKADA na yata ang sinasabi niya!
Arbor chuckled. "You're blushing. Mas okay pala ang pamumula ng mga pisngi mo kapag nagba-blush ka lang at walang espiritu ng alak sa katawan."
Ginu-good time ba siya ni Arbor? Sinabi niya nga rito na gawin siyang kabit nito pero charot niya lang 'yon! Bakit nito tinototoo?!
Marahan siyang tinapik ni Arbor sa kaniyang pisngi. Malawak pa rin itong nakangiti. "I'll wait for my coffee. Na-miss ko ang kape na ikaw ang nagtitimpla para sa 'kin."
Bago tumalikod ay kumindat pa sa kaniya ang tinamaan ng magaling!
"M—May puto rin naman dito…" wala sa loob na sambit ni Sabina.
"Sige, pahingi na din. Pakidala mo na lang sa room ko. Kung matutulog ka na, puwede naman na pasuyo mo na lang sa iba," tugon ni Arbor, hindi niya na halos namalayan na naroon pa pala ito!
"Okay," tanging naitugon na lang niya.
Tinalikuran na niya ang lalaki. Kailangan niya nang tumalikod dito at kumilos. Hindi niya inaasahan ang mga ganitong kaganapan.
Hindi naman niya pinangarap na maging kabit!