11:

1610 Words
NAKAPIKIT na dinama ni Arbor ang malambot at mainit na palad ni Hailey nang ihaplos nito iyon sa kaniyang kanang pisngi. "Parati kang mag-iingat, Arb. Salamat. Sa lahat-lahat. Mahal kita." Tumango siya. Gaano man kagasgas ang linyang sinaad ng babae ay alam niyang nagmula iyon sa puso nito. Alam niyang ang pasasalamat na iyon ay nagsimula sa araw na ito ay kaniyang pakasalan, sa araw na nakunan ito, sa pag-aalaga niya rito physically, emotionally and mentally, hanggang sa huling araw na iyon ng kanilang paghihiwalay. Kung paanong ang sinimulan nila na pagkakasundo ay nagtapos din na kanilang pinagkasunduan. Mabilis ang naging proseso ng lahat, wala naman kasi silang usapin sa pera at ari-arian. Wala rin silang naging away, walang usapin na anak, confidential pareho ang kanilang grounds. Pinakasalan nila ang bawat isa upang kapwa mailigtas ang kanilang mga sarili sa kahihiyan, gayundin sa kanilang annulment—naghiwalay sila nang ligtas at malinis ang pangalan ng bawat isa. "Salamat, sa pagtupad ng usapan natin kahit umabot pa ng tatlong taon. Mahal din kita, Hailey," malungkot na nasabi niya na lang sa naging kabiyak. Tatlong taon din silang nagsama. Sa loob ng tatlong taon na iyon ay hindi miminsan na sinubukan nilang baka mag-work sila together ngunit kahit kaunting spark man lang ay hindi nagsindi. Girl best friend lang talaga ang papel ni Hailey sa buhay niya. Guy best friend lang din ang papel niya rito. Ang lahat kasi ng mga namagitan sa kanila mula't simula ay kapwa pinagkasunduan nila—nagkakasundo sila sa lahat ng bagay at aspeto—hanggang sa huli. Nabanggit nga ng mga abogado nilang sila ang pinakamabait na mag-asawang nagpa-annul ng kanilang kasal. Sayang. Nakakahinayang ang pagpapahalaga. Ngunit ganoon talaga. Hindi talaga bubukol ang hindi ukol. Sa naging pagsasama nila ni Hailey siya nalinawan sa kahalagahan ng spark sa pag-ibig. Sa kahalagahan ng tinatawag nilang pag-ibig na hindi platonic. Parati ngang humihingi ng tawad ang babae sa kaniya dahil sinayang daw nito ang kaniyang oras. Alam kasi nito kung gaano kahalaga sa kaniya ang bawat segundo… "But no. Wala akong oras na nasayang pagdating sa 'yo, Hailey. Ngayon pa lang. Ngayon pa lamang ako nag-aaksaya ng oras," pagkausap ni Arbor sa kaniyang sarili. "Ipinagluluksa ko ang naging desisyon mo. But heck, ikaw naman ang may gusto niyan." Hindi niya yata kailanman mauunawaan ang naging desisyon ni Hailey. Sabi nga nito, hindi niya pa lamang maiintindihan dahil wala pa naman siyang babaeng minahal. Siguro nga ay totoo iyon. Alam naman nito ang rason kung bakit hindi siya sumubok sa iba. Oo, lingid sa lahat ay matagal nang naaprubahan ng korte ang kanilang annulment. Si Jacob lamang ang nakakaalam ng tungkol doon dahil hindi naman niya iyon maitatago sa lalaki. "Matagal nang aprubado pero heto pa rin ako, namomroblema pa rin sa mga naging desisyon mo." Buntong-hininga niya sa malawak na kadiliman. "Well, at least, wala akong hawak na alak ngayon. Hindi na 'ko naglalasing sa tuwing problemado ako at 'yun ay dahil sa 'yo, Hailey Ann." Nakakapagpakalma sa kaniya ang dagat kaya napili niyang puntahan ang Boracay nang makapag-decide siyang magbakasyon, at dahil two months nga ang ginusto niyang haba para isahang bagsak na lang sana ang pahinga niya, sa resort niyang iyon niya napiling dumiretso pagkatapos. Iba pa rin kasi ang pagbabakasyon ng may kasama kang kapamilya—iyon na kung ituring niya ang mga tauhan niya sa resort na iyon. "Galing na 'ko sa Boracay na siyang paborito mong pinagbabakasyunan kahit dinala na kita sa kung saan-sa'n," muling anas niya, tinutukoy ang nawalay na sa kaniyang dating asawa. "Nagkatotoo rin ang sinabi mong kapag hindi na tayo ay tikman ko naman ang makipag-one night sa Bora." Pagak siyang natawa. Tiyak na kung may makakakita sa kaniya roon ay siguradong iisipin na may sayad siya't salita siya nang salita mag-isa. Pero para sa kaniya ay mas may sayad ang mga taong hindi naranasan na kausapin ang mga sarili, hindi kasi nila alam na nakakagaan ng pakiramdam ang paglalabas ng lahat nang walang makakarinig kundi ikaw lang. Iiling-iling na dumampot na lang si Arbor ng maliliit na bato bago siya tumayo na't magpasyang pumasok na sa kaniyang kuwarto. Nang akmang ipupukol na niya ang batong iyon sa karagatan ay siyang tili naman ng kung sinong nasa malapit lamang niya nakapuwesto… KINUSOT-KUSOT ni Sabina ang kaniyang mga mata. Sa kaniyang muling pagdilat ay nasiguro niyang si Arbor nga ang kanina pa bumubulong sa likod ng malaking bato na nakaharang sa pagitan nila! Kandahilig siya upang mapakinggan man lang sana ang sinasabi nito, pero wala, ang labo talaga! Nakakainis! Para saan pa at nakita niya ito, wala naman siyang mapakinggan! Nang mag-decide siyang tigilan na ang pagyakap sa malumot na bato at tumayo na ay siyang tayo na rin ng lalaki. Iyon nga lang, dahil malumot nga sa parteng pinuwestuhan niya, dausdos ang napala niya nang hindi niya matantya ang pagpagpag sa kaniyang mga kamay! "S—Sabina…?" "Help—help me!" Kakawag-kawag si Sab, daig pa niya ang tinihayang pagong sa posisyon na kinasadlakan—naipit ang katawan niya sa nag-uumpugan lang naman na bato, maliit ang space kaya patihaya siyang bumagsak—nakaangat at nakabukaka ang kaniyang mga hita! "Sabina!" tarantang sambit ni Arbor, hindi malaman ang gagawin. Madilim pa naman sa parteng iyon ng beach. "'Waaag!" pasigaw na awat ni Sabina sa lalaki nang akmang bubuksan nito ang flashlight ng mobile phone na hawak. "'Wag na 'wag kang mag-iilaw, Arbor! Makikita mo ang… ang…" hindi niya matuloy ang sinasabi, basta kung iilawan kasi siya nito ay maiilawan nito eksakto si 'Peck' na natatabunan lang ng manipis na tela at plano niya ngang lumangoy sana ngayong gabi kahit sandali kaya siya naroon. "Madilim masyado, ang nakikita ko lang sa 'yo ay ang neon pink mong two piece!" "Hayup ka, Arbor! Sinasabi mo bang negra ako?!" "Morena! Morena ka! Pero madilim nga kasi masyado, baka mapaano ka d'yan. Nakakakapos ng hininga ang maipit sa mga bato, ano ka ba," ani Arbor, hindi malaman ang gagawin. "Basta bawal kang mag-ilaw! Gumawa ka ng paraan, 'wag kang mag-ilaw. Huwag ka rin tumawag ng rescue, mag-iilaw din ang mga 'yun!" mas pasigaw niyang sabi, kandapilipit siya kaya napaungol siya pagkuwan. "Sh't!" anas ni Arbor. Tumalon na ito pakabilang bato, ire-rescue na siya—pero nagsindi pa rin talaga ng flashlight ng cellphone nito! E, 'di pagkasindi ay tamang tulala ang loko! "Tang'n* ka, Arbor Villasanto, sinabi ko nang 'wag kang magsindi ng ilaw e! Akala mo yata magpapasalamat ako sa liwanag mo!" gigil niyang asik sa lalaki. "Arbor! Hoy!" Tila noon lang nag-sink in kay Arbor kung ano ang nangyayari, pinilig nito ang sariling ulo bago naiinis na sabi, "Will you please shut up?!" asik din nito, "Naiingayan ako sa 'yo." "Naiingayan ka d'yan, e, namatanda ka na! Sinabi na kasing 'wag kang mag-ilaw, b'wis*t ka!" "Humawak ka na lang nga, hahatakin kita," ani Arbor. In-stretch nito ang palad para makahawak siya roon. Ginawa naman ni Sabina dahil wala naman na siyang ibang pagpipilian. Kandahila ito sa kaniya. Ang siste, sa kakalikot niya't kakamadali na makaahon sa kinaipitan niya na mga bato ay nawalan ito ng balanse—bumagsak si Arbor sa ibabaw niya! "M—Mas naging komplikado lang…" kulang sa conviction na saad ni Sabina habang titig na titig sila ni Arbor sa mga mata ng bawat isa. "Mas naging komplikado lang dahil ang likot mo kasi, dahil ang ingay mo kasi o baka dahil sa ganitong puwesto ay mas dinig ko ang mabilis na pintig ng puso mo?" "A—Ano bang sinasabi mo d'yan—" Naputol na ang sinasabi niya, naramdaman na kasi niyang unti-unti na siyang umangat mula sa katangahan na kaniyang kinasadlakan. Arbor chuckled. Nakaayos na sila pareho ng tayo. "Distracted ka na agad, saglit na segundo pa lang." "Distracted? Saan naman? Sa 'yo? Hoy! Kilabutan ka nga!" pagtatalak ni Sabina kahit nakatalikod naman na sa kaniya ang kaniyang tinatalakan. "Kasalanan mo nga kung ba't ako nahulog do'n e! Kung ano-anong sinasabi mo, wala naman akong naintindihan!" "Tsismosa ka pala kasi, hayan ang napala mo." "Hindi naman, curious lang…" NATAWA si Arbor, nakahabol na sa paglalakad niya si Sabina, hinihingal pa rin, nakanguso. "Curious na mas lamang ang pagka-chismosa kaya nadulas," buska niya rito. Pabiro naman siyang hinampas nito sa kaniyang braso. "Hindi gano'n! Pero parang gano'n na nga? Hah! Ewan!" Sabay na lamang silang natawa, kapwa naalala nila ang kaninang nangyari. "Aba! Nagkita na pala kayo!" Sabay rin silang natigilan nang humarang sa dinaraanan nila ang matandang babae na mukhang manghuhula… Nagkatinginan sila. "Ah, magandang gabi ho, guest po ba kayo nitong resort? Madalim na po kasi sa parteng 'to ng ganitong oras," magalang na sambit ni Arbor sa matanda. Wala sa loob na napahaplos siya sa kamay ni Sabina nang maramdaman niyang humigpit ang kapit nito sa kaniyang braso. "Nagkita na pala ang dalawang tao na parehong may suliranin sa mga inaakala nilang pag-ibig…" "Ah, Lola—" "Lola! Lola, gabi na, kanina pa namin kayo hinahanap!" Naudlot na ang sasambitin sana ni Arbor nang humahangos na dumating ang dalawang babae na sa tingin niya'y nasa early 20's ang edad. Inakay ng mga ito ang matandang babae. Humingi ng pasensya sa kanila ang mga babae, patuloy naman na nagsasalita ang lola ng mga ito at tumatawa na tila masaya. Napangiti na lamang siyang sinundan ng tingin ang papalayong nag-uulyanin nang matanda. "Nabigla ka lang, hindi naman siya nakakatakot," sabi niya kay Sabina. Bumuga naman ng hangin ang huli. Nang muling magsalubong ang paningin nila ay pareho silang nagulat nang matagpuan na lamang nila ang kanilang mga palad na mahigpit na magkahugpong... Tila napaso na pinaghiwalay na lamang nila ang kanilang mga palad pagdaka.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD