MAGANDA ang naisip na gawin ni Arbor sa resort na iyon. Walang duda na isa nga itong negosyante. Para ma-maintain nga naman ang pagkasabay sa uso ng mga amenities at design ng kabuuan ng beach resort ay kailangan na mag-invest. Imbes na gawing nitong private for rent ang pag-aaring resort ay ginawa nito iyong for public kung saan ang lahat nga naman ay may access. Mas mura, mas maraming makakapunta.
Nakakatuwa rin na malaman na maganda magpasahod doon ang CEO. Lahat halos din ng mga staff nito roon ay matatagal na sa serbisyo.
Ang mga iyon talaga ang naglalaro sa isipan niya habang nagmumuni-muni siya't nakasalampak sa paborito niyang spot ng resort kung saan tanaw niya ang kabuuan ng karagatan sa kadiliman ng gabi.
Pinuno ni Sabina ng hangin ang kaniyang dibdib. Ganoong oras talaga ng gabi nakakapangaligkig ang hangin doon pero kay sarap naman na magbabad kahit mahamog na. Sa katunayan ay napapikit pa nga siya upang damhin ang malakas na ihip ng hangin na dumampi sa kaniyang balat.
"Ayy, shutaca!" nagulat na bulalas ni Sabina, napadilat tuloy siya. Nabigla sa kakaibang lamig na dumampi sa kaniyang pisngi.
"Malamig na Coke in can lang naman 'yon," si Arbor ang nalingunan niya, nakaakbay sa kaniya, may hawak ngang coke sa lata. Malamig nga iyon.
Kinuha niya ang Coke, pasimpleng inalis niya ang nakaakbay nitong braso sa kaniya.
Pagak naman na natawa ang lalaki. "Ang selan mo naman na kabit!" biro pa nito.
Nilabas niya lang ang dila niya rito. "Ang suwerte mo namang kabit kapag hinayaan kita, 'no!" Irap niya.
Tinawanan lang siya ulit nito. "Si Manang Vida nga pala ang nagsabi sa 'kin na baka nandito ka. Pasensya na kung inistorbo kita, hindi ko na kasi gustong hayaan kang nag-iisa. Ang mga kabit ay nagdadamayan."
Iningusan niya ito. "Naku, tigilan mo nga ako ha. Kabit ka d'yan! Saka ni hindi na nga ako kinausap no'n ni Manang Vida. Natakot na yata na baka ma-stroke siya dahil sa 'kin."
Arbor sneered. "Sira. Nagtatampo lang 'yon pero for sure, one of these days ay kakausapin ka rin no'n."
Nagkibit lang siya ng mga balikat. "Kahit hindi na. Mas safe ang isang tao kung hindi niya susubukan na kalabanin ang gut feel niya, you know."
Arbor playfully pinched her nose. "Mas matampuhin ka naman," buska sa kaniya nito.
"Hindi naman. Actually, nagpa-plano nga akong kausapin si Manang Vida tungkol sa gusto kong boodle fight. Para sana magka-activity naman tayo. Kahit mga 5 PM to 10 PM lang since 'yun lang naman ang allowed time para sa kantahan," pagpapaalam niya ng plano niya sa owner ng beach resort. "Nalibot ko na kasi ang kabuuan nitong beach. Saka naisip kong bago tayo umalis dito ay gawin naman natin 'yon, para may memories tayo with your staff."
"Magandang idea ang naisip mong 'yan." Tumango-tango si Arbor, tila pinag-iisipan naman ang sinabi niya. "I-set natin 'yan kahit sa susunod na araw."
Tila nagningning naman ang mga mata niya't pumalakpak ang tenga sa kaniyang narinig. "Sabi mo 'yan ah!" Tumango si Arbor, "Salamat! Inom din tayo ulit, hindi ko na-enjoy ang paglalasing ko sa Bora."
"Hindi mo pa na-enjoy ang paglalasing mo ro'n sa lagay na 'yon?"
Napaawang na lang ang labi ni Sabina sa nais na ipakahulugan ng lalaking katabi niya sa sinaad nito. Pabiro na lang din niyang sinaktan ang damuhong lalaki.
Bakit ba bigla ay makamundo na ang nasa isip niya? Napunta na ang diwa niya sa naganap sa pagitan nila nang dahil naman sa kagagawan niya rin kinabukasan noong nasa Boracay sila…
Nakagat na lamang niya ang kaniyang lower lip. Buti na lang talaga ay madilim na, nakakahiya at kakantyawan siya panigurado ni Arbor kung mapupuna nitong nag-iinit ngayon ang mga pisngi niya nang dahil lang dito. Hindi rin kasi tama na umakto siya ng ganoon—may asawa na si Arbor, hindi niya iyon dapat na kalimutan.
"Joke lang, Sab. 'Wag ka nang kumagat labi d'yan. Sige ka, baka maakit mo 'ko." Mahinang tinapik ni Arbor ang kaniyang pisngi.
Nanatili lamang siyang nakatitig sa lalaki. Tahimik na humahanga sa kagandahang lalaki nito at tahimik na nanghihinayang. Kung sana nga ay kakayanin niyang maging kabit…
"Darating ba ang asawa mo?"
"H—Huh?"
Nagkibit-balikat si Sab. "Tinatanong ko lang kung may posibilidad ba na pumunta ang asawa mo rito? Hindi ko kasi siya kilala."
"Hindi mo siya kilala? Seryoso ba? E nakakalat naman ang pictures namin sa internet ah. 'Yung mga stolen shots sa tuwing nasa business gatherings kami, parati nila kaming kinukunan, businesswoman din kasi siya."
"Hindi ko kayo sinilip. Maniwala ka, never." Kung sasabihin ba niya sa lalaking ito na ayaw niya kasing mainggit kaya sa loob ng two weeks na maging sekretarya siya nito ay hindi niya ito naisipan na i-stalk sa kahit anong platform sa social media?
"Grabe naman. Bakit? Lahat ng tao ay ginagawa nang past time ang silipin ang buhay ng iba ah. Hindi ko alam tuloy kung ma-o-offend ako." Nakangiting ani ni Arbor sa kaniya.
"Basta kung darating naman siguro siya ay sasabihin niya sa 'yo, hindi ba? Sabihan mo lang ako kaagad ah. Ayaw ko naman na magkagulo kayong dalawa nang dahil sa 'kin."
"Okay," tipid na sabi na lang ni Arbor.
"Nasa sa 'yo ang desisyon kung magkikita kayong dalawa, hija."
Magkapanabay na napatingala sila sa nagsalitang iyon—ang matandang babae pala, iyong naka-encounter nila noong isang gabi.
"Magandang gabi po," bati ulit ni Arbor nito.
Sa pagkakataong iyon ay bumati rin siya sa matanda at ngumiti. "Hello po."
Ngumiti ang ale. "Kanina ko pa kayo hinahanap na dalawa. Gusto kong bago ako matulog ay makita kong magkasama kayo. Naaalala ko sa inyo ang aking kabataan."
Lumawak ang ngiti niya. Tama nga si Arbor, nagulat lang siya noong isang gabi, hindi naman nakakatakot ang ale, bagkus ay nakakatuwa nga ang mga sinasabi nito sa kanila.
"Gabi na po, mahamog na," Hinubad ni Sabina ang shawl scarf na nakapatong sa kaniyang balikat, "heto po, sa inyo na muna, isauli niyo na lang sa 'kin sa muli nating pagkikita, Lola." Siya na rin mismo ang nagbalabal niyon sa balikat ng matandang babae.
"Naku, salamat." Mahinang tinapik ng ale ang likod ng kaniyang palad bago pa niya bitiwan ang binuhol niyang shawl. "Hija, ang sinabi ko ha, lagi mong tatandaan. Ikaw ang magdedesisyon kung nais mong magkita kayo."
Tipid at nananatiling nakangiti na tumango na lamang si Sabina. At gaya sa eksena noong nakaraang gabi ay may babae na humahangos na lumapit sa matandang lola. Pero hindi iyon ang mga kabataan na nakita na nila ni Arbor…
"Lola! Lumabas na naman kayo kung kailan gabi na!" Nakanguso ang magandang babae na bagong dating. Sumulyap sa kaniya, tapos ay kay Arbor, naglaho ang pagkanguso, napalitan ng matamis na ngiti na parang sadyang pinakita ang mga maliliit na biloy na nasa ilalim ng maliit din nitong labi. "Hi! Kayo siguro ang sinabi ng mga pamangkin ko na magkapatid, palagi raw kayong gustong makita ng lola ko," sabi ng babae sa kanila, "I'm Zani, by the way."
"Arbor," pakilala ng may-ari ng resort, kinuha kaagad ang palad ni 'Zani'.
Lihim na napatikwas na lang ang kilay ni Sabi—este, Sabina. "And I'm Sabi—na." Nginitian niya sina Zani at Arbor, ngiting tagumpay dahil napaghiwalay niya lang naman ang mga palad ng dalawa.
"Tara na, Zani, mahamog na," aya ng matandang babae sa apo nito. Kinabig pa ang braso ng apo. "Mauna na kami," saka magiliw na paalam sa kanila.
Nasundan na lamang nila ng tingin ang mag-lola. Kitang-kita niya tuloy kung paanong umindayog ang bewang ng babae. Malinaw rin niyang nakita na habang nananatiling nakatanaw sila sa mag-lola ay lumingon pa si Zani para kumaway at ngumiti kay Arbor.
"Ay, 'yung Coke ko nga pala! Hindi ko pa nainom!"
"Hey, Sab, 'wag mong kalugin 'yan," saway sa kaniya ni Arbor, pero sorry na lang ito, sadya niya kasing ginawa iyon saka niya mabilis na binuksan ang lata para umangat ang espiritu ng soda at mabasa sila.
"Hayan, para maligo ka naman! Ilang araw na tayo na nandito ay hindi pa kita nakikitang lumangoy!" Tumatawang ani Sabina sa dati niyang boss.
"Come on, Sabina, para ka talagang bata!"
Humagikgik palayo ang dalaga. "Maligo ka muna kasi bago ka magpa-cute kay Zani," pasigaw niyang sabi kay Arbor.
"Selosa!"
"Selosa mo mukha mo!"
Nang tumayo si Arbor para habulin siya'y siyempre naman tumakbo siya. Gusto niya rin naman maranasan kung paanong habulin, hindi iyong siya na lang ang laging naghahabol.