AYAH
Gaya ng inaasahan ko, nadatnan naming naghihintay sa amin si Kuya Dexter kasama si Kuya Aliandre. Matalim ang bawat tingin na ipinukol sa akin ng kaibigan ng kapatid ko, pero dahil dumating na ako sa puntong wala nang pagpipilian, nagkunwari akong walang pakialam at pakiramdam. Pero ang hindi nila alam, durog na durog ang aking puso.
Nag-uusap sina Mommy at Kuya Aliandre nang may lumapit na babae sa kanila.
“Puwede na po kayong pumasok sa loob,” sabi nito sa aking mga kasama.
Para akong tuod nang hatakin ni Mommy sa braso habang mahigpit niyang hawak ang pulsuhan ko papasok sa loob ng opisina ng mayor.
Nakatayo lamang ako sa tabi ni Mommy habang kausap nila ang babaeng lumapit sa amin. Si Kuya Aliandre naman, tahimik lamang siya, pero ramdam ko ang talim ng kaniyang mga mata kapag tumitingin siya sa akin.
“Since narito na ang lahat, puwede na nating simulan ang proseso ng kasal,” narinig kong sabi ng mayor sa amin.
“Ready na ba kayo, Miss Cruz, Mr. Miller?”
Hindi ako sumagot at nanatiling tahimik dahil sa bigat na aking nararamdaman.
“Go ahead,” matigas at aroganteng utos ni Kuya Aliandre sa mayor.
“Kung ganoon, simulan na natin ang kasal.”
Sumulyap sa akin ang mayor. Sandaling nagtama ang aming mga mata at tila ba marami siyang gustong sabihin at itanong sa akin, pero nagbawi siya ng tingin at ngumiti sa mga magulang ko.
“Sa bisa ng kapangyarihan na ipinagkaloob sa akin ng batas—”
“Just let us sign the papers, Dave,” narinig kong kaswal na sabi ni Kuya Aliandre sa mayor.
“Are you sure?” tila nag-aalinlangan na tanong ng mayor sa kaniya.
“We don't need that,” malamig ang ekspresyon na sagot ni Kuya Aliandre.
Ngumiti naman ang mayor at muling sumulyap sa akin. “Alright, kung iyan ang gusto ninyo.”
Binuklat ng mayor ang isang folder at pagkatapos, inabot niya ito kay Kuya Aliandre. Tinapunan lang niya ito ng matalim na tingin at hindi man lang niya binasa o inalam kung ano ang nakasulat sa mga papel sa harap niya.
Kinuha ni Kuya Aliandre ang ballpen sa ibabaw ng mesa at basta na lang niyang pinirmahan ang ilang pirasong papel, na para bang hindi ito mahalaga sa kaniya, gayong dito nakasalalay ang kalayaan niya.
“Pirmahan mo na iyan, Katelyn,” utos ni Mommy sa akin.
Bahagya pa niya akong itinulak sa aking likuran, kaya napatingin ako sa kaniya, pero tanging ang makahulugang ngiti sa mga labi ng aking ina ang nakita ko.
“Don't waste my time, Katelyn. I'm busy,” matigas na sabi ni Kuya Aliandre sa akin.
Dinampot ko ang ballpen at kahit nanginginig ang aking kamay, nagawa kong pirmahan ang ilang pirasong papel sa ibabaw ng mesa.
“Congratulations, Mr. and Mrs. Miller,” nakangiting bati sa amin ng Mayor at pagkatapos, bumaling siya kay Kuya Aliandre.
“Bro, you can kiss your bride now.”
Tiningnan lang ako ni Kuya Aliandre at pagkatapos, nakita ko siyang umiling.
“It's settled,” sabi niya sa amin. “Hindi na kailangan ‘yan.”
Kinagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang hikbing nakulong sa lalamunan ko.
Kasal na ako sa lalaking mahal ko, pero wala man lang singsing. Walang seremonyas, walang maayos na kasal, at tanging ang ilang pirasong papel lamang ang meron ako para masabi kong akin na siya at ako ang babaeng pinakasalan ni Kuya Aliandre.
Abot-tainga naman ang ngiti ng mga magulang ko dahil alam nilang nagtagumpay sila sa kanilang plano.
“Salamat at tinupad mo ang napag-usapan natin, Lian,” nakangiting sabi ng aking ama.
“Ginawa ko ang gusto ninyo, kaya sana, tuparin rin ninyo ang napagkasunduan natin, Tito.”
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang lahat. Hindi ko alam kung anong kasunduan nila, kaya lalo lamang akong nanghina.
“Simula ngayon, ikaw na ang bahala sa anak namin, Lian.”
Tila mabait at mapagmahal na ina ang drama ni Mommy. Magaling talaga siyang magkunwari, pero dahil kilalang-kilala ko na siya, hindi na niya ako maloloko.
“Let’s go!” utos sa akin ni Kuya Aliandre.
Nangunot ang aking noo at napatingin sa mga magulang ko, pero hindi sila kumibo at wala rin akong narinig mula sa kanila.
Maging si Kuya Dexter ay tahimik, pero nakikita ko ang kislap sa kaniyang mga mata habang nakatingin sa amin ni Kuya Aliandre.
Para bang may iba itong kahulugan, pero hindi ko pa mawari kung ano ito. Hindi ko na lang binigyan ng pansin dahil muli akong tiningnan ng matalim ni Kuya Aliandre bago siya humakbang palabas ng opisina ni Mayor Dave.
“Follow me,” utos niya sa akin.
Humakbang na rin ako para sundan siya. Tahimik kaming naglakad papunta sa garahe at pagkatapos, inutusan niya akong sumakay sa kaniyang sasakyan.
“Simula ngayon, sa bahay ka na titira,” malamig niyang sabi sa akin.
“Kuya—”
“You know that this wedding is just for show, Katelyn. Not to satisfy you, but for the satisfaction of the Cruz family. Kaya huwag kang umasa na magiging buhay prinsesa ka sa pamamahay ko,” putol niya sa sasabihin ko sana.
Masakit ang mga salitang binitiwan ni Kuya Aliandre, pero mas masakit pa pala ang naririnig ko mula sa kaniya.
“My heart always belongs to my fiancée Celine. You can never replace her, kaya walang dapat makaalam na kasal tayo dahil kapag nangyari iyon, don't blame me for being harsh to you!”
Napapikit ako at napakagat ng ibabang labi. Harapan akong pinamukhaan ni Kuya Aliandre, kaya hindi ako nakasagot para magpaliwanag at ipagtanggol ang sarili ko dahil naumid ang dila ko.
Pinasibad ni Kuya Aliandre ang kaniyang sasakyan. Napakapit na lang ako sa aking upuan dahil napakabilis niyang magmaneho. Hindi rin ako nagsalita dahil baka lalo lamang siyang magalit at mauwi pa kami sa aksidente.
Pumasok ang kotseng minamaneho ni Kuya Aliandre sa loob ng isang eksklusibong subdivision dito sa Makati. Malapit lang ito sa kaniyang opisina, kaya hindi pala siya maiipit sa traffic at agad makakauwi sa gabi dahil magkalapit lang ang kaniyang bahay at trabaho.
Tahimik akong bumaba sa kaniyang sasakyan nang pumarada ito sa garahe ng bahay ni Kuya Aliandre. Agad kong iginala ang aking mga mata sa paligid dahil alam kong simula ngayon ay dito na ako titira kasama siya.
Pagpasok ko pa lang sa malaking bulwagan ng bahay ni Kuya Aliandre, nakita ko agad ang malaking larawan ng isang magandang babae sa dingding.
Napatingin ako dito at napatitig, kaya hindi ko namalayan na nakita pala ako ng aking asawa na nakatingin sa larawan ng babaeng pinagmamasdan ko.
“You're not her, Katelyn! Remember your place, because I wouldn't say it twice to you,” mariin niyang sabi sa akin.
“You're nothing but her substitute. The only reason why you exist here in my house is that you framed me and forced me into this marriage.”
Ang sakit ng mga salitang narinig ko, kaya nagbawi ako ng tingin mula sa larawang ng babaeng pinagmamasdan ko at hinarap ko si Kuya Aliandre.
“Kung nakinig ka lang sana sa akin at binasa mo ang mga text message ko, hindi tayo aabot dito, Kuya Aliandre,” matatag na sabi ko sa kaniya dahil napagod na akong makinig sa mga masasakit na salitang naririnig ko mula sa kanilang lahat.
Kapag pala masyado nang masakit ang lahat, bigla akong nagiging matigas, kaya nagawa ko siyang sagutin dahil napuno na ng galit at sama ang loob ng puso ko.
Tumigas ang ekspresyon ni Kuya Aliandre. Tiningnan niya ako ng diretso sa aking mga mata habang humahakbang siya palapit sa kinatatayuan ko.
“Now you're blaming me,” matigas niyang sabi sa akin.
“After everything that happened, now you are pointing your fingers at me!”
Napasinghap ako nang hawakan ako sa leeg ni Kuya Aliandre, kaya napatayo ako ng tuwid at napatingala sa kaniya.
“Listen carefully, Katelyn,” tiim-bagang niyang sabi sa akin. “Magpasalamat ka na kapatid ka ng best friend ko at ng taong nagligtas sa buhay ko noon, kaya hanggang ngayon ay buhay at humihinga ka pa rin!”
Bumuka ang mga labi ko para sumagap ng hangin dahil kinakapos ako ng paghinga, pero hindi ako nagmakaawa kay Kuya Aliandre.
Pagod na kasi akong gawin ito. Kahit mahal ko siya, alam ko naman na hindi niya ako mahal at mamahalin dahil galit siya sa akin, kaya ayaw kong ipilit sa kaniya ang aking sarili.
“You're good at scamming people, tapos ngayon, gusto mo akong baliktarin,” galit na sabi ni Kuya Aliandre sa akin. “Ang mga babaeng gold digger na tulad mo, pera lang ang mahalaga sa iyo at wala kang pakialam kahit sa anong paraan mo ito nakuha, kaya deserve mong parusahan.”
Biglang nagdilim ang paningin ko, pero sandali lang ito dahil binitiwan ni Kuya Aliandre ang aking leeg at pasalampak akong bumagsak sa sahig.
Agad akong naghabol sa aking hininga dahil pakiramdam ko'y naubos ang hangin sa aking baga. Hindi ko agad nagawang bumangon kahit narinig kong may tinawagan si Kuya Aliandre at inutusan niya itong pumunta dito sa sala ngayon din.
“Take her!” utos niya sa tatlong lalaking pumasok.
Napamaang ako at nanlaki ang aking mga mata nang hawakan ako sa braso ng dalawang lalaki at hinatak nila ako patayo.
“Ikulong sa basement ang babaeng iyan at make sure na hindi niya kayo matatakasan!”
“Kuya, anong gagawin mo sa akin?” kinakabahan at natatakot na tanong ko kay Kuya Aliandre, pero gumalaw lang ang kaniyang ulo na para bang inutusan niya ang mga lalaking dumating na kunin na nila ako.
Napaluha ako nang kaladkarin nila ako paalis sa sala. May nakita akong babaeng nakasuot ng uniporme habang hinahatak ako ng mga tauhan ni Kuya Aliandre palayo sa sala, pero hindi siya kumilos para tulungan ako at nanatili lamang na nakatayo at pinapanood ako.
Walang ibang tutulong sa akin ngayon kundi ang sarili ko, kaya kailangan kong maging matatag dahil alam kong hindi magiging madali para sa akin ang buhay may-asawa kasama si Kuya Aliandre, dahil hindi pagmamahal ang nararamdaman niya sa akin kundi galit at puot dahil sa kasalanang hindi ko naman ginawa, pero sa akin napunta ang sisi.