AYAH
Nang marinig namin ang tunog ng paalis na sasakyan ni Kuya Aliandre, ay muli akong sinampal ng malakas ni Mommy.
"Tama na po," pakiusap ko sa aking ina, pero muli na naman akong nakatanggap ng isa pang sampal sa aking kabilang pisngi.
Masakit ito at ramdam ko ang metallic na lasa ng dugo sa dila ko nang pumutok ang labi ko. Nasasaktan ako, pero mas masakit pa dito ang aking nararamdaman kapag naririnig ko ang masakit na mga salita mula sa aking ina.
“Lumalaban ka na ngayon, babae ka!” galit na sabi ni Mommy sa akin habang mahigpit niyang dinakot ang mahabang buhok ko.
“Huwag mo kaming pagmalakihan dahil palamunin ka lang dito sa bahay ko, kaya gawin mo ang gusto ko para may silbi ka naman!”
Napakagat na lamanga ko sa aking ibabang labi kasabay ng pagtulo ng mga luha sa aking magkabilang pisngi. Masakit sa anit ang bawat sabunot sa akin ng aking ina, pero mas nasasaktan ako kung paano ako tratuhin ng aking mga magulang at kapatid.
“Mommy, nasasaktan na po ako. Please, tama na,” luhaan na pakiusap ko sa aking ina habang nakasalampak sa sahig.
Marahas niyang hinatak ang buhok ko pataas, kaya napatingala ako kay Mommy.
"Talagang masasaktan na kita, Katelyn, kapag hindi mo ginawa ang gusto ko!" matigas na singhal ni Mommy sa akin.
Nakikita ko na naman ang mga mata niyang nag-aapoy sa galit, kaya lalo lamang akong nakaramdam ng sakit dahil hindi ko maunawaan kung bakit simula pagkabata ko ay hindi na maganda ang trato niya sa akin.
Nakasanayan ko na ito dahil bata pa lang ako ay palagi na niya akong nasasaktan. Kaunting pagkakamali ko lang ay pinarurusahan ako ni Mommy, pero mas lalo lamang siyang naging marahas sa akin nang lumaki na ako, na para bang kinasusuklaman niya ako.
“Makinig kang mabuti sa akin, Katelyn, dahil hindi ko na ito ulitin sa iyo,” sabi ni Mommy sa akin. “Kailangan ng Lola mo ng malaking halaga para sa operasyon niya, at kapag hindi natin ito nagawan ng paraan, mamatay siyang dilat ang mga mata sa ospital!”
“Si Lola,” mahinang usal ko.
Mas bumilis ang pag-agos ng mga luhang nag-uunahang bumagsak sa aking magkabilang pisngi nang marinig ko ang sinabi ni Mommy.
“Anong nangyari kay Lola, Mommy?” garalgal na tanong ko sa aking ina.
Simula kasi nang paalisin nila si Lola dito sa bahay, nawalan na ako ng balita sa kaniya. Ang alam ko lang, dinala siya sa home for the aged dahil walang mag-aalaga dito sa bahay.
Pumayag si Daddy dahil unti-unting nalulugi na raw ang mga negosyo ng aming pamilya, kaya hindi na nila kayang magbayad ng mga kasambahay. Pero ang hindi namin alam ay nalulong sa sugal ang aking ina.
Palagi akong pinagtatanggol ni Lola kapag sinasaktan ako ni Mommy, kaya nang nakakita siya ng pagkakataon, nagawa niyang paalisin dito sa bahay ang nag-iisang taong nagmamahal at nagpapahalaga sa akin. Pero wala akong nagawa kundi ang panoorin na lamang ang lahat.
Si Lola lamang ang kakampi ko sa mundong ito at tagapagtanggol sa loob ng mahabang panahon simula noong bata pa lang ako, kaya gagawin ko ang lahat para maprotektahan siya.
“Please, sagutin po ninyo ang tanong ko,” pakiusap ko sa aking mga magulang. “Ano po ang nangyari kay Lola?”
“Nasa ospital siya ngayon, naka-confine,” walang emosyon na sagot ni Daddy.
“Saang hospital po?” mabilis kong tanong dahil gusto kong malaman kung nasaan ngayon si Lola.
“Nasa PGH,” walang paligoy-ligoy na sagot ni Daddy.
Sumandal siya sa sofa at inabot ang kahon ng sigarilyo sa ibabaw ng center table. Si Mommy naman ay umupo rin sa kabilang dulo ng sofa at pinagsalikop ang mga braso sa tapat ng kaniyang dibdib.
“Kausapin mo ang anak mong iyan, Macario,” sabi ni Mommy kay Daddy. “Huwag na siyang umarte at makipag-cooperate na lang siya sa atin kung gusto pa niyang mabuhay ng matagal ang nanay mo at makalabas sa ospital.”
“Bakit kailangan pa nating pag-aksayahan ng pera si Mommy, e, mamamatay rin ang matandang iyon, Korina?” kibit-balikat na sagot ni Daddy.
Nagbuga siya ng usok ng sigarilyo at muling humithit nito. Para bang wala siyang awang nararamdaman para sa kaniyang ina, gayong si Lola ang mag-isang tumayo para sa kaniya at pinag-aral siya. Pero sadyang walang puso ang aking ama dahil nagawa niyang tiisin si Lola.
“Hindi natin siya puwedeng pabayaan ngayon. Nakalimutan mo na ba ang nakalagay sa last will ng nanay mo, Macario?” narinig kong tanong ni Mommy sa aking ama.
Last will?
Wala akong maalala na may last will palang pinagawa si Lola.
Bumalik si Kuya Dexter at nadatnan niya akong nakasalampak sa sahig, pero tiningnan lang niya ako. Wala man lang akong narinig na kahit ano mula sa kaniya para ipagtanggol ako, bagay na nakasanayan ko na dahil wala naman siyang pakialam kahit sinasaktan ako ng aming mga magulang.
“Tapos na ang palabas, puwede na kayong umalis,” sabi niya sa aming mga magulang, at pagkatapos, bumaling siya sa akin para utusan ako.
“At ikaw, Katelyn, huwag mong sirain ang pagkakaibigan namin ni Aliandre dahil masasaktan ka sa akin kapag ginawa mo iyan!"
Napapikit ako at piniling yumuko na lang dahil nakakaramdam pa ako ng labis na panghihina.
"Maghanda ka ng almusal," utos sa akin ni Kuya Dexter.
"Wala na tayong pagkain, Kuya," mahina kong sagot.
"Bumili ka sa labas. Ngayon na!”
Dinukot niya ang wallet sa bulsa at kumuha ng limang daan. Hinagis niya ang pera sa mukha ko at bumagsak ito sa sahig, kaya agad ko itong pinulot at mabilis na tumayo.
Hindi ako nakapagsuklay, kaya magulo pa ang buhok ko, pero lumabas na ako ng bahay para bumili ng pagkain. Bawat hakbang ko ay napapakagat ako sa aking ibabang labi dahil ramdam ko ang sakit ng katawan ko, lalo na sa balakang ko at sa pagitan ng aking mga hita.
Muli akong naluha habang naglalakad, kaya muntik akong mabangga ng nakasalubong kong sasakyan dahil nanlabo ang aking mga mata. Nasigawan tuloy ako ng driver, pero nakatulala lamang ako habang nagsasalita siya.
“Baliw yata ang babaeng iyan,” narinig kong komento ng kasama ng driver mula sa loob ng sasakyan.
Hindi ko sila pinansin at patuloy na humakbang papunta sa tindahan. Hindi ko akalain na magagawa ito sa akin ng aking pamilya dahil inakala ko na kahit hindi maganda ang trato nila sa akin, sila pa rin ang pamilya ko. Pero nagkamali pala ako dahil handa silang gamitin ako para magkapera sila.
Noon pa man, tanggap ko na ganito ang trato nila sa akin dahil ganyan na sila simula bata pa ako, pero hindi ko akalain na aabot sa puntong kaya niya akong gamitin at sirain ang pagkatao ko para lamang sa pera.
Galit ako sa kanila. Masama ang loob ko sa aking mga magulang at kapatid dahil napatunayan kong sinadya at plinano nila ang nangyari sa amin ni Kuya Aliandre.
Noon pa man ay matagal ko na siyang palihim na minamahal, pero hindi ko hinangad na dumating kami sa ganitong sitwasyon dahil hindi namin ito deserve. Pero paano ko mapipigilan ang aking mga magulang at kapatid sa kanilang pinaplano kung dito nakasalalay ang buhay ng nag-iisang taong nagmamahal sa akin?
Hindi ko kayang pabayaan si Lola, pero paano si Kuya Aliandre?
Kung sasabihin ko sa kaniya ang totoo, siguradong masisira ang magandang relasyon niya sa aking pamilya. Kapag nangyari iyon, baka habang-buhay ko na siyang hindi makita.
Napapikit ako nang muling bumagsak ang malaking butil ng luha sa aking magkabilang pisngi. Masakit sa akin ang nangyari sa amin ni Kuya Aliandre, kaya lumuluha ako dahil alam kong galit siya sa akin ngayon.
Kaya ko namang tanggapin na mawala siya sa akin dahil may girlfriend siya at wala naman kaming relasyon, kaya wala akong habol sa kaniya. Pero paano ang operasyon ni lola?
Gusto ko pa siyang gumaling at mabuhay ng matagal, kaya masakit man, kailangan kong magsakripisyo para sa taong totoong nagmamahal at nagmamalasakit sa akin.