Chapter 6

1313 Words
AYAH Matapos bumili at magluto ng pagkain para kay Kuya Dexter, nagmadali akong pumasok sa silid ko dahil hindi maganda ang aking pakiramdam. Hindi ko na nagawang maglinis gaya ng lagi kong ginagawa dahil napakasakit ng aking ulo, pati na rin ng katawan ko. Wala na rin dito sa bahay ang mga magulang ko nang bumalik ako, kaya sinamantala ko ang pagkakataon na makapagpahinga kahit sandali lang dahil alam kong kailangan ko ito ngayon. Naligo muna ako para gumanda ang pakiramdam ko, pero hindi ito nakabawas sa pananakit ng kalamnan ko. Pinilit kong matulog nang mahiga ako sa kama, pero hindi naman ako dalawin ng antok dahil laman ng isipan ko ang nangyari sa amin ni Kuya Aliandre kagabi. Nakagat ko ang aking labi. Masakit pa ito at mahapdi ang sugat dulot ng malakas na sampal ng aking ina kanina. Malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan para paluwagin ang aking dibdib dahil nakakaramdam ako ng pagbigat ng hininga ko. Pagod ako, masakit ang katawan, pero kahit humiga na ako dito sa kama ay hindi pa rin nawawala ang bigat sa aking dibdib. Kahit masama ang aking pakiramdam, pinilit kong bumangon. Inangat ko ang manipis na mattress at kinuha ang maliit na envelope na isiniksik ko sa ilalim nito. Dito ko itinago ang kaunting perang naipon ko para sa aking sarili mula sa mga nabenta kong lumang dyaryo, papel, at bote sa mga mangangalakal. Hindi alam ng mga magulang ko ang tungkol dito dahil wala silang ideya na iniipon ko ang mga iyon para mayroon akong makuhang pera, kahit kaunti lang, dahil wala namang nagbibigay sa akin. Dali-dali akong nagbihis. Simpleng T-shirt at pantalon lamang ang isinuot ko at nagpasyang lumabas ng silid ko para puntahan si Lola sa ospital. “Saan ka pupunta, Katelyn?” Napahinto ako sa paghakbang nang marinig ko ang tinig ni Kuya Dexter. “P-pupunta ako sandali sa ospital, Kuya,” kinakabahan kong sagot. “Hindi mo kailangang pumunta doon dahil wala kang magagawa para gumaling siya,” walang pagdadalawang-isip na sabi niya sa akin. “Kuya, sandali lang naman ako doon sa ospital. Gusto ko lang makita si Lola,” malungkot na sabi ko sa aking kapatid. Napakagat ako sa aking ibabang labi. Alam nilang lahat na nasa ospital si Lola, pero balewala ito sa kanila. Wala man lang silang emotional support kahit naka-confine ang ina ni Daddy, gayong sila lamang ang natitirang kapamilya ni Lola. Matagal na nang huli ko siyang makita, kaya agad akong lumabas ng bahay at sumakay ng GrabCar na naghihintay sa akin nang pumayag si Kuya Dexter na umalis ako. Sa mismong ospital ako hinatid ng GrabCar, kaya matapos magbayad sa driver, nagmadali akong lumabas sa sasakyan at nagtanong sa receptionist kung saang palapag naroon ang ward na pupuntahan ko. “Sa second floor po, Miss,” sagot ng nurse sa kausap ko dito sa reception area. “Thank you, Miss,” agad kong sabi sa nurse. Umalis na ako sa lobby at agad pumasok sa elevator. Maraming tao dito sa ospital, pero nakipagsiksikan ako para lang makapunta agad sa ward ni lola. Pampubliko itong ospital, kaya walang pribadong silid at magkakatabi ang mga kama ng pasyente, kasama ang mga kapamilya na nag-aalala sa kanila. Pero sa dulo, nakita ko si Lola na nakahiga sa kama at walang kasama. Naluha ako nang lumapit ako sa kaniya. Napakapayat na niya at mukhang hinang-hina, kaya nakaramdam ako ng habag matapos makita ang kalagayan niya. “Lola, ako po ito, si Ayah,” garalgal ang tinig na sabi ko kay Lola matapos ko siyang yakapin at halikan sa pisngi. Gumalaw ang talukap ng kaniyang mga mata, pero dahil mukhang hinang-hina siya, kaya hindi na niya magawang magmulat. “Apo,” mahina niyang anas. “Nandito ka, Ayah.” Ginagap ko ang kaniyang kamay at hinawakan ito ng mahigpit. “Opo, Lola, nandito po ako.” “Umiiyak ka ba, Apo?” narinig kong tanong ni Lola, kaya natigilan ako. “Hindi po,” kaagad kong sagot matapos magpunas ng luha sa aking mga mata. “Huwag kang mag-alala sa akin, Ayah. Maayos ang lagay ko dito sa ospital at hindi nila ako pinababayaan dito.” Kahit mukhang hinang-hina na siya, nagawa pa rin niyang sabihin ito sa akin para hindi ako mag-alala sa kaniya. “Kumusta ang pag-aaral mo, apo?” “Mabuti naman po, Lola,” pagsisinungaling ko, dahil alam kong mag-aalala siya kapag nalaman niyang tumigil na ako sa pag-aaral. Kinagat ko ang aking ibabang labi dahil nag-unahang bumagsak ang mga luha sa aking magkabilang pisngi. Sa kabila kasi ng kalagayan ngayon ni lola, iniisip pa niya ang makabubuti sa akin, kaya lalo lamang akong naluha. “Ikaw ba ang pamilya ng pasyente, miss?” Napalingon ako nang marinig ko ang tanong mula sa aking likuran, kaya nakita ko ang isang babaeng nakasuot ng puti, at sa tingin ko, siya ang doktor ni Lola. “Apo po niya ako, Dok.” “Puwede ba kitang makausap?” tanong ng doktor sa akin. “Sige po,” sagot ko, at pagkatapos, bumaling ako kay lola at nagpaalam. “Aalis po muna ako sandali, Lola.” “Sige, apo,” mabilis naman niyang sagot. Umalis ako sa tabi ng kama ni Lola at naglakad para sundan ang doktor papunta sa sulok. “Kumusta po si Lola, Dok?” agad kong tanong sa doktor. “Ano po ba ang sakit niya?” “Mahina na ang puso ng Lola mo dahil na rin sa edad niya. Asthmatic din ang pasyente at mahina ang kaniyang baga,” paliwanag ng doktor. “May fracture siya sa braso at binti dahil bumagsak siya sa sahig at nawalan ng malay, kaya kailangan niyang sumailalim sa operasyon sa lalong madaling panahon.” Pinakinggan ko ang sinabi ng doktor. Kaya pala hindi siya makakilos dahil nabali ang mga buto niya sa braso at sa binti, kaya kailangan niyang maoperahan agad. “Kailangan nating gawin ang operasyon sa lalong madaling panahon bago pa tuluyang lumala ang kondisyon niya at mauwi sa pagkaputol ng kaniyang kamay at paa kapag hindi natin ito naagapan.” Napapikit ako dahil nakikita kong hindi magandang kondisyon ng aking lola. Alam kong masakit ito at magiging mahirap para sa kaniya ang gamutan dahil matanda na siya, kaya gusto ko rin naman siyang maoperahan. “Magkano po ang kailangan para sa operasyon, Dok?” lakas-loob kong tanong sa doktor ni Lola. “Maghanda po kayo ng tatlong daang libo hanggang apat na raan libong piso para sa operasyon,” mabilis na sagot ng doktor. Apat na raan libo… saan ko kukunin iyon? Wala na ang mga negosyo ni Daddy. Baon na rin kami sa utang at tanging ang bahay na lang ng mga magulang ko ang natira, pero ang alam ko, nakasangla na rin ito sa bangko, kaya paano ako makakaipon ng malaking halaga para sa operasyon ni lola? Hindi ko naman maasahan si Kuya Dexter dahil wala siyang pakialam kay Lola. Sina Mommy naman, baon na sila sa utang at walang trabaho, kaya siguradong wala rin silang pera kasi nalulong na sila sa sugal at bisyo. Nahilot ko ang aking sintido. Hindi ko tuloy alam kung paano nawala sa harap ko ang kausap kong doktor dahil natulala na ako at nauwi sa malalim na pag-iisip. Gusto kong tulungan ang aking lola sa operasyon niya, pero wala naman akong ipon na ganoon kalaki. Trabaho… oo nga pala, kailangan ko ito para magkaroon ng pera, pero kung ganito ang gagawin ko, matatagalan pa bago ako makaipon ng four hundred thousand para sa operasyon ni lola. Kailangan kong maghanap ng trabaho, kaya naisip ko ang kompanya ni Kuya Aliandre. Alam kong galit siya sa akin dahil sa nangyari kanina, pero sa pagkakataong ito, siya rin ang naisip kong maaaring makatulong sa akin, kaya handa akong lunukin ang pride ko at tanggapin ang galit niya, basta matulungan lang niya ako sa operasyon ni lola.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD