Chapter 7

1506 Words
AYAH Matapos magpaalam kay Lola, agad akong lumabas ng ospital. Habang naghihintay ako ng bus na masasakyan, binuksan ko ang aking wallet at tiningnan ang calling card na binigay ni Kuya Aliandre sa akin noon. Binigay niya ito sa akin nang minsan siyang dumaan sa bahay at nakita niya akong umiiyak. Ang sabi niya noon, tawagan ko raw siya kapag kailangan ko ng tulong, pero kahit mahirap ang kalagayan ko, hindi ko iyon ginawa kasi nahihiya ako sa kaniya. Ngayon, alam kong galit pa siya sa akin, pero handa akong magpaliwanag sa kaniya kapag nagkita kami ng personal. Mabait naman si Kuya Aliandre, at sa tingin ko, mapapatawad niya ako kapag sinabi ko sa kaniya ang totoo. Pero kinakabahan rin ako dahil siguradong masisira ang magandang pagkakaibigan nilang dalawa ni Kuya Dexter kapag ginawa ko iyon. Malayo pa lang, tanaw ko na ang bus na dadaan sa opisina ni Kuya Aliandre sa Makati, kaya dali-dali kong ibinalik sa loob ng aking wallet ang calling card at mabilis akong sumakay ng bus nang tumigil ito sa harap ko at naupo sa bakanteng upuan. Habang nasa biyahe, ilang ulit akong nagdasal na sana maging maganda ang resulta ng lakad ko dahil hindi ko na alam kung saan ako lalapit kapag hindi ako pinagbigyan ni Kuya Aliandre. Nakagat ko ang aking ibabang labi. Mahapdi pa ito at hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang sugat na bakas ng pananakit ni Mommy sa akin kanina dahil sa nangyari sa amin ni Kuya Aliandre kagabi. Habang papalapit ang bus na sinasakyan ko papunta sa Makati, lalo lamang lumakas ang kabog ng aking dibdib. Kanina ko pa hawak ang calling card ni Kuya Aliandre at ang aking cellphone, pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin magawang pindutin ang call button matapos kong i-dial ang kaniyang numero. Kanina pa ako nakatitig dito, pero wala akong lakas ng loob dahil naalala ko kung paano ako tiningnan ni Kuya Aliandre kanina bago siya umalis sa bahay. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko para magkaroon ng lakas ng loob na tawagan si Kuya Aliandre. Para kay Lola, handa akong lunukin ang pride ko para maipagamot siya dahil wala naman akong aasahan sa pamilya ko. Imbes na gumawa sila ng paraan para maipagamot si Lola, nagawa nila akong ipagkanulo kay Kuya Aliandre dahil alam nilang mayaman ang kaibigan ni Kuya at malaki ang magiging pakinabang nila kapag nangyari ang kanilang mga plano. Pagbaba ko sa bus stop, dahan-dahan akong naglakad papunta sa gusaling pag-aari ng pamilya ni Kuya Aliandre dito sa Makati. Ilang ulit na akong nakapunta dito dahil palagi akong inuutusan ni Kuya Dexter na maghatid sa kaniya ng mga dokumentong naiwan niya sa bahay, kaya naalala ko pa kung saang lugar ito nakatayo. Paglapit ko pa lang sa entrance ng malaking kumpanya, nakita ko agad ang guwardiyang pamilyar sa akin. Nakilala rin niya agad ako dahil siya ang nagpasilong sa akin noong huling punta ko dito at malakas ang ulan. “Magandang tanghali po, Manong,” nakangiting bati ko sa may edad nang guwardiya. “Miss Ayah, napadaan ka,” nakangiting bati rin niya sa akin. “Gusto mo bang tawagan ko na si Sir Dexter?” “Naku, huwag na po, Manong. Hindi po siya ang sadya ko,” agad kong sagot para pigilan siya. Alam kong hindi pumasok ngayon ang kapatid ko dahil iniwan ko siya sa bahay kanina bago ako umalis sa ospital, pero mukhang hindi ito alam ng kausap kong guwardiya, kaya nagtanong siya sa akin kung gusto kong tawagan niya ang kapatid ko. “Sino po ang sadya mo dito sa kompanya, Miss Ayah?” muling tanong sa akin ng guwardiya. “Pumasok po ba ngayon sa opisina niya si Kuya Aliandre, Manong?” lakas-loob kong tanong. “Opo, nasa opisina niya si Boss,” mabilis at nakangiting sagot ng guwardiyang kausap ko. “May appointment ka ba sa kaniya?” Marahan akong umiling at nahihiyang kinagat ang aking ibabang labi. “Gusto ko po sanang makausap si Kuya Aliandre, Manong. May mahalagang bagay po akong sasabihin sa kaniya,” nahihiya kong sagot. Napakamot naman sa ulo ang guwardiya. “Naku, pasensya na po, Miss Ayah. Hindi kita maaring papasukin sa loob kung wala kang appointment dahil iyan ang kabilin-bilinan niya sa amin dito. Baka kapag pinagbigyan ka namin ay kami naman po ang mawalan ng trabaho.” Marahan akong tumango. Nauunawaan ko ang sinabi ng guwardiya dahil mahigpit ang polisiya dito sa kompanyang pag-aari ni Kuya Aliandre. Ilang sandali akong nakatingin sa entrance ng gusali at nag-iisip kung paano makapasok sa loob nang biglang nag-ring ang cellphone ko at nakita ko ang pangalan ni Kuya Dexter sa screen. Nanginig ang kamay ko at bigla akong nakaramdam ng takot dahil baka alam na niya na nagpunta ako sa kompanyang pinapasukan niya. Siguradong masasaktan ako pag-uwi ko kapag nalaman ng kapatid na narito ako, kaya para hindi masayang ang pagkakataon na makausap ko si Kuya Aliandre, agad kong tinawagan ang kaniyang numero. Mabilis ang pintig ng aking puso habang kinakagat ko ang ibabang labi ko nang marinig kong nag-ring sa kabilang linya ang kaniyang numero. “Who's this?” Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko ang baritonong tinig ni Kuya Aliandre nang sagutin niya ang tawag ko. Pakiramdam ko'y sasabog ang aking dibdib at sumikip ang nalalanghap kong hangin, kaya hindi agad ako nakapagsalita at natahimik sa kabilang linya. “If you have nothing to say, just drop the call—” “Kuya, ako po ito, si Ayah,” agad kong sagot dahil natakot ako na baka putulin niya ang tawag. Sandaling namagitan sa amin ang katahimikan. Wala akong narinig mula kay Kuya Aliandre sa kabilang linya, kaya natigilan rin ako at hindi makapagsalita dahil mas natatalo ako ng kabang aking nararamdaman. “What do you want?” narinig kong tanong ni Kuya Aliandre sa akin. Matigas ang kaniyang baritonong tinig, kaya lalo lamang nagwala ang aking puso. Halos mapugto ang aking paghinga, kaya huminga ako ng malalim para paluwagin ang aking baga. “Kuya, puwede po ba tayong mag-usap?” kinakabahan at lakas-loob kong tanong sa kaniya. “About what?” seryoso at mariin rin niyang tanong sa akin. Pumikit ako at muli kong kinagat ang aking ibabang labi dahil kinakabahan talaga ako ngayon, pero kailangan kong lakasan ang aking loob para kay lola. “Nandito po ako sa tapat ng entrance ng gusali ng kompanya mo, Kuya.” Muling namagitan sa amin ang katahimikan. Hindi sumagot si Kuya Aliandre. Nanlumo ako nang maputol ang tawag dahil sa tingin ko, ayaw niya akong makita at makausap, kaya hindi na niya ako kinausap. Napayuko ako nang mag-ulap ang aking mga mata at nanlabo ang paningin ko. Mahigpit kong hawak ang aking cellphone, pero nakatulala lamang ako habang nakatayo dahil pakiramdam ko'y nawalan na ako ng tsansa na maipagamot si Lola dahil hindi ko na alam kung saan ako pupunta at kung kanino ako lalapit para matuloy ang operasyon niya. “Miss, puwede ka na raw pumasok sa loob.” Nagulat ako nang lumapit sa akin ang isa pang guwardiya at sinabing puwede na akong pumasok. “Talaga po, Kuya?” natutuwang tanong ko sa kaniya. “Oo, Miss,” nakangiting sagot ng lalaking lumapit sa akin. “Utos mula sa taas.” Biglang kumabog ng malakas ang aking dibdib. Heto na ang pagkakataong hinihintay ko, kaya agad akong nagpasalamat sa dalawang guwardiya at dali-daling pumasok sa lobby ng malaking gusali na pag-aari ng pamilya ni Kuya Aliandre. “Miss, ako po si Ayah Katelyn Cruz,” agad kong pakilala sa aking sarili habang nakatayo sa counter. “Magtatanong lang po ako kung saan po ang opisina ni Kuya Aliandre Miller?” Tiningnan ako nito mula ulo hanggang paa. Ganito rin ang nakita kong ginawa ng kaniyang kasama, kaya nakaramdam ako ng panliliit dahil simple lang ang suot kong damit, kaya ganito nila ako tingnan. “May appointment ka ba sa kaniya?” tanong ng isa pang receptionist sa akin. “Wala,” tipid kong sagot. “Pero alam niyang narito ako at tinawagan niya ang guwardiya at pinapasok na niya ako dito.” Nagkatinginan ang dalawang babae at pagkatapos, dinampot ng isa sa mga ito ang telepono at may tinawagan. “Elevator one, top floor,” sabi sa akin ng babae. May inilapag siyang itim na card sa desk, kaya kinuha ko ito dahil key card ito ng elevator. “Salamat, Miss.” Tiningnan lang ako ng dalawang receptionist, kaya dinampot ko agad ang key card at hindi ko na hinintay pa ang sasabihin nila. Dali-dali akong naglakad palapit sa elevator at agad pinindot ang button. Nang bumukas ang pintuan, mabilis akong pumasok dahil ayaw kong may masayang na oras kasi alam kong naghihintay si Kuya Dexter sa bahay at masasaktan ako kapag natagalan pa ako. Habang paakyat ang elevator, paulit-ulit akong nanalangin sa Panginoon. I just hope na maging maganda ang resulta ng paglapit ko ngayon kay Kuya Aliandre dahil siya lamang ang alam kong makakatulong sa akin ngayon para matuloy ang operasyon ni Lola.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD