AYAH
Parang sasabog ang aking dibdib dulot ng labis na kaba nang bumukas ang pintuan ng elevator at tumigil ito sa top floor.
Ilang ulit akong nagpakawala ng hangin mula sa aking baga bago humakbang upang paluwagin ang aking paghinga, dahil hanggang ngayon ay patuloy ang malakas na kabog ng aking dibdib.
Bawat hakbang ng aking nanginginig na mga binti ay kasabay ng napakalakas na pagpintig ng aking puso. Kinakabahan ako, natatakot, at nag-aalala na baka tanggihan ni Kuya Aliandre ang tulong na hihingin ko sa kaniya, pero pilit kong nilakasan ang aking loob dahil gagawin ko ang lahat para kay Lola.
May nakita akong mesa sa labas ng opisina ni Kuya Aliandre. Agad akong ngumiti sa magandang babaeng nakaupo dito at nagpakilala nang makalapit ako sa kaniya.
“Hinihintay ka na ni Boss sa loob, Miss Katelyn,” nakangiting bati sa akin ng babae.
Sa tingin ko, secretary siya ni Kuya Aliandre. Napatingin ako sa tiyan niya nang tumayo siya para samahan akong pumasok sa opisina ng kaniyang boss dahil nakita kong malaki na pala ang tiyan nito, at sa tingin ko ay malapit na rin siyang manganak.
“This way, Miss Katelyn.”
Kahit kinakabahan ako, nagawa kong ngumiti sa kaniya dahil magaan siyang kasama. Sandali kong nakalimutan ang bigat na aking nararamdaman sa dibdib ko habang kausap ko siya dahil sa maamo ang kaniyang mukha habang nakangiti sa akin.
May pinindot na ring button sa labas ng pintuan ng opisina ng CEO ang kasama kong babae. Hindi nagtagal, nakita naming umawang ang pinto at pumasok sa loob ang secretary ni Kuya Aliandre.
“Miss Katelyn, please come in,” yaya niya sa akin dahil naiwan akong nakatayo sa tapat ng pintuan.
Humakbang ako papasok, pero muntik nang malaglag ang puso ko sa sahig nang makita kong nakaupo sa swivel chair si Kuya Aliandre sa tapat ng kaniyang mesa at kaharap ang kaniyang laptop.
“Leave us,” mariin niyang utos sa babaeng kasama namin.
Ngumiti sa akin ang sekretarya ni Kuya Aliandre, at pagkatapos, humakbang na siya palabas ng opisina.
Nag-angat ng mukha si Kuya Aliandre at diretso akong tiningnan sa aking mga mata.
Kakaiba kung paano niya ako tingnan, kaya nagbawi ako ng tingin at kinagat ang aking ibabang labi.
“You have two minutes to tell me why you came here,” narinig kong sabi ni Kuya Aliandre.
Dalawang minuto lang ang ibinigay niya sa akin, kaya agad akong nag-angat ng mukha at lakas-loob na hinarap si Kuya Aliandre.
“Kuya, ang sabi mo noon, lumapit ako sa iyo kapag kailangan ko ng tulong.”
Tumaas ang kilay niya at gumalaw ang gilid ng labi. “What makes you think na tutulungan kita pagkatapos ng ginawa mo kagabi?”
Dumiin ang mga ngipin ko sa aking ibabang labi, kaya muli kong natikman ang metallic na lasa ng dugo sa aking dila.
“Please, Kuya, pakinggan mo ako,” naluluhang pakiusap ko kay Kuya Aliandre. “Hindi ko rin naman ginusto ang nangyari kagabi. Wala rin akong—”
“Enough!”
Nakatayo ako ng tuwid at natigil sa pagsasalita nang hampasin ng kaniyang kamay ang ibabaw ng mesa.
“Ayaw kong makinig ng panibagong kasinungalingan mula sa iyo, Ayah!” malakas niyang sigaw sa akin.
Namuo ang mga luha sa aking mga mata. Muli akong yumuko at nag-iwas ng tingin dahil hindi ko kayang salubungin ang mga tingin ni Kuya Aliandre.
“I'm sorry, Kuya,” garalgal ang tinig at nakayukong hinging paumanhin ko sa kaniya.
“You can leave now,” matigas na utos ni Kuya Aliandre sa akin, pero umiling ako.
“No, Kuya,” mahina kong sagot kasabay ng sunod-sunod na pag-iling ng aking ulo.
“Please, alam kong galit ka sa akin, pero ikaw lang ang puwede kong lapitan ngayon.”
Tumayo si Kuya Aliandre at humakbang palapit sa akin. Bawat hakbang ng kaniyang mga paa ay kasabay ng mabilis na pintig ng aking dibdib habang dumadagundong ito sa loob ng aking dibdib.
Napalunok ako nang tumigil siya sa tapat ko at mabilis na hinawakan ang aking baba at itinaas ang mukha ko, kaya muling nagtama ang aming mga mata.
“What exactly do you want?” tiim-bagang niyang tanong sa akin.
“I need work, Kuya,” garalgal na sagot ko.
“Why? Para mas makalapit ka sa akin, kaya gusto mong pumasok sa kompanya ko para mabantayan mo ang mga kilos ko, gano'n ba, Katelyn!”
Napapikit ako at napailing. “Hindi po ganoon, Kuya.”
“Then what?”
Nakakatakot kung paano ako tingnan ngayon ni Kuya Aliandre. Nag-aapoy sa galit ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa akin.
Katunayan ito na galit nga siya sa akin. Dumiin ang pagkakahawak niya sa aking pisngi, kaya lalo lamang akong nakaramdam ng takot sa kaniya dahil kakaiba kung paano ako itrato ni Kuya Aliandre ngayon.
“Then why are you here? Para akitin ako? Bakit, nabitin ka ba sa akin kagabi, ha, Ayah?”
Marahan akong umiling kasabay ng pagpatak ng mga luha sa aking magkabilang pisngi. Hindi ko nagawang sagutin ang mga tanong ni Kuya Aliandre dahil mas humigpit pa ang pagkakahawak niya sa pisngi at panga ko, kaya't nasasaktan ako.
Napakurap ako at napatitig sa mukha ni Kuya Aliandre. Madilim ang kaniyang ekspresyon habang nakatiim-bagang at matalim na nakatingin sa akin na para bang isa lamang akong lamok na kaya niyang tirisin gamit ang kaniyang mga kamay.
“K-Kuya, please, bitiwan mo na ako,” napaiyak na pakiusap ko sa kaniya.
Nauutal ako dahil nasasaktan ako sa ginagawa ni Kuya Aliandre. Mahigpit niyang hawak ang aking panga at bumaon na rin sa pisngi ko ang kaniyang daliri.
“Answer me and don't beat around the bush. Why did you come here?”
“Kailangan ko ng pera, Kuya,” napaiyak kong sagot.
Marahas niyang binitiwan ang aking pisngi, kaya muntik akong natumba sa sahig dahil nanghihina pa ako at nanginginig ang mga binti ko.
“Pera?” matigas niyang tanong sa akin.
Marahan akong tumango dahil ito naman talaga ang kailangan ko, kaya ako pumunta dito sa kaniyang opisina.
“So everything that happens to us is because of that damn money!”
Napaiyak ako nang lumakas ang tinig ni Kuya Aliandre. Nanliit ako sa harap niya, at wala akong mukhang maihaharap sa kaniya, pero kailangan kong lakasan ang loob ko para makuha ang pera na hihiramin ko sa kaniya para sa operasyon ni Lola.
“Kaya nga mag-aapply sana ako ng trabaho para mabayaran kita sa hihiramin kong pera na ito, Kuya,” napaiyak na sabi ko sa kaniya.
“How much do you want para tuluyan ka nang mawala sa paningin ko, Katelyn?”
Parang patalim na bumaon sa aking dibdib ang narinig kong tanong ni Kuya Aliandre sa akin, pero hindi ito ang oras para panghinaan ako ng loob.
Pinahid ko ang luha sa aking magkabilang pisngi at matatag na itinaas ang aking mukha.
“Kailangan ko ng four hundred thousand, Kuya Aliandre.”
“Four hundred thousand, huh?” napailing niyang sabi sa akin. “Hindi ko akalain na sa likod ng maamo mong mukha ay gold digger ka pala, Katelyn.”
“Hindi sa ganoon, Kuya,” agad kong protesta, pero tiningnan niya ako na para bang nangungutya.
Isa na naman itong masakit na salita na humiwa sa aking puso, pero hindi ko magawang ipagtanggol ang aking sarili dahil ayaw niya akong pakinggan.
“I don't need your explanation,” sabi niya.
“How do you want me to pay you? Cash? Is that enough for you to be gone, Ayah?”
“Cash,” maikli, pero matatag kong sagot.
Mas pabor sa akin kung bibigyan niya ako ng cash dahil hindi ko na kailangan pang pumunta sa bangko para palitan ang tseke kung ito ang ibibigay niya sa akin.
“Cash,” narinig kong bulong ni Kuya Aliandre, pero hindi ito nakaligtas sa matalas na pandinig ko.
Humakbang siya palapit sa kaniyang mesa, at pagkatapos, binuksan niya ang drawer at naglabas ng apat na bundle ng tig-isang libo.
“Siguro naman, sapat na ito para lubayan na ako,” sabi ni Kuya Aliandre matapos ihagis ang naka-bundle na pera sa harap ko.
“Take this, at huwag ka nang magpapakita sa akin, or else, don't blame me for the consequences of your actions if you choose to lie again, Ayah!”
Pumatak ang luha sa aking magkabilang pisngi, pero nagawa kong tumango ng marahan bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Kuya Aliandre.
“Sige, kung iyan ang gusto mo, gagawin ko, Kuya,” napaiyak na sabi ko sa kaniya.
Nasasaktan kasi ako dahil matagal ko na siyang gusto, pero kahit may nararamdaman ako para sa kaniya, ay hindi ko gagawin ang ginawa ng aking mga magulang at kapatid.
“Kunin mo na ang pera at lumayas ka na dito!” taboy ni Kuya Aliandre sa akin.
Agad kong kinuha ang pera at inipon ito sa mga kamay ko.
“Salamat dito, Kuya,” nahihiyang sabi ko sa kaniya.
“Get out and don't ever come back here again, Ayah!”
“Sige, kuya.”
Umikot ako at tumalikod sa kaniya. Walang lingon-likod na humakbang ako palabas ng opisina ni Kuya Aliandre dahil ayaw kong makita ang galit sa kaniyang mga mata habang nakatingin siya sa akin.
Kung ito man ang kapalit para mailigtas ko ang buhay ni Lola, gagawin ko ito para lang masiguro na mabubuhay siya dahil tanging siya lamang ang totoong taong nagmamahal sa akin. Kaya hindi ko kakayanin kung pati siya ay mawawala at iiwan ako dahil siya ang tanging lakas ko.