AYAH
Mula sa opisina ni Kuya Aliandre, bumalik ako sa ospital matapos makuha ang pera. Hindi na ako sumagot sa mga tawag ni Kuya Dexter dahil alam ko na kung ano ang sasabihin niya sa akin.
Tanghali na at oras na para ipaghanda siya ng tanghalian, gaya ng lagi kong ginagawa. Pero dahil wala pa ako sa bahay, kaya paulit-ulit niya akong tinatawagan.
Pagdating ko sa ospital, agad kong hinanap ang nakausap kong doktor kanina. Natagpuan ko naman siya sa kabilang ward, kaya dali-dali akong lumapit sa kaniya.
“Dok, may pera na po ako. Puwede na nating ituloy ang operasyon,” agad kong sabi sa doktor ni Lola.
“Sige, magbayad ka muna sa counter at tatapusin ko lang ito, Miss Katelyn.”
Nakahinga ako ng maluwag dahil hindi magtatagal ay sisimulan na ang operasyon at gamutan kay Lola.
Dali-dali akong pumunta sa billing counter at pumila para magbayad, hawak ang papel na ibinigay sa akin ng doktor ni Lola. Nararamdaman kong nagba-vibrate ang cellphone ko sa loob ng bulsa ng suot kong pantalon, kaya dinukot ko ito at tiningnan kung sino ang tumatawag sa akin.
Gaya nga ng inaasahan ko, pangalan ni Kuya Dexter ang nakita ko sa screen, kaya sinagot ko ito dahil baka lalo lamang siyang magalit sa akin kapag hindi ko siya kinausap.
“Kuya—”
“Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko, Katelyn?! Kanina pa ako tumatawag sa iyo!”
Galit na galit si Kuya Dexter habang sumisigaw na kinakausap ako, kaya pumikit ako at sandaling inilayo sa aking tainga ang hawak kong cellphone.
“Nandito pa ako sa ospital, Kuya,” agad kong paliwanag. “Pasensya na kung hindi ko nasagot ang tawag mo dahil hindi ko napansin na tumatawag ka.”
“Hindi ka kailangan d'yan dahil hindi ka naman doktor, Katelyn. Umuwi ka na dito ngayon din!” galit at malakas ang tinig na utos ni Kuya Dexter sa akin.
“Sige, Kuya,” agad kong sagot. “Uuwi rin ako agad. Hintayin ko lang na dumating ang doktor ni Lola dahil may ibinilin kasi siya sa akin.”
“Huwag ka nang magdahilan pa. Gusto mo lang takasan ang trabaho mo dito sa bahay!”
Napapikit ako dahil ramdam ko ang kirot sa aking dibdib, pero dahil maraming tao sa paligid ko at ayaw kong makita ako ng mga kasama kong nakapila dito sa billing counter na umiiyak, kaya pinigilan kong mapahikbi at tahimik na pinahid ang luhang nangilid sa aking mga mata.
“Next!” narinig kong malakas na sabi ng babae sa counter.
Kinalabit naman ako ng babaeng nasa likuran ko, kaya napatingin ako sa kaniya.
“Miss, ikaw na.”
“Salamat.”
Pinutol ko ang tawag at dali-dali akong lumapit sa counter at inabot ang dala kong kapirasong papel at pera para bayaran ang operasyon ni Lola.
Limang minuto rin akong nakatayo sa counter at naghihintay hanggang sa natapos ang proseso ng pagbayad.
Bumalik ako sa ward ni Lola at ibinigay ko sa doktor ang dala kong resibo. Binigyan rin niya ako ng form at pinapirma sa ilang pirasong papel dahil kailangan daw ng consent ko bilang kapamilya ng pasyente sa gagawing operasyon.
Nakiusap ako sa doktor na huwag sabihin kahit kanino na ako ang nagbayad para sa operasyon ni Lola dahil ayaw kong malaman nina Mommy at Kuya Dexter ang tungkol dito.
Siguradong magagalit sila kapag nalaman nilang lumapit ako kay Kuya Aliandre dahil masisira ang kanilang plano, pero mas pinili ko nang gawin ito dahil ayaw kong habang-buhay na gamitin at pagkaperahan ang taong mahal ko gamit ako.
Kapag natapos na ang operasyon ni Lola at gumaling na siya, gusto ko siyang ilabas dito sa ospital at itakas para makalayo na kami at tuluyan nang hindi na makita si Kuya Aliandre dahil iyon ang gusto niyang mangyari.
Tulog pa rin si Lola nang balikan ko siya sa kamang hinihigaan niya, pero bakas ang iniinda niyang sakit sa kaniyang mukha, kaya nakaramdam ako ng awa sa kaniya.
Dahil hindi ko siya maiwan na mag-isa dito sa ospital, kaya lumapit ako sa babaeng nakaupo sa tabi ng isa pang pasyente at lakas-loob na kinausap ito.
“Ate, uuwi po muna ako. Puwede po bang makiusap sa iyo na patingnan si Lola habang wala po ako?”
Sumulyap muna ang babae sa direksyon ni Lola at pagkatapos, ngumiti siya sa akin.
“Sige, Miss.”
“Ayah po ang pangalan ko, Ate,” nakangiting pakilala ko sa babae.
“Ako naman si Rachel,” sabi rin nito. “Kapatid ko itong pasyente.”
Ngumiti sa akin ang lalaki, kaya sinuklian ko rin ito ng tipid na ngiti.
“Puwede ko bang makuha ang numero mo para matawagan kita kapag hindi ako makapunta dito sa ospital?” tanong ko agad sa bagong kakilala ko.
“Sige.”
Inabot ko ang aking cellphone kay Rachel at agad naman niyang pinindot ang kaniyang numero, at nang matapos ay inabot niya ito sa akin.
Agad akong tumawag sa kaniya, at nang tumunog ang kaniyang cellphone, pinutol ko na ang tawag.
“Iyan ang numerong gamit ko, Rachel.”
“Sige, i-save ko na lang,” masayang sabi niya sa akin.
Magaan siyang kausap kahit bago ko pa lang siyang kakilala, kaya sa tingin ko ay makakasundo ko siya.
“Hindi ka ba magbabantay sa Lola mo, Ayah?” tanong ni Rachel sa akin.
Ang kapatid naman niya ay nanatiling nakahiga sa kama at nakatingin lamang sa akin, kaya nag-iwas ako ng tingin dahil nakakaramdam ako ng awkwardness habang pinagmamasdan niya ako.
“Gustuhin ko man na mamalagi dito, ay hindi puwede dahil tumakas lang ako sa bahay para dalawin si Lola dito sa ospital, Rachel.”
“Ganoon ba?” tanong ng bago kong kakilala, kaya marahan akong tumango.
“Sige, babantayan ko siya habang nandito pa kami ni Kuya Raj sa ospital.”
Ngumiti ako sa magkapatid at nagpasalamat. “Salamat, aalis na ako.”
“Huwag kang mag-alala, tatawagan agad kita kapag may nasagap akong balita tungkol sa Lola mo,” nakangiting sabi ni Rachel, kaya napangiti rin ako.
Matapos magpaalam sa magkapatid na Rachel at Raj, patakbo akong naglakad palabas ng ospital dahil hindi ako puwedeng abutin ng gabi dito.
Laking pasasalamat ko nang may nakita agad akong bus papunta sa Pasay, kaya hindi na ako nahirapang maghintay. Agad akong sumakay, pero dahil rush hour na, puno na ang bus at siksikan na rin.
Hindi ako bumaba dahil gusto ko nang makauwi.
Mabuti na lang at malapit lang ang PGH sa bahay ng mga magulang ko. Mga tatlong kilometro lang ito, pero dahil uwian na at ma-traffic na rin, kaya natagalan akong makauwi sa bahay.
“Bakit ngayon ka lang umuwi, Katelyn?” agad na tanong ni Kuya Dexter sa akin nang pumasok ako sa loob ng bahay.
Mukhang kanina pa siya naghihintay dahil nakaabang agad siya sa pagdating ko, kaya mabilis niya akong nakita nang pumasok ako sa pintuan.
“Sa ospital, Kuya,” agad kong sagot. “Pumila ako doon para humingi ng assistance sa gamot at operasyon ni Lola.”
“Nakakahiya ka talaga!” singhal niya sa akin. “Para kang pulubi doon. Huwag ko lang makita ang mukha mo kapag nag-viral ka doon dahil malilintikan ka sa akin.”
“Maraming pumipila doon, Kuya,” pagsisinungaling ko dahil hindi ko puwedeng sabihin sa kaniya na pumunta ako sa opisina ni Kuya Aliandre.
“Ano ang dala mo?” tanong ni Kuya Dexter.
“Saging at gulay, Kuya.”
Tiningnan niya ang dala kong plastic, kaya nakaramdam ako ng kaba sa aking dibdib. Mabuti na lang at binalot ko sa itim na plastic ang natirang isang daang libong piso mula kay Kuya Aliandre. Hindi ito nakita ng kapatid ko dahil bumili ako ng saging at gulay sa talipapa bago umuwi dito para itago sa kaniya ang dala kong pera.
“Pumasok ka na sa kusina at maghanda ka ng pagkain dahil kanina pa ako nagugutom!” pasigaw na utos ni Kuya Dexter sa akin matapos niya akong tingnan ng masama.
Agad ko siyang iniwan sa sala at mabilis na naglakad papasok sa kusina, dala ang plastic bag na may lamang pera at gulay.
Nakahinga ako ng maluwag nang makarating ako sa kusina. Ligtas ang dala kong pera, kaya naghanap agad ako ng lugar kung saan ko ito puwedeng itago nang hindi nila nakikita.
Mas mabuti kung dito sa basurahan ko ito itatago, para hindi sila maghinala.
Hindi ito puwede sa silid ko dahil palaging pumapasok doon ang aking ina para maghanap ng pera pang sugal niya.
Agad kong nilagyan ng itim na plastic ang ilalim ng basurahan at pagkatapos, inilagay ko doon ang bundle ng pera at nilagyan pa ito ng isa pang plastic para hindi malagyan ng basura.
For now, dito muna ito para kapag kailangan ko nang itakas si Lola ay may magagamit akong pera.
Magkukunwari muna akong umaayon sa kagustuhan nila, pero kapag alam kong tapos na ang operasyon ni Lola at malakas na siya, aalis kami at tuluyan nang hindi magpapakita sa kanilang lahat.