Hinintay ni Eeya na magising si Isagani dahil sa marumi at nagkasira sira na ang kanyang damit ay minabuti na nitong punasan siya at palitan ang damit nito. Nang magkamalay ay kahit pa paano ay nagkaroon na ng lakas si Isagani.
“Anong nangyari?” wika nito.
“Nawalan ka ng malay. Ayos na ba ang pakiramdam mo?”
Hindi na nakasagot si Isagani sapagkat napansin niya ang makulay na damit na suot niya. “Ano ito?!” sigaw niya nang makita ang damit na kanyang suot.
“Iyan lang ang nakita kong damit na kakasya sa `yo. Kinuha ko sa naitago kong manika noon.” Natutuwa ang dalaga na pagmasdan ang damit pambabae na kanyang pinasuot kay Isagani.
“I-Ibig mo bang sabihin ay… ay nakita mo?!” Pilit tinakpan ni Isagani ang kanyang namumulang wika sa kanyang naiisip.
“Huwag kang mag alala. Wala naman akong gaanong nakita,” nakakindat na sabi ni Eeya na lalong ikinahiya ni Isagani.
Iniling iling na lamang ni Isagani ang kanyang ulo dahil wala na rin namang itong magagawa pa. “Mabuti pa ay ibalik mo na ako sa dati. Hindi magandang nasa ganito akong sitwasyon. Delikado hindi lang para sa akin kundi para sa `yo na rin. Sa estado ng lakas ko ngayon ay tiyak na pagsasamantalahan ng mga elementong nais kumalaban sa akin ang sitwasyon ko. Nakita mo naman ang nangyari kanina. Siguradong kakalat ang balita.”
“Ayoko,” matipid na sagot ng dalaga.
“Hindi mo ba naiintindihan? Mapapahamak tayong pareho kapag hindi mo ako naibalik sa dati!”
May naaalala man si Eeya sa mga tamang salita upang maibalik si Isagani sa dati ay hindi niya maalis ang isip nang inakala niyang napaglaho siya ang binata nang hindi niya sinasadya. Ayaw niyang magkamali.
“Hindi ako sigurado sa orasyon na gagawin ko para maibalik ka sa dati. Ayokong mapahamak ka dahil sa mahinang kakayahan ko bilang tagapangalaga ng templo,” nakayukong wika ni Eeya. “Hindi ko rin sigurado kung paano ko mapaalis ang elemento kanina. Sinabi ko lang ang orasyon na naisip ko. Mabuti na lang at nagtagumpay ako.”
Alam ni Isagani na magwala man siya ay hindi niya mapipilit si Eeya na gawin ang orasyon. Batid din niyang totoong maaari niya iyong ikapahamak kung ipipilit niya. Muling napaupo si Isagani sapagkat nararamdaman na naman niya ang panghihina na napansin naman ng dalaga.
“Ayos ka lang ba? May masakit ba sa `yo o kaya naman ay gutom ka?”
Umiling ito. “Nakakaramdaman na naman ako ng pagod. Mabilis maubos ang lakas ko dahil sa nakapataw na kapangyarihan mo sa akin. Puwede mo bang hawakan ang ulo ko?”
“Ha? Para saan?”
“Makakuha ako ng lakas kapag hinahawakan mo ako.”
Nagpangalumbaba si Eeya sa mesa kung saan nakaupo si Isagani saka niya sinubukan na hawakan ang ulo ng binata gamit ang kanyang hintuturo. “Ganito ba?”
Tumango tango ang binata. “Ganyan nga.” Napapapikit pa ito at naapangiti nang kaunti.
Hindi naiwasan ni Eeya na maisip kung totoo ngang nakakakuha ng lakas si Isagani sa ginagawa niyang pagsundot at pagkiskis sa daliri niya sa ulo at mga pisngi ng binata. Napataas na lang ito nang kilay nang maisip na baka gawa gawa lamang iyon ng binata.
“Tama na `yan. Kung kaya mo na, iiwan na muna kita dito.” Tumalikod ang dalaga at naglakad patungo sa pintuan nang mapansin niya ang mga nakasilip sa bintana.
Napaurong si Eeya sa takot dahil sa mga elementong nakasilip doon. Malayo ang itsura ng mga ito sa mga nakita na niya sa mundo ng mga elemento na minsan na niyang nabisita. Sadyang mas nakakatakot ang itsura ng mga ito at malakas ang kapangyarihan na nararamdaman ni Eeya na nagmumula sa kanila.
“Ayan na ang sinasabi ko. Narito na sila para kalabanin ako. Huwag kang mag aalala. May harang naman ang templo na ginawa ni Joaquin kaya hindi sila basta basta makakapasok.”
Hindi karaniwan kay Eeya na makita ang mga elemento. Bagamat narinig na niya mula sa kanyang lola ang itsura at iba’t ibang kakayahan ng mga ito ay hindi pa rin niya naiwasang matakot. Nang dahil sa paghawak niya kay Isagani ay nagagawa na niyang makita ang mga ito ngayon.
“Hindi tayo pwedeng magkalayo ngayon. Ganito man ang kondisyon ko ay ako ang dahilan kung bakit mo sila nakikita. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para protektahan ka. Kaya madaliin mo na ang pag alala mo sa orasyon para maibalik mo na ako sa dati.”
Naisin man ni Eeya na muling pag aralan ang orasyon ay itinago ng kanyang lola ang sagradong libro at dahil sa pagkasira ng templo ay nawala iyon sa dati nitong sisidlan. Alam ni Eeya na ang tangging paraaan na magagawa niya ay ang alalahanin iyon.
Sa pagsapit ng lalim ng gabi ay muling pinagpahinga ni Eeya si Isagani sa ginawa nitong maliit na pwesto sa tabi ng kanyang higaan. Nais man niyang matulog ay hindi maalis sa isip niya ang nakitang ulong elemento na ikinakatakot pa rin niya hanggang ngayon. Ngayon lamang niyang nararansan ang makaharap ng mga malalakas at nakakatakot na elemento. Matagal man niyang ninais na magawang magbasbas ng mga ito ay hindi siya tiyak kung magagawa ba niya dahil hindi pa rin buo ang loob niya sa pagsambit ng mga orasyon.
“Lola, tulungan mo ako sa kinakaharap ko. Bigyan mo ako ng lakas para magawa ko ito nang tama,” aniya bago pumikit upang subukang makatulog.
“Eeya… Eeya, gumising ka.” Mula sa mahinang pagtawag sa kanyang pangalan ay napabalikwas ang dalaga ang lumakas iyon.
“I-Isagani! Nakabalik ka na sa dati?” Tumayo si Eeya upan puntahan si Isagani. “Paano?”
“Hindi pa. Pumasok lang ako sa panaginip mo.” Tumingin sa paligid si Eeya at nasa lugar sila na puro puti at walang katupasan na paligid.
“Kaya mo pa lang gawin ito?”
Tumango si Isagani na bahagyang lumapit sa dalaga para hawakan ang mga pisngi nito. “Kaya kong gawing magandang panaginip o isang bangungot ito, Eeya. Isa ito sa kakayahan ko bilang isang elemento. Kahit anong gusto ko ay magagawa ko rito.”
Napaurong si Eeya nang gumuhit ang nakakalokong ngiti sa gilid ng labi ni Isagani. Alam niyang pilyo ito ngunit ang ngiting iyon ay kakaiba. “Kahit anong paliwanag ko ay makakalimutan mo rin naman pagka gising mo.” Lumapit ang binata sa mukha ni Eeya na tila ba aakma ng halik. Nais mang umiwas ni Eeya ay tila ba hindi ito makagalaw. “Bilang parusa sa ginawa mong pagpapaliit sa katawan ko ay nandito ako para singilin ka ng kapangyarihan.”
“Singilin? Binigyan na kita ng lakas kanina.”
Itinukop ni Isagani ang dalawa niyang palad sa magkabilang pisngi ng dalaga upang lalo itong makalapit. “Masyadong kaunti ang lakas na nakuha ko sa ginawa mong iyon. Kung mas malapit tayo ay mas marami akong makukuhang lakas mula sa `yo.”
Hindi man sabihin ni Isagani ang kanyang nais gawin ay nararamdaman ni Eeya na hindi lamang simpleng haplos ang nais nito. Gumapang ang mga kamay ng elemento sa bewang ng dalaga na nagpa init sa kanyang balat. Ang paghinga ng binata sa gilid ng kanyang tainga ang kanyang naririnig maging ang malakas na t***k ng kanyang puso.
“Bigyan mo ako ng lakas, Eeya. Ibigay mo sa akin ang lahat lahat.”
Dumampi ang mga labi ni Isagani sa pisngi ni Eeya na marahan niyang pinadausdos pababa sa kanyang leeg. Animo’y ipuipo ang emosyon na hindi na mapunto ni Eeya kung init ba o lamig ang mga labing dumadampi sa kanyang balat. Nagmistulang mabulaklak na panaginip ang bawat haplos sa kanya ng binata. Nanlambot ang kanyang katawan na kahit man isipin niya na hindi tama ang ginagawa sa kanya ni Isagani ay hindi niya magawang lumaban. Batid niyang hindi na siya pinipigilan pa ng kapangyarihan ni Isagani sa loob ng kanyang panaginip. Gayunpaman ay wala sa kanyang loob ang humindi sa bawat kilos na gawin ng elemento sa kanyang katawan. Unang pagkakataon man na mahawakan siya ng isang lalaki ay tila ba matagal na niya iyong ninanais sa pagsagot ng kanyang mga kamay na dumidiin sa mga balikat ni Isagani sa kanyang pagpikit.
Sa muli niyang pagmulat ay napatayo na lamang si Eeya mula sa kanyang higaan. Pawis na pawis ang kanyang buong katawan sa panaginip na hindi niya lubusang maintindihan.
“Eeya, anong problema? Masama ba ang gising mo?” ani Isagani na nagising dahil sa biglaang pagtayo ni Eeya higaan.
Agad na dumako ang kanyang tingin kay Isagani na nagkukusot pa ng mga mata mula sa pagtulog. “A-Anong… may ginawa ka sa akin!”
“Anong pinagsasasabi mo? Nananaginip ka ba?” kunot noong pagtataka ni Isagani.
Nang muli niyang tignan ang elemento ay siyang pagmula ng kanyang mukha. Hindi man niya maalala ang buong nangyari sa kanyang panaginip ay nananatili ang pakiramdam na gawa ng binata sa kanya. Nagsuklob muli si Eeya sa kumot at muling bumalik sa kanyang higaan.
“Totoo ba ang nangyari sa panaginip ko?” tanong niya sa sarili. “Nababaliw ka na, Eeya! Panaginip nga! Imposibleng maging totoo!” Natuon ang kanyang isip kay Isagani na nagdulot ng inis sa kanyang damdamin. “Makabalik ka lang sa dati mong laki, Isagani. Humanda ka!”