PROLOGUE
This is it! This is the day I've been waiting for.
Ngayon na ang araw na itinakda para magtapat sa aking ULTIMATE CRUSH!
Para ito sa mga rosas ni Mama na nakalbo dahil sa pag "He loves me, he loves me not!" ko.
Para sa mga stationary na nasayang sa paulit-ulit kong pagconstruct ng love letter.
Para sa mga tuhod kong halos mamaga na sa magdamag kong pagnonobena.
"Ikaw na ang bahala." saad ko sa hawak kong LOVE LETTER na ilang gabi ko ring pinagpuyatan.
Napansin kong sumenyas na si Abby, meaning parating na SIYA. Nagsign of the cross ako at tumayo ng tuwid, bahagya ko pang sinuklay ang bangs ko, gamit ang mga daliri ko.
Nakikita ko na siya. Parating na ang FUTURE BOYFRIEND ko!
Basa pa ang buhok niyang laging nakawax, tila inaantok pa ang mapupungay niyang mga mata. Nakakaakit naman ang maninipis at mapupula niyang mga labi. Nakakahalinang tingnan ang makinis niyang mukha na kailanma'y hindi natubuan kahit isang pimple. Ang gwapo niya talaga!
After four years na pagpapantasya, konting oras na lang at mapapasa'kin ka na!
Unti-unti akong humakbang para salubungin siya. Wala na akong pakialam kung ano mang sabihin ng iba, ang mahalaga maiabot ko ang letter na ito, maiparating ko sa kanya ang nararamdaman ko.
Kasabay ng bawat hakbang ay ang pagkabog ng dibdib ko, tila nais kumawala ng puso ko.
Tumigil ako sa paglalakad at hinintay na lang siya. Yumuko ako, pumikit at palihim na nagdasal.
Nang maramdaman kong nasa harap ko na siya, itinaas ko ang dalawa kong kamay na hawak ang love letter at iniabot sa kanya.
5 segundo..
10 segundo..
15 segundo..
30 segundo..
Bawat segundo, parang kinakapos na ako ng hininga hanggang sa maramdaman kong kinuha na niya ang sulat. Doon lang ako nakahinga ng maluwag.
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa aking mga labi, kung pwede lang tumalon, nagawa ko na!
"Love letter huh, okay, from now on, you're my GIRLFRIEND, Martinez!"
Teka lang, parang may MALI.
Unti-unti kong inangat ang paningin ko upang titigan ang taong nasa harap ko.
This can't be!
Sinalubong ako ng ngiti niyang nakakaloko, ang ngiti ng isang GANGSTER.
Para akong na-wrong send at sa dinami-rami ng tao, bakit sa kanya pa?! Bakit kay FLOYD SANTIAGO PA?!
Isang gangster diumano, tamad mag-aral at suki ng Detention Room.
And worst, nasa likod lang niya ang totoong pakay ko.
"A-Arvic.."
Doon na bumigay ang luha ko, kasabay ng pagtalikod niya palayo, palayo sa'kin.