“Bakit ba ang sungit mo? Hindi mo ba ako type?” naghihimutok na tanong ng babae sa kasama nito.
Mabilis na inilagay ni Polla ang mga orders ng mga ito sa bilog na mesa at nang matapos ay kaagad na tumayo at hinawakan ang trolley.
“I told you that I agreed to come here with you because we will talk about work!” iritadong tugon ng lalake at hinilot ang ulo.
“Talaga ba?” hindi makapaniwalang tanong ni Polla sa isip.
“Alam mo naman na gusto kita—“
"Aalis na po ako," paalam ni Polla at sinadya niyang abalahin ang pagsasalita ng babae para hindi na niya marinig ang nakakairitang usapan ng dalawa.
Tumalikod na siya sa dalawang customer at itutulak na sana ang trolley nang marinig niyang tumikhim ang lalake.
"Don't you want to join us?” tanong sa kanya ng lalake.
Napalingon siya kaagad sa tanong nito sa kaniya at napakunot ng noo. Gusto sana niyang murahin ito pero nagpigil siya at inisip na maging isang propesiyonal sa harap ng customer.
"No, Sir-
"Bakit siya makiki-join sa atin, eh, waitress lang naman siya?" maarteng tanong ng makapal ang labing babae na kasama ng magaling na lalaking ito.
Ngayon lang napansin ni Polla na makapal pala ng labi ng babaeng iyon dahil ngayon lang din niya natitigan ang mga ito.
Maganda ang babae, makinis ang balat at may magandang kurba ng katawan kaya lang, ay halos makita na ang kaluluwa sa katawan nito. Naka-black skirt ito at strapless sa pang-itaas at halos lumuwa na ang malaking dibdib sa suot na fitted at strapless na damit. Makapal ang make-up sa mukha at kumikinang ang bilog na hikaw sa tenga nito.
“Hindi niya talaga maintindihan ang mga tipo ng kumag na iyan. Kahit sino na lang yata pinapatulan niya!” iritadong sabi niya sa isip.
"She's not just a waitress here. She is my wife," mahinahong tugon ng magaling na lalaking iyon kaya napanganga sa gulat ang kasamang babae.
Tama ang lalaking ito. Mag-asawa nga sila at ito lang naman ang magaling at walang-hiya niyang asawa na si Dylan Samuel Franco, na minahal niya noon nang sobra at pinagkatiwalaan pero niloko at pinagmukha lang siyang tanga.
Mas lalo tuloy siyang nakadama ng inis dahil ang lakas pa ng loob ni Sam, na ipagmalaking asawa siya sa nilalanding babae.
"Okay lang, Miss, enjoy-in mo iyang asawa ko. Maghihiwalay na rin naman kami niyan," sarkastikong sabi niya sa babaeng kasama ng asawa saka tinalikuran ang mga ito at iniwan.
"Hayop siya! Ipamukha pa niya sa babaeng iyon na may asawa na siyang tao pero nakakapangbabae pa!” Naikuyom niya ang kamao sa galit na nararamdaman.
Nagbalik ang lahat ng ala-ala kung paano siya nasaktan ni Sam at sumabog na parang bomba ang katotohanang pinaasa at ginawang tanga lang siya nito para makuha nito ang pamanang inaasam ng ama nito.
Napapikit siya at hindi mapigilan ang magbalik-tanaw nang isa sa mga masasakit na bahagi nang nakaraan ni Polla na dalawang-taon ng lumilipas.
Two years ago
Flashback
MALAKAS na sampal ang ibinigay ni Polla kay Sam, sa lahat nang nalaman niya galing kay Migo, na nakakatandang kapatid nito. Hindi niya mapigilan ang pagbuhos ng luha sa mga mata at mga hikbi sa labi.
Hindi akalain ni Polla na nagawa ng lalaking ito sa kaniya ang lahat ng panlolokong iyon. Niligawan siya ni Sam nang ilang-buwan at nagkaroon sila ng relasyon dahil minahal niya ito sa pagiging masugid na manliligaw hanggang sa umabot ng isang taon ang relasyon nila, na inakala niyang totoo ang lahat ng pinaparamdam nitong pagmamahal kaya nang nag-propose si Sam ng kasal ay pumayag siya kaagad.
Ngayong matapos ang kasal at aalis na sana para sa honeymoon ay nalaman niya sa kapatid nito ang lahat ng katotohanan, na plano lang pala lahat ni Sam ang relasyon nila at kasal nila para makuha ang pamana nito sa Papa na ayaw pang ibigay hangga’t hindi pa ito nag-aasawa. Pinakita pa ni Migo ang kopya ng agreement paper na ginawa ni Sam para sa mahahanap na babae pero hindi na nagawa pang makipagkasundo nito sa ibang babae dahil dumating siya at siya ang napili nito na gamitin.
"Totoo ba? Totoo bang kaya ka nagpakasal sa akin para makuha mo ang kayamanan mo sa Papa mo?" sigaw na tanong niya at nanginginig pa siya sa galit.
Hinimas lang ni Sam ang pisngi nitong namumula dahil sa pananampal niya.
"Sumagot ka! Sabihin mo sa akin ang totoo!" galit niyang tanong kay Sam.
"Sino naman nagsabi sa’yo niyan?" mahinahong balik tanong ni Sam sa kanya.
"Sagutin mo na lang ako, Sam!’Wag mo akong gaguhin ng ganito!”
"Polla, kakakasal lang natin at ang dapat ay mag-enjoy na sana tayo sa honeymoon natin pero ano ito? Bakit nagtatanong ka nang ganyan sa akin?" naiinis na tanong ni Sam sa kanya.
"Sinabi na sa akin ni Migo ang lahat kaya magsabi ka nang totoo! Ginamit mo lang ba ako para makuha iyang mana mo? Ginago mo lang ba ako?”
Pinaghahampas niya si Sam at galit na galit siya sa panloloko nito sa kanya.
Sinalo ni Sam ang mga kamay niya at pinigilan siya iyon."Si Kuya Migo ang nagsabi sa’yo?" hindi makapaniwalang tanong ni Sam sa kanya.
"Oo! Lahat nang katotohanan!" Binitawan ni Sam ang kamay niya at tinalikuran siya."'Wag mo akong talikuran at sabihin mo sa akin ang totoo!"
“Polla, bakit ka maniniwala kay Kuya Migo? Marami na tayong pinagdaanan at alam mo kung gaano kita kamahal kaya bakit mo ako paghihinalaan nang ganiyan?” balik tanong sa kaniya ni Sam.
Kinuha niya ang papel na ibinigay sa kaniya ni Migo. Isang malaking ebedensiya mula kay Sam iyon. Inihagis niya iyon sa mukha ni Sam at bumagsaka iyon sa sahig. Hindi naman kinuha iyon ni Sam at tinignan lang.
“So, ano ang agreement paper na iyan na ginawa mo? Kung talagang wala kang planong maghanap ng babaeng magpapanggap na pakasalan ka para lang makuha ang pamana sa Tatay mo?” galit na tanong pa rin niya kay Sam.
Hindi nakapagsalita si Sam at matamang tumitig sa kanya.
“Ano, Sam? Bakit ngayon hindi ka makapagsalita?” galit na tanong niya rito.
Bumuntonghininga si Sam at kinuha ang papel na nagkalat sa sahig.
“Inaamin ko na plinano ko talagang maghanap ng babae—“
“Tama nga kami ni Migo? Manggagamit ka talaga at ako ang napili mo? Pati ang damdamin ko sa’yo ay ginamit mo para lang diyan sa kayamanan mo!” galit na sumbat niya kay Sam. “At ako ang napili mo para gamitin dahil alam mong malapit ako kay Migo at sa Papa mo para mas mapadaling maniwala ang Papa mo, na hindi pagpapanggap ang lahat!”
Walang tigil ang mga luha ni Polla habang punong-puno nang poot ang mga mata niyang nakatingin sa asawa.
“Malaki talaga ang tiwala mo sa kapatid ko, ano? Mas mukhang nagtitiwala ka sa kaniya kaysa sa akin na naging nobyo at pinakasalan mo?” may halong sumbat na tanong ni Sam sa kanya.
“Sa inyong dalawa ay hindi hamak na mas mabuting tao sa’yo si Migo! Hindi ko lang naisip na mas masama pala ang ugali mo kaysa sa inaasahan ko. Inakala kong totoong minahal mo talaga ako at nagbago ka na pero hindi pala. Ikaw pa rin ang bunsong kapatid ni Migo na puro kalokohan lang ang tanging kayang gawin at lahat ginagawa para makuha ang gusto kahit makasakit pa nang damdamin ng iba.” Pinahid niya ang mga luha sa mga mata.
Nakita ni Polla ang pagbahid ng sakit mula sa mukha ni Sam subalit naglaho rin iyon at naging blangko ang emosyon niyon.