NAPABUNTONGHININGA si Polla sa bahagi ng ala-ala niyang iyon na dalawang taon nang lumilipas. Ang bahaging iyon ang umpisa nang lahat at mas masakit pa ang mga sumunod na pangyayari kaya kaysa alalahanin pa ang lahat nang iyon ay kaagad na inalis sa isip niya ang ala-ala upang hindi siya maging emosyonal ngayong gabi lalo pa at nasa trabaho siya at nasa paligid lang ang pinsan.
Siguradong kapag umiyak siya dahil na naman sa magaling niyang asawa ay magwawala na naman sa galit ang pinsan niya at baka masugo na naman nito si Sam sa kinaroroonang kuwarto nito at magpang-abot pa ang dalawa. Alam naman niyang hindi papatulan ni Sam si Emerald dahil sa ilang-beses namang inaway at pinagsalitaan ito ni Emerald ay wala naman silang naring mula kay Sam kahit pa nasampal at nasabanutan na ni Emerald si Sam sa mismong opisina nito noong nalaman ng pinsan ang pinagdaanan niya kay Sam.
Tahimik lang si Sam noon at siya pa ang pumigil para hindi tuluyang masaktan nang sobra ni Emerald ang asawa. Alam naman ni Sam ang pagkakamali niya kaya wala itong iginanting masakit din na salita kay Emerald.
Naglakad na nang tuluyan si Polla pabalik sa counter ng bar at nakita pa niyang nandoon si Emerald na ikinagulat niya kaya nagmamadali siyang lumapit sa pinsan.
"Oh, bakit nandito ka pa? Sabi ko umalis ka na, ha?" sita niya kaagad sa pinsan nang makalapit siya rito.
"Inantay na kita kasi gusto kong sabay na tayong umuwi,” tugon ni Emerald sa kanya. “Tara na! Tama na ang pagtatrabaho mo saka 'wag kang mag-alala dahil buo ko ibibigay sa’yo ang sahod mo," aya na nito sa kanya.
Naghihinala siyang napatingin sa pinsan dahil sa inaasta nito sa kanya.
"Nag-aalala ka bang magkita kami ni Sam dito?" hinuha niyang tanong kay Emerald.
Napatingin si Emerald sa kanya na may gulat sa mga mata.
"Nagkita na kami at nasa VIP room siya. May kasamang babae,” sabi niya kay Emerald na lalong ikinalaki ng mga mata nito pero mayamaya ay napalitan ng inis.
"Hayop talaga ang lalaking iyon! Ang lakas pa ng loob na pumunta rito, eh, ang dami namang bar dito! Dapat talaga ibinibigay ko ang litrato ng Sam na iyon sa guard at bouncer ko para hindi payagang makapasok dito!” iritadong sabi ni Emerald at mukhang susugod na naman ito sa away.
Ngumiti siya sa pinsan at ipinakita rito na balewala lang sa kaniya na nagkita silang mag-asawa para naman huminahon ito.
"Hayaan mo na siya. Makapal talaga mukha ng lalaking iyon."
"Dapat talagang umuwi na tayo kasi may peste sa buhay mo ang nasa bar na ito," desisyon ni Emerald saka siya hinila paalis.
"Sige. Pero buo sahod ko sa’yo, ha, sayang din 'yon."
"Oo na." Napangiti na ring sabi ng pinsan niya at nakahinga siya nang maluwang dahil mukhang hindi na mainit ang ulo nito dahil sa asawa niya.
Umalis na silang magpinsan ng bar at tumungo sa hotel na tinutuluyan nilang dalawa. Ganito na lang ang naging laging tinutuluyan ni Polla sa dalawang taon na lumipas. Kung saan-saan siyang lugar pumupunta para lumayo sa asawa at naghahanap ng iba't-ibang magagandang lugar para gawin din ang trabaho.
Isa siyang Author ng isang fictional novel at sa isang publishing company na sakop din ng entertainment company na hawak ng kaibigan ng pinsan ni Sam. Noon pa man ay pangarap na niyang maging isang sikat na manunulat at makapasok sa isang publishing company at natupad ito dahil kay Sam. Tinulungan siya ng asawa gamit din ng pinsan nito na isang shareholder ng kompanya at dahil na rin sa talento niya sa pagsusulat ay naging bahagi siya ng kompanya at ngayon ay isa na siya sa mga kilalang manunulat sa kompanyag iyon.
Masayang-masaya si Polla noon dahil natupad na ang pangarap niyang maging Author sa isang publishing company at natupad din ang pangarap niya na magpakasal sa taong mahal niya at iyon na nga ay si Sam. Pero hindi niya inaasahan na mauuwi pala sa bangungot ang pangarap niyang iyon kaya ngayon para maka-move-on sa sakit kahit kasal pa rin sila ni Sam ay hindi naman siya nakikisama sa asawa dahil lagi siyang umaalis.
"Feeling ko ay sinusundan ka talaga ng asawa mo, eh."
Napalingon siya sa sinabi ng pinsan na kalalabas pa lang ng banyo at dahil doon ay bumalik siya sa reyalidad at naabala ang malalim niyang pag-iisip.
"Feeling mo lang 'yon!” nakairap na tugon niya kay Emerald.
"Seryoso. Kasi kahit saan ka pumupunta ay lagi na lang siyang sumusulpot.”
"Hindi naman. Doon nga sa Bicol na nilagian ko, last month, ay wala naman siya. One week pa ako doon pero wala siya.”
"Sabagay. Pero bakit kasi parati na lang?”
"Nagkataon lang siguro."
"Grabe naman pagkakataon iyan parang nang-aasar. Nilalayuan mo na nga ang asawa mo tapos parang palagi pa rin kayong pinagtatagpo ng pagkakataon sa pinupuntahan mo," tugon sa kaniya ni Emerald.
"Ma at pa!" tugon niya.
"Ano?" naguguluhan nitong tanong sa kanya.
"Malay at pakialam ko! 'Wag na nga natin siyang pag-usapan at baka bangungutin pa tayo dahil sa sira-ulong 'yon!” sita na niya kay Emerald.
"Basta. Sabihan mo ako kapag hinarass ka ng taong 'yon, ha, dahil ipapabugbog ko siya sa mga bouncer ko kapag ginawa niya iyon sa’yo,” bilin nito sa kaniya.
"Kahit ako na magpapabugbog sa kanya sa mga bouncer mo sa oras na ginawa niya iyon para naman maging masaya akong makita siyang duguan at bugbog-sarado." Natawa na silang dalawa ni Emerald. Kapag si Sam talaga ang nagiging usapan nila ay nagiging bayolente ang topic at nagkakasundo talaga sila.
"Bakit kasi ang gago ng lalaking 'yon, sayang! Sayang ang love story niyong dalawa," nanghihinayang na sabi ni Emerald.
"Wala naman kaming love story. Isang panaginip lang iyon na inakala kong totoo,"pilit na ngiting sabi niya.
Nasasaktan siya pero ayaw niyang magmukhang bitter sa harap ng pinsan.
"Sweetest fake love." Napatingin siya sa pinsan.
Tama ang sinabi ni Emerald dahil isang peke na matamis na pag-ibig ang mayroong sa kanila noon ni Sam.
"Oo. Sweetest fake love nga ang lahat ng iyon,” ayon niya kay Emerald.
Nilapitan siya ng pinsan at hinawakan sa mukha."Hindi ka na ba nasasaktan, Pol?" may pag-aalalang tanong nito sa kanya.
"Hindi na. Tagal na rin naman niyon, eh, naka-move-on na ako," kaagad niyang tugon sa pinsan.
"Mabuti naman. Hindi siya ang taong deserve mahalin pa nang matagal. Wala naman siyang kuwenta, eh!”
"Tama."
"Matulog na nga tayo. Mag-beauty rest ka para bukas makasungkit ka ng guwapo at i-take home mo. Diligan mo naman iyang bulaklak mo diyan dahil baka malanta na iyan,” nakangising payo sa kaniya ni Emerald.
Natawa naman siya."Sige. Bukas magpapadilig ako."
"Dapat lang! Kung ang kumag na iyon ay nag-e-enjoy sa kama kasama ang ibang babae ay dapat ikaw rin. Basta gumamit ka ng supot at baka ma-preggy ka."
Malakas siyang natawa."Oo. No supot, no enter!"
"Pero joke lang! Tumawa ito. "Siyempre dalagang Pilipina tayo kaya hindi tayo papatuhog kung kani-kanino."
"Sabay bawi, eh, bakit tingin mo ba ay gagawin ko talaga iyon?” hindi makapaniwalang tanong niya.
"Malay ko ba? Baka tigang ka," natatawang sabi ng pinsan.
"Lul! Hindi, ah, baka ikaw!”
"Diyan nga ako bilib sa’yo, eh, kahit gago ang asawa mo ay hindi mo pa magawang iputan sa ulo. Proud ako na pinsan kita kasi mabait at matino kang babae," sensirong sabi ni Emerald sa kaniya,
"Siyempre si Tita ang nagpalaki sa akin. Matino ka na anak niya kaya matino rin ako."
"At alam ko, na makakahanap ka rin ng matinong taong tapat na magmamahal sa’yo." Napangiti siya at parang hinaplos ang puso niya.
Masuwerte pa rin si Polla kasi may pinsan siya na nagmamahal sa kanya at palaging nandiyan. Ganoon na rin ang mga magulang ni Emerald na pinalaki siya sa pagmamahal at kahit naiwan siya ng mga magulang ay hindi niya nadama ang pagkauhaw sa pagmamahal dahil sa Tita at Tito niya.