Nagising si Proserpina sa hindi pamilyar na silid. Ang unang tumambad sa kanyang mga mata ay ang puting kisame. Ang una niyang nasamyo ay ang amoy ng gamot. Dahan-dahan siyang lumingap sa paligid. Magara ang silid na kinaroroonan niya. Malapad iyon at may malaking TV na nakakabit sa pader na nasa paanang dako ng kama. May refrigerator. May lamesa. May dalawang couch. Malaki ang salaming bintana na natatabunan ng makapal na kurtina. Sa isang gilid ay pinto na sa tingin niya ay banyo. Napatingin siya sa kanyang kamay. May suwerong nakakabit sa kaliwang likod ng palad niya. Sinundan niya ng tingin ang tubo hanggang sa dulo niyon at nakitang nakakabit iyon sa maliit na lagayang may likido sa loob. Dinig niya ang mga tunog ng aparato at nagpapahilo ang mga iyon sa kanya. Umungol siya at mul

