Hindi na alam ni Alyana kung ano ang gagawin sa silid matapos mag walk-out ni Raji. Hindi niya ito gustong sundan dahil mag-aaway lang sila. Ang sabi ng Papa niya ay pagpasensyahan na lang niya kung paano siya sungitan ng binata dahil may atraso ang pamilya nila sa mga Burman. Hindi niya akalaing ang kalayaan niya ang kabayaran dahil literal na nakakulong siya ngayon sa mansyon - bawal siyang lumabas sa gate nang walang pahintulot.
Nagulat ang Papa niya kanina nang sabihin niyang ang magiging trabaho lang niya ay magpanggap na fiancèe ni Raji sa harap ng mga kaibigan nito sa Linggo. Pero wala itong balak totohanin ang relasyon. Na naging palaisipan sa kanya kanina pa -- paanong ang isang tulad nito na ubod ng gwapo, simpatiko, at ubod din ng yaman ay problemado sa babaeng ihaharap sa mga kaibigan? Hindi rin naman niya masasabing bakla ito dahil nakatikim na siya ng halik mula sa binata nang mapagkamalan siya nitong prostitute noong nakaraang linggo. Kahit wala siyang karanasan sa pakikipagtalik at minsan pa lang siyang nagka-boyfriend, alam niyang nagnasa ito sa kanya noong gabing iyon. Hindi na nga lang ngayon. Lagi nitong sinasabi na hindi ito papatol sa kanya dahil isa siyang babaeng bayaran.
What the hell?! Minsan nga lang siya nagtangkang tumanggap ng ganoong trabaho, bumaba kaagad ang value ng p********e niya?
Ang masama nito, gusto ng Papa niya na akitin niya si Raji para pakasalan siya nito. Ito na lang daw ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Mabait naman daw ito, sadyang mainitin lang ang ulo dahil sa dami ng problema sa BLFC. Pero kung gusto niyang sa exclusive school pa rin makapag-aral ang mga kapatid niya, gagawin niya ang lahat para akitin si Raji.
Napailing na lang siya sa kalagayan niya ngayon. Nasa malaki nga siyang bahay pero nakakulong naman siya. May kasama nga siyang gwapo at kaakit-akit na lalaki, wala namang interes sa kanya. At naturingan ngang nagkaroon siya ng trabaho, wala naman siyang sweldo.
Paano siya makakatulong sa problemang pinansiyal ng pamilya niya?
"Ma'am Yana, kakain na daw po ng hapunan."
Napalingon siya sa katulong na nasa pinto ng silid niya. Sino ang kasama niyang kakain? Ilan ba ang nakatira sa bahay na 'to bukod sa apat na katulong at isang driver?
"Sino ho ang nasa dining room, ate?"
"Sila Sir Samir at ang pamilya ho niya."
"S-si... Raji?"
"Umalis ho sandali. Pero pabalik na rin daw."
"Sige ho, susunod na 'ko."
Sinipat niya muna ang sarili sa salamin bago bumaba sa dining room. Kanina ay nakipagkwentuhan siya sa mga katulong habang naghahanda ang mga ito ng hapunan. Umakyat lang siya sa silid nang wala naman siyang maitulong sa kusina.
"G-good evening ho..." Napaangat ng tingin sa kanya ang tatlo pati ang batang kasama ng mga ito. Nakilala niya ang lalaki na siyang nakasalubong niya kanina sa opisina ni Raji. Mas matanda ito marahil, pero kasingkisig ni Raji. Mas malapad nga lang ang katawan ni Raji kumpara dito.
"Have a seat." Baritono rin ang boses nito at hindi rin ngumingiti. Hindi naman na siya nagtataka dahil ang tingin ng mga ito ay magnanakaw ang pamilya niya.
"P-pagkatapos niyo na lang ho ako kakain. Sasabay na lang ho ako sa mga katulong."
Nagkatinginan ang mag-asawa. Magalang naman siyang nagpaalam na babalik muna sa silid. Gusto man niyang lumubog sa kahihiyahan sa harap ng pamilya kung saan nagka-atraso ang Papa niya, kailangan niyang patatagin ang loob.
Sa balkonahe siya tumuloy at lumanghap ng sariwang hangin. Sa ganoong pagkakataon man lang ay gumaan nang kaunti ang paghinga niya. Gusto niyang tawagan ang mga kaibigan para magsabi ng problema pero wala naman siyang load.
Natanaw niya ang paparating na sasakyan ni Raji sa driveway mula sa balkonahe. Ilang sandali pa ay narinig niyang bumukas ang pinto ng guest room kung saan siya pinatuloy. Hindi siya lumingon dahil alam niyang galit na naman ang haharapin niya.
"Bakit hindi ka pa sumabay kumain kina Samir?" Sinlamig ng yelo ang tinig ni Raji.
"Sa mga katulong na lang ako sasabay."
"You are not one of the maids."
"Iba lang ang gusto mong ipagawa sa akin, pero tauhan pa rin naman ako. Magtatrabaho ako sa 'yo para makabawas sa utang ng tatay ko."
"Pinasasabay lang kita sa hapunan kung saan saan na napunta ang sinasabi mo. Kung nahihiya kang sumabay kina Samir, sa akin ka sumabay. Bumaba ka na dahil hindi kakain ang mga katulong hangga't hindi tayo natatapos kumain."
Napilitan siyang sumunod nang tumalikod si Raji at lumaabs sa silid niya. Naroon pa sa hapagkainan ang tatlo na nagkukuwentuhan na lang. Wala siyang nagawa kung hindi ang yumuko at magsimulang kumain. Kung paano niya nalulunok ang bawat butil ay hindi niya alam.
"Hindi pa rin ba umuuwi si Wael?" tanong ng kapatid ni Raji.
"Sabi ko naman sa 'yo, isang araw mag-uuwi na lang ng babae 'yun at sasabihing nabuntis niya. He's almost twenty nine anyway, hayaan mo na lang."
"Pero gusto kong masigurado na maiiwan siya dito nang maayos kapag umalis tayo sa susunod na linggo. I need his commitment that he can run the office properly."
"Ako ba ang hinahanap niyo?" Bumungad sa dining room ang isang lalaking kasingkisig ng dalawa. Pero ang isang ito ay nakangiti at napatitig sa kanya nang makita siya. "May bisita pala tayo. What's your name?"
"Sit down, Wael." Isang warning look ang ibinigay ni Raji dito. Hindi niya na nagawang tamggapin ang pakikipagkamay nito.
"She's Mr. Manriquez's daughter. She's here to fulfill a mission for Raji," paliwanag ni Samir. "But that's temporary. Kailangan din niyang bumalik kaagad sa kanila."
"Whooah... You are Mr. Manrique's daughter? Ang ganda ha! Do you have a boyfriend already?"
"Will you stop asking questions at Yana?" tila may inis naman sa tinig ni Raji. "May out of town trip kami ni Samir sa susunod na linggo. Kailangan namin ang commitment mo na kaya mong mamahala sa opisina sa loob ng dalawang linggo."
"Yun lang ba? Of course! Bakit ba kayo nag-aalala?"
"Will you stop dating and ravishing our employees, Wael? Mula nang bumalik kami nila Gia sa paglalayag, naka tatlong girlfriend ka na galing sa iba't ibang department," ani Samir. Tumawa naman ang babaeng katabi nito na tinawag nitong Gia.
"That's fake news. Bakit kayo nagpapaniwala roon? Wala akong karelasyon sa mga empleyado natin. If we go out once in a while, that was just for fun," katwiran naman ni Wael. Nagkatinginan si Samir at Raji.
"At saan naman kayo humahantong d'yan sa fun na sinasabi mo?"
"Saan pa nga ba?" pilyo nitomg sagot. "But don't worry, I am safe. I was just having fun, that's all."
"Hindi ka namin pinagbabawalang makipagrelasyon. In fact, we want to see you enter into a serious relationship. Stop playing around with women. Isang araw, makakahanap ka ng babaeng oportunista na ang habol lang sa 'yo ay pera. Hindi namin gusto na mangyari 'yon," paalala ni Samir sa kapatid. Gusto na naman niyang lumubog sa kahihiyan dahil baka ganoon ang iniisip ng mga ito ngayon kaya siya pumayag sa gusto ni Raji.
At iyon naman din ang utos ng Papa niya, ang akitin niya si Raji para makabalik sila sa dating klase ng pamumuhay. Maituturing siyang oportunista sa kalagayan niya ngayon.
Nang matapos kumain ang lahat ay saka pa lang kumain ang mga katulong sa hapagkainan. Nagpaiwan siya sa kusina at nakipagkwentuhan sa mga ito. Ang totoo ay gusto niyang lumayo sa tatlo na itinuloy pa ang pag-uusap sa sala para sa mga bagong branch na bubuksan.
"Puwede bang ako na ang maghugas ng pinagkainan niyo?" pakiusap niya sa mga katulong. "Batong-bato na 'ko kalahating araw pa lang akong nandito."
"Naku, kami naman ang mapapagalitan," sagot ng isang katulong. "Pero naiintindihan kita, nakakainip nga naman."
"Tulungan mo na lang magtupi ng mga natuyong damit si Selma kung gusto mong malibang," suhestyon ng isa pa. "At least 'yon hindi kayo makikita ni Sir Raji kasi nasa walk-in closet kayo."
Tuwang-tuwa naman siyang sumama kay Selma sa ikalawang palapag ng bahay at pumasok sa isang silid na puno ng damit mula polo, coat, jeans, formal attire, at kung ano-ano pa. Siya na rin ang nagpresentang mamalantsa para makaramdam siya ng pagod at makatulog kaagad. Tiyak kasi niyang mamamahay siya dahil first time niyang matulog sa bahay ng iba.