Chapter 3

1161 Words
Hapon pa lamang bago ang kasal ni Bea at Blue kinabukasan ay nagbyahe na sila papuntang Angeles, Pampanga, kung saan idadaos ang kasal. Magtse-check in na lamang sila sa hotel kasama ang kanyang Nanay na si Rose at ang kanyang Tatay na si Ricardo upang hindi na sila manggagaling pa buhat sa malayo para sa kasal bukas. Sino nga ba'ng makakapagsabi na ang babaeng nai-link sa kanya ilang buwan na ang nakakalipas ay ikakasal na ngayon sa totoong nagmamay-ari ng puso nito. Base sa ipinadalang invitation sa kanila na mayroon larawan na kuha ang ikakasal ay hindi maikakaila sa mga mata ng mga ito ang pagmamahal sa isa't isa. Masaya s'ya para kay Bea. Maagang natulog at nagpahinga ang magulang n'ya habang s'ya ay hindi agad nakatulog dahil laman ng isipan n'ya si Red De Mesa. Sa wakas ay makikita niyang muli ito. Nakatulugan niya ang pag-iisip kay Red. Kinabukasan, habang nakasakay si Baste sa kanilang sasakyan na Montero sport kasama ang kanyang mga magulang na patungo sa simbahan kung saan idadaos ang kasal ni Bea ay hindi n'ya mawari ang sarili. Naroon na excited s'ya pero may munting kaba s'yang nadarama. Hindi rin s'ya agad nakatulog kagabi sa kakaisip kay Red. Gayunpaman ay sinigurado n'ya na presentable s'ya ngayong araw. Bagong gupit s'ya at nagpa-derma pa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay naging aware s'ya sa itsura n'ya. Wala naman talaga s'yang hilig sa pagpapagandang lalaki. Dati pa nga ay hindi s'ya marunong gumamit ng salamin. Tama na sa kanya ang nakapaligo at madalas pa nga ay hindi pa s'ya nagsusuklay. Katwiran n'ya ay sa ikli ng buhok n'ya ay ano ba ang magbubuhol sa buhok n'ya lalo at madalas ay army cut pa s'ya. Kinuha n'ya sa bulsa ang bagong bili n'yang touch screen na cellphone gamit ang kanyang kanang kamay. Kabibili lamang n'ya ito noong isang linggo. Pinalitan na niya ang dati niyang gamit na cellphone na ayaw sana niyang palitan pero pinalitan niya para dagdag pogi points sa kanya para kay Red. Ang dating cellphone kasi n'ya ay iyong old model na maliit lamang at walang camera. Mas convenient kasi para sa kanya dati dahil bukod sa matibay ay mabilis gamitin. Maraming beses na bumagsak sa semento pero hindi pa rin nasisira. Sininop na n'ya sa kanyang cabinet ang cellphone na iyon. Para sa kanya ay may sentimental value iyon sa kanya kaya naman hindi n'ya itinapon. Binuksan na n'ya ang touch screen mobile n'ya at hinanap ang camera. Pasimple n'yang binuksan ang camera at inilagay sa selfie mode ito, hindi para mag-selfie s'ya kung hindi para tingnan lamang muli ang itsura n'ya rito. Gamit din ang selfie mode camera ay tiningnan n'ya mula sa camera ang Nanay at Tatay n'ya na nasa likuran na bahagi n'ya. Nasa harapan na bahagi kasi s'ya ng kotse. Katabi n'ya ang driver nila na si Mang Pedring. Seryoso ang mga mukha ng magulang n'ya habang magkahawak ang kamay sa isa't isa. Napakasarap pagmasdan ng mga ito dahil kahit may edad na ay hindi pa rin nawawala ang pagiging sweet ng mga ito sa isa't isa. Lihim n'yang hiling na sana ay s'ya rin at si Red pagdating ng araw ay maging ganoon na katulad sa magulang niya. Sa isang iglap ay lumitaw na naman sa balintataw n'ya ang magandang mukha ni Red at ang mabining kilos nito na kumuha sa atensyon n'ya. Pagkuwan ay napabalikwas s'ya sa biglang pagsasalita ng kanyang Nanay. "Baste, bakit ba kanina ka pa parang ibig na maihi sa kinauupuan mo riyan ha?" wika ng ina sa malumanay na tinig. "Po?" sagot n'ya at napalingon s'ya sa mga ito habang kunot ang noo dahil hindi n'ya inaasahan na may napansin pa sa kanya ang kanyang ina kahit na ang atensyon ng mga ito ay nasa nadaraanan lamang sa daan at sa isa't isa. Isa pa ay napakasinop na ng kilos n'ya. Sinilip pa nga n'ya ang mga ito sa camera ng kanyang cellphone. "Akala mo ba ay hindi ka namin napapansin? Panay pa ang suri mo sa iyong sarili," dagdag pa ng kanyang Nanay habang ang kanyang Tatay ay nangingiti sa tabi ng kanyang ina. "Bakit nga ba n'ya nakalimutan? Kabilang nga pala s'ya sa pamilyang may matalas na pakiramdam," wika n'ya sa sarili. Matagal ng retired ang kanyang Tatay sa pagiging sundalo nito pero hanggang ngayon ay dala pa rin nito ang talas ng pakiramdam. Maging ang kanyang ina ay ganoon na rin katalas na marahil ay dahil sa noon pa man na bata pa s'ya ay ganoon na ang mga ito. Bagay na ipinamana na rin ng mga ito sa kanya. Napakamot s'ya sa ulo ng wala sa oras "Nanay, syempre dadalo tayo sa kasal ni Bea, tapos ako pa ang Best man n'ya," katwiran n'ya. "Papayag ba kayo na ang nag-iisang anak ninyo ay hindi gwapo?" dagdag pa n'ya. Minabuti n'yang umayos ng upo para ikubli sa mga ito ang pagkapahiya sa mukha n'ya. "Eh, gwapo ka naman kahit na hindi mo palaging suriin ang mukha mo," wika muli ng kanyang ina na natatawa. "Hindi ba, Tatay?" baling pa ng kanyang ina sa kanyang ama. Tatay at Nanay rin kasi ang tawagan ng mga ito sa isa't isa. "Oo nga, tama ang iyong Nanay, Baste," sang-ayon naman ng kanyang Tatay. "Hindi mo naman kailangan na magpapogi at natural na sa lahi natin ang gandang lalaki. Kaya nga na-inlove sa akin ang iyong Nanay eh," dagdag pa nito at nangingiti rin. Natampal ng kanyang ina sa braso ang kanyang ama dahil sa tinuran nito.  "Dumali ka na naman, Ricardo!" baling ng kanyang ina sa kanyang ama. "Tama na nga ang usapan na ito at baka kung saan pa tayo mapunta. Basta huwag ka'ng sipat nang sipat sa sarili mo, Baste, para ka naman babae riyan na panay ang suri sa sarili," dagdag pa nito. Palibhasa kasi ay hindi rin mahilig ang mga ito na sumilip sa salamin para pagmasdan ang sariling mukha. Napapailing na lamang s'ya. Pinilit nga lamang n'ya ang kanyang ina na magpa-ayos sa make up artist. Pumayag lamang ito dahil katwiran n'ya rito ay kailangan iyon dahil sa kasal ang dadaluhan nila. Gusto sana nito ay mag-lipstick lamang ito at lagyan ng konting blush on ang pisngi at okay na raw. Mabuti nga at ibinili niya ang mga ito ng maisusuot sa kasal nang hindi na pinaalam at tinanong ang mga ito. Agad na n'yang binili para hindi na makatanggi at isuot na lamang. Kung hindi n'ya kasi gagawin iyon ay malamang na ang lumang pormal na kasootan lamang mula sa cabinet ng mga ito sa silid ang ipipilit ng mga ito para suotin. Ugali na ng mga magulang n'ya na kung ano ang mayroon at maaari pa'ng gamitin at pakinabangan ay iyon na ang gagamitin.  "Nanay, talaga," wika na lamang n'ya sa kawalan ng masasabi. Napansin n'yang nagpipigil sa pagtawa si Mang Pedring na katabi n'ya sa tinuran ng kanyang ina. Ipinasya na lamang n'ya na itutok ang pansin sa dinaraanan nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD