Sa wakas ay malapit na sila sa simbahan. Tanaw na niya ang malaking simbahan ng Sto. Rosario church. Mangilan-ngilan pa lamang ang mga tao na kasalukuyan na naghihintay sa labas. Kaya tama lamang ang pagdating nila. Bumaba na sila sa harap ng simbahan bago mag-park si Mang Pedring sa parking lot ng simbahan. Pagbaba niya ay hindi niya inaasahan na may sasalubong sa kanyang ilang kababaihan.
"Mayor Sebastian, welcome po sa Pampanga!" sabay-sabay halos na wika ng ilan.
"Maraming salamat po sa inyong mainit na pagtanggap, Cabalen," sagot niya para sa pangkalahatan. Pagkuwan ay tinapik siya mula sa likod ng kanyang ina. Nilingon niya ito.
"Baste, maiiwan ka muna namin diyan ha," wika ng kanyang ina. "Puntahan lamang namin iyong wishing well sa likod ng simbahan ng Tatay mo. Na-miss ko na magtungo roon."
"Oo nga, Baste, ikaw na munang bahala rito. Alam mo naman ang Inay mo mahilig humiling," natatawang wika ng kanyang Ama. Tinapik siya sa likod ng ama at nagsimula nang naglakad habang nakaalalay sa kanyang ina. Noong sampung taong gulang kasi siya ay nanirahan din sila ng isang taon sa Pampanga nang madestino ang itay niya sa isang bayan dito sa Pampanga. At kapag araw ng linggo ay nagtutungo sila sa simbahan na ito at naghahagis ng coin sa wishing well.
"Sige po, Inay at Itay ingat po kayo," pahabol na wika niya sa ina.
"Mayor, parents mo sila?" tanong ng isang dalaga sa kanya habang nakatingala sa kanya. Hindi niya namalayan ang paglapit nito sa kanya. Tantya niya ay isa pa lamang itong teen ager.
"Oo, sila ang parents ko," nakangiti naman niyang sagot dito na nagpalabas sa pantay-pantay niyang puting ngipin na lalo pang nagpakilig sa dalaga. Sa isip nito ay lalo itong gwapo kapag nakangiti.
"Gwapo mo talaga," wala sa loob na na wika ng dalaga.
"Anong sabi mo, Nene?" tanong niya rito. Nakita niya sa mukha nito na nadismaya ito ng kaunti sa kanya marahil ay dahil tinawag niya itong Nene. Hindi man nito nagustuhan ang pagtawag niyang Nene rito ay smart pa rin itong sumagot.
"Ang sabi ko gwapo ka at kamukha mo ang Mommy mo. Ako nga pala si Charlene… Hindi ako si Nene, Mayor," inilahad nito ang palad sa kanya. Natawa naman siya rito.
"Okay, Charlene, nice meeting you. Ako nga pala si Sebastian. Pwede mo akong tawagin na Kuya Sebastian." Tinanggap niya ang palad nito at agad rin na binitawan. Baka mamaya ay ma-child abuse pa siya.
"Selfie naman tayo, Kuya Sebastian," cute na hiling nito sa kanya habang hawak ang cellphone nito.
"Sige," tumabi siya rito at naghanda na sa selfie.
"Wow! Thank you po, Kuya," masaya itong bumalik sa mga kasamahan at proud na ipinakita sa mga ito ang naging selfie nila. Hindi nga lamang niya inaasahan na magsusunod-sunod na ang magpapa-picture sa kanya. May lumapit muli sa kanyang dalaga na sa tantya niya ay nasa edad naman na beinte singko.
"Mayor," wika nito paglapit sa kanya. "Pa-picture rin ako," pagkuwan ay agad na ini-ready ang selfie camera ng cellphone nito. Walang kimi na humawak ito sa braso niya. "Okay lang po ba, Mayor?" malambing na wika pa nito sa kanya.
"Sure," atubiling wika niya. At naghanda ng ngumiti sa harap ng camera.
"Pia, kuhanan mo naman kami ni Mayor," utos nito sa isang dalaga sabay abot ng cellphone nito sa tinawag na Pia. Nakangiti naman na tinanggap ni Pia ang cellphone.
"Okay, smile," wika nito habang inihanda sila sa pagkuha ng litrato. "One, two," senyas pa nito. Pagkuwan ay nag-thumbs up ito. Ibig sabihin ay okay na.
"Uy, kami naman kuhanan mo ni Mayor, Cheska," pagkuwan ay wika nito sa dalaga na nagpakuha ng picture na kasama siya. Ibinigay naman nito ang hawak na cellphone sa tinawag na Cheska at pagkuwan ay tumabi na agad sa kanya. Tantya niya ay kinikilig ito. Hindi na bago sa kanya ang kaalaman na marami siyang nagiging tagahanga. Ang ilan kasi sa mga dalagang nakakasalamuha niya ay lantaran na ipinakikita ang pagkagusto sa kanya. Mayroon rin siyang natitipuhan pero hindi niya ipinakikita sa mga ito na type niya ang ilan. Mas nananaig kasi sa kanya ang delikadesa. Isa siyang lingkod ng bayan kaya kailangan niyang pag-ingatan ang kanyang kilos. "Role model daw dapat siya sa iba," iyon ang palaging paalala sa kanya ng kanyang ina.
"Super bango ni Mayor!" bulalas pa nito."Pa-selfie na rin po, Mayor!" saad nito at agad na isinet ang selfie camera at ipinokus sa kanilang dalawa. Sumandal pa ito sa balikat niya.
"Uy, kami naman! Kanina pa kayo riyan ha! Paano naman kami?!" reklamo naman ng ilan.
"Teka, kami rin!" singit pa ng isa. Hindi niya inaasahan na ang maayos na picture taking ay biglang magkakagulo.
Nagkaroon na ng tulakan.
"Ano ba?!" hiyaw ng isa.
"Aray!"
"Ano ba! Ang gown ko!" dismayadong wika pa ng isa.
"Ouch!" tili naman ng isa pa na napaupo dahil sa tulakan na nangyari.
Hindi niya inaasahan ang mabilis na pangyayari kaya tila natulos siya sa kinatatayuan.
Agad na umawat naman sa nagkakagulo ang ilang guest na nasa paligid ng simbahan pati na rin ang kanyang mga magulang na nabigla sa bilis ng pangyayari.
"Ano ba naman kayong mga babae kayo!" litanya ng isa sa nakatatandang babae roon na marahil ay isa sa tumatayong ninang sa kasal. "Nakakahiya kay Mayor. Minsan na nga lang magpunta rito sa atin nagkagulo pa kayo," wika nito habang nakapamaywang na nakaharap sa grupo. Pagkatapos ay nahihiyang humarap kay Baste ang matanda.
"Mayor, kami na po ang personal na humihingi ng pasensya sa nangyari," hinging paunmanhin ng matandang babae.
"Wala po iyon, Ma'am, pasensya na rin po kayo at nakalikha po kami ng kaguluhan," hinging paunmanhin niya.
Sakto naman na may parating na isang van. Awtomatikong natuon ang paningin ng lahat sa van. Lulan pala nito ang Groom na si Blue at ang kapatid nitong si Red De Mesa kasama pa ang mga magulang nito. Kunot ang noo na lumabas sa sasakyan si Blue.
"Ano'ng nangyari rito?" mahinahon ngunit may diin na wika nito sa kumpul ng kababaihan. Napapahiya na nagyuko ang kababaihan at nagsimulang lagyan ng distansya ang isa't isa. Inilibot nito ang paningin sa mga guests at participants ng kasal ngunit walang nagtangka na magsalita. Marahil ay dahil walang gustong makasira sa mood ng Groom. Ipinasya na rin niya na huwag magkomento. Sa halip ay sinulyapan niya si Red. Nakamasid lamang ito at nakakunot ang noo na nakatingin sa kababaihan na kani-kanina lamang ay nagkakagulo. Doon ay sumilay na naman ang ngiti sa kanyang mga labi. Tila isa na naman na living doll si Red sa ayos nito. Ang napakaliit at hugis puso nitong mukha ay sadyang nakakahalina. Ang natural na long eyelashes nito ay mas lalo pa'ng pinatingkad ng mascara na ini-apply sa kanyang mga mata. Simple make-up lamang ang inayos nito sa mukha. Bagay na bagay rin dito ang suot na puting gown na hapit sa makurbadang katawan nito. Maya-maya ay humarap ito sa mga magulang na tila kinakalma ang mga ito.
"Mayor Sebastian Fernandez," baling ni Blue sa kanya nang makita siya nito. "Salamat po at nakarating kayo," dagdag nito at kinamayan siya.
"Oo nga, Mayor, salamat at nakarating kayo," nakangiting wika ni Red na hindi na niya namalayan ang paglapit. Higit na mas maganda ito sa malapitan. Kasama rin nito ang magulang.
"Ikinagagalak ko na makarating, Red," inabot niya ang palad nito at pinisil.
Hindi naman inaasahan ni Red ang naramdaman na kuryente na iyon mula sa palad ni Mayor Sebastian. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawang hablutin ang palad mula rito.
"Mayor, salamat at nakarating kayo," wika naman ni Don Armando at iniabot din ang kamay sa kanya. Napatingin ito sa kanan niyang kamay na hindi pa rin bumibitaw sa pagkakahawak sa isang palad ng anak nitong si Red. Tumikhim ito ng bahagya, daan para maalala niyang bitawan ang kamay ni Red.
"Ikinagagalak ko po, Sir, na maging bahagi ng pagtitipon na ito. Salamat po," sagot ni Baste kay Don Armando.
"Salamat, Mayor, nakarating po kayo," saad naman ni Donya Violet. Sadya palang maganda ang pinanggalingan na lahi ni Red. Kahit may edad na si Donya Violet ay kitang-kita pa rin dito ang natatanging kagandahan na taglay nito.
"Opo, salamat po sa inyong mainit na pagtanggap, Ma'am," sincere na wika niya.
"Ikinagagalak ko na maging Best man sa kasal ninyo ni Bea, Blue. Umaasa ako na hindi mo siya paluluhain. At sa halip ay paliligayahin," saad niya na nakangiti.
"Syempre naman, Mayor. Mahal ko si Bea kaya gagawin ko ang lahat para mapasaya siya," matapat na wika ni Blue.
"Aasahan ko iyan, Blue," nakangiting wika ni Baste. "Mainam din siguro kung huwag niyo na ako'ng tawagin na Mayor. Masyadong pormal," alanganin siyang ngumiti. "Parang pamilya na ang turingan namin ni Bea, Blue. Magkapatid ang turingan namin sa isa't isa kaya naman mas mainam siguro kung Baste na lamang ang itawag niyo sa akin," mahabang paliwanag niya.
"Siya nga pala, nasaan na ang kumpare at kumare namin," tanong naman ni Donya Violet habang hinahagilap ng sarili nitong mga mata ang magulang ni Mayor Sebastian.
"Oo nga po pala, Ma'am. Sandali lamang at tawagin ko lamang. Kasalukuyan na kinakausap ng kanyang magulang ang ilang kababaihan nang malingunan niya. Bago siya makalapit ay nagkaroon na naman muli ng picture taking sa pagitan ng kanyang mga magulang at kababaihan.
"Inay, Itay," tawag niya sa dalawang magulang.
"Excuse me lang, ladies," paalam niya sa grupo at pagkuwan ay inakay ang kanyang ina at ama. "Nais kayong makilala ng pamilya De Mesa," bulong niya sa mga ito.
"Ganoon ba, sige," sang-ayon ng magulang ni Blue. "Mainam nga na makilala rin natin ang magiging pangalawang pamilya ni Bea.