Baste
Nawala na sa isipan ng mga nakasaksing guest ang naganap na munting kaguluhan kani-kanina lamang. Maayos na nagkakilala ang magulang ni Blue at Baste. Madaling nagkagaanan ng loob si Donya Violet at ang kanyang ina. Sadyang mabait pala ang pamilya De Mesa. Maya-maya nga ay dumating na ang bride na si Bea. Tila ito isang prinsesa na lumabas sa isang karwahe. Lumutang ang kagandahan nito sa puting-puti na gown na napapalamutian ng perlas at kumikinang na mga bato. Masasabi niyang napaka-special nito sa pamilya De Mesa. Hindi na nila nagawang makalapit pa kay Bea dahil agad na inayos na sila sa pagmartsa ng wedding organizer.
Nagsimula na ang wedding entourage. Lahat ng tao sa loob ng simbahan ay kakikitaan ng saya na tulad niya. Lalo na nang si Red na ang kasalukuyan na naglalakad sa aisle. Bagay na bagay talaga rito ang suot nitong off shoulder gown na kulay puti. Ang pinakagusto niya rito ay ang dimples nito kapag ngumingiti. Tila ito isang anghel para sa kanya. Sa isang iglap ay lumipad na naman ang malalim niyang imagination. Si Red ay kasalukuyan na palapit sa kanya habang suot ang napakagandang puting-puti na wedding dress. Nakatingin ito sa kanya ng buong pagmamahal. Kaya lamang ang pangarap ay pangarap lamang. Dumeretso na ito sa kaliwang bahagi ng aisle. Ipinasya na muna niyang i-focus ang kanyang pansin kay Bea. Kasalukuyan na itong naglalakad. Tila ito isang bulaklak sa ganda. Bagay na bagay rito ang suot nitong pangkasal. Hindi niya napigilan na maluha rin nang makita ang pagluha ni Blue na nasa tabi lamang niya at nakatingin sa naglalakad na si Bea. Tunay na mahal nito ang kaibigan at itinuring na kapatid na si Bea. Hangad niya ang kaligayahan ng mga ito. Mabilis na natapos ang wedding ceremony at masayang nagtungo ang lahat sa reception. Bago nagtungo sa nakatalagang mesa ang kanyang magulang ay lumapit ang mga ito sa kanya.
"Baste," wika ng kanyang ina. "Nakita mo naman siguro ang nangyari kanina sa simbahan. Kaya ayaw ko talaga na umaalis ka na walang security eh. Tingnan mo nagkagulo," sisi ng kanyang ina sa kanya. Ang kanyang ama naman ay tahimik lamang na nakikinig sa kanyang ina. Nakaakbay lamang ito sa kanyang ina. "Mabuti na lamang at naayos agad. Kung hindi ay nakakahiya kay Celine at sa pamilya De Mesa. Makabubuti kung hindi na mauulit ang nangyari, Baste," tila bata siyang pinaalalahanan ng kanyang ina.
"Opo, Inay, hindi na po iyon mauulit," garantiya niya sa ina. Alam niya na labis lamang itong nag-aalala sa kanya.
"Oh siya, tinatawag na kami ng Tita Celine mo. Maiwan ka na muna namin ng Itay mo." Tinapik lamang siya ng kanyang ama bago siya talikuran.
Sama-sama sa iisang mesa ang magulang niya at ang mga magulang ni Blue at Bea. Siya naman ay kasama sa grupo ng mga abay na lalaki. Hindi na niya namalayan ang paglapit ni Blue at Bea.
"Kuya, Baste," nakangiti na wika sa kanya ni Bea samantalang si Blue ay tinampal siya sa balikat. Tinanguan lamang niya ito.
Pagkuwan ay pinuntahan ng groom ang mga kasama niya sa table at kinumusta. Tinanguan lamang ni Bea ang tatlong kasama niya sa table. Malalapit na kaibigan pala ng groom ang tatlo.
"Kumusta ang biyahe niyo nila Tita at Tito, Kuya?"
"Ayos naman, Kuting. Kahapon pa lamang ay nagbiyahe na kami. Nag-check in na lang kami sa hotel para agad kaming makarating sa simbahan. Para na rin hindi masyadong pagod sa biyahe sina Inay at Itay. Alam mo na nagkakaedad na rin kasi," wika ni Baste habang nakatingala kay Bea.
"Sana pala sa bahay na lamang kayo tumuloy, Baste. Para atleast comfortable sina Tito at Tita," pagkuwan ay sabi naman ni Blue na nasa tabi na muli ni Bea.
"Okay na iyon, Blue. Mas komportable kasi sina Inay at Itay sa hotel. Nasanay na sila na nagtse-chek-in sa hotel," sagot ni Baste habang kumuha sa tinidor ng putong puti at kinain. "Masarap talaga magluto ang mga Cabalen," komento niya sa puto na patuloy na kinakain. "Siguradong mapapadalas ang pagbisita ko sa probinsya niyo," wika pa ni Baste.
"Oo, Kuya, masarap talaga ang lutong Cabalen," pagmamalaki ni Bea at tumingin kay Blue na nakahawak ang mga braso sa baywang niya. "Alam mo, Kuya, tikman mo iyong native ice cream namin. Masarap iyon."
"Sige, Kuting, mamaya tikman ko iyon, mukha nga siyang masarap."
Nahinto ang pag-uusap nila dahil lumapit ang emcee at may ibinulong sa bagong kasal.
"Okay ka lamang diyan, Kuya, kung iiwan ka namin saglit?" tanong ni Bea sa kanya.
"Oo, Bea, huwag niyo akong alalahanin ni Blue. Asikasuhin niyo na lamang ang ibang bisita," nakakaunawa na wika niya sa bagong kasal.
"Sige, Kuya, maiiwan ka muna namin ni Blue ha," paalam ni Bea sa kanya.
"Sige lang," nakangiti niyang sabi.
Kasama si Bea ay lumapit muli si Blue sa tatlong kasama sa table bago umalis. Nakausap na niya ang mga ito bago pa man dumating sina Bea. Nakilala niya ang mga ito sa pangalan na Luke, Wilfred at Jordan. Mga matalik na kaibigan ni Blue. Mabait naman ang mga ito. Pero napansin niya na nagsasalitan na lumilipat ng table ang mga ito at iisang table ang tinutungo. Marahil ay nobya ng bawat isa ang nasa table na kababaihan na malapit sa may gitnang bahagi ng bulwagan. Ayos lamang kahit wala siyang kasama. Malaya naman niyang natatanaw ang isa sa pinakamagandang view sa kasal, si Red. Hindi nakakasawang pagmasdan ang mukha nito. Kahit na hindi na siguro siya kumain, basta makita lamang niya ito ay busog na siya. Makalipas ang ilang sandali ay lumapit naman sa kanya ang tatlong kababaihan.
"Hi, Mayor," masayang pagbati ng isang maganda at sophisticated na babae sa kanya. May kasama itong dalawa pang babae na pawang magaganda rin na tulad nito. "Kumusta po kayo? I'm Hershey Avila, Blue's cousin," pagpapakilala nito sa sarili sabay ang paglahad ng palad nito sa kanya. Tumayo naman siya upang abutin ang palad nito bilang paggalang dito.
"Nice meeting you, Hershey. I'm Sebastian Fernandez, Bea's friend," pakilala naman niya rito. Isang tikhim na mula sa mga kasama niya sa table ang nagpahinto sa pagsasalita sana muli ni Hershey.
"Oh, sorry, I forgot, guys," baling niya sa mga kasama. "How are you, guys?" Lumapit ito sa tatlo at isa-isa na nakipagbeso sa mga ito.
"Akala namin hindi mo na kami papansinin eh," tila nagtatampo na wika ni Luke kay Hershey.
"Pwede ba naman iyon?" nakataas ang kilay na sagot ni Hershey sa mga ito. "By the way, malalaki na kayo. Kung gusto niyo pa eh, paupuin niyo kami ng mga kasama ko. Puntahan niyo muna ang mga jowa niyo para everybody's happy `diba," birong totoo nito sa tatlo. "So, what are you waiting for, guy's," kumindat siya sa mga ito at natatawa na lamang ang mga ito kay Hershey. Naiiling na tumayo na ang tatlo samantalang ang mga kasamahan ni Hershey ay inokupa ang upuan ng tatlo.
"Mayor, pagpasensiyahan mo na lamang si Hershey, madaldal iyan. Baka antukin ka," hinging paunmanhin ni Jordan para kay Hershey.
"Jordan!" saway ni Hershey rito. Ngumisi lamang si Jordan at tumalikod na. Hinarap na ni Hershey muli si Mayor Sebastian.
"Pagpasensiyahan mo na ang mga kalokohan ng tatlong iyon, Mayor. Ganoon talaga ang mga iyon, mapagbiro.