18 Years Ago – Quezon Province
Sa isang maliit ngunit masiglang tahanan na gawa sa semento at kahoy, kitang-kita ang simpleng pamumuhay ng pamilyang Harris. Ang tanghali ay punong-puno ng kasiyahan habang ang amoy ng lutong bahay na pagkain ay pumupuno sa hangin. Sa harap ng lamesa, magkatabi ang kambal na sina Gayle at Gail, parehong sampung taong gulang, habang ang kanilang ina na si Teresa ay abala sa paghahain ng pagkain.
"Mga anak, ayan na ang paborito ninyo!" masiglang anunsyo ni Teresa habang nilalapag ang plato ng mainit na tortang talong sa gitna ng lamesa.
"Yehey! Tortang talong!" sabay na sigaw ng kambal, kumakaway-kaway pa ang kanilang kamay na parang nagpapalakpakan.
"Ang bango, Nay!" dagdag ni Gail habang halos hindi na makapagpigil sa pagkain.
"Oo nga, Nay! Ikaw talaga ang pinakamahusay magluto!" sabi naman ni Gayle, mas mahinhin ngunit bakas ang kagalakan sa mukha.
Ngumiti si Teresa, halatang natutuwa sa tuwa ng mga anak. "Kumain kayo nang marami, ha? Alam kong paborito n'yo 'to, kaya siniguro kong espesyal ang luto ko."
Naupo si Mario, ang ama ng kambal, sa dulo ng mesa. Tumitig siya sa dalawang anak at natawa sa kanilang kakulitan. "Mabuti pa, kumain na tayo. Baka maubusan pa kayo ng kanin sa kakasigaw," biro nito.
Pagkatapos magsalita ni Mario, tumahimik ang lahat. Tumayo si Gail, sabay pikit ng mga mata at nagdasal. "Panginoon, maraming salamat po sa masarap na pagkaing ito. Salamat din po na buo kami, magkakasama at masaya. Sana po, ganito kami palagi habang buhay. Amen."
Sa pagtatapos ng panalangin, nagkatinginan sina Teresa at Mario. May bakas ng lungkot at paghingi ng tawad sa kanilang mga mata, tila may itinatagong lihim sa kambal. Ngunit pinilit nilang ngumiti at magpatuloy sa pagkain.
Habang kumakain, parehong sabik sina Gayle at Gail sa kanilang paboritong ulam. Halos sabay pa nilang sinubo ang malalaking piraso ng tortang talong.
"Ang sarap talaga ng luto mo, Nay!" sabay nilang sinabi, halos magkasabay pa rin ang kanilang mga galaw.
"Hoy, dahan-dahan lang at baka mabulunan kayo," natatawang sabi ni Teresa.
Nagtawanan ang lahat sa kakulitan ng kambal. Sa gitna ng tawanan, ang simpleng buhay ay puno ng kasiyahan.
....
Kinahapunan, sa ilalim ng malaking puno ng manggang di kalayuan sa kanilang bahay, masayang naglalaro ang kambal. Puno ng tawanan at sigawan habang habulan at takbuhan ang kanilang ginagawa. Ngunit biglang dumating ang isang grupo ng mga bata—tatlong lalaki at dalawang babae, pinangunahan ng isang matabang batang lalaki na mayabang ang tindig.
"Uy, ang tatapang n'yo ah," sabi ng matabang bata, nakangisi. "Mga mahirap naman kayo!"
Napatigil si Gayle, nakayuko, ayaw makipag-away. Ngunit hindi nakuntento ang batang lalaki at sinimulang tuksuhin si Gayle. "Mukha kang pulubi! Wala kayong pera! Mahirap lang kayo!" sabay tulak sa kanya.
Tumayo si Gayle, ngunit nanatili siyang tahimik at nakayuko.
"Hoy! Tigilan mo 'yan!" sigaw ni Gail, na biglang tumayo at hinarap ang matabang bata.
"Anong gagawin mo, ha? Suntukin mo kaya ako!" hamon ng bata, nakangisi pa rin.
Hindi nagdalawang-isip si Gail. Sinuntok niya ito nang malakas sa mukha, dahilan para tumulo ang dugo sa ilong ng bata. Natulala ang matabang lalaki, bago nagsimulang umiyak nang malakas.
"Kapatid ko 'yan! Walang pwedeng manakit sa kanya!" sigaw ni Gail habang tinutunog ang kamao. Tumingin siya sa iba pang mga bata. "Sino pa? Lalaban ba kayo?"
Natakot ang grupo at dali-daling tumakbo, kasama ang umiiyak na matabang bata.
Natawa ang kambal sa nakita. "Ang galing mo talaga, Gail!" sabi ni Gayle habang pinupunasan ang luha sa kanyang mata.
Ngumisi si Gail, sabay flex ng kanyang bicep. "Siyempre! Ako ang superhero mo, Gayle. Kahit kailan, ipagtatanggol kita!"
Umiling si Gayle, natatawa. "Ayaw ko talaga sa away, Gail. Pero salamat, ha."
"Basta! Kahit anong mangyari, ako ang Wonder Woman mo!" sabi ni Gail habang nagpapose na parang superhero.
Habang nagtatawanan ang kambal, biglang dumating si Nestor, ang kanilang tito. "Gail, Gayle! Hanap kayo ng nanay at tatay n'yo. May bisita kayo sa bahay."
"Ano pong bisita, Tito?" tanong ni Gail, sabay kamot sa ulo.
Umiling si Nestor. "Kakilala lang. Pero bilisan n'yo. May dala silang regalo."
Biglang naningkit ang mata ng kambal. "Totoo po ba, Tito Nestor?" sabay nilang tanong.
Napabuntong-hininga si Nestor bago ngumiti. "Oo naman. Pero bilisan n'yo na."
Nagkatinginan sina Gail at Gayle, parehong sabik. "Tara na, Gayle!" sabi ni Gail habang hinahatak ang kamay ni Gayle.
Masaya silang tumakbo pabalik sa bahay, puno ng excitement. Habang papalayo, naiwan si Nestor, napabuntong-hininga habang pinagmamasdan ang kambal. Tila may iniisip na mabigat.
Pagdating sa Bahay, sa maliit na tahanan ng pamilyang Harris, masigla at puno ng pananabik na pumasok ang kambal na sina Gayle at Gail. Bakas sa kanilang mga ngiti ang tuwa, lalo na't nabanggit ni Tito Nestor ang salitang "regalo."
"Nay, Tay! May regalo raw po sabi ni Tito Nestor!" masiglang sabi ni Gail, tila hindi na mapakali.
Ngunit sa kanilang pagpasok, agad na napako ang kanilang mga mata sa dalawang bisitang nakaupo sa lumang upuan ng kanilang bahay. Si Teresa at Mario, ang kanilang mga magulang, ay nakatayo nang magalang sa tabi ng mga bisita.
"Nanay, tatay, sino po sila?" tanong ni Gayle, halata ang pagka-inosente sa kanyang boses.
"Sila po ba ang may dalang regalo?" dagdag ni Gail, nakangiti pa rin habang tumango-tango.
Halata ang pag-aalinlangan sa mukha ni Teresa, tila hindi alam kung paano ipapaliwanag ang sitwasyon. Napabuntong-hininga siya bago tumingin kay Mario, na nagdesisyong magsalita.
Lumapit si Mario sa kambal, tila mabigat ang dibdib habang nagsisimula. "Mga anak, totoo, may dala silang regalo. Galing kasi sila sa mayamang pamilya… sila ang pamilyang Rodriguez."
"Pamilyang Rodriguez, Tay? May kaibigan ka pong mayaman?" tanong ni Gail, puno ng kuryosidad.
Huminga nang malalim si Mario bago lumuhod sa harap ng kambal at tumingin kay Gayle. "Gayle, anak… sila ang magiging bagong pamilya mo."
Natigilan si Gayle, naguguluhan sa sinabi ng ama. "Bagong pamilya? Tay, bakit po? Ayaw ko ng bagong pamilya…"
Pilit na ngiti ang inilabas ni Mario habang hinawakan ang balikat ni Gayle. "Anak, gusto namin ng nanay mo na magkaroon ka ng magandang buhay. Ang pamilya Rodriguez, handa silang ampunin ka. Magiging masaya ka sa kanila. Magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataon—"
Ngunit hindi pa man natatapos si Mario, agad na sumingit si Gayle, umiiling. "Ayaw ko, Tay! Masaya na ako dito! Ayaw kong umalis! Gusto ko kasama kayo… si Nanay… si Gail…"
"Nanay, Tatay, ayaw ko rin pong umalis si Gayle!" biglang sabi ni Gail, tumayo sa tabi ng kapatid at hinawakan ang kamay nito. "Kahit mahirap lang tayo, gusto ko buo tayo. Sabi niyo palagi tayong magkakasama!"
Nagsimula na ring tumulo ang luha ni Gail habang mahigpit na hinahawakan ang kamay ni Gayle. Pareho silang umiiyak, puno ng takot sa ideya ng paghihiwalay.
Tumingin si Mario sa pamilyang Rodriguez, na tahimik lang na nakatingin, bago tumango bilang hudyat. Tumayo ang mag-asawa at lumapit kay Gayle, maingat na inaabot ang kanyang kamay. Ngunit nanatili si Gayle sa tabi ni Gail, mahigpit na nakahawak.
"Wala kayong karapatan! Hindi niyo siya pwedeng kunin!" sigaw ni Gail, umiiyak habang pilit na hinaharangan ang kapatid.
"Gail, anak, tama na…" malungkot na sabi ni Mario, binuhat si Gail para alisin sa tabi ni Gayle. Patuloy na pumapalag si Gail habang humihiyaw, "Mister, huwag niyo siyang kunin! Ayaw kong mahiwalay si Gayle! Gusto ko siya makasama habangbuhay!"
Umiiyak si Gayle habang dahan-dahang inilalayo ng mag-asawang Rodriguez. "Gail! Ayaw ko! Gail, tulungan mo ako!"
"Huwag kang mag-alala, Gayle! Poprotektahan kita! Hindi kita pababayaan!" sigaw ni Gail, patuloy na pilit na pumapalag sa yakap ng kanyang ama. Ngunit sa huli, bumitaw si Gayle sa kamay ni Gail.
Sumakay na ang pamilyang Rodriguez sa kanilang kotse, kasama si Gayle na umiiyak habang nakatanaw mula sa bintana. Si Gail, sa wakas ay binitawan ni Mario, agad na tumakbo palabas ng bahay, patuloy na umiiyak habang hinahabol ang kotse.
"Gayle! Bumalik ka! Gayle!" sigaw ni Gail, ngunit wala na siyang magawa. Ang kotse ay unti-unting nawala sa kanyang paningin.
Huminto si Gail sa gitna ng kalsada, bumagsak sa lupa habang patuloy na umiiyak. "Gayle… pangako… paglaki ko, hahanapin kita. Magkakasama tayo ulit, at magiging buo tayo ulit… pangako…"
......
....
...
Kasalukuyan
Nakaupo si Gail sa upuan ni Gayle sa opisina ng Aurora Ventures, hawak ang makapal na notebook na natagpuan niya sa drawer. Ang nakasulat sa harapan ay "My Diary." Napakunot-noo siya, at naisip na ito ang diary ng kanyang kapatid.
Binuksan niya ito at agad na nabasa ang unang pahina, na may petsang 18 taon na ang nakalipas.