Nakatayo si Mira sa tabi ni Victor, bakas pa rin sa kanyang mukha ang takot matapos ang pangyayari sa conference room. Tumingin siya kay Victor at pabulong na nagtanong, "Anong gagawin natin, Victor? Parang hindi siya natitinag. Baka masira lahat ng plano natin."
Nakatingin pa rin nang malamig si Victor sa likod ni Gail, na naglalakad papalayo. "Kung nagawa nating patayin ang totoong Gayle, anong pinagkaiba nito sa pagpatay ng pekeng Gayle?" malamig na sagot ni Victor. Ikinuyom niya ang kanyang kamao, galit na galit. "Hindi ako papayag na mapunta sa wala ang lahat ng pagsisikap ko."
.....
Apat na Taon na ang Nakaraan
Ang Aurora Venture ay naging usap-usapan matapos makatanggap ng malaking pamumuhunan mula sa Titan Horizon Holdings, ang pinakamalaking conglomerate sa bansa. Ang balitang ito ay nakatawag ng pansin ng maraming negosyante at mayayamang pamilya, na pumunta sa opisina ni Gayle Rodriguez para batiin siya sa kanyang matagumpay na simula.
"Iba talaga ang galing mo, Ms. Gayle," bati ng isang may-ari ng kilalang real estate company. "Malayo ang mararating ng Aurora Venture!"
"Salamat, sir," sagot ni Gayle nang magalang at may ngiti. "Gagawin namin ang lahat para masigurong makapaghatid kami ng dekalidad na serbisyo."
Habang binabati siya ng ilan, lumapit si Victor Sandoval at nagpakilala. "Ms. Rodriguez, Victor Sandoval po, ng Sandoval Group of Companies," pagpapakilala niya habang inilahad ang kamay. "I must say, I'm quite impressed with what you've accomplished in such a short time."
Ngumiti si Gayle at tinanggap ang pakikipagkamay ni Victor. "Salamat, Mr. Sandoval. Ginagawa lang namin ang aming makakaya para maabot ang aming layunin."
"Actually, your company caught my attention. I'm interested in exploring potential collaborations," sabi ni Victor habang tinitingnan si Gayle nang mabuti. "Ang ganitong uri ng negosyo ay bagay na bagay sa layunin ng aming pamilya. Maaari ba akong makipag-usap sa inyo tungkol sa inyong plano?"
"Of course," sagot ni Gayle. Naupo sila at nag-usap nang masinsinan tungkol sa negosyo. Ipinahayag ni Gayle ang kanyang mga layunin para sa Aurora Venture: ang pagpapalawak nito sa iba't ibang industriya, mula sa renewable energy hanggang sa mga teknolohiyang may malasakit sa kalikasan. Habang nakikinig si Victor, tumatango ito, tila nagugustuhan ang mga ideya ni Gayle.
"Ang inyong vision ay kahanga-hanga," ani Victor. "Sa tingin ko, magiging maganda ang partnership ng Aurora Venture at ng aming pamilya."
....
Paglipas ng Ilang Buwan, naging magkasintahan sina Gayle at Victor. Naging masaya ang kanilang relasyon, at sa unang anibersaryo ng Aurora Venture, nagdesisyon silang magpakasal. Ngunit habang lumilipas ang panahon, unti-unting napansin ni Victor ang husay ni Gayle sa negosyo at ang mabilis na paglaki ng assets ng Aurora Venture. Sa puntong ito, nagsimulang pumasok ang ambisyon ni Victor na kontrolin ang kumpanya ni Gayle.
Isang araw, lumapit si Victor kay Gayle habang ito'y abala sa kanyang opisina. "Gayle," sabi niya, "alam kong napakabisi mo, at nag-aalala ako na baka hindi mo kayanin ang lahat ng gawain. Kaya't nais kitang ipakilala kay Mira Santiago."
"Siya ang magiging assistant mo," dagdag ni Victor. "Matagal na kaming magkaibigan, at nagtapos siya sa isang prestihiyosong unibersidad."
Tiningnan ni Gayle si Mira, na mukhang maaasahan at propesyonal. "Kung sinabi ng asawa ko, tiyak na mapagkakatiwalaan ka," sabi ni Gayle, inilahad ang kanyang kamay. "Welcome sa Aurora Venture."
Nagkamayan sila at nagpalitan ng ilang magalang na linya. Sa araw ding iyon, opisyal nang naging assistant ni Gayle si Mira.
Kinagabihan, dumating si Victor sa opisina ni Gayle. Nakita niyang abala si Gayle sa pag-aayos ng ilang dokumento. "Maghintay ka lang sa kabilang silid, Victor," sabi ni Gayle habang ngumiti. "Malapit na akong matapos."
Ngumiti rin si Victor bago pumunta sa kabilang silid at naupo.
Tumawag si Gayle kay Mira. "Mira, pakihatiran naman si Victor ng kape sa kabilang silid."
"Opo, Ms. Gayle," sagot ni Mira, magalang na ngumiti.
Pagpasok ni Mira sa silid ni Victor, ngumiti siya nang mapanukso. Lumapit siya, dala ang tray ng kape, at inilapag ito sa mesa. Bigla niyang nilock ang pinto at naupo sa kandungan ni Victor, ang kilos niya puno ng landi.
"Napaka-naive talaga ni Gayle," sabi ni Mira habang humahaplos sa balikat ni Victor.
Ngumiti si Victor at hinaplos ang binti ni Mira. "Alam ko. Wala siyang alam. Basta't sundin mo lang lahat ng sinasabi ko, Mira. Kapag oras na, aagawin natin ang kumpanya mula sa kanya. Sisiguraduhin kong malaki ang magiging share mo sa Aurora Venture."
Napangiti nang malandi si Mira bago yumakap kay Victor. "Mas lalo kitang nagugustuhan," sagot niya bago niya hinalikan si Victor. Hindi nagtagal, naghubad sila ng kanilang mga damit at gumulong sa sofa.
.....
....
...
Kasalukuyan
Nasa opisina ni Gayle ang kambal niyang si Gail, nakaupo at nakatitig sa computer screen habang binabasa ang lahat ng tala at dokumentong naiwan ng kanyang kapatid. Ang ingay ng aircon at tunog ng keyboard lang ang naririnig sa tahimik na silid. Sa di-kalayuan, nakatayo si Mira, halatang balisa. Hindi maialis ng babae ang imahe ng totoong Gayle sa kanyang isip—kung paano nila ito pinatay, ang dugo, at ang malamig nitong tingin bago ito nawalan ng buhay.
Paminsan-minsan, nakikita niya si Gail na puno ng dugo at nakakatakot na tila nakatingin sakanya. Nakita ni Gail ang tulalang si Mira na nakatingin sakanya na may dilat na mga mata.
"Mira," malamig ngunit kalmadong sambit ni Gail.
Nanlaki ang mata ni Mira, natataranta. "Huwag mo akong saktan! Hindi ako may gawa!" biglang sabi ni Mira na tila hindi makontrol ang sarili.
Napakunot-noo si Gail, bakas sa mukha ang pagtataka. "Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya, ang tono'y puno ng pagsusuri.
Natauhan si Mira, pilit na ngumiti habang kinaway ang kamay na parang nagbabawas ng tensyon sa hangin. "W-wala po, Ms. Gayle. Ano pong kailangan ninyo?"
Umangat ang gilid ng labi ni Gail sa isang bahagyang ngiti, kinuha ang isang dokumento mula sa mesa at inabot kay Mira. "Ihatid mo ito sa Silver Crest Corporation. Kailangang lagdaan ito ni Mr. Cruz."
Nanginginig ang kamay ni Mira nang kunin ang dokumento. "Opo, Ms. Gayle," magalang niyang sagot bago mabilis na lumabas ng opisina.
Pagkaalis ni Mira, muling sumandal si Gail sa kanyang upuan, ang mga mata niya'y bumalik sa screen habang inaaral ang mga planong iniwan ng kapatid. Ang bawat pahina ng dokumento'y parang piyesa ng puzzle na pilit niyang binubuo.
Ilang sandali pa
May kumatok sa pinto. "Pasok," sagot ni Gail, ang boses ay matatag.
Pumasok ang isang lalaki mula sa tech department, mukhang nasa mid-twenties, naka-office attire at halatang pagod. "Good morning po, Ms. Gayle. Ako po si Ethan mula sa tech team," magalang niyang pakilala. "May problema po sa server natin. Mukhang outdated na ang system at nagiging sanhi ito ng mga delay sa data transfer."
Tumango si Gail, tila sinusuri ang sitwasyon sa kanyang isipan. "Kung ang server ay isang makina ng tren, at ang lumang system ang riles nito, paano magbibiyahe ang tren kung puro sira ang daan?" aniya. "Anong solusyon ang naisip ninyo?"
"Ang suggestion po ng team ay mag-upgrade ng server, pero kailangan po ng approval sa budget," sagot ni Ethan.
Ngumiti si Gail, kinuha ang isang papel at nagsimulang maglista. "Okay. Mag-propose kayo ng detalye ng kinakailangang upgrade, pati cost analysis. Padalhan mo rin ako ng timeline. Kung reasonable ang budget, ipa-approve ko ito agad."
Tumango si Ethan, halatang nabawasan ang kaba. "Opo, Ms. Gayle. Salamat po!" sagot niya bago magalang na umalis.
Bumalik si Gail sa kanyang ginagawa. Binuksan niya ang drawer ng mesa upang maghanap ng flash drive. Kinuha niya ang isa, ngunit nang isasara na niya ang drawer, napansin niya ang isang maliit na notebook na kulay asul.
Kinuha niya ang notebook at tinignan nang maigi. Curiosity ang bumalot sa kanyang mukha. Sinimulan niyang basahin ang nakasulat sa harap at naramdaman ang biglang pagtibok ng kanyang puso.