CHAPTER 1
ELI GARCIA
“Hindi ko na talaga kaya, Manuel! Pagod na pagod na ako! Maghiwalay na tayo!”
Malinaw na malinaw kong narinig ang boses ni Mommy mula sa kabilang silid.
Limang taon pa lang ako noon, pero kabisado ko na ang tunog ng galit sa boses niya—parang kulog na biglang bumabagsak sa gitna ng tahimik na gabi.
“Angela, hindi mo pwedeng sabihin ’yan basta-basta!” sagot ni Daddy. Mababa ang boses niya, pero ramdam ang pinipigil na galit. “Isipin mo naman ang anak natin!”
“Ano’ng iisipin ko, Manuel? Eh halos hindi mo nga siya nakikita!” sigaw ni Mommy.
Nasa sala lang ako, nakaupo sa malamig na sahig. Mahigpit kong yakap ang paborito kong stuffed toy habang nanginginig ang mga kamay ko.
Hindi ko man lubos maintindihan ang lahat ng sinasabi nila, ramdam ko ang bigat ng bawat salita. Parang bawat sigaw ay may kasamang takot na unti-unting bumabalot sa akin.
“Eli, iha…” mahinang tawag ni Nanay Aning.
Lumapit siya at marahang hinawakan ang balikat ko. “Halika na, pumasok ka muna sa kwarto mo. Hayaan mo muna sila.”
Tumingin ako sa kanya, puno ng luha ang mga mata ko.
“Nagalit ba sila sa akin, Nay?”
Agad siyang lumuhod sa harap ko at hinaplos ang buhok ko.
“Hindi, iha. Hindi dahil sa’yo. May problema lang ang matatanda.”
Pero kahit sabihin niyang hindi ko kasalanan, hindi ko mapigilan ang isip ko.
Baka kung mas mabait ako…
Baka kung mas tahimik ako…
Baka kung mas magaling ako mag-drawing…
Biglang lumakas ang sigawan mula sa kwarto.
“Sawa na ako sa ganito, Manuel! Hindi na ako masaya!” umiiyak na si Mommy.
“Hindi mo ba kayang magtiis para sa pamilya natin?” sagot ni Daddy, halos pabulong pero mas matalim.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Tumakbo ako papunta sa pintuan ng kwarto nila. Habol-habol ang hininga ko, nanginginig ang katawan.
Gusto kong kumatok. Gusto kong sabihin na tumigil na sila. Na natatakot ako.
Pero bago pa ako makagalaw, Bumukas ang pinto lumabas si Mommy. Namumula ang mga mata niya, hawak ang isang malaking bag. Hindi niya ako agad napansin.
“Mommy…” mahina kong tawag.
Hindi siya tumigil. Diretso siya sa hagdan.
“Mommy!” sigaw ko, tumatakbo habang hinahabol siya.
Saglit siyang napahinto sa may pintuan. Akala ko lilingon siya. Akala ko yayakapin niya ako. Pero hindi...
“Eli, be a good girl, okay?” malamig pero nanginginig ang boses niya. “Listen to your daddy.”
“Mommy, saan ka pupunta?” umiiyak na ako.
Isang buntong-hininga ang narinig ko. At pagkatapos lumabas siya. Sumara ang pinto at kasabay nun, parang may tuluyang nabasag sa loob ko. Mula noon, naging tahimik ang bahay.
Hindi na ito masaya kagaya ng dati. Wala na yung yakap ni Mommy tuwing uuwi ako galing school. Wala na yung ngiti niya na dati kong inaabangan.
Hindi nagtagal, ipinadala ako ni Daddy sa Amerika.
“Mas maganda ang future mo roon, Eli,” sabi niya habang inaayos ni Nanay Aning ang mga gamit ko.
“Kasama po ba kayo?” inosente kong tanong.
Sandali siyang natahimik.
“Hindi, iha. Pero bibisitahin kita.”
Hindi ko alam kung bakit, pero doon pa lang, parang may bahagi na sa akin ang naniwalang hindi iyon matutupad. Sa Amerika, kasama ko si Mommy… pero hindi rin. May bago na siyang pamilya. May mga kapatid ako, pero parang hindi ko sila mga kapatid. Hindi nila ako pinapansin at lagi lang nila akong hinahayaan mag isa.
Malaki ang bahay. Maganda ang kwarto ko. Kumpleto ang laruan. Pero kadalasan si Yaya Trining lang ang kasama ko.
“Yaya,” tanong ko minsan habang inaayos niya ang buhok ko, “darating ba si Mommy at Daddy sa school program ko?”
Ngumiti siya ng pilit.
“Oo naman, iha. Susubukan nila.”
“Susubukan…” mahina kong ulit.
Parang biglang may kirot. Sa auditorium, punong-puno ng magulang ang paligid.
May mga bulaklak. May mga camera. May mga sumisigaw ng, “That’s my daughter!”
At ako? Nasa gilid lang tahimik na nakaupo nag hihintay kung darating ba ang mga magulang ko.
“Yaya… baka traffic lang sila?” mahina kong sabi.
Hinawakan niya ang kamay ko.
“Oo, iha… baka traffic lang.”
Pero natapos ang programa. Nag-uwian ang lahat. At wala sila.
“Sorry, Eli,” sabi ni Daddy sa phone. “May important meeting ako kaya hindi ako nakadating.”
“It’s okay po,” sagot ko. “Nanalo po ako ng best in performance.”
“That’s my girl! Bibilhan kita ng kahit anong gusto mo.” sabi niya.
Ngumiti ako. “Kahit ano po?”
“Oo.” maigsing sagot niya/
Gusto kong sabihin na "Kayo po ang gusto ko." Pero hindi ko sinabi.
Habang tumatanda ako, mas nasanay akong mag-isa. Sa edad na 18, bumukod na ako. Kasama ko lang si Yaya Trining.
Tuwing birthday ko, may engrandeng party. May pagkain. May bisita. May cake. Pero laging wala ang mga importanteng tao sa buhay ko. Si mommy, kasama ko siya dito sa America pero never kong naramdaman ang presence niya. Naka focus lang siya sa family niya... At ako laging nakikiamot sa konting oras na pwede niyang ibigay sa akin.
“Happy birthday, princess,” boses ni Daddy sa phone.
“Miss ko na po kayo.” nakangiti kong sabi, pero deep inside sobrang lungkot ko.
“Next month, pupuntahan kita dyan.” sabi niya sa akin.
Pero alam ko naman na hindi yun totoo, dahil madalas hindi natutuloy.
Isang gabi, habang nagre-review ako, kumatok si Yaya.
“Iha, may tawag si Sir.”
“Daddy?” agad kong sagot.
“Eli… may sasabihin ako,” seryoso siya.
“Uuwi po ba kayo?”
“Hindi muna. Kailangan kong mag-focus sa business.”
Saglit akong napapikit.
“It’s okay po,” sabi ko. “Sanay na po ako.”
Narinig ko ang malalim niyang paghinga.
“I’m doing this for you.”
“Opo.”
Pero sa loob-loob ko, para nga ba talaga sa akin? Lumaki akong puno ng tanong. Bakit kailangan kong maranasan ito? Bakit mas mahalaga ang negosyo kaysa sa isang simpleng school program? Bakit napakadaling iwan ang isang batang tulad ko?
Pero sa kabila ng lahat pinangako ko sa sarili ko: Hindi ako masisira ng kahapon. Magiging matatag ako, kahit walang umaalalay. Magiging buo ako, kahit pakiramdam ko kulang ako. At balang araw kapag nagkaroon ako ng sariling pamilya sisiguraduhin kong walang batang mauupo sa malamig na sahig… yakap ang laruan… habang nakikinig sa sigawan ng mga magulang. Dahil alam ko kung gaano kasakit marinig ang salitang “Maghiwalay na tayo.”