"Ate Tam Tam sabi ng classmate ko sasali daw Ate niya sa JS Prom. Ikaw rin ba sasali?" tanong sa kanya ni Yon-Yon, ang pangalawa niyang kapatid.
Ron talaga ang pangalan nito kaya lang, nakatuwaan na lang nilang tawagin ang isa't-isa kung paano sila tawagin ng bunsong kapatid na si Buchoy. Bulol pa kasi ito kung magsalita.
Fourth year highschool na siya ngayon at dumating na naman ang special event sa school niya na pinangangambahan niya.
Magkakasama na naman ulit kasi ang St. Rafael at St.Martin school.
Simula nung pangyayari sa school fair ay minabuti niyang di na umattend ng school events sa Emerald Villa para makaiwas kay Mark. St. Martin ang school niya at St. Rafael naman ang school nito.
Nakikibalita na lang siya sa mga kapatid kung ano ang mga pangyayari sa event.
"Hindi ako aattend ng JS Prom, Yon," sabi niya sa kapatid.
Kasalukuyan silang kumakain ng hapunan. Palagi silang kumakain ng magkakasama kasi iyon ang gusto ng Lola niya. Kaya naman umuuwi talaga ang itay niya galing sa biyahe sa mga oras ng kainan nila.
Narinig naman ito ng Lola Ising niya. "Anong di ka makaka-attend? Last year di ka na nga umattend tapos ngayon di pa rin? Itinigil nito ang pagkain. "Part yan ng highschool life mo Sam," pangangaral nito.
Napapayag niya ang Lola Ising niya at Tatay Damian na hindi umattend sa Junior Senior Prom nung Third year highschool pa siya dahil nakita ng mga ito ang pagiyak niya galing sa Emerald Villa noong school fair.
Ikinwento niya sa mga ito ang nakakahiyang pangyayari sa kissing booth.
At ang muntikan na paghalik ng isang estudyanteng lalake sa kanya.
Dahil nandun parehas ang mga students ng St. Martin at St. Rafael school, marami ang nakasaksi sa naging eksena ng school fair lalo na nang buhusan siya ni Mark ng softdrinks.
Inilihim niya ang mga pangyayari sa horror booth dahil pagsinabi niya yun sa ama niya ay tiyak na magagalit ito sa kanya dahil pumayag siya na sumama kay Mark kahit silang dalawa lang ang nasa loob ng madilim na booth.
"E kasi nga po Lola ang mahal ng gown. Ayokong gumastos pa si Itay para lang dun." Tumingin siya sa tatay niya para humingi ng tulong sana dito. Alam niyang kukulitin na naman siya ng lola niya na umattend ng JS Prom.
Ang talagang rason kung bakit ayaw niyang pumunta sa prom ay dahil gusto niyang umiwas kay Mark.
Sariwa pa rin hanggang ngayon ang mga pangyayari sa school fair.
Sa halip na tulungan siya ay umalis ang itay niya sa lamesa at kukuha daw ng tubig. "Tay naman," pagtatampo niya at di siya nito sinuportahan.
Mayamaya pa ay bumalik na ito. Pero sa halip na pitchel ng tubig ang bitbit nito ay madala itong isang malaking kahon.
Nagtataka siya kung anong laman nun at bakit bitbit yun ng itay niya sa hapag-kainan.
Akala tuloy ng mga kapatid niya, lalo na si Buchoy ay cake yun. "Wow cake!"
Binigay sa kanya ng tatay niya ang kahon at sinabing, "Buksan mo."
Nagtataka siya kung bakit sa kanya ibinigay at hindi sa dalawa niyang kapatid na mahilig sa matamis.
"Bilis Ate Yam. Buktan mo na!" Bulol na sabi ni Buchoy. Halatang naiinip ng makita kung ano ang laman ng kahon.
Pagbukas niya ay isang silver na gown ang bumulaga sa kanya. Nagulat siya ngunit nadismaya naman ang mga kapatid niya na takam na takam na sa cake.
"Pinatahi ko yan kay Aling Tess. Tinantya ko lang sukat mo kaya pagkatapos mong kumain, sukatin mo para mapaayos ko pa."
Hindi siya makapaniwalang may napakagandang gown sa harapan niya na kumikintab-kintab pa. Nakikita niya lang kasi ito sa mga pageant pag nanonood siya sa television.
Matagal niyang pinangarap na makapagsuot nito. Maraming nagsasabi na para daw modelo ang tangkad niya at bagay sa kanya ang magsuot ng gown.
Napatayo siya sa tuwa at napayakap sa ama. "Salamat 'tay di na sana kayo gumastos pa."
"Kung nabubuhay pa ang nanay mo, ganito din ang gagawin niya panigurado. Gusto ka naming makita ng Lola at mga kapatid mo na nakagown sa JS Prom mo." Naiiyak nitong sinabi.
Niyakap niya ng mahigpit ang ama niya at muling nagpasalamat dito.
"Kung sabagay sino ba naman ang ayaw mag-JS Prom?" sabi niya sa sarili. "Kung hindi lang kay Mark naka-attend sana ako last year," panghihinayang niya sa naging desisyon niya noon.
"Di bale. This year, iiwasan ko na lang siya. Kailangan ko lang ng makakapartner palagi sa sayaw para di niya ako lapitan."
***
Araw ng JS Prom
Kasalukuyang kumakain ang pamilya niya nang bumaba siya sa hagdan suot ang gown na pinatahi ng tatay niya.
Lahat napatingin at napahinto sa pagkain nang dahan-dahan niyang inihakbang ang mga paa na nakasuot ng silver na stiletto sa bawat baitang ng kanilang hagdan.
Mabuti na lang tinuruan siya ni Nanay Theresa na maglakad suot ang stiletto kaya sanay na sanay na siya dito.
Si Nanay Theresa niya rin ang nagmake-up at nag-ayos ng buhok niya.
"Wow! Ate ang ganda mo!" Sabi ni Buchoy.
"Hindi lang maganda! Sobrang ganda!" segunda naman ni Yon Yon.
"Naku kayo talaga. Binobola niyo yata ako e." Natatawa niyang sambit.
"Hindi ah," sabay naman nitong sabi.
"Bago ka umalis kumain ka muna apo." Yaya naman ng lola niya.
"Doon na po Lola. Medyo kabado po kasi ako. Baka bumaligtad ang tiyan ko po sa biyahe."
"Bakit ka naman kakabahan? Dapat sila ang kabahan!" Biro naman ng tatay niya.
Natawa din siya sa sinabi nito kaya kahit paano ay nabawasan din ang kaba niya.
"Sige po susubo lang ako kahit konti." Umupo na siya sa harap ng lamesa.
"Sige kumain ka lang ha. May kukunin lang ako," sabi ng tatay niya at umalis sa lamesa.
"Ako din Ate may kukunin," ani din ni Yon-Yon.
"Ako din apo may kukunin lang." pahayag naman ng Lola Ising niya.
Nagtataka siya kung bakit sabay-sabay na nagsialisan ang tatlo. Si Buchoy na lang tuloy ang naiwan.
Niligpit nito ang mga pinggan habang kumakain siya.
Dali-daling bumalik naman ang tatlo at may kanya-kanyang bitbit.
"Dito mo ilagay yung mga make-up mo apo para madali kang makapagretouch doon." Iniabot ng Lola niya ang itim na purse.
"Kahapon pumunta ako sa palengke at hinanapan kita ng bag na pwedeng ibagay sa gown mo. Pagpasensyahan mo na at mumurahin lang yan."
"Naku Lola hindi po halatang mumurahin itong nabili ninyo. Bagay na bagay nga po sa damit ko e," sabi niya habang nilalagay ang lipgloss at pera sa bag.
Natuwa naman ang lola niya dahil nagustuhan niya ang bigay nito.
"Ito naman anak ang suotin mo sa leeg mo." Sabi ng tatay niya habang ikinakabit ang silver na kwintas sa leeg niya. "Regalo ko ito sa nanay mo nung kasal namin. Pamana niya yan sa iyo."
Hinawakan niya ang dulo ng kwintas. May pendant ito na hugis puso. Nakakataba ng puso dahil galing pa pala ito sa yumaong ina niya.
"Salamat po Lola, Itay, ang gaganda po ng regalo niyo sa akin."
"Ako din Ate meron pero wag kang tatawa ha?" Lumapit ito sa kanya at iniabot ang mamahaling chocolate sa kamay niya at isang stem ng rose.
"Kahit wala kang escort at least may chocolate ka naman at bulaklak," sabi ni Yon-Yon.
Sa pagtataka niya ay walang nagyaya sa kanyang maging escort niya.
Hindi tuloy matutuloy ang unang plano niya para maiwasan si Mark.
"Di bale. Padating na pagdating ko sa venue hahanapin ko kaagad siya. Kung saan ko siya makikita, pupunta ako sa pwesto na malayong-malayo sa kanya."
"Thank you Yon-Yon. Pero mali ka dahil sobrang pogi ng escort ko ngayon."
"Talaga?! Sino?!" Sabay-sabay naman na nagtanong ang tatlo.
"E di ang pogi kong tatay!" Sabi niya sabay yakap sa ama niya na nagulat din.
"Akala ko kung sino e." Tawang-tawa ito.
Nagsuot din ang Tatay niya ng barong tagalog para presentable din ito habang ibinababa siya sa Emerald Villa.
Wala itong amerikanang damit na kalimitang isinusuot ng mga escort sa prom kaya ginamit na lang ng tatay niya ang madalas isuot sa kasal at binyag pag naiimbitahan itong magninong.
"O siya. Lumarga na kayo Damian at baka mahuli pa itong si Sam."
"Sige po Inay." Sang-ayon naman ni Mang Damian dito.
"Bago kayo umalis, iikot muna natin ang mga plato para ligtas ang pagbiyahe niyo at wala ka ring maging problema sa JS Prom mo."
Pagtingin ng Lola Ising niya ay wala ng plato sa lamesa.
"Nasaan na ang mga plato?!" Gulat na gulat ito sa nakita.
"Ligpit ko na po." Natatakot namang pag-amin ni Buchoy.
"Hay naku, ikaw talagang bata ka! Bakit mo niligpit?!"
"Akala ko po tapot na kayo eh" sabi nito na nabubulol-bulol pa.
"...Okey lang yan Inay. Magdodoble ingat na lang ako sa biyahe." Agap ni Mang Damian para di na mapagalitan ang bunsong anak.
"Ako naman po Lola mag-eenjoy po talaga ako sa JS Prom kaya wag din po kayo mag-alala."
"Kinakabahan ako. Hindi kaya senyales ito na mamalasin ako ngayon sa JS Prom ko?" Sabi niya sa kanyang isip. Pero agad niyang itinabi yun.
"Sige. Ganun na nga lang ang gawin ninyo." Nakampante naman ang kanyang Lola.