CHAPTER 16

1779 Words
ANG amoy ng ginigisang sibuyas ang bumungad sa paggising ni Liam. Pagtingin niya sa may kusina ay nakita niya si Earl na abala sa pagluluto. May kung anu-anong nakalagay sa lamesa. Aligaga nitong binuksan ang corned beef gamit ang kutsilyo dahil wala silang can opener. Napaigtad ito nang mahiwa ito. Agad nitong sinipsip ang ang daliring nasugatan. Kinabahan naman si Liam sa kanyang nakita. Automatic na kumilos ang kanyang katawan. Bumangon siya at binuksan ang medicine cabinet na malapit lang sa kama. Kumuha siya doon ng alcohol at bulak at mabilis na nilapitan si Earl. “Ano ka ba naman?! Mag-iingat ka naman!” Inagaw niya dito ang daliri nito at nilagyan ng bulak na may alcohol. “Kapag hindi mo kaya, magsabi ka sa akin. Tignan mo ang nangyari sa iyo. Nasugatan ka tuloy! Kapag ito na-impeksiyon pa, problema pa!” Pagtingin niya kay Earl ay malapad ang mga ngiti nito. “O, bakit nakangiti ka diyan? Sa lahat ng nahiwa, ikaw pa itong masaya!” Masungit na sabi niya. “E, kasi halata na nag-aalala ka sa akin. Mahal mo pa ako, 'di ga?” Marahas niyang binitawan ang daliri ni Liam. “Ewan ko sa’yo!” Oo nga. Masyado siyang nadala sa kanyang emosyon nang makita niyang nasugatan ito. Nakalimutan niya na dapat ay galit pa rin siya dito. “Handa akong masugatan nang ilang beses basta maramdaman ko lang ulit ang pag-aalala at pagmamahal mo sa akin, Liam…” Tumalikod na lang siya para lumayo dito ngunit mabilis siya nitong niyakap mula sa likod. “Dito ka lang! Hindi pa tayo tapos mag-usap. Huwag kang bastos.” Pumiksi siya pero mahigpit ang yakap ni Earl. “Antok pa ako! Tutulog pa ako!” Katwiran niya. “Mahal mo pa ako, Liam. Huwag mong tikisin ang sarili mo. Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon, please. Hayaan mong patunayan ko ulit ang sarili ko sa iyo. Mahal na mahal kita. Kung iniisip mo na niloko kita dahil sa hindi ako kuntento sa iyo, nagkakamali ka. Mahal na mahal kita at may dahilan kung bakit ko iyon nagawa.” “A-ano nga ba ang dahilan na iyon? Bakit hindi mo masabi? Sabihin mo na at baka maintindihan ko… baka sakaling mapatawad na kita.” Napasinghap siya nang mas lalong humigpit ang yakap ni Earl sa kanya. Mukhang wala talaga itong balak na pakawalan siya. “Hindi ko pa masasabi sa iyo sa ngayon pero kapag naayos ko na ang lahat, sasabihin ko din sa iyo. Pero, ito lang ang sasabihin ko, Liam, saksi ko ang Diyos… ikaw lang ang mahal ko at huling taong mamahalin ko. Ikaw na ang gusto kong makasama hanggang sa aking pagtanda at hanggang sa mamatay na ako. Hayaan mo akong tuparin ang pangarap kong iyon. Patawarin mo na ako…” Puno ng damdamin na turan nito. Napaiyak naman si Liam sa sinabi ni Earl. Masyado kasing tagos sa puso ang mga salitang binitiwan nito. Hindi na niya napigilan pa ang sarili na lumuha. “Sorry na, please…” ungot pa nito. “Earl, bitawan mo ako…” Pinilit niyang alisin ang braso nito na nakapulupot sa katawan niya. “Ayoko. Hindi kita bibitawan!” anito. “Bitawan mo na ako sabi, e!” “Ayoko!” “Bibitawan mo ba ako o hindi?” “Hindi! At bakit mo ba gusto kitang bitawan?” “Kasi nasusunog na 'yong niluluto mo! Bitawan mo na ako at asikasuhin mo na iyon!” Kanina pa kasi niya naaamoy ang sunog na sibuyas. Natataranta at nagmamadali naman na bumitiw si Earl sa kanya at pinatay ang apoy. Binalikan siya nito at sa pagkakataong ito ay magkaharap na sila. Wala na. Natunaw na ng mga sinabi nito kanina ang yelo sa kanyang puso. Wala siyang balak na patawarin ito nang ganito kabilis ngunit hindi na niya kaya pang tiisin si Earl. Lalo na nang makita niyang nasaktan ito kanina. Pinunasan niya ang luha sa pisngi at niyakap si Earl. Ikinulong niya ito sa kanyang mga braso. “S-sige, pinapatawad na kita. Kung anuman ang dahilan mo kung bakit mo nagawa ang bagay na iyon ay ikaw na ang bahalang magsabi sa akin kung kailan ka handa. Basta, ipangako mo lang sa akin na hindi mo na ulit ako lolokohin!” “Oo. Pangako. Hinding-hindi na! Mahal na mahal kita, e!” “Mahal na mahal din kita!” tugon niya. At ng araw nga na iyon ay bumalik ang dating saya at pag-ibig kina Liam at Earl. -----***----- “ONE hundred twenty six thousand? Seryoso? Ganiyan na kalaki ang naipon nating pera?” Hindi makapaniwalang bulalas ni Earl nang sabihin ni Liam sa kanya ang laman ng joint account nila sa banko matapos nitong i-check iyon sa ATM na nasa mall. Halos limang buwan na ang nakakalipas simula nang magkaayos sila. “Ano ka ba? Huwag kang maingay.” Inilagay ni Liam ang hintuturo sa tapat ng labi. “Baka may makarinig sa iyo, maholdap pa tayo. Oo, ang laki na ng pera nating dalawa. Pwede na nating iwanan ang boyslive.com. Gagawin na natin iyong plano natin noon na pagbabagong-buhay. Uuwi tayo sa inyo tapos magtatayo tayo ng negosyo doon.” Natahimik si Earl sa sinabi ni Liam. Paano ba niya sasabihin dito na hindi sila pwedeng umalis sa trabaho nilang iyon? “O, bakit parang hindi ka naman masaya diyan?” puna ni Liam. Ngumiti siya kahit pilit. “Masaya ako kaya lang aalis na ba tayo agad-agad sa pagsho-show?” “Hindi ba iyon ang gusto mo? Nagbago na ba isip mo?” “H-hindi naman. 'Wag na nga nating pag-usapan. Ang mabuti pa ay kumain na lang tayo. Nagugutom na rin ako, e.” Naghanap sila ng makakainan. Sa isang buffet restaurant sila kumain dahil tanghali na. Saktong lunch na rin. Habang masaya silang nag-uusap ni Liam tungkol sa negosyong itatayo nila sa kanilang probinsiya ay inilabas ni Earl ang kanyang cellphone at may tinext. “Bitawan mo muna iyang phone mo. Kapag ganitong magkausap sana tayo, wala munang phone. Okay?” sita sa kanya ni Liam. “Ano… may tinext lang ako.” Tumunog ang message alert tone ng phone niya at mabilis niyang nireplyan ang taong nagtext. Ibinaba ni Liam ang kubyertos at mataman siyang tinignan. “Earl, may hindi ka ba sinasabi sa akin?” May tono ng pagdududa sa boses nito. Halos hindi naman siya makatingin dito ng diretso. Umiiwas siya sa mapanuri nitong mga mata. “W-wala, ah!” sagot niya sabay inom ng tubig. “Alam mo na naman ang mangyayari kapag ginawa mo na naman iyong--” Napahinto si Liam sa pagsasalita. Napatingin ito sa entrance ng restaurant. Nilingon ni Earl ang nakita nito at napangiti siya. -----***----- MAKAILANG beses na ikinurap-kurap ni Liam ang kanyang mata dahil baka mali lang siya ng tingin sa taong pumasok sa restaurant kung saan sila kumakain ni Earl. Ang daddy ba niya iyon? Huminto ito sa may bandang gitna at luminga-linga. Biglang tumayo si Earl at kinawayan ang lalaking sa tingin niya ay kanyang ama. Nang makita nito si Earl ay lumapit ang lalaki at umupo sa bakanteng silya sa tabi ni Earl. Nakanganga lang siya at naginginig. Tinitignan niya nang mabuti ang lalaki kung ito nga ba ang daddy niya. Sa tagal kasi ng panahon na hindi niya ito nakita ay hindi na siya sigurado sa mukha nito. Kumibot ang gilid ng kanyang labi. Gusto niyang magsalita, tanungin ito ngunit naumid ang kanyang dila. Naramdaman na lang niya na nag-iinit ang gilid ng kanyang mata at may mga luhang lumaglag doon. “Hindi mo na ba ako kilala?” Nang magsalita ang lalaki sa kanyang harapan ay doon niya nakumpirma na ito nga ang kanyang ama. Hindi niya pwedeng makalimutan ang boses nito. “D-daddy…” Sa wakas ay nakapagsalita na rin siya. Namayat ito at nagkaroon na ng ilang hibla ng puting buhok. Nagtatanong ang mata na tinignan niya si Earl. Ngumiti ito sa kanya. “Nakuha ko ang number ng daddy mo sa phone mo. Ito ang pambawi ko sa nagawa ko sa iyong kasalanan, Liam. Gusto ko na magkaayos kayo ng isa sa taong dahilan kung bakit kita kasama.” Medyo kinabahan siya nang hawakan ni Earl ang isa niyang kamay na nasa ibabaw ng table. Baka magalit ang daddy niya sa ginawa ng kanyang nobyo. Hindi pa naman nito alam ang kanyang tunay na pagkatao. “At alam na niya…” “Alam ko na, Liam. Tanggap na kita kung ano ka. Ipinaliwanag na ng nobyo mo.” Nalilitong ibinalik niya ang tingin sa ama. “Nararamdaman ko na noon na iba ka. Tatay mo ako kaya nararamdaman ko iyon. Masakit noong una na tanggapin na bakla ka pero… anong magagawa ko? Anong karapatan kong sumbatan ang anak ko na pinabayaan ko? Anong karapatan kong husgahan ka, anak, kung mas minahal ko pa ang ibang tao na hindi ko naman kadugo noong mga panahon na kailangan mo ako? Patawarin mo ako, Liam!” Kilala niya ang daddy niya. Hindi ito kailan man umiyak o sadyang hindi nito iyon ipinapakita sa kanya. Pero ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon ay lumuha ito sa harapan niya kasabay ng paghingi nito ng tawad. “Aaminin ko, ang sama ng loob ko sa inyo kaya ako lumayas. Namuhay ako sa sarili ko. May mga pagkakataon noon na hindi ako kumakain pero kinaya ko. At dahil doon, naging matapang ako. Gusto ko kayong sumbatang ngayon, daddy, pero wala rin akong karapatang gawin iyon. Anak lang ako at kayo pa rin ang tatay ko… K-kung anuman po ang naging kasalanan niyo sa akin noon, pinapatawad ko na kayo!” Sisinghap-singhap na turan niya. “A-at maraming salamat sa pagtanggap!” Tumayo siya at pinuntahan ang kanyang daddy para yakapin ito. Wala siyang pakialam kahit pinagtitinginan sila ng mga kumakain doon. Ngayon lang niya na-realize na na-miss pala niya ito. Hindi lang niya naramdaman ang pangungulila sa ama dahil natabunan iyon ng galit at hinanakit. Ngunit ngayong narito na ito sa tabi niya, lahat ng pangungulila niya sa ama ay bigla niyang naramdaman. Nakita niya si Earl na nakangiting pinapanood silang mag-ama. “Thank you…” sabi niya dito. Tumango lang ito. “Iiwanan ko lang kayo, ha. Para makapag-usap kayong dalawa. Alam ko, marami kayong dapat pag-usapan,” sabi ni Earl. Bago umalis si Earl ay nagpasalamat dito ang daddy niya. Napakaswerte niya talaga kay Earl. Ito na yata ang pinaka magandang bagay na nagawa nito para sa kanya. At hindi niya pinagsisisihan na binigyan niya ito ng pangalawang pagkakataon para patunayan ang sarili nito sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD