HINDI mapalis ang mga ngiti ni Liam sa kanyang labi habang minamasdan niya ang natutulog na si Earl. Nakaunan ito sa kanyang braso. Parang musika sa kanyang pandinig ang mahihina nitong hilik. Nawala ang pagkalasing niya dahil sa nangyari sa kanila kanina. Talagang ibinigay nito sa kanya ang gusto niya kahit alam nitong masakit iyon. Hinalikan niya ito sa noo at masuyong hinaplos ang pisngi.
“Salamat at dumating ka sa buhay ko…” bulong niya.
Maya maya ay nagulat siya nang biglang tumunog ang cellphone ni Earl na nakapatong sa side table na nasa tabi niya. Ayaw niya sana iyong pakialamanan pero nakita niya ang tumatawag ay isang unregistered number. Baka importante iyon. Sino ba naman kasi ang tatawag ng madaling araw kung hindi importante o emergency.
Gigisingin niya sana si Earl pero mas pinili niyang huwag na lang. Mukhang napagod ito nang husto kaya hindi na lang niya ito gagambalain. Saka na lang niya ito gigisingin kapag kailangan na talaga.
Maingat niyang inalis ang ulo ni Earl sa kanyang braso at inabot niya ang cellphone nitong tumutunog.
Magsasalita pa lang siya ay inunahan na siya ng tumatawag.
“Ano itong nakita ko sa website ng boyslive.com na nag-quit ka na bilang performer?! Hindi pwede! Akin ka lang, Earl! Akin ka lang--”
Sa pagkabigla niya sa narinig ay pinutol niya ang tawag. Naguguluhan na napatingin siya kay Earl.
Bigla siyang kinabahan. Nanginginig ang kamay na ibinalik niya ang cellphone sa kinalalagyan nito kanina matapos niyang i-delete ang call record ng tumawag. Sino ang taong iyon at bakit galit na galit ito sa pag-alis ni Earl sa boyslive.com? Hindi kaya ito ang taong naging dahilan ng panloloko ng nobyo niya sa kanya dati?
-----***-----
NAPANSIN ni Liam na kanina pa hawak ni Earl ang cellphone nito. Halata na may katext o kachat ito dahil panay ang tye nito doon. Hindi na nito nagalaw ang almusal nito habang siya ay malapit nang matapos.
“Mamaya ka na mag-cellphone. Malamig na iyong kape mo,” aniya.
Ngumiti ito ngunit halatang balisa. “Ah, oo nga. Ka-text ko kasi ang nanay ko…” Kinuha nito ang tasa at uminom ng kape. Bumalik na naman ito sa paghawak ng cellphone. Maya maya ay tumayo ito.
“Tapos ka na?”
“Oo. M-may kailangan akong puntahan, Liam. May bibilhin lang ako sa labas.”
“Ngayon na?”
“Oo, e. Sige. Liligo lang ako.”
May pagdududa na sinundan niya ng tingin si Earl sa pagpasok nito sa banyo. Ayaw niyang maramdaman iyon dito ngunit iyon ang ipinapakita nito. Kaduda-duda naman talaga bigla ang mga ikinikilos nito. Saka ano naman kaya ang bibilhin nito sa labas ng ganito kaaga? Sarado pa ang mga mall. Sigurado siya na ang pupuntahan nito ay ang taong tumawag dito kaninang madaling araw.
Mukhang kailangan kong kumilos, bulong niya sa sarili.
Hinintay niyang matapos si Earl sa pagligo. Nagmamadali ang kilos nito. Iniwanan siya nito ng isang halik sa labi bago ito umalis.
Doon na kumilos si Liam. Nagpalit lang siya ng T-shirt at sinundan niya si Earl. Sumakay ito ng taxi at ganoon din siya. Pinasundan niya sa taxi driver ang taxi na sinakyan nito.
Kinakabahan siya sa totoo lang. Ang alam niya kasi ay nagbago na si Earl pero mukhang hindi pa pala. Hindi pa siya handa kung sakaling malaman niya na hanggang ngayon ay niloloko pa rin siya nito pero kailangan niya itong harapin. At ipinapangako niya sa kanyang sarili, oras na malaman niya na patuloy pa rin pala ito sa panloloko sa kanya, kahit masakit ay makikipaghiwalay na siya dito. Hindi na niya hahayaan na lokohin pa siya nito nang paulit-ulit dahil katangahan na iyon.
Halos tatlumpung minuto ang lumipas bago huminto ang sinasakyang taxi ni Earl sa tapat ng isang medyo malaking bahay. Mas lalo siyang kinabahan dahil kilala niya kung sino ang nakatira doon. Walang iba kundi ang kaibigan niyang si Bon.
Dire-diretso lang si Earl sa pagpasok sa gate na para bang dati pa itong pumupunta doon.
Si Bon? Hindi makapaniwalang bulong ni Liam.
Nagbayad na siya sa taxi at bumaba.
Naglakad siya papunta sa harap ng bahay ni Bon.
Nakita niya na pinagbuksan ni Bon ng pinto si Earl. Nakita rin niya kung paano maghalikan ang dalawa na parang hindi makapaghintay sa kama. Nakaramdam siya ng walang kapantay na kirot sa kanyang puso. Gusto niyang umiyak pero mas pinili niyang maging matapang ng sandaling iyon.
“Earl!” sigaw niya na ikinalingon ng dalawa.
Kitang-kita niya ang pagkagulat kina Earl at Bon. Ngunit agad ding napawi ang gulat kay Bon at napalitan iyon ng nakakainsultong ngiti. Hindi na ito nahiya at nilapitan pa siya at ipinagbukas siya ng gate.
“Tuloy ka! Hinihiram ko lang naman ang boyfriend mo--”
Hindi na niya ito pinatapos ng pagsasalita. Sinuntok niya ito ng malakas sa mukha kaya napaatras ito. Malakas na napasigaw si Bon nang makita nitong may dugo ito sa nguso.
“Hayop ka!”
“Mas hayop ka! Dahil ang baboy mo! Ang baboy niyong dalawa! Akala ko kaibigan kita, Bon! Pero hindi pala dahil ahas ka!” galit na galit na sigaw niya.
Si Earl naman ay hindi makatingin sa kanya. Nakayuko lang ito.
Proud na tumawa si Bon. “Ganoon talaga, Liam. Tanggapin mo na lang kasi na kaag pumasok ka sa isang relasyon ay para ka ring pumasok sa isang gubat-- maraming ahas! Pero depende pa rin naman iyan kung magpapaahas ang jowa mo. But, sadly… nagpaahas--”
“So, inaamin mong ahas ka?”
“Oo! Ahas ak--”
Tinabig niya si Bon upang lapitan si Earl. Gusto niya itong saktan at murahin pero hindi niya kaya. Mahal niya ito at hindi niya ito kayang gawin dito kahit niloloko lang siya nito.
“Umuwi ka sa apartment pagkatapos mo dito. Kunin mo ang lahat ng gamit mo at umalis ka na.” Matigas niyang sabi.
“Liam naman…” Hahawakan sana siya nito ngunit umatras siya.
Habang naglalakad palayo ay doon lang naglaglagan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.
-----***-----
AGAD na pinahid ni Liam ang luha sa kanyang pisngi nang bumukas ang pinto ng apartment at pumasok si Earl na bagsak ang balikat. Nakaupo siya sa gilid ng kama. Lumapit ito sa kanya at lumuhod habang umiiyak. Panay ang hingi nito ng sorry sa kanya.
Ayaw niya itong tignan dahil baga supilin siya ng kanyang awa at pagmamahal. Hindi nito deserve na patawarin. Binigyan na niya ito ng second chance at sinayang lang nito iyon.
“Tumayo ka na diya, Earl. Mag-empake ka na!”
Hinawakan nito ang kanyang kamay at tumingala sa kanya. “Patawarin mo ako, Liam! Mahal na mahal kita. Ayokong magkahiwalay tayo!”
“Pero ikaw ang gumagawa ng paraan para magkahiwalay tayo!”
“H-hindi ko gusto si Bon. Ikaw ang mahal ko.”
“Ah, so, libog lang ang nararamdaman mo sa kanya? Bakit? Hindi pa ba ako sapat sa iyo kaya naghahanap ka pa ng ibang paglalabasan ng init ng katawan mo? Umalis ka na, Earl! Tama na!!!”
Malakas niya itong itinulak sabay tayo. Binuksan niya ang aparador at inilabas lahat ng damit at gamit ni Earl doon. Itinapon niya lahat sa sahig na para bang mga basura lang ang mga iyon.
Bigla siyang niyakap ng umiiyak na si Earl mula sa kanyang likuran. “Tama na! Liam, please! Sasabihin ko na ang totoo!” Humahagulhol na pakiusap nito.
Tumigil si Liam sa pagtatapon ng gamit ni Earl. Inalis niya ito mula sa pagkakayakap sa kanya at naguguluhan na tinignan ito. “A-anong totoo?” tanong niya.
Lumunok si Earl sabay singhot. “Ang totoo tungkol sa amin ni Bon…”
“Ano ang totoo tungkol sa inyo ni Bon?” At inihanda na niya ang kanyang sarili sa mga susunod na sasabihin ni Earl.
-----***-----
MAKALIPAS ang isang linggo ay bumalik si Earl sa bahay ni Bon. Nag-text na naman kasi ito na gusto siya nitong makita. Pagkapasok niya sa bahay nito ay agad siya nitong hinalikan sa labi at humantong sila sa ibabaw ng kama nito. Habang naghuhubad si Bon ng damit ay ipinatong niya sa table na medyo malayo sa kama ang kanyang cellphone.
Naghubad na rin siya at may nangyari sa kanila.
Matapos ang pagniniig ng dalawa ay kinuha ni Earl ang kanyang bag at isang sobre na may lamang pera ang iniabot niya kay Bon.
“'Ayan na iyong pera na hinihingi mo, Bon!” aniya.
Kinuha ni Bon ang sobre at tinignan. “Wow! One hundred thousand ba ito? Biruin mo nga naman na ako pa ang magkakapera sa iyo, 'no? Dati ako pa sana magbabayad sa iyo, e!” Inilabas nito ang ilang piraso ng pera. Inamoy iyon at ibinalik ulit sa sobre. Tumawa ito sabay hagis ng sobre sa paanan nila.
Niyakap siya nito at muling hinalikan sa labi pero umiwas siya.
Nagalit ito kaya sinampal siya. “Ayaw mo na?! Hindi ka pwedeng umayaw, Earl! Dahil oras na tumanggi ka sa lahat ng gusto ko, ikakalat ko lahat ng s*x videos mo at ng Liam na iyon. Tandaan mo na may record ako lahat ng ginawang niyong show sa boyslive.com! Kung ayaw mo ng kahihiyaan, sumunod ka sa gusto ko!” Pinisil nito ang magkabila niyang pisngi gamit ang isa nitong kamay.
Tama ang lahat ng sinabi ni Bon. Si Bon ay si Daddy4u na suki ni Liam noon sa boyslive.com at naging suki rin nilang dalawa nang maging couple performer na sila. Wala naman silang ideay na ito pala iyon dahil hindi nila nakikita ang mukha ng kanilang watchers. Palihim pala nitong nire-record ang mga pagpeperform nila noon ni Liam at iyon ang ginamit nito na panakot sa kanya. Bina-blackmail siya nito. Nakikipag-s*x siya dito kapalit ng hindi nito pagpapakalat ng s*x video nila ni Liam. At nitong huli ay humingi ito sa kanya ng one hunderd thousand dahil balak daw nitong palakihin pa ang negosyo nito.
Kaya hindi totoong niloloko niya si Liam. Mahal niya ito at napipilitan lamang siya na makipagkita at s*x kay Bon dahil sa pananakot nito.
Inalis niya ang kamay ni Bon sa kanyang mukha at tumawa nang tumawa.
“B-bakit ka tumatawa?” Nagtatakang tanong nito. “Baliw ka na ba?”
Bumaba siya ng kama at kinuha ang cellphone. “E, kasi lahat ng nangyari dito at pinag-usapan natin ay naka-record. 'Di ba, ganiyan din ang ginawa mo sa akin? Sa amin ni Liam? Nasira ang relasyon namin dahil sa iyo. Pero tapos na ang maliligayang araw mo, Bon. May ebidensiya na ako sa lahat ng pananakot mo sa akin!”
Nanlilisik ang mga mata na sumigaw si Bon. “Hayop kaaa!!!”
Natigilan ito nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang ilang mga pulis kasama na si Liam. Agad silang nagyakap nang makita nila ang isa’t isa.
Agad namang nilapitan ng mga pulis si Bon at pinosasan.
“Ano ito?! Hindi niyo ako pwedeng hulihin! At anong ikakaso niyo sa akin?!” Nagwala si Bon nang hulihin na ito.
“Extortion po, sir. Sumama na lang kayo nang matiwasay sa amin, sir! Isa pa, may ebidensiya na laban sa inyo. Magpatawag na lang po kayo ng abogado,” sagot dito ng pulis.
Wala nang nagawa si Bon kundi ang sumama sa mga pulis.
Walang patid ang pag-iyak ni Liam habang pinupunasan ni Earl ang luha nito.
“Tama na ang iyak. Tapos na…” sabi niya.
“E, kinakabahan ako para sa iyo kanina!”
Muli niyang niyakap si Liam. Malaki ang pasasalamat niya na tinulungan siya nito para mawakasan na ang pangba-blackmail sa kanya ni Bon. Bigla tuloy bumalik sa alaala niya ang nangyari nang sabihin na niya dito ang totoo…
“Ano ang totoo tungkol sa inyo ni Bon?” tanong ni Liam sa kanya.
“Bina-blackmail niya ako, Liam. May videos siya ng mga perfromance natin sa boyslive.com. Siya at si Daddy4u ay iisa! Sabi niya, kapag hindi ako nakipag-s*x sa kanya ay ikakalat niya ang videos nating dalawa!” Pagsisiwalat niya sa katotohanan.
Napaiyak bigla si Liam sa sinabi niya. “Bakit hindi mo sinabi sa akin? Sana natulungan kita dati pa!”
“N-natakot ako… Ay-ayokong madamay ka…”
“Kahit na. Kaya nga partner tayo, 'di ba? Tulungan tayo.”
“At humihingi pa siya sa akin ng pera… P-para daw sa negosyo niya.”
Sandaling natahimik si Liam. Tila nag-iisip ito. “Kailan kayo ulit magkikita?” Huminto na ito sa pag-iyak.
“Sa susunod na linggo…”
“Sige. Makipagkita ka sa kanya. Tatapusin na natin ang kademonyohan ni Bon!” Matapang nitong sambit.
Muli silang nagyakapan na dalawa. Panay pa rin sa pag-iyak si Liam. Dama niya ang labis na pag-aalala nito sa kanya.
“Tahan na… Para ka namang bakla niyan, e!” biro niya.
“Bakit? Bakla naman talaga tayo, ah!” ganting biro nito at sabay silang nagkatawanan.
-----***-----
HINILA ni Earl si Liam sa kamay nang may dumating nang bus na biyahe papuntang Batangas. Agad silang sumakay doon at nang may makita silang bakanteng upuan na pangdalawahan ay doon sila umupo.
Pauwi na silang dalawa sa probinsiya niya. Siya at si Liam.
Doon ay magbabagong buhay na sila. Tuluyan na nilang tinalikuran ang pagla-live show. Hindi man sila sigurado kung matatanggap ng pamilya niya ang realsyon nila ni Liam ay hindi iyon problema sa kanila. Gaya ng napag-usapan nilang dalawa noon ay ipapakita pa rin nila sa pamilya niya na karapat-dapat sila sa pagtanggap ng mga ito.
Umandar na ang bus at nakatulog si Liam sa kanyang balikat habang magkahawak ang kanilang mga kamay…
Makalipas ang mahigit limang oras na biyahe ay narating na nila ang probinsiya nina Earl. Bumaba na sila ng bus. Habang naglalakad sila sa hindi sementadong daan papunta sa bahay nila ay napansin ni Liam ang malapad na ngiti ni Liam.
Hanggang sa marating na nila ang kanilang bahay. Napahinto ang nanay niya sa pagwawalis sa harapan ng bahay nang makita siya nito. Maluha-luha itong sumugod ng yakap sa kanya.
“Na-miss ko po kaya, nanay, e!” Naluluha na rin si Earl.
“Na-miss ka rin namin, anak!” anito matapos siyang yakapin.
Matapang niyang kinuha ang kamay ni Liam. Wala siyang pakialam kahit nakikita man iyon ng kanyang ina. Hindi na niya papatagalin pa ang lahat. Sasabihin na niya sa mga ito ang totoo.
“Nanay, siya po si Liam--”
“Alam na namin, anak! Tumawag sa amin noong nakaraan si Liam gamit ang telepono mo at naipaliwanag at nasabi na niya sa amin ang lahat. Tanggap ka namin, anak! Kung iyan ang gusto mo ay wala kaming gagawin kundi ang suportahan ka!”
Doon na tuluyang napaiyak si Earl. Hindi niya alam kung niya pipigilan ang pag-agos ng luha sa kanyang mga mata.
Hinawakan siya ng nanay niya sa kanyang kamay. “Pumasok na kayo sa loob. Kanina pa kayo hinihintay ng tatay at mga kapatid mo…”
Habang naglalakad sila papasok sa loob ng bahay nila ay sinulyapan niya Liam. Kaya siguro malapad ang mga ngiti nito ay dahil doon.
“Gumanti lang ako sa ginawa mo sa amin ng daddy mo,” turan nito.
“Salamat, Liam. Maraming salamat!”
“'Tay! 'Andiyan na ang kuya!” ang matinis na boses ng kapatid niyang babae ang unang sumalubong sa kanila ni Liam sa pagpasok nila sa bahay.
WAKAS