"Zel! Ibalik mo 'yan. Hindi mo naman kailangan ng maraming chocolate sa ref at bubulukin mo lang naman 'yan." sita ko sa kanya nang makitang may dinampot siya na isang supot ng m&m. "No. I promise I will eat this one." sabi niya at napairap na lang ako sa kanya dahil kanina pa iyan ang sagot niya sa akin. Isang buwan na din kasi ang nakalilipas simula ng magkaayos kami at hindi na talaga siya lumayo ni minsan sa akin. Pinilit niya akong tumira sa bahay niya at inilipat na lang malapit sa amin si Habi para hindi na daw ako mag-alala. Ayaw pa pumayag noong una ni Habi dahil sobra-sobra na daw ang naitutulong sa kanya pero ayaw din naman magpatalo ni Zel. Magpupumilit lang daw kasi ako na kay Habi tumira at hindi na daw siya makakapayag na magkalayo kami kahit pa malapit na kaming ikasal.

