Chapter 3
Casey’s POV
NAPAKAPALAD ko at naging bestfriend ko si Travis. Lagi niya akong ipinagtatanggol. Lagi siyang nandiyan para makinig sa mga problema ko. Lagi siyang nandiyan para palakasin ang loob ko. Siya na nga ang superhero ko, siya na rin ang knight in shining armor ko, at siya rin ang kaisa-isa kong bestfriend.
"Hoy, ano na? 'Yong Magic Words! Dali! Ang bagal mo naman. Isusubsob na talaga kita sa mabango kong kili-kili.”
"Sige na nga, pagbibigyan na kita. Travis…" Sadyang pinatagal ko talaga. "Ang bahu-baho mo!" sigaw ko sa bandang tainga niya at kumawala sa pagkakahawak niya tapos saka ko siya binelatan at tumakbo sa sala. Tawa ko nang tawa sa itsura niya.
"Hoy, aba't loka 'tong babae na ito. Bumalik ka rito at papadilaan ko sa iyo 'yong kili-kili ko," sigaw niya habang hinahabol ako. "Kapag naabutan kita, humanda ka sa akin!" Nagtago ako sa likod ni Mama para naman hindi siya makalapit sa akin.
"Ano ba kayong dalawa? 'Wag ninyo nga akong isali sa kalokohan ninyo," sabi ni Mama. "Eh, kasi, Ma, si Travis. Papadilaan daw po niya sa akin 'yong kili-kili niyang maantot,” sumbong ko.
"Huwag ka magtago riyan kay Tita. Duwag ka pala, eh!" sabi niyang sinusubukang hablutin ako sa likod ni Mama.
"Ay, nako. Para pa rin kayong mga bata. Ang tatanda ninyo ng dalawa. Tapusin ninyo na ang pagkain ninyo roon. Male-late ka na sa trabaho mo, Casey, baka nakakalimutan mo na,” sabi ni Mama na nakukulitan na sa amin ni Travis.
"Ay, oo nga pala! First day ko pa naman ngayon sa work ko,” nag-aalalang sabi ko sabay takbo sa kusina, umupo, at sumubo na ng pagkain. "Ang kuyet kuyet kasi nitong tsonggong Travis na 'to."
"Ako na naman ang sinisi mo riyan. Na-miss ko lang na gawin 'yon sa iyo.”
"Ako rin naman,” sagot ko. Napahinto ako sa pagkain at tumingin sa kanya. "Salamat, ah? Sa patuloy na pagpapasaya sa akin. Until now, nandito ka pa rin lagi sa tabi ko at masaya ako," seryoso kong sabi. Ngumiti siya sa akin at nag-abot ng tissue.
Akala ko may dumi ako sa mukha pero... "Maiyak ka, ha," sabi niya at tumawa na naman na akala mo naman ngayon nalang puwede tumawa ulit. Nagda-drama na nga ako. Seryosong-seryoso na nga ang mukha ko tapos pagtatawanan lang ako nitong lokong ito. Hay nako, panira talaga ng moment!
"Seryoso naman ako roon, Travis. Kainis ka talagang matsing ka! Gunggong!" sabi ko nang naiinis kunwari.
"Alam ko naman po. Pero, alam mo na naman na okay lang 'yon sa akin. Bestfriend kita, eh, ganoon kita kamahal," puno ng sinseridad niyang sagot sabay akbay sakin.
Oo. Alam kong mahal na mahal niya ako. Siyempre bilang bestfriend at mahal na mahal ko rin naman siya. Hindi ko kakayanin kapag nawala siya sa akin. Bukod kay Mama, siya lang naman ang taong pinagkakatiwalaan ko ng lubos at siyempre ang pamilya niya. Tanggap rin naman kasi ako ng pamilya ni Travis bilang kaibigan nito.
Kung wala si Travis no'ng mga panahon na broken-hearted ako. Siguro ay wala nang nangyari sa buhay ko ngayon. Siya kasi ang nagpapalakas ng loob ko, mula pa noong bata pa lang kami. Siya lang naman ang tagapayo ko lagi at siya ang nagpursige sa akin para magbago.
Tinulungan niya akong mgapapayat at magpaganda. Araw-araw niya akong sinasamahan sa gym. Araw-araw din niya akong pinagsasabihan sa mga dapat na kinakain ko at sa mga hindi dapat sobra na kainin ko. Kaya utang na loob ko sa kanya kung ano man ang naging resulta ng lahat. Ipinadama niya sa akin iyong pagmamahal at suporta na kailangan ko.
Ibang-iba na kasi ako ngayon. Malaki na talaga ang ipinagbago ko. Mula sa forthy na waistline ay twenty-four na lang 'yon ngayon. Ang laki na nang ipinayat ko at dahil doon lahat ng gusto kong damit na noon ay sa panaginip ko lang naisusuot ngayon ay yakang-yaka ko nang irampa. Nakita rin ang maganda kong katawan, Makinis at maputi naman kasi ako noon pa man kaya mas bumagay sa akin iyon ngayon. Mahaba na ang buhok ko at siyempre may bangs akong bumagay lalo sa mukha ko.
Natuto rin akong mag-ayos sa mukha ko. Mula sa kilay, pilik-mata, sa pisngi, at sa labi. Nagme-make-up na ako, pero light lang para simple pa ring tingnan. At siyempre kung nagbago man ang itsura ko ngayon, tumaas din naman ang self-confidence ko. Mas malaki na ang tiwala ko sa sarili ko. Salamat sa bestfriend kong baliw.
"Uy, natigilan ka riyan? Male-late ka na, manang!" sabi sa akin ni Travis sabay pingot sa tainga ko.
"Aray!" reklamo ko. "Eto na nga, nagmamadali na nga ako! Ang emo mo kasi, makaalis na nga!” Tumayo na ako at kinuha ang gamit ko.
"Ma, alis na po ako salamat po sa masarap na almusal! I love you, Ma!" Sabay kiss at hug kay Mama.
"Galingan mo, anak," sabi nito.
"Opo, Ma. Fight, fight, fight!" sagot ko at muli akong nagbigay ng kiss at mahigpit na yakap.
"Ako ba walang kiss at hug diyan mula sa pinakamaganda kong bestfriend?" tanong ni Travis na naghihintay ng yakap.
"Travis, hindi mo na ako kailangan pang bolahin. Ako lang naman ang nag-iisa mong bestfriend kaya wala nang gaganda pa sa akin,” sabi ko sa kanya sabay hug.
"Ay, oo nga, 'no? Pero hindi kita binobola. Maganda ka talaga!" puri niya. "Kiss ko?" sabi niyang nakayakap nang mahigpit sa akin.
"Tse! Kiss ka riyan? Ano ka, boyfriend ko?" pagbibiro ko.
"Bakit? Boyfriend lang ba dapat ang i-kiss? hindi ba puwedeng bestfriend rin?" sabi niyang nakangiti.
"Oo na. Panalo ka na!" sabi ko at k-in-iss siya sa pisngi. "Bye na. Ma, bye na po!” paalam ko sa kanila.
"Sige, anak. Mag-iingat kang mabuti!” pahabol ni Mama.
"Ingat. Pasalubong ko!” sigaw ni Travis na ngiting-ngiti. Kung hindi ko lang bestfriend itong mokong na 'to ay iisipin ko na may gusto siya sa akin, pero imposible iyon.
Nagmamadali akong umalis at nag-aabang ng taxi. Maya-maya ay nakasakay na ako at pinagmamadali ko na si manong driver dahil malaki ang posibilidad na ma-late ako. Si Travis kasi ang kulit tapos ang bagal ko pa kumilos.
Malapit-lapit na kami pero anak ng tipaklong. Ang traffic!
"Traffic naman, oh! Bakit nakisabay ka pa?" Napabuntong-hininga nalang ako. Traffic talaga. "Manong, wala na po bang ibang daan? 'Yong shortcut o kahit longcut basta iyong maiiwasan po natin iyong traffic?" tanong ko kay Manong Driver.
"Nako, miss. Traffic din po roon sa kabila, eh,” sagot ni Manong.
Naisipan kong lakarin na lang kasi malapit na rin naman ako kaya nang makabayad na ako kay Manong ay agad akong bumaba sa taxi. Isang tawid na lang ako mula sa company namin nang biglang…
Beep!