Chapter 2
Casey’s POV
"Casey, bumaba ka na rito. Kanina ka pa riyan, anak," muling pagtawag ni Mama sa akin.
"Opo, Ma. Heto na nga po. Pababa na ako,” sabi kong nagmamadali sa pagbaba.
Sa kusina ay nandoon si Mama kasama ang isang bakulaw. Oo, bakulaw talaga!
"Umupo ka na at kumain ka na riyan,” si Mama.
Umupo ako sa tabi nitong taong ito na-rated PG as in patay gutom kung makalapang ng pagkain. "Makalamon ka naman. Nakakahiya naman sa taong dapat ay kakain niyan," sabi ko.
"Yawn ba awng dapat na pagbati sha umaga? Dapat Gooood Mowning!" sagot ni Travis na punung-puno ang bibig.
"Tsk. Ang takaw talaga nito. Tama ba’ng makikain ka rito ng breakfast? Parang wala kang bahay," dugtong ko pa.
Inaasar ko lang siya. Sanay naman ako na lagi siyang nandito pagkagising ko. Laging nakikikain ng umagahan sa amin ni Mama. Minsan maghapon lang siyang nakatambay sa bahay at nakikipagkwentuhan ng walang humpay.
"Grabe ka naman!" Sabay lunok ng kinakain niya at nagsalitang muli, "Hindi mo ba nami-miss ang besty mo? Samantalang ako na-miss kita agad kaya naman umaga palang nandito na ako. Alam ko kasing may trabaho ka na at minsan na lang tayong magkikita. Sige na, aalis na ako!" sabi niyang nagda-drama. Tumayo siya hawak ang plato na kinakainan niya at palabas na ng bahay.
"Hoy! Bakit aalis ka na agad?" habol ko.
"Sabi ko na, eh. Hahabulin mo rin ako. Hindi mo ako matitiis.” Nakangiti itong humarap sa akin.
"Paanong hindi kita hahabulin, eh, dala-dala mo 'yong plato naming? Akin na nga 'yan!" Sabay agaw ko sa kanya ng platong hawak niya. Nagulat naman siya. Nakakatawa ang mukha niya. "Alis na. Tsupi!"
"Akala ko pa naman hindi mo ako matitiis. Ang sama mong besty!" Nag-iyak-iyakan pa siya.
Isang malakas na batok ang ibinigay ko sa kanya. Bakit ko ba naging bestfriend ang lalaking ito?
"Aray naman. Makabatok naman 'to. Akala mo naman manhid 'yong binabatukan niya!”
"Eh, paano? Ang arte-arte mo riyan! Bumalik ka na rito! Hindi tuloy ako makakain sa iyo. Kapag ako na-late sa trabaho ko, humanda ka sa akin! Pipilipitin ko 'yang leeg mo saka kita ibibitin ng patiwarik sa puno ng kamatis." Sabay hila ko sa kanya at pinaupo siya sa tabi ko. Napakamatampuhin pero mahal na mahal ko ang mokong na 'to.
"Hay nako. Kayo talagang mga bata kayo. Walang araw na hindi kayo magbabangayan para sa simpleng dahilan. Kumain na kayo riyan at magliligpit na muna ako sa sala.” Tumayo na si Mama at nagpuntang sala.
"Ikaw kasi ang sama-sama mo sa akin. Na-miss lang naman kita," sabi ni Travis. "Halika nga rito para maamoy mo ang super power ko. Kili-kili Power!" Sabay hablot sa akin at sinusubukang isubsob sa kili-kili niya ang mukha ko.
"Ahhh! Bitiwan mo nga ako! Ang bahu-baho mo kaya. Sapakin kita riyan!” sigaw ko habang kumakawala sa pagkakahawak niya sa akin. Hindi naman talaga siya mabaho. Kahit nga isubsob pa niyang tuluyan ang mukha ko sa kili-kili niya ay okay lang naman.
"Hahaha!" Hindi pa rin niya ako binibitiwan. "Oh, ano? Suko ka na ba? Sabihin mo na 'yong magic words para pakawalan na kita. Dali!" excited niyang utos sa akin.
'Yong magic words na gusto niyang marinig ay walang iba kundi, 'Ang pogi-pogi naman ng bestfriend ko'. Ang hangin talaga niya pero honestly pogi naman talaga si Travis. Akala ko nga noon ay hindi niya ako papansinin, pero siya ang kauna-unahang lalaking naging kaibigan ko ng totoo.
Siya lang naman ang nagtanggol sa akin no'ng Elementary days ko. Lagi kasi akong tinutukso ng mga kaklase ko dahil nga, mataba ako.
"Ay, ayan si Casey-ng baboy, oh.”
"Kantahan natin siya!”
"Piggy, piggy, Casey! Piggy, piggy, Casey!”
Ginagawa nila 'yon sa tuwing nakakasalubong nila ako. Wala ako magawa noon kundi ang umiiyak lang sa harapan nila. Iyak lang ako nang iyak, pero bigla na lang ay nakita ko na lang na nasa sahig na iyong apat na bully-ng mga bata.
"Kayong apat, kung wala naman kayong matinong sasabihin sa kanya. Puwede ba umalis na kayo o gusto niyong sapakin ko pa kayo isa-isa?" sabi nitong guwapong bata na nasa harapan ko. Tinaas pa ang dalawang braso niya na wari'y naghahamon nga ng away.
Sa takot no'ng apat na uhugin ay umalis na sila nang patakbo. Napatigil ako sa pag-iyak dahil sa nangyari. Nilapitan niya ako at tinulungang tumayo. Nakasalampak kasi ako sa damuhan habang humahagulgol sa pag-iyak.
"S-Salamat..." sabi ko sabay singhot.
"Wala 'yon. Okay ka lang ba? Hindi ka ba nila sinaktan? Ako pala si Travis!" pakilala niya sabay abot ng kamay niya sakin.
"O-Okay lang naman a-ako... Ako nga pala si C-Casey,” sagot ko at inabot ang kamay niya. “T-Thank you.”
"Alam mo, Casey, dapat hindi mo sila hinahayaang gawin 'yon sa iyo. Lumaban ka sa kanila," sabi niya sa akin.
"W-Wala naman kasi akong l-lakas ng loob p-para labanan sila," sagot ko.
"Dapat lakasan mo ang loob mo, pero… habang hindi mo pa kayang ipagtanggol ang sarili mo. Ako muna ang magtatanggol sa iyo, okay ba iyon?" sabi niya sabay ngumiti sa akin. Siya palang ang nakipag-usap sa akin ng ganoon.
"I-Ipagtatangol mo ako? Pero, b-bakit?" nagtatakang tanong ko.
"Kasi kaibigan mo na ako... kung gusto mo, bestfriend na tayo ngayon," sabi niya na walang pag-aalinlangan.
"B-Best friend? Talaga?" Hindi ako makapaniwala kaya napaiyak na naman ako. “Waah!" Umiiyak ako ng todo.
"Oy, teka. Bakit? Ayaw mo ba? Uy!” Nag-aalala itong lumapit sa akin pero niyakap ko lang siya. Niyakap rin niya ako sabay himas sa likod ko.
"Tahan na. Sorry na kung may nasabi man ako."
"H-Hindi. O-okay lang ako. N-Natutuwa lang ako d-dahil may gusto na palang makipag-kaibigan sa akin ngayon… S-Salamat."
"Wala 'yon. Sabay na tayo umuwi simula ngayon. Magkapitbahay lang kaya tayo. Kami 'yong bagong lipat sa kabila ninyo,” sabi niya.
Noon ko lang naalala na may bagong lipat nga sa katabi naming bahay. Napangiti ako. Napakabait niya. Siya ang kauna-unahang lalaki na naging kaibigan ko. Ang best friend ko.