Chapter 1

3149 Words
“Ante, bili ka na nitong sampaguita para naman ay buena mano na ako at para may pambili na rin ako ng almusal. Kagutom ko na rin kasi,” pamimilit ni Vekvek sa kanyang babaeng kakilala na namataan niyang naglalakad sa tabi ng kalsada kung saan siya nanghaharang ng mga nagdaraan para bumili ng tinda niyang sampaguita garland. May buena mano na rin naman siya ngunit para maawa sa kanya at bumili ng sampaguita ay kailangan may estilo talaga para makabenta kaya sinabi niyang para sa buena mano at pambili ng almusal. Kanina pa tagatak ang pawis niya sa noo at mukha at namamaos na siya kakaalok ng sampaguita sa mga dumadaan na tao ay iilan pa lamang ang kanyang nabebenta. Wala pang kalahati gayong mataas at tirik na ang sikat ng araw. “Naku! Naku! Naku! Vekvek! Wala naman akong kahit na anong rebulto ng mga Santo o Santa sa bahay para pag-alayan ng sampaguita kaya paano naman akong bibili niyan? Saan ko isasabit? Sa leeg ko o sa leeg ng asawa ko?” ang reklamo ng babaeng hinarang ni Vekvek para mamili ng sampaguita niyang tinda. “Kahit isabit mo na lang sa sulok ng bahay mo, Ante Simang. Pampabango rin ng bahay ang mabangong amoy ng sampaguita kaya naman bumili ka na, please. Nakaka-relax din kaya ng pakiramdan at isip ang halimuyak ng sampaguita kaya bili ka na,” ang patuloy na pakiusap pa ni Vekvek na wala yata talagang balak na paraanin ang hinarang na kakilala hanggat hindi bumibili ng kanyang tinda. “Sus! At ano naman ang palagay mo sa bahay ko, Vek? Mabaho ba para mangailangan ng pabango? At excuse me? Afford kong mamili ng mamahaling pabango sa bahay, ano?” sita pa ng babae kay Vekvek. Ngunit ngumiti lang ang babaeng tindera ng sampaguita at saka na kumuha ng isang sampaguita garland para nga ipahawak na sa kamay ni Ante Simang. “Si Ante Simang naman, oh! Ang ibig ko lang sabihin ay lalo pang mangangamoy fresh na fresh ang loob ng bahay mo. Iyong tipo ng amoy na para bang galing kay state? Amoy tate, ika nga ng ibang nakikisalubong sa mga kamag-anak na galing ibang bansa kahit wala naman silang ambag noong paalis pa lang ang kamag-anak. At saka, kapag nangamoy fresh ay papasok ang buenas at yayaman ka na, Ante. At ang init ng ulo mo ay mawawala ng parang bula kapag kumalat na ang bango sa buong bahay mo. Buong maghapon ay nakarelax ang isip mo tungkol sa mga bagay-bagay,” patuloy na pang-uuto ni Vekvek kay Simang. “Alam mo kung hindi ka lang mabait at kung hindi lang ako naaawa sayo ay hindi talaga ako bibili ng tinda mong babae ka. At kung talagang swerte ang bango na nanggagaling diyan sa sampaguitang tinda mo ay nawa’y ikaw ang unang swertihin para naman hindi na kita makita na nagtitinda pa rito sa tabi ng kalsada,” ani pa ni Simang na kumuha na ng bente pesos na papel sa kanyang sling bag para ibayad na nga sa sampaguita garland na pinagpipilitan ni Vekvek. Awtomatikong lumapad ang pagkakangiti ni Vekvek ng makitang naglabas na ng pera ang kanyang pinagbibilhan. Kahit isa lang naman ang binili nito ay malaking bagay na para sa kanya. “Heto na at sana nga swertehin ka sa pagtitinda at ng may mauwi kang pagkain sa kinakasama mong batugan. Ewan ko ba sayong bata ka?! Ang bata-bata mo pa ay ginagawa mong losyang ang sarili mo diyan kay Tongtong. Ginagawa mong sugar mommy ang sarili mo gayong kayang-kaya mong humanap ng kahit sampung sugar daddy para mabigay lahat ng mga pangangailangan mo at hindi ganitong nagmamakaawa pa sa mga dumaraan para bumili ng paninda mo. Mauntog ka na sana, Vekvek. Huwag mong sayangin ang kabataan at oras mo sa taong gaya ng kinakasama mo. Ang ganda mong babae at sa pagkakaalam ko ay matalino ka noong nag-aaral ka pa. Kaya sana ay lumipas na ang anumang gayuma na pinainom, pinakain o pinaamoy sayo ni Tongtong at magising ka na sa kung anong sumpa na bumabalot sa pagkatao mo. At bumalik ka na sa dating ikaw lalong-lalo na sa pamilya mo. Bata ka pa naman at nakakasiguro akong kayang-kaya mo pang magbago. Mag-aral kang muli at magtapos ng kolehiyo para hindi kung anong itinitinda mo rito sa bangketa.” Payo pa ni Ante Simang ngunit matapos kunin kay Vekvek ang sampaguita na binayaran ay umalis na rin ito. Naiwan si Vekvek na inayos ang hawak na paninda at maingat na isinilid ang papel na pera sa kanyang lumang belt bag. “Konti na lang at mauubos na rin itong tinda ko,” bulong pa ng tindera ng sampaguita kahit ang dami niya pa talagang dapat ibenta. Nagpunas siya ng pawis na namuo sa kanyang noo gamit lang ang likod ng kanyang palad dahil nakalimutan niyang magdala ng panyo kakamadaling humango ng sampaguita para makipag unahan sa iba pang mga nagtitinda. Naglakad-lakad pa si Vekvek para mag-alok ng mga nagdaraang tao. Desidido talaga siyang makaubos ng sampaguita dahil kailangan niya ng makabili ng bigas. Wala na rin siyang pambili ng sabong panlaba kaya naman natambak na ang kanyang mga maruruming damit. Sa paglalakad ay biglang natigilan si Vekvek na akma na sanang magsasalita para mag-alok ng tindang sampaguita ng makilala kung sino ang babaeng makakasalubong sa bangketa. Ang kanyang nanay. Bagamat bahagyang natigilan ay nagmamadali ng lumapit ang tindera ng sampaguita ng siya ay mahimasmasan para magmano sa kanyang nanay. Matagal ng galit ang mga magulang ni Vekvek sa kanya dahil nga sa pagsama niya sa kanyang kinakasama kahit pa ang bata niya pa. Ngunit kahit ganoon pa man ay hindi pa rin kinaliligtaan ni Vekvek ang magbigay galang sa kanyang nanay o kahit sinong mga kamag-anak na kanyang nakakasalubong kahit pa para na lang siyang hangin sa mga paningin ng mga ito. “Mano po, Nay,” aniya sabay abot sa kanang kamay ng nanay niyang may dala-dala namang mga plastic bag kung saan nakalulan ang mga pinamili nito sa palengke. Maraming hawak ang kanyang nanay. Malamang na bagong sahod na naman ang kanyang tatay kaya paldo-paldo na naman sa masasarap na pagkain ang kanyang buong pamilya. Masarap magluto ang nanay ni Vekvek kaya talagang pagkain ang paborito nilang bonding. Boddle fight, samgy at kung ano pa basta sama-sama silang nagsisikaing pamilya. Bigla tuloy napalunok at kumalam ang sikmura ni Vekvek ng makita na may biniling sugpo ang kanyang nanay. Malamang na isisigang ito dahil paborito ng tatay niya ang sinigang na sugpo. Simula rin kasi ng nagsama sila ni Tongtong ay hindi na siya nakatikim ng sinigang na hipon dahil ilang piraso lang kapag bibili sa karinderya at hindi kasya sa kanilang dalawa ni Tongtong. “Hanggang kailan ka magtitiis sa buhay na ganyan, Revecka? Ganyan ba talaga ang buhay na gusto mong maging buhay mo sa habang panahon? Kailan ka magigising, ha? Kailan ba muling maaalog ang utak mo para naman tumuwid na muli ang utak mo sa pag-iisip ng tuwid? Kailan ba? Kapag marami ka ng anak? Kapag nagugutom na ang mga anak mo at hindi mo na alam kung saan ka hahanap ng pagkain dahil hindi ka na makapaghanap buhay sa dami nila at ang kinakasama mong lalaki ay nakahilata lang sa maliit at masikip niyong inuupahan buong maghapon habang nagpapalaki ng bayag?” ang sermon ni Nanay Zita sa kanyang panganay na anak na babae na sa edad na labing-pitong taon ay nakipag live-in na sa lalaking ilang taon ang tanda rito. Ngayon ay labing-walong taong gulang na si Vekvek at nasa hustong gulang na pero sa halip na nag-aaral ay nagtitiis sa gutom at init ng araw para kumita ng pera. “Nay, umiinom po ako ng pills para hindi po ako magbuntis muna. Kahit naman po si Tongtong ayaw niya pa po na magkaanak kami kaya todo ingat po ang ginagawa namin para hindi po talaga ako mabuntis.” Ang katwiran ni Vekvek sa nanay niya. “At anong gusto mong gawin namin? Purihin at palakpakan namin ng tatay mo ang walang hiyang kinakasama mo dahil sa sinabi mo? Natural na ayaw niya talaga na magkaanak kayo dahil kapag nagkaroon kayo ng supling ay magugutom siya dahil hindi ka makakagawa ng paraan para may makain ang animal na lalaking yon. Akala mo ba hindi namin alam na ikaw lang talaga ang nagtatrabaho para may makain kayo sa araw-araw? Kung alam mo lang na gustong-gusto na ng tatay mo at mga tiyuhin mong sugurin ang bahay na tinutuluyan niyo para gulphin ang kinakasama mo pero panay lang ang tutol namin dahil baka maging kriminal ang tatay mo dahil sa kagagawan mo. Kaya sana naman ay magising ka na sa katotohana na walang pag-asa sa buhay ang batugan mong kinakasama. Hindi ka naman namin pinalaking tanga ng tatay mo pero bakit nagkaganyan kang babae ka? Hanggang kailan mo gagawin ang ganyan sa sarili mo, ha? Hanggang kailan ka ba magigising sa bangungot na pinasok mo? Ano bang meron ang kinakasama mo na hindi mo maiwang bata ka? Wala namang kahit na ano ang Tongtong na yon. Walang bahay, walang trabaho at walang pinag-aralan. Anong klaseng buhay ang maibibigay niya sayo kung ikaw ang nagpapakain sa kanya?” mahabang sermon ni Nanay Zita sa kanyang anak na babae. “Nay, naghahanap naman po ng trabaho si Tongtong. Hindi lang po siya makatiyempo sa ngayon dahil nga po sa mga requirements na kailangan dahil hanggang grade six lang ang tinapos niya. Kaya ako na muna pansamantala ang maghahanapbuhay para sa amin. Nagsisikap naman po kami, Nay.” “Tama na ang pagbibigay mo ng katwiran sa tamad na kinakasama mo, Revecka! Naghahanap ng trabaho? Sa loob ba ng isang taon ay wala siyang nahanap na trabaho? Labing-pitong taon ka lang ng makisama sa kanya at ngayon ay labing walong taong gulang ka na. Ang sabihin mo ay ubod ng kapal ang mukha ng lalaking yan. Nuknukan ng kapal ng balat kaya hindi na tinatablan ng hiya. Ikaw ang babae pero hinahayaan ka niyang maghanap-buhay sa ilalim ng tirik na araw at sa mahamog na gabi. Sa bahay ay halos ayaw kitang paghusgasin ng mga plato dahil gusto ko magpokus ka sa pag-aaral pero ngayon ay daig mo pa ang tatay mo sa pagpapakamatay sa trabaho para lang may mapakain sa hayop mong kinakasama! Kung wala siyang mahanap na trabaho ay bakit hindi siya ang magtinda ng sampaguita sa bangketa gaya ng ginagawa mo?” Tahimik lang si Vekvek at hindi na sumagot sa nanay. Kahit na ano naman kasing sabihin niyang katwiran at dahilan ay hindi maniniwala sa kanya si Nanay Zita dahil nga ayaw nito sa lalaking kinakasama niya. Sarado ang isip ng mga magulang niya pagdating kay Tongtong at nauunawaan ni Vekvek ang usaping yon at inaamin niyang malaki rin talaga ang pagkakamali niya kaya nagagalit sa kanya ng sobra ang buong pamilya lalo na ang kanyang nanay at tatay. Hindi tanggap ng sino sa pamilya ni Vekvek ang pakikisama niya ng maaga kay Tongtong na mahal na mahal niya. “Sige po, nay. Magtitinda pa po ako. Alis na po ako,” pagpapaalam na ni Vekvek sa kanyang nanay. “Sa bahay ay itinuring ka naming prinsesa simula pa noong pinanganak ka pero mas pinili mong maging alipin ng isang lalaking walang pangarap sa buhay. Huwag na huwag kang uuwi sa bahay hanggat nakikisama sa hayop na lalaking yon. Wala kang karapatan na tumapak sa pamamahay namin ng tatay mo hanggat hindi ka natatauhang gaga ka.” Pikit-mata na lang na lumayo ang tindera ng sampaguita sa kanyang nanay na hindi tumitigil sa pagbubusa. Hindi makatingin si Vekvek sa mga tao sa paligid dahil nga halos naririg ang ginagawang sermon sa kanya ng nanay niya. Labing-pitong taon pa lang kasi siya ng makilala si Tongtong na noon ay nasa beinte kwatro na ang edad. Niligawan siya nito sa pamamagitan lang ng chat sa social media. Mabait at maalalahanin si Tongtong bukod pa sa gwapong itsura nito kaya naman hindi nagtagal ay talagang nahulog si Vekvek lalo pa at madalas talaga siya nitong abangan na lumabas sa kanyang paaralan. Sinasabayan siya sa paglalakad at madalas ay niyayaya na muna siyang kumain ng kahit anong pagkain na kayang bilhin ng kinikita nito sa construction. Tago ang naging relasyon nina Vekvek at ni Tongtong dahil nga menor de edad pa ang babae at kasalukuyan pa nga lang na nag-aaral. Ngunit dahil mapupusok ay hindi na rin napigilan ang kanilang mga sarili. Isang araw ng sinundo ni Tongtong si Vekvek sa paaralan ay hindi niya na ito pinauwi pa sa bahay at inaya ng magsama silang dalawa. Dahil naman nga mahal na mahal din ni Vekvek ang kasintahan ay walang pagdadalawang isip na pumayag siya sa nais nitong mangyari. Ngunit ng humarap sila sa mga magulang ni Vekvek ay hindi pumayag ang nanay at tatay ng babae dahil nga napakabata pa nga anak nila at hindi pa tapos ng pag-aaral. Pero dahil ayaw na rin mawalay pa Vekvek kay Tongtong ay sinuway niya ang mga magulang at mas pinili na sumama sa kasintahan dahil talagang mahal niya ang lalaki. Walang sariling tirahan si Tongtong at nangungupahan lang ito sa isang maliit na kwarto na tama lang talaga sa isang tao. Hindi taga lungsod si Tongtong. Napadpad lamang ito sa lugar nina Vekvek dahil sa trabaho. Isang construction worker si Tongtong sa isang mall na ginagawa sa malapit kaya naman madalas niyang makita si Vekvek na dumadaan patungo sa paaralan at pauwi sa bahay nito. Dahil kahit anong gawin ng mga magulang ni Vekvek ay ayaw niya ng umuwi sa kanilang bahay ay hinayaan na nga siya na makisama na kay Tongtong. Pero simula ng hayaan na siya ng mga ito ay talagang hindi na siya pinansin pa. Galit na galit ang buong pamilya niya sa kanya at sa kinakasama. Nakatapos naman ng grade eleven si Vekvek ngunit hindi na nakapagpatuloy sa grade twelve dahil nagsimula na siyang magbanat ng buto para may makain sila ni Tongtong. Simula kasi ng mawalan na ng trabaho si Tongtong ay hindi na ito naghanap pa ng ibang pwedeng pasukan at sinabihang si Vekvek na ang magtrabaho dahil madali lang itong makakahanap dahil kahit paano ay nakatapos ng grade eleven at ang babae raw ay mabilis na nakakahanap ng mapagkakakitaan. At iyon na nga ang nangyari. Si Vekvek ang naghahanap buhay habang si Tongtong ay nasa inuupahan nilang maliit na kwarto at naghihintay na may mauuwing pagkain ang babaeng kinakasama. “Bakit ngayon ka lang umuwi? Kanina pa ako naghihintay at panay na reklamo ng mga bulate ko sa tiyan.” Ang salubong ni Tongtong sa babaeng kinakasama sabay kuha niya sa dala nitong plastic bag na lulan ang kanin at ulam para sa pananghalian nilang dalawa. “Pinaubos ko ang mga tinda ko at saka naghintay pa ako na kumonti ang mga tao sa karinderya para makapamili ako ng ulam na pwede ko ng bilhin lahat ang nasa lalagyan. Sayang din kasi iyong tira-tira sa lalagyan. Hindi naman kasi papayag na halos dalawang order pa ang lamang ng tray ay ibigay na sa akin ng may ari kaya naghintay pa ako ng konti.” Ang sagot ni Vekvek na kumuha ng baso para uminom ng tubig dahil kanina pa siya uhaw na uhaw ngunit laking dismaya niya ng hindi man lang malamig ang tubig sa pitsel. “Bakit hindi malamig ang tubig? Wala kang nabilhan ng yelo?” ang kanyang tanong sa kinakasama na kumuha na ng mga plato at sumalampak sa sahig kung saan na rin sila natutulog para kumain. “Wala na akong pambili kaya walang yelo.” Sagot ni Tongtong na hindi man naghugas ng kamay o kumuha ng kutsara para sa ulam dahil kinamay niya na ito. “Hindi ba bago ako umalis nagbigay naman ako sayo ng singkwenta pesos?” ani pa ni Vekvek. “Magkano ba isang kaha ng yosi ko? Diba singkwenta? Kaya ano pang hinahanap mo? Hindi naman nagpapautang ng yelo yang kapitbahay natin kahit sabihin ko pang ibibigay pagdating mo. Kaya ayoko talagang mamili diyan. Sa kanya tayo namimili pero hindi tayo makautang kahit ibibigay din naman agad,” waring naiinis pang sagot ni Tongtong habang ngumunguya na ng pagkain. Napailing na lang ang napapagod at nagugutom ng si Vekvek at saka lumabas ng bahay para bumili ng yelo para sa kanilang tubig. “Ano ba naman yan? Ikaw na nga itong galing sa pagtitinda ng sampaguita ay ikaw pa itong bumili ng yelo? Parang gusto ko na tuloy ipukpok sayo itong yelo na binibili mo, Vekvek para lang matauhan ka na sa kahibangan mo,” anang kapitnahay ni Vekvek kung saan siya namimili ng yelo. Matipid lang na ngumiti ang pagod na tindera ng sampaguita at inabot ang limang pisong barya na hawak niya bayad sa yelo. “Malamang na natalo si Tongtong sa kara-krus kanina kaya kahit pambili ng yelo ay wala.” Dagdag pang sabi ng babaeng kapitbahay. “Kara-krus? Nagsugal na naman si Tongtong?” takang tanong ni Vekvek. “Anong nagsugal na naman gayong araw-araw naman yang nagsusugal? Ewan ko ba sayo, Vek? Ano ba ang mapapala mo sa lalaking yan? Hanggat maaga ay imulat mo na mga mata mo. Hanggat wala pa kayong mga anak ay tumakbo ka na. Sige ka, baka isang araw gumising ka binenta ka na ng kinakasama mong adik.” Pananakot pa ng kapitbahay ni Vekvek na kaya nga hindi talaga pumapayag na umutang ng yelo si Tongtong ay nakikitang nagsusugal ang lalaki. Sa sugal ay may inilalabas pero pambili ng yelo ay wala. Alam ni Vekvek ay hindi na nagsusugal si Tongtong simula ng pagsabihan niya ito. Ngunit heto at umuulit na naman pala. Pag-uwi niya sa bahay ay naabutan na ang kinakasamang nakahilata na sa sahig na kanina lang ay kumakain pa lamang. “Tapos ka ng kumain?” ani ni Vekvek at saka hinanap sa maliit na lamesa ang pagkain na para sa kanya. “Oo dahil sa gutom ko na gutom na ako,” sagot ni Tongtong na abala na sa pag scroll sa kanyang cellphone “Nasaan ang pagkain ko?” hanap ni Vekvek sa pagkain na para sa kanya dahil wala namang nakataklob sa lamesa. “Ha? Hindi ka ba kumain? Inubos ko ng lahat kasi akala ko kumain ka na. At saka, ang konti lang naman ng dala mong pagkain.” Halos sumabog sa galit si Vekvek sa narinig na dahilan ni Tongtong. Siya ang pagod at galing sa kalahating araw na pagtitinda ay tubig lang pala ang magiging tanghalian niya. Nagtiis siyang huwag bumili kahit limang pisong tinapay para huwag lang mabawasan ang kita niya pagkatapos ay wala pala siyang mapapala. “Sa susunod kasi ay dagdagan mo ang uwi mong pagkain dahil kulang na kulang pa sa akin,” paalala pa ni Tongtong at saka pa tinalikuran si Vekvek na nanginginig na sa pinaghalong gutom at sama ng loob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD