Chapter 2

3153 Words
“Magtitinda ka na ba ng balut at penoy?” tanong ni Tongtong sa kinakasama ng makita itong nakagayak na. Kapag suot na ni Vekvek ang kanyang lumang belt bag ay awtomatiko na itong aalis ng bahay. “Oo, alis na ako para makarami at makaubos agad. At saka, baka maunahan pa ako sa pwesto ko. Maganda ang pwesto kong yon kaya talaganga marami ang gustong doom sila mapunta.” Ang sagot ni Vekvek na itinali na ang mahabang buhok. “Baka may sobra ka pang pera diyan? Dagdagan mo itong singkwenta pesos ko. Kahit sa bata ay hindi kasya ang singkwenta pesos pang hapunan ko. Bibili pa ako ng yosi ko at yelo,” ungot ni Tongtong sa kinakasama. “Tong, pambili mo lang naman ng ulam yan ngayon gabi, hindi ba? Hayan at nagsaing na nga ako dahil baka mamayang pag-uwi ko ay wala na naman akong maabutan na kanin kahit gutom na gutom na ako. Mabuti ka nga may singkwenta pesos samantalang ako ay ni piso ay wala. Wala man akong panukli kapag may bumili na buong papel na pera ang ibinigay. Tiisin mo ng huwag mag yosi dahil hindi naman importante,” ang sagot ni Vekvek sa kinakasama. “Ikaw naman ay maraming kakilala sa daan. Tiyak na may manlilibre sayo ng kung anong pagkain, eh ako? Pagkakasyahin ang kakarampot na singkwenta pesos. At anong hindi importante ang sigarilyo? Nakakatulong sa akin para hindi ako ma stress.” Katwiran pa ni Tongtong. Nag-init ang ulo ni Vekvek sa narinig at padarag na pinatong ang suklay sa maliit na lamesa. “Bakit parang nagrereklamo ka pa sa singkwenta pesos? Hindi ba dapat magpasalamat ka pa at kahit paano kumakain ka ng tatlong beses sa isang araw kahit wala ka namang ginagawa? Stress? Paano na stress ka pa sa wala ka namang ginagawa at iniintindi?” ang sabi na ni Vekvek. “Aba! Kung makasumbat ka nga ngayon ay akala mo na kung sino ka, ha? Anong pinagmamalaki mo? Ang pagtitinda mo na kumikita ng kakarampot? Huwag ka ngang mayabang at barya lang ang kinikita mo, Vekvek!” paasik na sabi ni Tongtong. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Tongtong? Nayayabangan ka na sa akin dahil sa kakarampot at barya na kinikita ko na dahilan kaya ka kumakain sa buong araw? Kaya ka may natitirahan pang bahay, kaya may kuryente at tubig kang nagagamit kahit wala ka namang trabaho. Kaya anong pinagsasabi mong mayabang ako?” patuloy ng sumbat ni Vekvek sa kinakasama na makapal ang mukha. “Ah, ganoon pala? Kaya sinusumbatan mo ako kasi ikaw ang nagpapalamon sa akin? Nakita mo naman na naghahanap ako ng trabaho, hindi ba? Wala lang akong mahanap kaya narito lang ako sa bahay. At doon ako na i-stress! Isip ako ng isip paano at saan ako hahanap ng trabaho lalo pa at natuto ka ng manumbat,” giit pa ni Tongtong. Napailing na lang si Vekvek dahil ayaw niya na lang makipagtalo pa kahit nasa katwiran pa siya. Dingding lang ang pagitan nila ng ibang nangungupahan sa lugar nila kaya ayaw niyang pag-usapan sila ni Tongtong ng mga kapitbahay. Ayaw niya rin na makarating sa pamilya niya na nag-aaway na sila ni Tongtong dahil baka mamaya ay puntahan na siya ng mga magulang at pilitin na naman na umuwi at hiwalayan ang kinakasama. “Aalis na ako dahil ayoko ng makipagtalo pa sayo. Nakakahiya sa mga makakarinig sa atin. Baka makarating pa sa pamilya ko at magpunta na naman rito,” wika ni Vekvek at saka na nagtuloy sa labas ng bahay. “Vek, magtitinda ka na yata?” tanong ng isa sa mga kapitabahay niyang si Gladys. Matanda lang sa kanya ito ng ilang taon kaya naka vibes niya. Pero laging maganda at mabagong tingnan si Gladys. Laging rebonded ang mahabang buhok, halos linggo-linggong naka pedicure at manicure. May extension ang mga kilay at makinis ang balat dahil sa mamahaling skin care. Magaganda ang mga sexy na damit maging ang mga tsinelas at mga sapatos. “Oo, Glad. Maraming bayarin kaya dapat todo kayod. Mahirap ng mapalayas sa inuupahan namin dahil wala ng murang paupahan ngayon.” Ang sagot ni Vekvek sa kaibigan. “Ang sabi ko naman sayo ay sumama ka na sa akin. Easy money lang ang inaalok ko sayo kung bakit nagpapakabayani ka sa prinsipyo mo. Sa bata mong yan at sa ganda mong yan ay baka mag-away pa ang mga customer para lang maka table ka. Baka nga biglang yaman ka agad, Vek,” ani Gladys na ang trabaho ay maging escort ng mayayamang lalaki na karamihan ay matatanda na nagliliwaliw na lang sa buhay. Wala ng magawa sa buhay kaya nagtatapon na lang ng pera para lang makatikim ng sariwang laman. Komportable ang buhay ni Gladys at ng buong pamilya nito dahil nga sa malaki ang inaakyat niyang pera sa bahay nila. Nakapagpagawa na ang babae ng malaki at modernong bahay na bato na naka aircon pa ang lahat ng kwarto. Kumpleto ang mga makabagong kagamitan mula sa mga appliances at mga furnitures. Madalas makikita na may naghahatid kay Gladys sa tapat ng bahay nila lulan ng magarang sasakyan at pagbaba pa ng babae ay maraming dala-dalang pasalubong para sa kanyang pamilya. Ayon kay Gladys, habang bata at mabango pa siya ay gagamitin niya ang katawan at utak para makaahon sa hirap. Kaya kahit tampulan siya ng mga makakating dila na mga marites sa kanilang lugar ay wala siyang pakialam dahil ang mahalaga ay may nakakain sila ng kanyang pamilya. Matagal ng hinihikayat ni Gladys na na sumama sa kanya si Vekvek dahil nga nakita niyang maganda, makinis at malaking bulas ang magandang babae na kapitbahay na nakisama na sa jowa nitong batugan pero panay ang pagtanggi ni Vekvek at mas gusto talagang kumita lang ng barya-barya kaysa limpak-limpak na mga pera. “Alam mo naman na hindi ko kayang sikmurain ang ganyang trabaho, Glad. Kaya pass na muna ako. Dito na muna ako kahit konti ang kita. Importante naman ay nakakaraos sa araw-araw.” Isang malanding tawa ang ginawa ni Gladys. “Sus! Vek! Nasa sayo naman kung gusto ayaw o gusto mong makipag-jerjeran. Hindi ka naman pipilitin kong ayaw mo. Iyon nga lang ay mas malaki ang kita kapag may s*x na nagaganap. Nanghihinayang kasi ako sa kabataan at ganda mo na sinasayang mo lang sa pagtitinda ng kung anong paninda diyan sa bangketa. Sa halip na libo-libo at limpak na limpak na pera ang kinikita mo na hindi ka pa naiinitan ay pinipili mo talaga ang kakarampot na barya at malosyang. Para ano? Para lang ipakain diyan kay Tongtong na wala yatang ginagawa sa buong maghapon kung hindi ang mahiga at maghintay sa pagkain na iuuwi mo,” ang sermon ni Gladys. “Ganoon talaga, Glad. Kapag mahal mo ang isang tao ay handa kang magsakripisyo. Sabi nga ng matatanda ay kung saan ka nadapa ay doon ka bumangon. Kaya ganito akong nagsusumikap dahil naniniwala akong magbabago rin ang buhay namin ni Tongtong. Wala lang mahanap na trabaho ngayon si Tongtong kaya ako na muna ang kakayod. Tulungan kami para makaraos sa araw-araw.” Kung kanina ay malanding tumawa si Gladys ngayon ay isang malakas na hagalpak na tawa ang ginawa niya. “Vekvek, ano bang pinagsasabi mong babaita ka? Natural lang na kung saan ka nadapa ay doon ka babangon pero ang ginagawa mo ay hindi pagsasakripisyo kung hindi isang malaking katangahan. Kahit ipagasgas ko ng ipagasgas ang kiffy kung kani-kanino ay pamilya at kadugo ko ang siyang nakikinabang at hindi kung sinong palamunin lang. Ikaw ay nagpapakahirap at nagpapakatanga sa hindi karapat-dapat na lalaki,Vek. Sorry, alam kong nasasaktan ka dahil may kung anong gayuma ang bumabalot sayo ngayon pero nagsasabi lang ako ng totoo,” giit ni Gladys. Tipid na napangiti lang si Vekvek dahil may punto naman si Gladys. “Maiwan na kita, Glad. Baka kasi maunahan ako sa pwesto ko at saka para makarami ako agad at makauwi ng mas maaga,” pagputol niya na sa usapan nila ng kapitbahay. “Joskoh, Vekvek! Ano bang ginawa sayo ni Tongtong at masyado ka namang loyal sa mukhang probinsiyanong dukha na yan? Malaki at mataba ang batuta niyan para hindi mo maiwan-iwan?” eskandalosa pang tanong ni Gladys sa kaibigan. “Hindi mo talaga napipigilan ang bibig mo, Glad. Sige na nga at hahayo na ako para magtinda. Ikaw naman ay matulog ka na para may lakas ka rin. Panalangin ko rin na may mabitag kang bilyonaryong lalaki na binata o biyudo na madaling mamatay para yumaman ka na talaga,” at saka na nga naglakad palayo si Vekvek dahil sa totoo lang ay may pagkabalahura ang bibig ni Gladys at hindi ito nahihiya kahit kababaeng tao at maraming nakakarinig. At sanay ba si Vekvek na marinig sa kaibigan ang panlalait din nito kay Tongtong at sa ginagawa niya para mabuhay sila ng kinakasama na para naman kay Vekvek ay natural lang sa magpartner ang magtulungan. Dinaanan na muna ni Vekvek ang mga balut at penoy na kanyang hinango para itinda. Maliban pa roon ay nagtitinda rin siya ng mga candy. At ang pinakamabenta nga ay ang sigarilyo lalo pa at malamig na nga dampi ng hangin sa gabi kaya mas napapalakas sa paninigarilyo ang mga naninigarilyo na karamihan ay mga kalalakihan. Nag-iipon nga rin si Vekvek ng puhunan para makapagtinda rin siya ng tubig at soft drinks. Ayaw niya naman kasing mangutang dahil malaki ang patubo ng mga ito. Kaya unti-unti na lang siyang nagtatabi ng barya kahit magkano para makapag-ipon. Hindi niya rin nga pinapaalam kay Tongtong ang tungkol sa iniipon niya dahil baka mamaya ungutan siya ng ungutan para makahingi pa ng sobra sa singkwenta pesos. Kung tutuusin ay malaking halaga na ang singkwenta pesos. Ilang balut ang dapat niyang mabenta para kitain ang tubo at mabuo ang singkwenta pesos. Nakaayos na ang mga paninda ni Vekvek ng dumaan na ang suki niyang madalas ay kanyang buena mano. Ang classmate niyang si Orly pero matanda rin ito sa kanya ng ilang taon dahil repeater ang lalaki sa eskwelahan na kanilang pinapasukan. Repeater si Orly hindi dahil sa bulakbol sa pag-aaral kung hindi mas inunang magtrabaho para makatulong sa nanay at mga nakababatang kapatid. Ulila na kasi si Orly sa ama na namatay dahil sa aksidente sa kalsada. At bilang panganay ay kailangan kumilos ni Orly para sa mga kapatid dahil halos nagkasakit ng malubha ang nanay nito dahil mag-isa ngang kumakayod para sa mga anak. Nagtatrabaho pa rin sa gabi si Orly pero sa araw ay nag-aaral para makatapos ng senior high at kung papalarin pa ay hanggang kolehiyo. Ang gusto lang ni Orly ay magkaroon ng magandang trabaho panustos sa kanyang buong pamilya lalo na sa mga nakababatang mga kapatid. “Isang balut nga para tumibay ang aking tuhod,” ani na nito at saka ibinigay ang beinte singko pesos na presyo ng balot. “Mabuti na lang talaga at ikaw ang buena mano ko, Orly. Kapag kasi iba ang nauunang mamili ay hirap akong magbenta,” sagot naman ni Vekvek at saka na inabot ang balut at suka kay Orly na papasok sa isang fast food chain na bente kwatro oras na nakabukas. “Kaya nga nagmamadali rin akong maglakad. Halos takbuhin ko na nga itong pwesto mo mauna lang akong bumili at kung pwede nga lang ay hintayin ka na kitang dumating dito kung maaga lang akong nakakalabas ng school,” saad pa ni Orly na wala ng inaksaya pang oras at kinain na ang balut biniling balut. Napangiti na lang si Vekvek pero may halong lungkot. Sa loob-loob niya ay gusto niya pa rin kasing makapag-aral. Kaya nga kapag may mga kaklase siyang nasasalubong sa daan ay halos magtago siya sa kung saan para lang hindi na niya na makausap. Naiinggit kasi si Vekvek sa mga dating kaklase na nakakapag-aral pa rin gaya ni Orly. “Kamusta naman ba ang pag-aaral, Orly? Baka naman sa puyat at pagod mo ay napapabayaan mo na ang pag-aaral mo?” tanong ni Vekvek sa masayahin na kaibigan. “Okay naman, Vek. Matataas pa rin ang mga scores ko sa exams.” “Mabuti naman at nakakahiya ka na kung magiging repeater ka na naman sa susunod. Gusto ko ulit mag-aral balang-araw,” ani ni Vekvek. Mataman na napatingin sa kanya ang kaibigang si Orly Si Orly ay nasa bente dos años na na. Matangkad ito at bagamat payat pero mabait ang lalaki. Nakasundo at naging magkaibigan sila ni Vekvek dahil madalas itong nagtatanong sa babaeng kaibigan ng assignment or kung anong project. Nagtitinda naman ng mga kakanin ang nanay ni Orly kaya madalas itong may dalang suman at binibigyan si Vekvek kaya lalo silang nagkasundo na dalawa. “Pwedeng-pwede ka namang bumalik sa pag-aaral,Vek. Ikaw lang naman yata ang naglilimita sa sarili mo,” wika ni Orly sa kaibigan. Isang buntong-hininga ang ginawa ni Vekvek. “Babalik ako sa pag-aaral pero saka na lang kapag kaya ko na ulit. Sa ngayon ay trabaho muna ako.” “Vek, bakit ba ginaganyan mo ang sarili mo? Bakit ba pinahihirapan mo ang sarili mo ng ganyan? Prinsesa sa sa bahay niyo at sa mga magulang mo pero mas pinili mong umalis sa kanila pagkatapos ay makikita kitang hirap na hirap,” sermon ni Orly sa kaibigan. “Orly, kapag na inlove ka baka mamaya ay mas malalala pa ang gawin mo kaysa sa akin. Mahal ko kasi si Tongtong. At ganito naman talaga, hindi ba? Nagsisimula sa wala kapag nag-uumpisa pa lang. Nagtutulungan at kung sino ang mas may kakayahan ay siya talagang magsasakripisyo. Kapag nagmahal ka na ay malalaman mong tama ang sinasabi ko,” paliwanag ni Vekvek. “Ewan ko sayo, Vek. Kung nagkataon lang na kuya mo ako ay baka nabalian ko ng mga buto ang Tongtong na yon at kinalbo na kita o nilumpo para huwag ka ng makaalis ng bahay. Mas nanaisin kong ikulong ka sa bahay kaysa makita kitang ginaganito ang buhay mo.” Napangiti na lamang si Vekvek sa tinuran ng kaibigan. “Mabuti naman pala at hindi kita naging kapatid o tatay, ano?” tatawa-tawa pang sabi ni Vekvek sa kaibigan. “Sa halip tuloy na nag-aaral ka para sa maganda mong kinabukasan ay heto at nasa bangketa ka. Daig mo pa ang may sampung anak na daoat pakainin at buhayin sa ginagawa mong pagtitinda. Sampaguita vendor sa umaga, balut vendor sa gabi. Kulang na lang ay gising ka bente kwatro oras, ha.” “Ang dami mong sinasabi, Orly. Mabuti pa ay humayo ka na at baka ma-late ka pa sa trabaho mo. Mag-ingat ka sa paglalakad at alam mong marami ng mga loko-loko ang malakas mag trip.” Paalala pa ni Vekvek sa masipag at mabait na kaibigan. “Ikaw ang mas mag-ingat dahil babae ka. Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko samantalang ay ikaw ay anong magagawa mo? Dapat nga kasama mo ang kinakasama mo pagtintinda mo sa gabi para may body guard ka. Delikado kahit pa marami kang kasama.” Umiling si Vekvek. “Kapag narito si Tongtong ay baka mas lalo akong walang kitain. Mayat-maya ang gutom ng taong yon. O kaya ay siya lang ang makaubos nitong tinda kong mga sigarilyo,” waring biro pa ni Vekvek. “Paanong hindi magugutom na wala ngang ginagawa sa buong maghapon kung hindi ang humilata at kumain? Baka akala mo ay hindi ko alam na may pagkasugarol ang kinasakasama mo. Nagtataka nga ako kung bakit may pinangsusugal pa ang lalaking yon gayong wala naman siyang trabaho samantalang ikaw ay wala na yatang tulog o pahinga para lang mapakain ang lalaking yon.” Hindi nakaimik si Vekvek sa narinig sa kaibigan. Hindi naman din malayo na mabalitaan ni Orly ang kung anong ginagawa ni Tongtong dahil maraming barkada si Orly na nakikita niyang nakaksama rin n kanyang kinakasama. “Nakikigayaw-gayaw lang siguro si Tongtong. Wala namang pera yon para magsugal pa,” ang pagpakli pa ni Vekvek sa paniniwala ni Orly. “At kung may pera nga siya na pinangsusugal ay malamang na galing sayo, Vek. Kaya saan kumukuha ng kapal ng mukha ang Tongtong na yon na magsugal pa na ikaw lang ang kumakayod para may makain kayong dalawa? Hindi ba siya nahihiya o sadyang wala talaga siyang hiya?” hindi na mapigilan ni Orly ang magtanong dahil maging siya ay talagang naiinis na sa kinakasama ng kanyang kaibigan. “Orly, palagay ko ay lumalampas ka na sa boundary ng pagiging magkaibigan nating dalawa. Huwag mo ng panghimasukan ang buhay namin ni Tongtong dahil labas ka na sa amin. Ang mabuti pa ay intindihin mo na lang ang pamilya, pag-aaral at trabaho mo,” waring naiinis na sambit ni Vekvek sa kaibigan na nagmamalasakit lamang. “Kung sa palagay mo ay lumampas na ako ay patawarin mo ako dahil naiinis at sumasama ang loob ko kapag nakikita kang nahihirapan ng ganito samantalang ang Tongtong na yon ay puro pasarap sa buhay,” patuloy pang giit ni Orly. “Orly, kung anong buhay ko ngayon ay pinili ko naman ito dahil nga mahal ko si Tongtong. At ayoko na nagsasalita ka ng hindi maganda laban sa kanya dahil kaibigan kita. Ayokong magalit sayo pero dahil ikaw na rin ang nagsabi na nasasaktan ka kapag nakikita mo ako ay mabuti pang huwag na tayong magpansinan pa. Gaya ng pamilya ko na galit na galit sa akin ay huwag mo na akong lapitan at kausapin pa. Sa iba ka na lang bumili ng balut dahil akala ko pa naman sa lahat ay ikaw ang makakaintindi sa akin dahil nga bestfriend tayo. Pero wala ka rin pa lang pinagkaiba sa kanila. Puro panlalait at paninisi rin ang naririnig ko sayo at nagsasalita ka rin ng hindi maganda kay Tongtong gayong alam mong mahal ko ang taong yon. Kaya para wala ka ng nakikita at para wala na rin akong naririnig na masamang mga salita galing sayo ay huwag na tayong magpansinan pa. Umalis ka na, Orly,” pagtaboy ni Vekvek sa kaibigan. Napailing na lang si Orly. “Kung ganyan ang gusto mo ay gagawin ko. Sana lang ay hindi ka magsisisi sa huli, Vek. At sana nga bago mahuli ang lahat ay magising ka na sa katotohanan. Hindi pagmamahal ang sinasabi mong yan, Vek. Katangahan yan. Dahil ang pagmamahal ay hindi lang iisang tao ang nagsasakripisyo kung hindi dapat kayong dalawa. Hindi lang ikaw ang nagsusumikap bagkus ay partner kayong dalawa.” Mga iniwang salita ni Orly bago pa tumuloy sa kanyang trabaho. Naiwan si Vekvek sa kanyang pwesto habang nakatingin sa bestfriend niyang palayo na sa kanya. “Orly, kapag nagmahal ka na ng isang babae ay maiintindihan mo rin ang nararamdaman ko. Baka mas malalalang sakripisyo pa ang gawin mo. Ayoko lang kasi na nakakarinig ako ng masamang mga salita na galing sayo laban kay Tongtong dahil pareho kayong mahalaga sa akin,” bulong pa ni Vekvek sa kawalan habang hinahatid ng paningin sa tutunguhan ang matalik na kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD