Chapter 4: Bagong kaibigan.
“Sino ang tinitingnan mo riyan?”
Mabilis na napalingon si Kara dahil sa nagsalita. Nagugulat niyang tiningnan ang binatang si Dylan. “Wa-Wala naman,” aligaga nigang sagot.
Lumapit ito sa kanyang kintatayuan at sumilip sa labas. Madilim na kaya wala itong nakita. Siguro naman ay umalis na ang lalaking nakaitim.
“Sigurado ka ba?” nandidilat nitong tanong.
Aligaga na tumango si Kara. “Oo nga! Ang kulit-kulit,” nakangiwi niyang reklamo. Pinitik ni Dylan ang kanyang noo. “Aray!”
“Ayan! Masakit ano?” parang kapatid nitong tanong sa kanya. “Isusumbong kita sa tatay mo. Uuwi na ako. Hindi ako puwedeng magtagal dito at maaga akong aalis bukas. Siguro naman ay maaga ring makakabalik si Mang Antonio.”
“Sige. Mag-ingat ka,” paalala niya rito.
Masungit itong tumingin sa kanya. “Ano ba ang tingin mo sa akin? Hoy! Hindi ako kagaya mo na naglalakad na nga lang, natitisod pa,” pang-iinis nito sa kanya.
“Ang sama naman ng ugali mo, Dylan! Kaya siguro wala kang girlfriend. Ang sungit-sungit,” naiinis niyang komento.
“Hindi ko kailangan ng girlfriend. Umayos ka nga! Pinapangaralan kita kaya huwag mong ibaling sa akin ang pinag-uusapan natin.”
“Opo, Manong Dylan. Masusunod po,” pang-aasar ni Kara. Kaagad na nag-angat ng kamay ang binata kaya naman mabilis na tinakpan ni Kara ang kanyang noo. Tumakbo siya papunta sa kanyang kuwarto at kaagad na nagsara ng pinto.
“Kara! Aalis na ako. Magbantay ka,” paalala pa nito. Hindi na siya sumagot. Narinig na lamang niya ang pagbukas at pagsara ng pinto.
Bumuntong hininga siya at lihim na napangiti. Kahit papaano ay naranasan niya ring magkaroon ng kapatid sa katauhan ni Dylan. Inayos niya ang kanyang higaan at naghanda na sa pagtulog dahil maaga pa siyang gigising bukas. Hindi na muna niya hihintayin ang kanyang ama dahil alam niyang mapupuyat lamang siya. Total naman at nasa trabaho ito.
Kinabukasan ay bumangon si Kara dahil sa pagkalansing ng mga gamit sa kusina. Kinusot niya ang kanyang mga mata bago dumilat. Humikab siya at nag-inat ng katawan bago tumayo. Inayos niya kaagad ang kanyang kama at pagkatapos ay naghanap na ng susuotin sa pagpasok sa eskwela. Pumasok siya sa banyo at naligo. Pagkatapos ay nagpalit na ng damit bago lumabas ng kanyang kuwarto. Naabutan niyang nagbabasa ng diyaryo ang kanyang ama habang may mainit at umuusok na kape sa mesa sa harap nito.
“Magandang umaga po, Tatay.” Lumingon ito sa kanya at hindi man lang ngumiti bago ibinalik ang paningin sa binabasa. Hindi man lang siya nito binati. Napanguso si Kara. Simula ng mawala ang kanyang ina ay naging masungit ito at mas naging masekreto.
Naglakad siya papalapit dito. May nakahanda ng tinapay at gatas na tinimpla nito para sa kanya. Naupo siya sa harap ng kanyang ama at tiningnan ito nang mabuti. Sa edad nitong sesenta ay lantad na ang mga kulubot nito sa noo. May bigote rin ito, malaki ang tiyan, at palaging strikto kung makatingin.
“Kamusta po ang trabaho ninyo, Tatay Antonio? Ayos lang po ba?” pangungulit niyang tanong.
Narinig niya itong bumuntong hininga. “Mag-iingat ka sa pagpasok sa eskwela. May pagala-pagalang mga lobo sa lugar natin. Kung wala lang trabaho si Dylan ay ipapahatid at sundo kita sa kanya kaso kailangan niya ring magbenta ng mga kahoy sa bayan.”
“Tatay, naman! Tinatakot ninyo naman po ako,” nakanguso niyang saad.
“Anak, pinapaalalahanan lamang kita. Umayos ka at lampa ka pa naman,” anito.
Mas lalo lamang humaba ang nguso ni Kara. “Tatay, naman, eh! Pinagtatawanan ninyo ako!”
“Hindi naman, anak. Nagsasabi lang ako ng totoo,” pangangatwiran pa nito.
Nagsimula siyang kumain. “Siya nga pala. May sinabi sa akin si Dylan. May nakita raw siyang parang tao sa labas kagabi.”
Bumara sa kanyang lalamunan ang tinapay na kinakain nang marinig ang sinabi ng ama. Nanlalaki ang kanyang mga mata ng salubungin ang mga tingin nitong nagmamatyag. “‘Tay, naman. Ito talagang si Dylan! Kung ano-ano na naman po ang sinusumbong sa inyo. Ayos lang naman ako rito at wala naman akong nakita.”
“Wala ka talagang makikita dahil sira ang mata mo. Sige na. Tapusin mo na ang pagkain mo at baka mahuli ka pa sa klase,” sabi nito.
Mahaba ang nguso na tumango si Kara at tinapos na niya ang kanyang pagkain. Tumayo siya at dinala ang kanyang pinagkainan sa lababo at nagpunas ng kamay. Nagsipilyo siya ng ngipin bago pumasok ulit sa kanyang kuwarto at nang lumabas ay bitbit na niya ang kanyang bag at ilang libro.
“May baon ka ba?” hindi lumilingon na tanong sa kanya ng kanyang ama.
Tumango siya kahit hindi siya nito nakikita. “May su-suweldo naman po ako kahapon, Tatay.” Nahintakutan siya nang maalala ang muntik ng mangyari sa kanya kahapon.
Lumingon ito sa kanya nang may nagtatakang mga tingin. “Sigurado ka ba? Bakit mukhang bigla kang natakot?” usisa nito sa kanya.
Umiling si Kara. “Wala naman po,” kinakabahan niyang sagot. Mabilis siyang tumalikod at diretso ang tingin habang naglalakad palabas ng bahay. “Aalis na po ako at baka mahuli ako sa klase. Paalam po at mag-iingat po ako!” pasigaw niyang paalam upang makaiwas sa mga tanong ng ama. Sigurado siyang gigisahin siya nito at alam niya rin na hindi siya makakaiwas dito.
Tumakbo siya hanggang sa makalayo. Humahangos siyang huminto muna upang habulin ang kanyang hininga. Huminga siya nang malalim bago nagpatuloy sa paglalakad.
Hinawakan niya ang strap ng kanyang bag at pasipol-sipol na naglalakad. Maayos naman ang lahat hanggang sa bigla na lamang niyang aksidente na nasagi ang kanyang kaliwang paa dahilan upang mawalan siya ng balanse at bumagsak siya sa lupa.
“Oh my God!” rinig niyang bulalas ng isang babae. Dali-dali itong tumakbo papalapit sa kanya at tinulungan siya nitong tumayo. Napapikit siya sa sobrang pagkapahiya. “Ayos ka lang ba? Nasaan ang masakit?” nag-aalala nitong tanong sa kanya.
Impit na napangiwi si Kara. Masakit ang kanyang dibdib. Kasing patag na nga ng pader ang kanyang dibdib, nadiin pa sa dahil sa pagkabagsak niya. Nauna ang kanyang dibdib kaya masakit talaga iyon. Sobra siyang nasaktan ngunit hindi niya masabi.
“A-Ayos lang ako. Salamat,” nakangiwi niyang sabi. Tiningnan niya ang kanyang suot at mabuti na lamang at kaunti lang ang dumikit na dumi.
“Sigurado ka ba? I saw you. Sa totoo lang, kanina pa kita pinagmamasdan. Nagulat ako bigla ka na lang bumagsak.”
Mahina siyang tumawa kahit ang totoo ay gusto na niyang maiyak. “Pasensya ka na, huh? Nasaksihan mo pa ang katangahan ko,” ani Kara.
“It’s fine. Pero, ayos ka lang ba talaga?”
Tumango siya. “Natisod ako,” pag-amin ni Kara. Mas lalo lang siyang napangiwi nang maalala ang sinabi sa kanya ni Dylan kagabi. “Clumsy kasi ako pero ayos lang ako.”
Bumuntong hininga ito. “Napansin ko nga. Hindi ka kasi tumitingin sa dinadaanan mo. Parang wala ka sa sarili mo,” komento ng dalaga. Nagsimulang maglakad ang dalaga kaya aligaga siyang sumundo. Nakakahiya naman kung pauunahin niya ito.
“Pasensya ka na. Nagmamadali kasi ako at baka mahuli apa ako sa klase. Mapagalitan pa ako ni Ma’am,” ani Kara.
“Hmm. Huli na talaga tayo sa klase.”
Nanlalaki ang mga mata ni Kara dahil sa narinig. “Huh? Anong oras na ba?” Itinuro ng dalaga ang relos na suot. “Hala!”
“Kaya tayo na.”
“Hala! Nakalimutan ko ang bike!” bulalas niya dahilan upang magulat ang kasama.
“Huh?”
“Ang bike! Ang sabi kasi ni Dylan, gamitin ko ang bike niya kaso nakalimutan ko naman,” napapakamot sa ulo na ani Kara.
Malakas na tumawa ang dalaga. “What the hell? Nakakatawa ka, Girl. Imagine, nagmamadali ka tapos nakalimutan mo pala ang bike mo. Ang ending, late ka pa rin sa klase,” anang dalaga.
Napanguso si Kara. “Hay, naku!”
Tinapik siya nito sa balikat. “Ayos lang 'yan. By the way, ako nga pala si Luna. Louise Natalie. Luna for short,” pakilala ng dalaga.
Ngumiti si Kara. “Ako si Kara Amore. Kara na lang,” pakilala niya. They shook hands. “Salamat sa tulong mo. Nakakahiya man sabihin, lapitin ako ng disgrasya,” kuwento.
Kumunot ang noo nito. “Seryoso ka ba? Malas ka pala,” komento nito.
“Siguro. Pero ayos lang naman ako.”
Sabay silang pumasok sa eskuwelahan at naghiwalay rin dahil sa ibang classroom si Luna at siya naman ay sa kabila. Nagsisimula na ang klase ng marating niya ang kanyang silid aralan. Tinanguan ni Kara ang kaibigang si Camilla habang nandidilat ito sa kanya nang makita siya. Parang sinasabi ng mga tingin nito na bakit ngayon lang lang siya nakarating.
“Magandang umaga po. Pasensya na po at nahuli ako sa klase,” hinging paumanhin ni Kara sa kanilang guro.
Ngumiti ito sa kanya. “Kasisimula pa lang namin. Pumasok ka na, Miss Lloren.”
Tumango siya at nakayuko na pumasok. Naupo siya sa tabi ng kaibigan. “Bakit ngayon ka lang?” pabulong nitong tanong sa kanya.
“Naglakad lang ako. Nakalimutan ko kasing hiramin ang bike ni Dylan,” pangangatwiran niya. “Saka may nakilala akong bagong kaibigan,” pagbibigay-alam niya.
Napanguso ito at mabilis na lumayo sa kanya. “Traydor!” pabulong nitong singhal sa kanya.
“Mamaya na tayo mag-usap,” ankya at humarap na. Dahil vocational lang ang kinuha niyang kurso, nagkakaroon siya ng oras para magtrabaho at mamaya ay papasok siya.
Ang gagawin nila ngayon ay chiffon cake. Kumuha na siya ng sariling ingredients at pumunta na sa kanyang puwesto. Katabi niya ang dalagang si Camilla. Kaagad itong dumikit sa kanya.
“So, kuwento mo naman ang sinasabi mong bagong kaibigan,” may diin pang sabi nito.
Nakangiti siyang lumingon sa kaibigan bago ibinalik ang paningin sa ginagawa. “Kanina kasi, naglalakad ako. Tapos, bigla ba naman akong natisod. Sa sobrang lakas ng pagkakabagsak ko sa lupa, nagulat siya at natakot. Naroon ang pagkataranta sa mga mata niya. Ilang beses pa nga niya akong tinanong kung ayos lang ba ako. Sa totoo lang, sobrang sakit.” Itinuro niya ang kanyang dibdib na may bahid pa ng dumi. “Ito. Ito ang unang bumagsak. Flat chested na nga ako, mas lalong naging patag ang hinaharap ko. Biruin mo, parang ganito.” Para siyang bata na nagde-demo kung paano siya bumagsak.
Napahagalpak ng tawa ang dalagang si Camilla dahilan upang batukan ito ni Kara. “Aray ko!” reklamo nito.
“Pinagtatawanan mo ako,” nakanguso na usal ni Kara.
Mas lalong tumawa ang dalaga. “Paano ba naman kasi, eh, ang lampa-lampa mo. Hay, naku! Bigla-bigla ka na lang natitisod. Masakit ba ang tuhod mo?” nag-aalala nitong tanong sa kanya.
“Wow! Pagkatapos mo akong pagtawanan, tatanungin mo ako kung ayos lang ang tuhod ko? Ibang klase kang kaibigan,” nakasimangot niyang singhal. “Kita mo namang nakakalakad pa ako,” sagot niya.
“Hahaha! Siguro, natatawa siya sa histura mo, kaso, mas lamang ang awa kaya panay tanong niya kung ayos ka lang.”
Tumango siya. “Siguro nga,” natatawa ring usal niya. Maski siya ay natatawa na naaawa sa sarili. “Hahay! Ewan ko ba, ang lapitin ko talaga sa disgrasya,” komento niya pa.
“Tama ka,” tatango-tango nitong sagot.
“Yes! Sa sobrang daldal mo, natapos din ako.”
“What? s**t! Diyan ka na at hindi pa ako tapos,” nagmamadali nitong sabi.
Natatawa niya itong tiningnan. “Inuuna kasi ang chismis. Ayan, tuloy!” kantiyaw niya pa. Nakasalang na sa oven ang kanyang cake at hinihintay na lang niya na maluto ito at puwede na siyang umalis para magtrabaho. Hihintayin na lang din niya ang kaibigan dahil malapit na ang lunch time at marami na naman silang suki. Hindi puwedeng siya lang ang papasok.
Tumunog ang kanyang oven at dahan-dahan niya itong binuksan. Umaalingasaw ang mabangong amoy ng cake dahilan upang mapabaling sa kanya ang kanyang mga kaklase. “Alam kong magaling ako kaya huwag na ninyo akong purihin,” mayabang niyang sabi.
“Tsk! Alam namin.”
“Duh! Talo naman kami palagi sa ’yo.”
“Oo nga! For sure, magiging valedictorian ka sa grupo natin.”
Nakangiting lumapit sa kanya ang kanilang guro at tiningnan nito nang maigi ang kanyang gawa. Tumango-tango ito at ngumiti sa kanya. “Ang galing mo talaga, Kara. Masarap ka ring magluto. Ang suwerte siguro ng magiging asawa mo.”
Umugong ang tawanan at kantiyawan dahilan upang pamulahan siya ng pisngi. “Salamat po,” nakangiti niyang sabi. “Pero hindi pa po ako mag-aasawa,” aniya.
“Hmm. Maganda rin namang maghanap muna ng magandang trabaho bago ang pag-aasawa. Lalo na at maliit lang ang bayan natin.”
Tumango siya at inayos na ang kanyang nilutong cake. Puwede niya itong ibenta dahil binayaran naman niya ang ingredients na ginamit.
“Tapos na rin po ako, Ma’am,” anang kanyang kaibigan.
“Good.”
“Grabe! Hindi man lang ba ninyo titingnan?” nakanguso na tanong ni Camilla. Natatawang pinanood ni Kara ang kaibigan.
“Ayos na iyan, Camilla. Alam ko naman na ginawa mo ang makakaya mo kaya bibigyan kita ng E for effort,” biro pa ng kanilang guro dahilan upang magtawanan ang lahat.
“Grabe naman po kayo!” mangiyak-ngiyak nitong sambit.
“Oh, siya nga pala. May gagawin tayong field trip. Dadayo tayo sa kabilang bayan para tingnan ang kanilang mga delicacies. Naimbitahan tayo ng isang cake factory. Manonood lang tayo ng mga proseso at kukuha kayo ng mga ideya sa mga mapapanood ninyo.”
“Hay, may bayad na naman?” angal ni Camilla kahit pa sa kanilang lahat, mas marami itong pera dahil masipag itong mag-ipon. Maging siya ay namomroblema kung saan kukuha ng perang ipambabayad.
“Of course, may bayad dahil magrerenta tayo ng bus.” Tumango ang lahat. “Kung tapos na kayo ay puwede na kayong umalis. Clean your area first, Class at gagamitin ito ng susunod na klase.”
Kaagad silang nagsipagkilos at pagkatapos ay sabay silang lumabas ni Camilla. Narinig niya itong bumuntong hininga. “Grabe! Parang hindi yata para sa akin ang pagbe-bake,” namomroblema nitong komento.
Nagugulat niya itong nilingon. “Bakit naman?” tanong niya habang nagtataka. Pansin niyang bagsak ang mga valikat nito.
“Kasi naman, ang galing mo! Pakiramdam ko tuloy ay wala akong silbe. Ikaw lang palagi ang pinupuri ni Ma'am at saka, hindi ko mapantayan ang pagiging magaling mo.”
“Hahay! Ayan ka na naman. Umayos ka nga? Balang araw, magiging magaling ka rin kaya huwag kang sumuko. Kagaya ng ilang beses kong sinasabi sa ’yo, pagbutihin mo lang ang pagsagap ng chismis.”
“Buwisit ka talagang kaibigan!” Binatukan siya nito.
“Hahaha!”
“Ewan ko sa ’yo.”
Bago pa man sila makababa sa gusali ay may nakasalubong silang mga estudyante. May maiingay, nagtatawanan, nag-uusap, sabay-sabay na naglalakad. Ngunit ang mas nakaagaw ng kanyang atensyon ay ang isang lalaki na seryosong naglalakad sa hulihan at parang wala itong pakialam sa maingay, at magulo na paligid.
Halos umikot na ang kanyang ulo sa sobrang pagsunod niya ng tingin sa binata. Kinalabit sita ni Camilla.
“Hoy!”
Napabalik siya sa huwisyo at gulat na tiningnan ang kaibigan. “Ba-Bakit?” nagtataka niyang tanong.
Kumunot ang noo nito sa kanya. “Napapaano ka? Sino ba ang tinitingnan mo sa grupong iyon?”
“Huh?” natigagal niyang tanong.
Nang-aasar ang mga mata ng kaibigan. “Uy! May crush ka ba roon?” nanunuksong tanong nito sa kanya. Pakindat-kindat pa ang dalaga. Sarap tusukin ng mata.
“Tigilan mo ako! May nahagip lang ang paningin ko,” paliwanag niya. “Saka, anong crush? Hindi uso sa akin ’yan, Camilla.”
“Weh?” pakindat-kindat nitong sabi. “Sinong niloko mo?”
“Tara na nga! Baka ikaw may crush doon.”
“Wala, no! Wala akong oras para diyan,” katwiran nito.
“Oo. May oras ka pa nga na mang-inis sa akin,” pang-iinis niyang wika sa kaibigan.
Natawa ito. “Sorry naman. Malay ko ba na tomboy ka pala,” nakangiwi nitong sagot.
Pinanlisikan ito ng mga mata ni Kara. “Tigilan mo talaga ako, Camilla,” nagbabanta niyang sabi. “Hindi mo talaga magugustuhan ang gagawin ko,” dagdag niya pang sabi.
“Hinahamon kita, Kamahalan na pula ang puwit.”
“Buwisit ka!” Napahagalpak siya ng tawa. Hinampas niya ito sa balikat. Yumuko pa ang timang sa kanyang harapan na seryosong-seryoso. “Kalokohan mo, Camilla!”
“Hahaha!”
Ilang minuto lang ang nilakad nila at narating nila ang Ella's Diner. “Magandang tanghali po!” sabay nilang bati sa kanilang amo.
“Mabuti naman at dumating na kayo. Magbihis na kayo at mamaya-maya lang ay dadami na ang mga suki natin,” utos nito kaagad sa kanila.
Hindi na sila nakaangal at kaagad nang tumalima. Pumasok sila at dumiretso sa likod kung saan naroon ang lagayan ng kanilang mga gamit.
“Wala pa yata si Jake?” tanong ni Camilla sa sarili.
Nagpalinga-linga si Kara. “Oo, nga no? Kamusta na kaya sila ni Sandra?”
“Hayaan mo na sila. Ang aarte-arte naman ng babaeng ’yon. Parang timang,” nakangiwing komento ng dalaga.
“Ang sama talaga ng ugali mo,” saad niya.
“Halika na! Mamaya mo na lang pansinin itong ugali ko at baka mapagalitan pa tayo.”
Sumunod siya sa kaibigan at tama ito. Nagsisimula nang dumagsa ang mga kakain sa kanilang maliit na kainan. Hindi na rin nila nagawang makipagkuwentuhan dahil pareho silang abala. May mga estudyante rin kasi na sa kanila kumakain kaya halos hindi sila magkandaugaga sa pagkilos.
Pareho silang pagod at pinagpapawisan ng dumating ang hapon. Pabagsak silang naupo sa bakanteng upuan. “Ang sakit ng binti ko!” nakangiwing reklamo ni Camilla.
“Ako nga rin. Ang daming customer ngayong araw. Hindi man lang tayo nakapagpahinga,” komento niya.
“Ibig sabihin, malaki ang kita kaya malaki rin ang suweldo natin ngayong araw. May tips pa,” pakindat nitong sabi.
“Mukha ka talagang pera.”
“Sus! Baka nakakalimutan mo, kailangan natin ng pambayad sa renta ng bus.”
“Ay, hala! Oo nga pala! Diyos ko naman. Kaunti lang ang ipon ko,” namomroblema niyang sabi. “Nakakahiya naman humingi may Tatay.”
“Maiba ako, kamusta na pala ang trabaho nila?” bulong nitong tanong sa kanya.
Napangiwi siya. “Ayan ka na naman! Chismis na naman!”
“Sige na! Gusto ko malaman,” pangungulit nito sa kanya.
“Wala naman akong nalaman. Hindi nga sinasagot ni Tatay ang mga tanong ko.”
“Talaga? Natatakot na nga akong gumala. Umabot na sa amin ang mga bali-balita na may lalaki raw silang namataan. Ang sabi-sabi, baka raw ay bampira.”
Mabilis niyang nilingon ang kaibigan. “Huh? Paano naman nila nasabi?”
“Maliksi raw kung kumilos. Biglang susulpot at bigla ring mawawala. Parang hangin at kidlat.”
“Grabeng chismis ’yan.” Tumayo siya at nag-inat ng katawan. Kalalabas lang ng panghuli nilang costumer. Niligpit niya ang pinagkainan nito at naglakad papasok sa kusina. Tahimik na sumunod sa kanya ang kaibigan. “Mag-iingat ka, Camilla. Baka totoo ang sinasabi nila,” paalala niya sa dalaga.
Tinarayan siya nito. “Aba! Ibang klase. Ikaw ang mag-ingat, Kara. Lampa ka pa naman. Sigurado ako kapag hahabulin ka ng bampirang iyon, isang hakbang lang ay madadapa ka na.”
“Ito naman,” nakangiwi niyang saad.
“Tama naman ako. Naglakad ka na nga lang kanina, natisod ka pa. Tingnan mo ang nangyari sa dibdib mo. Mas lalong naging flat,” pang-aasar nito.
“Oo na!”
Sabay nilang kinuha ang kanilang suweldo at pareho silang binigyan ng pang-meryenda. Lalabas na sana sila ng may biglang pumasok. Sabay silang napalingon sa pinto.
“Uy, pogi. Wala na kaming pagkain. Ubos na,” rinig niyang sabi ni Madam Ella, ang may-ari ng Ella’s Diner.