Chapter 5

3240 Words
Chapter 5 Nanatili ang mga tingin ni Kara sa lalaking pumasok hanggang sa makalapit ito sa isang upuan. Prente itong naupo kaya naman ay kaagad na hinila ni Kara palabas ang kaibigan na tulala pa rin hanggang ngayon. “Uy, ano ka ba? May pogi,” nakaismid nitong sabi. Pinandilatan ito ni Kara. “Oo, alam ko. Kaya lang, gagabihin tayo.” Napasimangot ito. “Hay, naku! Kung kailan naman may pogi,” reklamo pa ng dalaga. “Ay, sige. Maiwan na kita. Baka nakakalimutan mo na ang bali-balita na may mga pagala-pagala na lobo? Tapos ngayon, may bampira pa.” “Nananakot ka naman,” nakanguso nitong reklamo ngunit sumunod naman ito sa kanya. “Hintayin mo ako!” tawag la nito sa kanya dahil naiiwan niya ito. Mahahaba at mabibilis ang kanyang mga hakbang. May kakaiba siyang naramdaman sa binatang pumasok kanina kaya mas minabuti niyang umalis na sa lugar. Hindi niya mahulaan kung ano iyon. Parang may mga paru-paru sa kanyang tiyan at nakikiliti siya. Pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang dibdib sa sobrang lakas ng t***k ng kanyang puso. “Hoy! Ano ba naman itong si Kara! Nang-iiwan ka naman!” nagtatampo nitong sambit. Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ang kaibigan na ngayon ay nakasimangot na sa kanya. “Bilisan mo riyan!” pananakot niya pa sa dalaga. Kumaripas ito ng takbo papalapit sa kanya. Dahil sa ginawa ay nabatukan siya nito. “Ang lakas talaga ng tama mo, ano!” piningot nito ang kanyang tainga. Napangiwi siya dahil sa sakit. “Aray ko!” tatawa-tawa niyang reklamo. Hinampas niya ang kamay ng kaibigan. “Bilisan na natin at pagabi na rin.” Hindi na ito nagreklamo at kaagad na sumabay sa kanyang maglakad. Nagsisimula nang umingay ang mga langgam sa paligid. Mga alitaptap ay naglalabasan na sa kanilang mga lungga. Mas lalong kinabahan si Kara dahil sa narinig na kaluskos. “Hoy, ano ’yon? Gago! Baka ano na 'yon?” natataranta at nahihintakutan na tanong sa kanya ng kabigang si Camilla. Kaagad itong kumapit sa kanyang braso. Nagpalinga-linga ito sa paligid. “Hala, Kara! Baka something-something na 'yon?” nakangiti nitong tanong sa kanya na kalaunan ay naging ngiwi rin dahil sa takot nito. “Ang laki-laki mong tao, takot ka. Ang sakit pa ng pagkakahawak mo, oh!” reklamo ni Kara. Itinuro niya sa kaibigan ang braso niya na namumula. Kaagad naman itong napabitaw. “Sorry naman,” hinging paumanhin nito sa kanya. Sabay silang nagyakapan nang may malalag na sanga ng puno at bumagsak ito sa kanilang harapan. Halos mabingi si Kara sa sigaw nilang dalawa ng kaibigan. Muntik pa silang matumba. “Kara! May nakatingin sa atin!” sigaw ng dalaga. “Hoy, umayos ka nga! Ang layo-layo pa natin,” pagpapagaan ng loob ni Kara sa kasama. Hinampas-hampas siya nito. “Bakit kasi ang tagal nating umuwi!” Nagpapadyak ito sa inis. “Paano na 'yan? Mag-isa lang akong uuwi ngayon. Magkaiba pa tayo ng daan,” naiiyak nitong sabi. Bumuntong hininga si Kara. Nakapamaywang niyang hinarap ang dalaga. “Ikaw lang ba ang takot, ha? Umayos ka at hindi ako makahinga.” Binitawan siya nito. Inayos ni Kara ang kanyang suot at nasasakal siya. “Wala ka bang cellphone? May ilaw ang cellphone mo, Camilla. Kaya huwag kang umaktong parang timang diyan.” Sumimangot ito. “Ito naman. Hindi ko na naiisip ’yon.” Naghalungkat ito ng gamit sa sariling bag at siya naman ay kinuha ang cellphone sa kanyang bulsa. Sa sobrang luma ay nahirapan pa siyang pindutin ito. Kumunot ang noo nito nang makita ang hawak niya. “Hindi ka pa rin nagpapalit ng cellphone?” gulat nitong tanong sa kanya. Umiling siya. “Hindi. Regalo ito sa akin kaya may sentimental value ito,” katwiran niya. Ilang segundo lang ay umilaw na ang kanyang cellphone. Nakahinga siya nang maluwag. “Salamat naman. Tayo na. Maghihiwalay pa tayo dahil sa kabilang daan ka,” aniya at naglakad na. Sumunod ito sa kanya. “Pinapaalala mo pa talaga, ano?” “Oo, kaya lakasan mo lang ang loob mo. Sana nga ay susunduin ako ni Tatay,” umaasa niyang sabi. “Sana lahat,” anito. Malayo pa lang ay may nakita silang anino ng babae. Nakaputo ito at dahan-dahan itong naglalakad. Mahaba ang itim nitong buhok at para itong robot kung maglakad. Tumayo ang mga balahibo sa batok ni Kara. Maging ang dalagang si Camilla ay napakapit sa kanya. Nanginginig ang kamay nito. “A-Ano ’yan?” nanginginig sa takot na tanong nito sa kanya. Umiling siya. “Hindi ko alam. Hindi ko maaninag,” aniya. Tama nga ang kanyang ama. Sira na ang kanyang mata dahil sa sobrang pagbabasa ng mga libro. “Hala ka! Minumulto yata tayo,” bulong nito sabi. Mas lalo itong kumapit sa kanya habang papalapit na sila sa babae. Para itong lumulutang sa hangin. Hindi man lang gumagalaw ang buhok nito kahit mahangin. Nang lumingon sa kanila ang babae ay naestatwa silang dalawa ni Camilla habang naglalakihan ang mga bibig dahil sa pagsigaw. Halos mabingi siya habang ang babae ay nagtataka lamang na nakatingin sa kanila na para iniisip nito na mukha silang mga tanga. “Hello,” bati pa nito dahilan upang mas lalong napasigaw sa takot si Camilla. Hinampas-hampas siya ng kaibigan. “Nagsasalita ang multo, Kara! Nagsasalita siya!” nagsisigaw na sabi ni Camilla. Natigilan si Kara nang makilala ang babae sa kanilang harapan. Nagtataka niya itong tinitigan. “Lu-Luna?” gulat niyang tanong. Tumango ito. “Hi,” nakangiti pa nitong sabi. “Bakit nagsisigaw kayo?” nagtataka pa nitong tanong sa kanila. Dahan-dahan na nilingon ni Kara ang kanyang kaibigan. Pinandilatan niya ito bago ibinalik ang paningin sa dalagang si Luna. “I-Ito kasi siya. Bigla na lang sumigaw,” katwiran ni Kara. Tinulak siya ng kaibigan at kinunotan ng noo. “Pinagsasabi mo?” Hindi niya ito pinansin. “Pasensya ka na, Luna, hehe. Akala kasi namin, multo ka.” Tumango ito. “It's fine. Galing akong school at ngayon lang ako uuwi. Kayo?” “Ah, galing kami sa trabaho. Siya nga pala,” nilingon niya ang kaibigan. “Ito si Camilla, kaibigan ko.” Ibinalik niya ang paningin sa dalaga. “Camilla, ito si Luna. Ang sinasabi ko sa iyo kaninang umaga,” pakilala ni Kara. Hilaw na ngumiti ang dalagang si Camilla. “Hello, pasensya ka na, ha? Akala lang namin na multo ka.” Nagkibit-balikat ito. “Ayos lang. Saan ba kayo uuwi?” tanong ng dalaga. “Sa kabilang daan siya, ako naman ay diretso lang,” si Kara ang sumagot. Tumango-tango ito saka ngumiti. “Sabay na kami. Doon din ang daan ko,” presinta nito. Napangiti si Kara. “Talaga? Mabuti naman at may makakasabay si Camilla. Matatakutin kasi itong kaibigan ko,” pagbibigay-alam ni Kara kay Luna. Ngumiti si Luna at sinilip ang mukha ng dalagang si Camilla. “Let's go? Kung ayos lang din naman sa iyo. Wala kasi akong kasabay palagi. Minsan pinagtitripan pa ako ng mga mahilig mambuyo,” kuwento ni Luna. Nagtaasan ang mga kilay ni Camilla dahil sa narinig. Maging si Kara ay nagulat din. “Hala! Ikaw pala 'yong naririnig ko na inaaway ni Amy ba 'yon?” gulat na tanong ni Kara. “Hay, huwag mo ng sabihin ang pangalan niya at naiinis lang ako,” sagot ng dalaga. Nagsimula silang maglakad at nakasunod lamang sa kanila ang dalagang si Camilla. Tahimik lang itong nakikinig sa kanilang pag-uusap at kalaunan ay sumasagot na ito. Naging komportable rin ang dalaga sa bagong nakilala ni Kara. “Oh, siya. Dito na kami. Mag-ingat ka,” paalam ni Luna sa kanya. Tumango si Kara at binalingan ang kaibigan na ngayon ay nakangiti na. Tinanguan niya ito. “Mag-ingat din kayo.” Tumalikod na siya at itinuon ang kanyang cellphone sa harapan. Kahit papaano ay may ilaw siya sa daan. Sana pala talaga ay dinala niya ang bike ni Dylan. “Hay, naku! Ang hirap naman nito. Ang layo pa ng lalakarin ko,” pabulong niyang reklamo. Sa hirap ng buhay ay sa bukid napiling tumira ng kanyang ama. Kahit malaki ang sinasahod nito ay ayaw nitong makilala ng mga tao. Mas gusto nitong maging misteryoso at manatiling walang alam sa mga mata ng ilan. Mabibilis ang kanyang mga hakbang ngunit malayo pa rin ang kanyang lalakarin. Biglang nag-iba ang atmospera ng paligid. Pakiramdam ni Kara ay tumigil ang pag-inog ng mundo. Natigil ang hangin at parang may kakaiba sa paligid. Lumingon si Kara. May nararamdaman siyang sumusunod sa kanya. Wala siyang kasama at tanging ilaw lang ng kanyang cellphone ang nagbibigay liwanag sa kanyang dadaanan. Humarap siya at ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat nang may nakatayong lalaki sa kanyang harapan. Napahakbang siya paatras. Mahigpit niyang hinawakan ang kanyang cellphone. “Sino ka!” sigaw niya sa mukha nito. “Sino ka! Ano ang kailangan mo sa akin?” tuliro na tanong ni Kara. Nanginig ang kanyang kalamnan. Hindi man lang nagsalita ang lalaki. Sinilip niya ang likuran nito gamit lamang ang kanyang mga mata ngunit mukhang naramdaman nito ang balak niyang gawin. Hinablot siya nito at inagaw ng lalaki ang hawak niyang bag. “Ah! Wala akong pera!” malakas niyang sigaw ngunit hindi pa rin nagpatinag ang lalaki. Hindi nagpatalo si Kara. Hindi puwede na manakawan na naman siya dahil kailangan niya pang mag-ipon para sa field trip nila. “Akin na itong bag mo! May pera ka! Alam ko! Nakita kitang inabutan ng suweldo kanina!” Halos malunok ni Kara ang kanyang dila dahil sa narinig. Gulat niyang tiningnan ang lalaki ngunit nakatakip sa mukha nito ang isang itim na mask. Sinipa ito ni Kara ngunit mas malakas ito sa kanya. “Saklolo! Tatay! Tulong po!” Sinampal siya nito sa mukha dahilan upang mabitawan niya ang kanyang bag. Bumagsak siya sa lupa at tumama ang kanyang mukha sa matigas na lupa. Impit siyang pumikit dahil sa sakit. Napadaing siya. Magulo ang kanyang buhok. Hinimas ni Kara ang kanyang pisngi. Mahapdi iyon. “Gago ka, ah!” Kaagad siyang tumayo at hahambalusin na sana ang lalaki ngunit kaagad itong nakailag. Dahil sa biglaang pag-iwas nito ay nasapid siya at bumagsak sa lupa. Napaubo siya. Hindi pa man siya nakakatayo ay narinig na lamang niya ang sigaw ng lalaki sa malayo. Nagtataka siyang nag-angat ng paningin. Nawala ang lalaki sa kanyang harapan ngunit ang kanyang mga gamit ay naroon. Hilong-hilo na tumayo si Kara. Gamit ang nanginginig na mga kamay, hinablot niya ang kanyang bag at tiningnan ang mga gamit sa loob. Dahil madilim ay kinapa niya ang kanyang cellphone na nabitawan niya. Dahil sa pagkakabagsak nito sa lupa ay nasira na ito. Napaiyak siya. “Ang malas ko talaga,” bulong niya sa sarili habang kinakapa sa dilim ang kanyang sapatos na natanggal dahil sa kasisipa niya sa lalaki kanina. Nang mahanap niya ang kanyang sapatos ay kaagad niya itong sinuot. Inalis niya rin sa kanyang mukha ang iilang hibla ng kanyang buhok na nakatakip dito. Mabilis siyang naglakad pauwi. Mabuti na lang ay kabisado na niya ang daan. Hindi na siya nagtagal at narating din niya ang kanyang destinasyon. Nakahinga siya nang maluwag nang makauwi. Huminto siya sa harap ng kanilang tirahan upang huminga nang malalim. Naghahabol siya ng hininga at parang dinamba ang kanyang dibdib dahil sa sobrang bilis ng t***k nito. Pumasok siya sa loob at wala man lang sa loob ang kanyang ama. Malungkot siyang dumiretso sa kanyang kuwarto. Tiningnan niya ang kanyang sarili sa salamin. Naiiyak siyang tumingin ng diretso sa repleksyon ng kanyang mga mata. “Napakamalas mo talaga, Kara. May nunal ka yata sa puwit ano? Hindi mo lang talaga nakikita kaya hindi mo alam,” parang baliw na pagkausap niya sa kanyang sarili. Lumabas siya at kumuha ng yelo sa kanilang maliit na refrigerator. Kumuha siya ng maliit na tuwalya at binalot ang yelo bago idinampi sa kanyang nasaktan na pisngi. Nakarinig siya nang malalakas na katok kasunod ang pagtawag ni Dylan sa kanyang pangalan. Tinungo niya ang pinto at binuksan ito nang bahagya. Nakasilip sa siwang ng pinto ang mukha ng binata. “Ginabi ka yata? Heto, may dala akong ulam at mukhang abala na naman si Mang Antonio,” anito sa kanya. Pinapasok niya ang binata. “May trabaho pa kasi. Ang daming suki kaya natagalan ako,” sagot ni Kara habang sa malayo ang paningin. Ayaw niyang salubungin ang mga nagtatanong na mga mata ng binata. “Bakit may yelo?” nanghuhuli nitong tanong sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin. “Masakit ang ngipin ko, eh,” pagsisinungaling niya pa. Mas lalong nangunot ang noo ng binata dahil sa kanyang sinabi. Mukhang hindi ito naniniwala sa kanya. Hindi ito nagsalita bagkus ay ipinaghanda siya nito ng pagkain. “Kumain ka muna.” Kumuha ito ng plato at kutsara at pinanood siya nitong kumain. Para siya nitong binabantayan. “Salamat sa ulam,” pasasalamat ni Kara kahit ang totoo ay wala siyang ganang kumain. Pinilit na lamang niyang ubusin ang pagkain na dala ni Dylan at ayaw niyang magtampo ito sa kanya. “Hmm. Simpleng bagay,” mayabang nitong saad. Tumayo na ang lalaki at naglakad na palabas. “Uuwi na ako. Matulog ka,” parang kuya na utos nito sa kanya. Tumango siya at ngumiti rito. Hinintay niya itong umalis bago siya tumayo at hinugasan ang kanyang pinagkainan. Maaga rin siyang natulog upang mas maaga siyang magising. KINABUKASAN ay bumangon siya nang maaga dahil naalala niya na may blood donor ngayong araw. Kaagad niyang hinagilap ang kanyang bag at tiningnan ang kanyang mga gamit. Buo pa naman ang pera niya ngunit ang kanyang cellphone ay nasira at hindi na nabubuksan. Ilang beses niya itong pinilit na buksan ngunit hindi siya nagwagi. Bumuntong hininga na lamang siya. Tumayo si Kara at kaagad na pumasok sa banyo upang maligo. Naririnig niya ang tunog ng radyo at mukhang nakauwi na ang kanyang ama. Pagkatapos niyang magbihis ay lumabas na siya ng kuwarto. “Magandang umaga po, Tatay! Kamusta po ang trabaho ninyo?” magiliw niyang tanong sa kanyang ama. Lumingon ito sa kanya. “Maayos naman. At baka nakakalimutan mo na ang sinabi ko, mag-ingat ka palagi. Napapabalita na sa atin na ang daming nananakawan at naho-hold up. Mag-isa ka pa namang uuwi,” anito habang nagbabasa ng diyaryo. Napalunok si Kara at dahan-dahan na naglakad papalapit sa mesa. Tahimik siyang umupo sa kaharap na upuan ng kanyang ama. Tumikhim siya at pilit na ngumiti. “Mag-iingat po ako, Tatay. Saka, nahuhuli naman po ba ninyo?” usisa ni Kara. Gusto niyang malaman kung may nahuhuli ba ang Union. Hindi naman nila trabaho ang manghuli ng mga magnanakaw at masasamang loob na mga tao pero ginagawa ito ng kanyang ama para sa kaligtasan ng lahat. Tumango ito ngunit nakakunot ang noo na animo ay may iniisip. “Hindi kami ang nanghuhuli,” sabi nito na animo ay sinagot nito ang kanyang tanong kahit hindi niya sinabi. “Ang ipinagtataka namin, nakagapos ang mga lalaki at nakahiga lang ito sa harap ng opisina namin. Nagugulat na lang kami at bigla silang lumilitaw nang hindi namamalayan,” mahaba nitong kuwento. “Nakapagtataka,” namamangha pa nitong usal. Maging si Kara ay namangha sa narinig. Nanlaki ang kanyang mga mata. Naalala niya ang nangyari kagabi. Wala sa sarili niyang hinaplos ang kanyang nasaktan na pisngi. Nawala ang pamamaga nito at kahit may kirot pa siyang nararamdaman, hindi na halata ang pamumula nito. Natatakot nga siya at baka magkapasa pa ito ang malaman pa ng kanyang ama. Sigurado siya na magagalit ito sa kanya. “Paano po nangyari iyon?” nagtataka rin niyang tanong kahit pa may ideya na siya sa kanyang isipan. Marahil ay tama ang kanyang hinala. May nagbabantay sa kanya ng palihim at sinusundan siya nito pag-uwi at pagpasok niya sa eskuwela. Nararamdaman ni Kara ang presensya nito. “Hmm. Hindi rin namin alam,” buntong hininga nitong sagot. “Nagugulat na lang din kami. Ang mga napupunta sa amin ay may mga karatula sa kanilang dibdib na nagsasabi na sila ay magnanakaw. Maging ang mga ito ay nagugulat kapag nagigising. Para silang nanggaling sa mahaba at mahimbing na pagtulog,” paliwanag pa nito. Tumango-tango si Kara kahit ang totoo ay wala siyang pakialam. Hindi mawala sa kanyang isipan ang mukha ng lalaki kahapon. Bakit kaya ito pumunta sa diner? Mukhang hindi naman nila ito customer at mukhang mayaman din ito kaya imposible na bumisita ito sa kanilang munting kainan. “Kumain ka at baka mahuli ka na naman. Nalaman ko pa kahapon kay Dylan na naiwan mo ang bike niya pero mabuti na rin dahil kailangan niya itong gamitin. Gusto mo bang bumili ako ng bike para sa iyo? Para hindi tayo manghihiram palagi,” anunsyo nito dahilan upang manlaki sa gulat ang mga mata ni Kara. Umiling-iling siya. “Huwag na po,” tanggi niya. “Ang mahal po kasi,” katwiran pa ni Kara. Kumunot ang noo ng kanyang ama. “Aba! Ano na lang ang gagawin ko sa suweldong pinagpaguran ko? Kailangan mo iyon, Kara. Kahit papaano ay hindi ka na mahirapan. Malayo-layo rin ang nilalakad mo palagi kaya alam ko na napapagod ka na.” Alam niyang nag-aalala lang ang kanyang ama dahil sa masamang balita na kumakalat ngayon pero hindi niya kailangan ng bike. “‘Tay, ayos naman po ako. Ipunin na lang lo ninyo ang pera ninyo. Magagamit po ninyo iyan pagdating ng panahon,” pangungumbinsi ni Kara. “Saka po, ‘Tay, may gagawin po kaming field trip. Magrerenta po kami ng bus at kailangan naming magbayad.” “Kaya nga renta kasi may bayad.” Natigilan siya. “Opo. Pero may bayad na po ako,” mabilis niyang sabi. Ayaw niyang manghingi ng pera. Nagpapaalam siya para mabilis siyang payagan nito at kung hindi man ay kahit papaano, may maiisip pa siyang paraan para makumbinsi ito na sumama siya total para din naman ito sa kanya. “Sige. Ikaw ang bahala,” anito. Napangiti siya nang pumayag ito. Kaagad niyang tinapos ang kanyang pagkain. Ganito ang routine nila palagi. Ang kanyang ama ang nag-aasikaso ng kanyang pagkain sa umaga dahil iyon lang ang libre nitong oras. Halos buong araw ay nasa trabaho ito at minsan pa ay natatagalan bago ito umuwi kaya bumabawi ito sa kanya sa pamamagitan ng paghanda ng kanyang pagkain sa umaga. Kinuha niya ang kanyang bag at dumiretso sa bahay ni Dylan pagkatapos niyang magpaalam sa kanyang ama. Malapit lang naman ito. Kumatok siya sa pinto. “Dylan! Gising ka na ba?” tawag niya sa binata. Ilang sandali lang ay narinig niya na ang mga yabag nito. Bumukas ang pinto ay iniluwa nito ang inaantok pa na mukha ng binata. “Ang aga mo namang manggising. Bakit?” humihikab pa nitong tanong sa kanya. Ngumiti siya. “Pahiram ako ng bike mo,” ani Kara. “Baka kasi matagalan na naman akong makauwi mamaya,” nakanguso niyang sabi. “Please?” pagmamakaawa niya pa. Tumango ito. “Ibalik mo nang maayos sa akin at kapag hindi ay babalatan kita ng buhay,” banta pa nito sa kanya. Nakangiti siyang tumango. “Yes, Master!” sambit niya bago sumaludo sa binata. Parang bata siyang nagtatalon papalapit sa bike na nakaparada sa labas ng bahay. Pinanood siya ng binata na sumakay at nagpadyak paalis. Parang hangin sa bilis ang kanyang pag-alis dahil pababa siya ng bundok. Mabilis siyang nakarating sa eskuwelahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD