Habang nilalagyan ng posas ang mga kamay ni Romulo ay hindi na ito nagpumiglas pa. Nakatingin lang ito sa sahig at walang kibo. Nanginginig ang mga kamay nito at nanlalamig. Alam na alam ni Apollo na maging ang mga kalamnan nito sa loob-loob ay nangangatal din. Para itong nagliliyab na apoy na biglang binuhusan ng napakalamig na tubig, at ngayon ay usok na lang mula sa baga na nawalan ng ningas. Nang tumapat sa kanya ay nag-angat ng mukha si Romulo, namumula ang mga mata nito dahil sa nag-uumapaw na emosyon. “Apollo, please save my daughter. Please, save her,” sumamo nito. Walang tugon mula sa kanya. Tahimik niya lang na sinuklian ng pormal na tingin ang nagsusumamo nitong pagtitig sa mga mata niya. “Maawa ka kay Elara. Patawarin mo siya sa mga nagawa niya,” tangis nito. Hindi siya an

