Napaungol si Apollo nang tumama sa mukha niya ang sinag ng araw. Umiba siya ng puwesto ng pagkakahiga at tumagilid, tapos ay unti-unting bumalik sa utak niya ang mga nangyari nang nagdaang gabi. Si Ahtisa! Bumalikwas siya ng bangon at napalingap sa paligid. Nasa bahay pa rin siya ng dalaga, sa loob pa rin ng kuwarto nito, pero bakante na ang puwestong kinahihigaan nito kagabi. “Ahtisa?” natatarantang sambit niya sa pangalan nito. Pinakiramdaman niya ang paligid. Tahimik. Wala ni mahinang kaluskos. Kinuha niya ang salamin sa mata na nakapatong sa bedside table at sinuot iyon. Bumaba siya ng kama at binuksan ang banyong nakadugtong sa pinaka-kuwarto. Walang tao sa loob. Hinanap niya ang robang pinagamit sa kanya ni Ahtisa at sinuot iyon, tapos ay lumabas siya ng kuwarto at pinagala ang mga

