Chapter-1
"Saan ka na naman ba nanggaling, Pamela, at ginagabi ka na naman ng ganito sa labas?" Galit na sita niya sa kapatid nang makita itong papasok ng bahay.
"Ate Celina, gising ka pa pala," bati ni Pamela, nakangiti.
"Sige po, Manang Amparo. Magpahinga na po kayo," saad niya sa kasambahay na nagbukas ng pinto para sa kapatid.
"Salamat po, Manang," pasalamat naman ni Pamela bago muling humarap sa ate.
"Bakit napapadalas na yata ang ganitong oras ng pag-uwi mo, Pamela? Saan ka ba galing?" Mabilis niyang sinuri ang suot ng kapatid. Halata namang galing ito sa party, at hindi na niya kailangang lumapit para malaman na nakainom ito. Naamoy niya ang alak kahit may distansya sila.
"Ate naman. Nag-enjoy lang ako saglit," nakangiting sagot ni Pamela. "Birthday ng kaibigan ko kaya napainom."
"Sixteen ka pa lang, Pamela. Hindi ka pa dapat umiinom."
Tumawa si Pamela at humakbang palapit sa kanya.
"Ate Celina naman. Walang masama kung sa ganitong edad ko ay nag-e-enjoy na ako. Kung ako sa'yo, mag-enjoy ka na rin habang eighteen ka pa lang." Napangiti ito. "Baka pagtanda mo, hindi ka na makapag-enjoy sa dami ng responsibilidad na naghihintay sa'yo."
"Umakyat ka na nga at magpahinga. May pasok ka pa bukas." Hindi na niya pinatulan ang kapatid. Hangga't kaya niya itong intindihin, iintindihin niya. Siya ang ate. Siya ang kailangang mas umunawa.
"Goodnight, Ate." Tumakbo na si Pamela paakyat ng hagdan.
Napailing siya bago nagtungo sa kusina. Hindi siya makatulog sa dami ng iniisip kaya bumaba siya para kumuha ng maiinom. Pagdating doon, kumuha siya ng malamig na tubig at naupo.
"Celina, bakit gising ka pa, anak?"
Napalingon siya at nagulat nang makita ang Mommy niya sa may pintuan. May hawak itong isang bote ng wine at ilang prutas.
"Mommy, madaling araw na po. Bote pa rin ng alak ang hawak ninyo."
"Hindi ako makatulog," simpleng sagot nito habang inilalagay ang mga prutas sa mesa.
"Mommy, tama na po ang pag-inom. Hindi na po nakakabuti sa katawan ninyo."
"I know what I'm doing, Celina." Ngumiti ang ina bago kinuha ang mga prutas at wine. "Matulog ka na. May meeting ka pa bukas sa opisina bago ang class mo."
"Yes po, Mommy." Lumabas na ang ina.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata nang maiwan siyang mag-isa sa kusina.
Sa edad na eighteen, pakiramdam niya ay parang wala na siyang karapatang maging bata. Dalawang taon na ang nakalipas mula nang mawala ang Daddy niya dahil sa lung cancer. Simula noon, nagbago ang lahat. Hindi kinaya ng Mommy niya ang pagkawala nito. Noong una, sinubukan nitong ipagpatuloy ang pagpapatakbo ng mga negosyo ng pamilya, pero habang lumilipas ang panahon, lalo lamang itong nawalan ng gana. Mas madalas na itong nasa bahay, at mas madalas ding nakikitang may hawak na alak.
Kaya siya ang unti-unting sumalo sa mga responsibilidad na naiwan ng ama. Mabuti na lamang at bago pa ito nagkasakit, madalas na siyang sumasama rito sa opisina. Mahilig siyang magmasid habang nagtatrabaho ito, kung paano makipag-usap sa mga empleyado, humarap sa clients, at gumawa ng mahahalagang desisyon. Hindi niya akalaing darating ang panahon na kakailanganin niya ang lahat ng natutuhan niya roon.
Mayroon silang travel agency at interior design business. May sarili rin silang building sa San Nicolas kung saan matatagpuan ang kanilang mga opisina. Bukod doon, mayroon silang ilang paupahang properties at mga lupang dating pinaplano ng Daddy niya para sa mga susunod nitong negosyo. Lahat ng iyon ay pinaghirapan ng ama niya. At ngayon, nasa balikat niya ang responsibilidad na panatilihin itong buhay.
Hindi dahil madali, kundi dahil ayaw niyang masayang ang lahat ng pinaghirapan nito
Kaya kahit nag-aaral siya ng Business Management sa San Nicolas University, pumapasok din siya sa opisina para asikasuhin ang mga kailangang gawin. Umaasa siyang balang araw, kapag nasa kolehiyo na rin si Pamela, tutulungan na siya nito. Kahit papaano, magkapatid sila. Pareho nilang mamanahin ang lahat ng pinaghirapan ng kanilang ama.
Pero sa ngayon, parang siya lang ang gustong lumaban. Si Pamela ay abala sa sarili nitong mundo. At ang Mommy naman niya ay unti-unting nilulunod ang sarili sa alak.
Huminga siya nang malalim.
"Hinding-hindi ako susuko." Mahina niyang sambit sa sarili. "Hindi ko hahayaang masayang ang lahat ng pinaghirapan ni Daddy."
Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya hinahayaan ang sarili niyang mapagod. Kahit gusto na niya minsan. Kahit gusto rin niyang magkaroon ng buhay na para sa sarili niya.
Sa edad na eighteen, wala pa siyang naging boyfriend. Marami ang nagtatangkang manligaw sa kanya, pero palagi niyang tinatanggihan. Wala siyang panahon. Hindi niya kayang isabay ang isang relasyon sa lahat ng responsibilidad na pasan niya.
Siguro nga, darating ang araw na tatanda siyang dalaga. At ayos lang iyon. Basta maayos ang buhay ng kanyang Mommy at so Pamela. Basta mapanatili niyang buo ang pamilyang naiwan sa kanya.
Iyon lang naman ang gusto niya. At iyon lang ang pinaniniwalaan niyang kailangan niya.