Chapter 2

1375 Words
BELLA’S POV Masaya akong nanonood kina Ben at Gray habang nagbubukas si Ben ng mga pasalubong ko para sa kaniya. Kita ko ang excitement sa mga mat ani Ben habang si Gray naman ay nakaupo sa tabi niya at nanood sa kaniya habang may hawak na laruang truck-truckan. “Wow!” masayang saad ng anak ko nang makita ang malaking box. Maging ang mga mata niya ay tila tumatalon sa tuwa. Tumingin siya sa akin. “Mama…” Ngumiti ako sa kaniya at tumango. Mahilig sa mga jigsaw puzzle ang anak ko at ngayon ay binigyan ko siya ng isang malaking jigsaw puzzle. Anim na taon pa lang si Ben pero iyon na talaga ang kinahihiligan niya. Madalas ay matyaga talaga niya iyong binubuo. Mabilis siyang tumayo at lumapit sa akin para yakapin ako. “Thank you po, Mama.” “You are welcome. Happy si Mama na makitang happy ka,” tugon ko sa kaniya. Alam kong hindi pa rin sasapat ang mga pasalubong ko sa kaniya para punan ang ilang taong pagkukulang ko sa kaniya. Kaya talagang binibili ko lahat ng gusto niya kahit hindi niya sabihin, para man lang makabawi ako kahit sa ganoong paraan. “Happy po ako sobra, kasi bumalik ka na.” Umupo siya sa tabi ko habang hawak pa rin niya ang box. “Pwede po bang huwag na kayong umalis? Dito na lang po kayo ni Gray?” malungkot na pakiusap niya. Hindi ko mapigilang maawa sa anak ko. Alam kong malaki ang pagkukulang ko sa kaniya. Mag-aapat na taon siya nang iuwi ko siya ng bansa. Iniwan ko siya kay Nanay para magpatuloy ako sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Bata pa siya, kahit na madalas kaming magkausap sa video call, alam kong miss na miss pa rin niya ako at ganoon din ako sa kaniya. Hinaplos ko ang buhok niya bago ko siya tinitigan sa mukha. Ang gwapo talaga ng anak ko, kaso habang lumalaki siya, nagiging kahawig siya ng ama niya. “O pwede po bang sumama na lang kami ni Lola sa inyo para sama-sama tayo?” dagdag pa niya. “Huwag kang mag-alala. Hindi na aalis si Mama. Dito na lang kami ni Gray kasama ka at si Nanay,” masuyong sagot ko sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ni Ben at hindi makapaniwalang tumingin sa akin. “Talaga po?” Tumango ako habang nakangiti. “Yehey! Hindi na aalis si Mama tapos may baby brother na rin ako na pwede kong i-play,” masayang-masayang saad niya. Natutuwang pinanood ko ang anak ko. Tumingin ako kay Nanay na binuhat si Gray. May edad na rin ang ina ko kaya gusto kong nasa malapit na lang ako para maging siya ay maalagaan ko. “Talaga po? Ibig sabihin, makaka-attend na kayo ng meeting ko sa school?” “Oo, si Mama na ang pupunta palagi, kapag may meeting o event sa school mo. Hindi na ako mawawala,” pangako ko sa kaniya. Mahigpit na muling yumakap sa akin ang panganay ko. Minsan ay umuuwi talaga ako ng bansa, dahil malapit lang naman ang Thailand sa Pilipinas pero hindi naman ako umuwi kung kailan ko gusto kaya aminado akong may mga pagkakataon na wala ako sa tabi ng anak ko kapag kailangan niya ako. Si Nanay ang pumapalit sa pwesto ko. Gumanti ako ng mahigpit na yakap kay Ben. Miss na miss ko na talaga siya. Kanina noong magkita kami sa airport nang sunduin nila kami ni Nanay, hindi pareho kaming naiyak. Talagang siya agad ang hinanap ko nang makalapag ang eroplanong sinasakyan namin. Hindi sapat ang araw-araw na video call namin para hindi ko siya ma-miss. Nanatili lang kaming magkayakap na dalawa. Walang nagsasalita sa aming dalawa, pero nangingilid ang luha ko kaya bahagya akong tumingala at suminghot upang pigilin ko ang pag-iyak ko. Ayaw ko man siyang iwan kay Nanay noon, pero kailangan. May trabaho ako at walang mag-aalaga sa kaniya. “Madami pang pasalubong si Mama sa iyo. Pinamili talaga namin ni Gray,” saad ko kay Ben. Bumaling siya sa iba pang mga pasalubong ko na hindi niya nabubuksan. Malaki ang ngiti niya sa akin. “Thank you, Mama,” wika niya at humalik pa sa pisngi ko bago muling lumapit sa mga pasalubong ko. Lumapit na rin ako sa kaniya at tinulungan ko siya sa pagbubukas. Binaba naman ni Nanay si Gray na gumapang papalapit sa akin. “Sige, magluluto muna ako ng meryenda,” paalam ni Nanay at iniwan. Masaya kaming nagbukas ng mga laruan. Pasalubong para kay Ben. Hindi ko mapigilang mapangiti sa tuwing maririnig ko ang masayang boses ng anak ko sa tuwing natutuwa siya sa mga pasalubong ko. Medyo napagod si Ben sa pagbubukas ng mga pasalubong kaya matapos naming mag-meryenda ay nakatulog silang dalawa ni Grayson. Nakatingin ako sa mga anak ko na magkatabing nakahiga sa kama ko. They are my treasure. Noong dumating si Ben sa buhay ko, hindi pa ako handa noon. Hindi ko iyon inaasahan. Kahit naman si Gray, noong hindi ko rin inaasahan ang pagdating niya. Pero dahil minsan ko nang nalamapasan ang sitwasyon ko kay Ben, nakaya kong muli. Lumingon ako sa may pinto nang bumukas iyon at makita ko si Nanay. Ngumiti siya sa akin. Pumasok siya sa loob ng kwarto at tumingin sa mga apo niya. “Parang ang bilis ng panahon. Lumalaki na sila.” Nakangiti siya habang pinapanood ang mga anak ko. “Dati, ang bata-bata mo pa. Noong dinala kita sa mansion ng mga Haxel, ang liit-liit mo pa noon at palagi ka pang pikon kay Apollo, pero ngayon nanay ka na. Dalawa na ang apo ko.” Bumaling sa akin si Nanay. Naging seryoso ang mukha niya. “Wala ka bang balak sabihin sa akin kung sino ang ama nila?” Hindi agada ko nakaimik sa tanong ni Nanay. Parang may biglang nagbara sa lalamunan ko at mabilis akong umiwas ng tingin sa kaniya. “Bella, tanggap ko naman. Noong malaman ko na may apo na pala ako na maging sa akin ay nilihim mo, wala kang narinig sa akin dahil hinihintay kong kusa mong sabihin sa akin ang totoo. Pero sa ikalawang pagkakataon paanong nabuntis ka ulit? May karelasyon ka ba sa Thailand? Hindi ka naman siguro nakipag-relasyon sa may asawa na, hindi ba?” “’Nay! Hindi ako kabit,” hindi makapaniwalang sagot ko sa kaniya. Hindi ko akalain na papasok sa isip ng ina ko ang bagay na iyon. “Ano? Nabuntis ka lang at hindi ka pinanindigan? Wala bang bayag ang mga nakabuntis sa iyo? Kawawa naman ang mga apo ko, lalaking walang mga ama,” disappointed na saad niya kaya muli akong natahimik. Tumingin ako sa mga maletang nasa gilid. Hindi ko pa iyon nabubuksan, mga gamit namin iyon ni Gray. “’Nay, hindi naman saw ala siyang bayag, ano…” Hindi ko maituloy ang sasabihin ko dahil nahihirapan din akong magpaliwanag. “Ano? Bakit hindi mo masabi sa akin kung sino ang ama ng mga apo ko? Hindi ko naman sinabing maghabol tayo, alam ko naman na kaya mong buhayin ang mga bata, isa pa nandito ako para tulungan ka. Gusto ko lang malaman kung sino ang herodes na bumuntis sa iyo. Magkaiba ba ang mga ama ng anak mo o hindi? Kahit iyon wala akong ideya,” tila stress na saad ni Nanay. Kaya pala mga ang ama ng anak ko ang sinasabi niya kanina. Iniisip din niya ang posibilidad na magkaiba ang ama ng mga anak ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko. Paano ko sasabihin sa kaniya na ang herodes na ama ng mga anak ko ay kilala niya. Na inalagaan pa nga niya. Hindi ko talaga sinabi sa kaniya ang totoo dati dahil alam kong close sila ni Ma’am Lia, maaring hindi niya sabihin pero mas mabuti nang wala siyang alam lalo na hindi naman siya nagtatanong. Isa pa, kapag sinabi ko sa kaniya, paano kung sabihin din niya kay Ma’am Lia? Natakot ako. Pero ngayong nagtatanong na siya, hindi ko alam kong paano ko sasabihin sa kaniya ang totoo. Paano ko sasabihin sa kaniya na walang ideya ang ama ng mga anak ko na may mga anak kami? Siguradong makukurot ako sa singit ng ina ko kapag sinabi ko sa kaniya ang totoo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD